❀⊱Sandy's POV⊰❀
"Nay, bakit po tayo walang ilaw?" Tanong ko. Kauuwi ko lang galing ng trabaho, pero laking gulat ko dahil wala kaming kuryente. Madilim ang buong kabahayan, pero ang mga kapitbahay naman namin ay may mga kuryente. Kami lang talaga ang wala.
"Naputulan po ba tayo ng kuryente?" Tanong kong muli dahil hindi nila ako sinasagot. "Pasensya na anak, 'yung perang ibinigay mo pambayad ng kuryente ay nagastos ko sa gamot ng iyong ama. Inatake kasi siya kaninang umaga ng sakit niya kaya nagawa kong ipambili ng gamot ang pera. Pasensya na anak, nagiging pabigat na kami sa'yo," sagot ng aking ina. Kinuha ko ang kandila na bagong sindi at inilagay ko ito sa isang bago, pagkatapos ay humarap ako ss aking ina. Binuksan ko ang bag ko at kumuha ako ng limang libo at iniabot ko ito sa aking ina.
"Nanay, kaylanman ay hindi po kayo naging pabigat sa akin. Pasensya na po kayo at ginabi ako ng uwi. Ayan po ang limang libo, 'yung dalawang libo po ay pambayad ng kuryente at 'yung tatlong libo po ay itabi na muna po ninyo para may panggastos kayo." Wika ko. Niyakap ako ng aking ina habang umiiyak ito kaya natawa ako kay nanay at gumanti ako ng yakap.
"Nanay naman eh! Gusto mo ba pati ako umiyak dito?" Ani ko kaya natawa na rin si nanay. Napapangiti ako kapag nakikita ko na masaya ang pamilya ko, sapat na sa akin 'yon upang mawala ang pagod na nararamdaman ko sa maghapon na pagtatrabaho ko.
Pagkatapos naming kumain ay ako na ang naglinis ng kusina gamit lamang ang kandila bilang tanglaw sa madilim naming bahay. Siguradong bukas ng umaga ay laman na namin kami ng chismis mula sa mga kapitbahay naming mahadera. Walang ginawa kung hindi ang pag-piyestahan ang kasawian ng ibang tao, duon sila magagaling.
Pagkatapos kong maglinis ng kusina ay naligo naman ako. Maaga pa kasi ang trabaho ko kaya kailangan ko ng magpahinga. Isa pa ay ihahatid ko pa sa eskwelahan ang mga kapatid ko.
Saglit lang akong naligo, buti at puno ang mga malalaking drum ng tubig. Lagi naming pinupuno ang mga drum dahil madalas kaming mawalan ng tubig, lalo na kapag napapadalas ang black out.
Nahiga na ako sa kama. Iniisip ko si Jun kung paano ba niya nalaman kung saan ako nakatira. Sabi naman kasi sa akin ni Celestina ay wala naman siyang pinagsasabihan kung saan ako nakatira, pero syempre hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol sa panliligaw sa akin ni Jun. Saka ayokong magtiwala kay Jun, naaalala ko ang mga sinabi niya sa akin nuon at baka isa itong paraan upang makaganti siya sa akin sa maling akala niya.
Dahil sa kaiisip ko kay Jun ay hindi ko na namalayan na tuluyan na pala akong nakatulog. Malakas na tunog ng alarm clock ko ang gumising sa akin kaya pupungas-pungas pa ako ng bumabangon ako sa kama.
Nagtungo ako ng banyo, mabilisang ligo ang ginawa ko at nag toothbrush na rin ako. Naaamoy ko na rin ang masarap na agahan na niluluto ni nanay kaya nakaramdam na tuloy ako ng gutom.
Pagdating ko ng kusina ay nakahain na, nakaupo na sa lamesa ang dalawa kong kapatid at ang aking mga magulang. Sinalubong nila ako ng isang matamis na ngiti kaya ganuon din ang tugon ko.
"Good morning po sa ating lahat," wika ko ng hindi naaalis ang malaking ngiti sa aking labi. "Good morning anak, ang ganda naman ng gising ng panganay namin," ani ni nanay kaya natawa na ako at naupo ako sa tabi ng dalawa kong kapatid. Pagkatapos naming kumain ng agahan ay inaayos ko naman ang mga gamit ko na dadalhin ako at ang baon kong pagkain. Napatingin ako sa kapatid ko ng magsalita ito tungkol kay Jun.
