=☆=☆=【Selena's POV】=☆=☆=
Hanggang pinto lang ako ng abandunadong mansyon. Nanlalambot ang mga tuhod ko habang nakatayo dahil sa pinagsamang pagod, ginaw, at takot. Napatingin ako sa mga taong nakasilong sa hindi kalayuan at mga nakatingin na ang lahat sa akin. Ang iba naman ay tinutok pa sa akin ang phone at tila ba kinukuhanan ako ng litrato. Wala akong nagawa kung hindi ang umatras papasok pa lalo ng lumang mansyon at napatalikod na naging dahilan kung bakit ngayon ay nakaharap na ako sa loob ng bahay.
Ano ba yan! Mga etsoserong mga palaka naman kasi ng mga taong yun. Nagtago ako sa gilid ng pinto kung saan ay tago na ako sa mga mata ng mga tao.
May usap-usapan kasing kumakalat patungkol sa mansyon na ito. Kaya daw ito naabanduna dahil sinumpa daw ang mansyon na ito at ang lahat ng taong papasok dito ay hindi na nakakalabas at walang kahit na sino ang nakakaalam kung saan napupunta ang mga taong pumapasok dito. Kaya simula nuon ay wala ng nagtangkang pumasok dito. At one point pa nga daw ay sinubukan itong guhuin ng gobyerno upang bilhin ang lupa at patayuan ng mall ngunit yung mga construction worker daw ay hindi na muling nakita pa.
Hindi naman ako naniniwala sa mga kwento-kwento. Kaya lang ako natatakot dahil totoo namang nakakatakot ang mga abandunadong bahay. Baka mamaya ay kung ano pa ang makita ko sa loob ng bahay na ito.
Mayamaya ay sumilip akong muli upang tignan kung humihina na ba ang ulan ngunit sa kasamaang palad ay lalo pa itong lumakas.
"Please naman oh! Tumigil ka nang ulan ka! Kailangan ko ng mapuntahan ang kapatid ko. Paniguradong nagugutom na 'yun!" pagmamakaawa ko sa ulan kahit alam ko namang hindi ako naririnig nito. Binaba ko muna ang plastic na hawak ko sa lapag at tinignan ang paligid ng bahay habang nakaupo sa isang sulok.
Hindi naman pala ganoon nakakatakot. Sobrang intact pa rin ng buong bahay kahit ang tagal ng abandunado. Hindi katulad ng ibang abandunadong bahay na halos bulok na ang lahat.
Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin na ikutin ang bahay pero natutuwa ako sa mga nakikita ko. Lahat ng mga gamit ay vintage. Noong may bahay pa kami ay nahilig akong mag collection ng mga lumang bagay. Ang ganda kasing tignan tapos hindi lahat ay nagkakaroon ng mga ganoong bagay.
Sobrang laki ng bahay na 'to. I wonder what it looks like noong may nakatira pa dito. Siguro ay may mga nagpaparty dito tapos ang mga tao ay naka gown, may mga nakasuot na mamahaling palamuti at mga nag gagandahan at naggagwaputan ang mga ito.
Hinaplos ko ang mga kagamitan na nasa loob ng bahay kagaya ng sobrang lumang camera na nakapatong sa isang napakagandang stand.
Napapikit ako at napaisip kung anong itsura ng mga sumasayaw. Hindi ko na namalayan na sumasayaw na rin ang katawan ko.
Ano ba yan! Kung ano-anong pinapakielaman ko. Babalik na sana ako sa kung saan ko iniwan ang mga tinapay ng may makita akong nakabukas na kwarto. Sinilip ko ito at kahit dumidilim na sa labas ay kita ko pa rin ang magandang itsura ng kwarto. Kahit na napapalibutan ito ng mga agiw at alikabok, hindi pa rin nito natakpan ang kagandahan ng kwartong ito.
Ano kaya ang totoong rason kung bakit ito naabanduna?
Mayamaya ay hindi ko na napansin na nakahiga na pala ako sa napakalambot na kama. Hindi na ako makatayo dahil sa pagod ng aking katawan, ang nasaisip ko na lang ay ang manatili sa kama na ito. Dito na lang ako magpapatila ng ulan.
Bukas ay February 19, 2020. Anibersaryo ng kamatayan nila mama at papa. Kailangan kong makabalik ngayong gabi dahil pupuntahan namin nila Bruce at Hope ang libingan nila mama. Sakto at may mga tinapay din akong dala. Magtitira ako ng isa para pang alay sa libingan.
Nilingon ko ang bintana sa isang sulok ng kwarto habang komportable akong nakahiga sa kama. Ang ganda ng buwan, pulang-pula tapos parang sobrang lapit sa earth. Ang laki-laki.
Habang nakatitig ako sa pulang buwan ay bigla akong nakaramdam ng antok.
Nagising ako ng makarinig ako ng isang malakas na pagsarado ng pinto. Pagdilat ko ng mata ko ay ang ganda na ng paligid ko. Ang kwartong pinasukan ko na punong-puno ng agiw at napapalibutan ng alikabok, ngayon ay malinis na. Ang malaking chandelier na lumang-luma na ay ngayong napakalinis at tila ba bago pa. Ang mga nakatakip na puting kumot na kagamitan ay ngayong nakikita na ng mga mata ko. Who knew the floor was even white? Not me, that's for sure.