"Ate, pupunta ba dito mamaya si Kuya Jun? halos araw-araw ka kasi niyang dinadalaw," tanong ni Kali habang nakatingin sa akin at naghihintay ng isasagot ko. Napataas ako ng kilay, tila nagiging magkasundo na nga si Jun at si Kali, mabait naman kasi ang ipinapakita ni Jun sa pamilya ko.
"Bakit mo naman naitanong yan, Kali? Wala naman kaming contact ni Jun sa isa't isa," sagot ko habang inaayos na ang mga gamit nila para sa school. "Kasi ate, sa tingin ko ay love na love ka ni Kuya Jun," ani niya kaya natawa ako ng mahina.
"Hay naku, Kali, ang pag-aaral ang asikasuhin mo muna. Sige na, ihahatid ko na kayo ni Kaitlyn sa school ninyo at baka ma-late pa kayo. Isasabay ko na kayo sa pagpasok ko. Kung ano-ano ang mga itinatanong mo sa akin," wika ko at iniiwasan ko ang mapanuksong tingin sa akin Kaitlyn.
Hindi pa rin natitinag si Kali at tila may iniisip pa rin ito kaya muli itong nagsalita. "Ang gwapo ni Kuya Jun, noh ate? Macho at mabait pa. Lagi pa kaming may pasalubong mula sa kanya at hindi hambog. Hindi katulad ni Kuya Gerald na puro na lang kayabangan ang alam," sabi ni Kaitlyn na biglang sumingit sa usapan. Napatawa kami ni nanay sa sinabi niya.
"Ewan ko ba kay Gerald. Matagal ko na naman siyang binasted pero balik pa rin ng balik at niyayabangan nya lagi si Jun, nahihiya tuloy ako duon sa tao, kasi ipinamumukha ni Gerald na mahirap lang si Jun." Sagot ko sa kapatid ko. "Pero sige na, tapusin nyo na ang pag-aayos ninyo at baka ma-late pa tayo. Bilisan ninyo diyan at tama na ang daldalan," ani ko kaya ngumuso ang dalawang kapatid ko at sinabi na maaga pa naman at marami pang oras. Pagkatapos ay muli na namang sinimulan ang topic tungkol kay Jun.
"Pero ate, iba talaga si Kuya Jun. Parang laging may oras para sa amin, alam mo 'yong nakikita namin sa kanya ang katapatan niya sa pag-ibig niya para sa'yo," wika ni Kali habang sinusuklay nito ang mahaba niyang buhok.
"Hay naku, Kali. Sige na, tapusin nyo na yan at aalis na tayo," sabi ko habang inaayos ang mga gamit ko para sa trabaho. "At huwag nyo nang isipin si Jun. Ang importante ngayon ay makapasok kayo ng maaga sa school. Puro kay Jun ng Jun, hindi naman seryoso ang taong 'yon sa panliligaw sa akin," wika ko kaya ang mga kapatid ko ay tinukso ako ng tinukso.
"Sus, si ate, bakit parang masama ang loob mo sa pagkakasabi mo niyan, ha?" Ani niya kaya natawa lang ako at hinihila ko na ang mga kamay nila palabas ng bahay namin.
Habang papalabas kami ng bahay, narinig ko pa rin ang pag-uusap nila tungkol kay Jun. Napangiti na lang ako at naisip na talagang may kakaibang epekto si Jun sa mga kapatid ko at sa mga magulang ko. Lagi kong naririnig si tatay na botong-boto siya kay Jun, hindi bale na daw na isang mahirap basta daw marespetong tao. Respeto at pagmamahal kasi ang pinakamahalaga sa pamilya namin. Kapag wala kang respeto at pagmamahal sa kapwa mo, iba ang tingin namin namin sa kanila. Kahit na mataas pa ang pinag-aralan mo, kung kulang ka sa respeto at pagmamahal sa kapwa mo, mababa pa rin ang tingin namin sa kanila at mas nakaka-angat ang mga taong tinatapakan nila.
"Ate, tanong lang. May pag-asa ba si Kuya Jun sa'yo?" tanong ni Kaitlyn habang naglalakad na kami palabas ng kanto upang mag-abang ng jeep sa labas. "Kahit luma at sira-sira ang kanyang damit, hindi maipagkakaila na sobrang gwapo ni Kuya Jun. Bagay na bagay kayo." Dagdag nya pang ani.
Napatingin tuloy ako kay Kaitlyn at napataas pa ang kilay ko. "Ang bata-bata mo pa Kaitlyn ay kung ano-ano na ang itinatanong mo. At saka, hindi naman importante kung luma o bago ang damit ng isang tao. Ang mahalaga ay kung paano siya bilang tao. Iyon ang pinaka mahalaga." Sagot ko sa kanya kaya napakamot siya ng kanyang ulo.
"Eh kasi, ate, parang may something sa inyo ni Kuya Jun. Alam mo 'yun, 'yung parang may spark, nakakakilig kapag tinititigan ka niya, tapos minsan nahuli ko si Kuya Jun na hinagod ng daliri niya ang balikat mo, Oh my God ate! Kinikilig ako sa inyo," dagdag pa ni Kaitlyn habang kumikindat at kinikilig. "Oh my God Kaitlyn, isusumbong kita kay nanay, siguradong makukurot na naman 'yang singit mo," wika ko kaya tawa ng tawa si Kali.
"Totoo naman ate, sobra kayong nakakakilig, daig pa 'yung ihing-ihi na sa sobrang kilig," wika pa niya kaya nanlalalaki ang mga mata ko sa sinasabi ng kapatid ko.
"My god, Kaitlyn! Masyado ka pang bata para sa mga ganyang bagay. At saka, wala naman talagang something sa amin ni Jun. Magkaibigan lang kami at huwag nga ninyo kaming gawin love birds, nakakaloka kayo," sagot ko kaya tawa sila ng tawa.
"Pero ate, ang gwapo talaga ni Kuya Jun. Parang siya na yung ideal guy para sa'yo. Kung bibihisan si Kuya Jun ng katulad ng mga nakikita ko sa social media na mga negosyante, maihihilera mo siya sa mga 'yon. Kaya ako, kapag nagkaroon ako ng boyfriend, gusto ko kasing gwapo ni Kuya Jun," sabat ni Kali na kanina pa atat na atat na makisali sa usapan namin. "At saka, lagi siyang nandiyan para sa atin. Hindi ba at 'yun ang importante?" dagdag na ani pa ni Kali kaya napapailing na lamang ako sa kanila.
"Hay naku, Kali. Hindi lahat ng gwapo ay ideal guy, ha? At saka, hindi naman sa lahat ng oras ay nandiyan si Jun. May sarili rin siyang buhay at may sarili siyang mundo na dapat na mas unahin niya kaysa sa atin. Tigilan nyo na nga 'yan at naiinis na ako sa inyong dalawa. Isusumbong ko talaga kayo mamaya kay nanay," wika ko habang mas binibilisan ko na ang paglalakad para makasakay na kami ng jeep at matapos na ang usapan namin tungkol kay Jun.
"Pero ate, paano kung si Kuya Jun na talaga yung para sa'yo? Tatanggihan mo ba dahil sa iniisip mong responsibilidad mo sa amin? Isipin mo din ate ang kaligayahan mo. Kapag ako nakatapos na ng pag-aaral, tutulungan kitang suportahan ang pamilya natin" wika ni Kaitlyn na tila hindi pa rin sumusuko. "Hindi mo ba siya bibigyan ng chance?" Tanong pa niya.
Napabuntong-hininga ako at ngumiti. "Kaitlyn, hindi natin alam ang future. Kung para sa akin si Jun, darating din ang tamang panahon para diyan. Pero sa ngayon, mag-focus muna tayo sa mga dapat nating gawin. Tigilan muna ninyo ang pagiging mga kupido ninyo tungkol sa aming dalawa ni Jun. Mag-focus muna kayo sa inyong mga pag-aaral." Wika ko hanggang sa nakarating na kami ng kanto.
Isang jeepney ang huminto sa harapan namin kaya sumakay agad kami. Wala namang masyadong sakay ang jeep kaya hindi kami nakipagsiksikan.
"Manong heto po ang bayad naming apat." Wika ng isang boses na kilalang-kilala ko kaya bigla akong napalingon sa katabi ko.