Am I having a lucid dream? YES! Ibig sabihin ay makokontrol ko ang panaginip ko. Habang tuwang-tuwa akong umiikot dahil sa flow ng napakagandang dress na pink at maraming palamuti na suot-suot ko ay may biglang pumasok na mga lalaki sa kwarto ko. Oh my god! Ang pogi nilang tatlo. At kambal pa ang dalawa. Nakatingin sila sa akin habang patuloy pa rin ako sa pag-ikot. Bahala silang tumingin. Panaginip lang naman ito at susulitin ko na. Nagtungo ako sa isang malaking dresser na may malaking salamin. Hinawakan ko ang mukha ko. Ang ganda ko. Sa sobrang tagal ko ng hindi nakakapag-ayos ay nakalimutan ko ng ganto pala ako kaganda.
"Ang ganda ganda ko talaga!" wika ko,
"Of course! I created you!" wika ng isang laalaki sabay tawanan nilang tatlo. Tinignan ko lang siya at tinaasan ng kilay.
"Ang epal ah!" bulong ko, "Pwede bang umalis na kayo. Panaginip ko 'to oh! Ako ang bida!" wika ko sabay tingin muli sa salamin.
Nakita kong muli ang bintana kaya sinilip ko iyun. Ang ganda sa labas. Ang kulay ng kapaligiran. Ang iba't ibang kulay ng ilaw ay tila ba nagpapaligsahan sa ganda.
Agad akong tumungo sa pinto at hinawi ang mga lalaking nakaharang.
"Oh my gosh! Ang ganda. Katulad lang nung ini-imagine ko kanina bago ako makatulog. Buhay na buhay ang loob ng mansyon at marami rin ang nagsasayawan. Lahat sila ay eleganteng tignan. Magaganda at gwapo lahat.
Tumakbo ako palabas ng mansyon, "Where are you going?" sigaw ng lalaking pumasok sa kwarto pero hindi ko siya pinansin.
"Ang ganda! Ibang-iba sa kinalakihan ko ang lugar na ito. May mga nakalutang na parang island sa malayo. Para lang akong nasa isang fantasy world. Ang langit ay kulay ube at asul.
Aapak na sana ako pababa ng mansyon ng biglang hawakan ng lalaki ang braso ko,
"What the hell are you doing? Muntik ka ng makapatay." Napatingin ako sa kaniya.
"Ano bang pinagsasabi mo?" May tinuro siya sa paanan ko kaya napatingin ako.
"Oh my god!" umupo ako at tinignan ng maigi ang isang maliit na elemento. Ang tainga nito ay mahaba at patusok at sa dulo nito ay umiilaw ng dilaw. Ang bilugang mata nito ay kulay matingkad na dilaw. May apat na binti at paa at dalawang maikling kamay.
"Ano 'to?" Hinawakan ko ito at ayun na ang huli kong naaalala ng magising akong muli sa kwarto at napapaligiran ng isang napaka gandang babae at isang napakagwapong lalaki.
Panaginip pa rin ba 'to? Nananaginip pa rin ba ako?
Itinaas ko ang kamay ko at isinampal ko ito sa aking sarili. "Aray!" wika ko ng masaktan ako sa ginawa ko. Napatingin ako sa dalawang tao na nakatayo sa aking gilid. Nakita ko na nagkatinginan ang dalawa at tila ba nagtataka sa ginawa ko.
"How is she?" pagtatanong ng lalaki na kakapasok lang,
What the hell? Am I in hell? Ano ang nangyayari? Napabangon akong bigla sa aking pagkakahiga at tinignan ang kasuotan ko, hindi nagbago ang kasuotan ko. Eto pa rin ang gown na suot ko kanina. Tumayo ako at mabilis na tumakbo papalabas ng mansyon na ito,
"Wait lang!" sigaw ng lalaki. Oh no! Hindi nga ako nananaginip. Paano nangyaring napunta ako dito. Paanong ang mansyon na napasukan ko ay tila ba nag transform sa isang masagana at malinis na mansyon. Ang buong paligid ay sobrang kakaiba. Ang langit ay tila hindi nagbabago. May araw ba sa lugar na ito? At ano ang nakalutang na isla na iyun? Hindi lang isa kung hindi marami ang mga nakalutang na isla sa malayo.
Hindi ko mapagtanto kung anong lugar ito or kung nagtuloy lang ang panaginip ko. Pero hindi e, iba ang pakiramdam ko. Napunta ata ako sa isang parallel universe.
Napaupo ako sa takot na aking nararamdaman. Hindi ko na napigilang maiyak sa sobrang kaba. Tsaka yung kapatid ko. Paano na siya ngayong napunta ako sa ibang mundo? Hindi ito maaari, kailangan kong gumawa ng paraan para makabalik ako,
"Hey! Uhm! Catherine? Sorry, hindi pa kasi ako nakakaisip ng ipapangalan sayo," wika niya.
"Selena!" Tumayo ako sa pagkaka-upo, "Selena Charlotte ang pangalan ko. Hindi mo ako kailangang pangalanan dahil may pangalan na ako," pagtataray ko.