"Good morning," wika ni Jun na malaki ang pagkakangiti sa akin. Maging ang mga kapatid ko ay gulat na gulat at tuwang-tuwa ng makita nila si Jun.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ko. "Nakasakay sa jeep para magtrabaho. Bawal ba?" sagot ni Jun kaya umikot ang mga mata ko. Natawa naman si Jun at simple akong napangiti ng marinig kong muli ang kanyang mahinang pagtawa. Maging ang kanyang pagtawa ay lalaking lalaki.
"Kuya Jun, pupunta ka ba sa amin mamayang gabi sa bahay?" tanong ni Kaitlyn kaya tinaasan ko ito ng kilay at bahagya ko siyang siniko.
"Oo pupunta ako sa inyo mamaya, aakyat ulit ako ng ligaw," sagot niya kaya tumulis-tulis ang nguso ko at salitan na nagtataas-baba ang mga kilay ko. Hindi ko alam kung dahil sa natutuwa ba ako o naiinis ako sa dalawa kong kapatid.
"Ayos! Sigurado kasing nanduon din mamaya sa bahay namin si Kuya Gerald. Nayayabangan kasi ako duon," ani ni Kaitlyn kaya sinaway ko na ito. Buti na lang at malapit na kami sa school nila kaya pumara agad ako.
Pagkahinto ng jeep ay nagulat pa ako ng maunang bumaba si Jun, pagkatapos ay tumayo ito sa may daanan at inilahad ang kamay sa akin. Dahil ayokong maging dahilan ng traffic ay inabot ko ang palad niya. Parang may kung anong kuryente ang dumaloy sa buo kong katawan ng maglapat ang aming mga palad.
"Ayiiie, si ate kinikilig!" Wika ng dalawa kong kapatid. Pinandilatan ko sila ng kanilang mga mata habang pero parang nang-aasar pa ang mga ito na itinutulak ako upang mapatabi ako kay Jun.
"Uhm, pwede ko ba kayong isama bukas sa isang lunch? Saturday naman bukas at walang pasok ang mga bata. Off ka rin naman bukas, hindi ba?" ani ni Jun, pero hindi naman ako makasagot.
"Oo ba! Sige sasama kami nila ate bukas kumain sa labas," sagot agad ni Kaitlyn. Bahagya ko siyang siniko pero inirapan lang ako ng maldita kong kapatid.
"Alright! Sa Astronex mall tayo kakain bukas ng lunch," wika ni Jun kaya halos lumuwa ang mga mata ko sa tinuran niya. Nababaliw na ba siya? Isang pagkain duon ay nagkakahalaga ng tatlong libo ang pinaka mura sa isang tao pa lang. Iyon ang pinaka mura, tapos duon niya kami dadalhin? Nababaliw na yata ang lalaking ito.
"Naku huwag na! Kahit simpleng fast food chain ay okay lang sa amin," wika ko. Ayokong ubusin niya sa amin ang lahat ng ipon niya sa isang kainan lang. Jusko, ang mahal-mahal ng mall na 'yon. Nakahilera ang Astronex mall sa mga mamahaling mall dito sa Pilipinas at sa labas ng bansa.
"Basta, bukas ay susunduin ko kayo dito bago mananghalian para dalhin sa mall na 'yon. Huwag kayong mag-alala sa gagastusin, marami akong naiipon," sagot niya. Napapailing ako, pero ayoko naman siyang mapahiya kaya ngumiti na lang ako sa kanya. Tuwang-tuwa naman ang dalawang kapatid ko at may patalon-talon pa silang nalalaman.
"Yay! Bukas sa isang mamahaling mall tayo dadalhin ni Kuya Jun!" Malakas nilang ani. Hindi naman ako kumibo at simple lang akong ngumiti. Kinuha ni Jun ang kamay ko kaya bumilis ang pintig ng aking puso ng pinagsalikop niya ang aming mga palad.
"Oh my! Please, paki hinto po ang pag-inog ng mundo, kahit ngayon lang." Bulong ng isipan ko.
"Si ate oh, kinikilig!" Malakas na ani ng mga kapatid ko kaya ang bilis kong inagaw ng aking kamay sabay talikod ko.
"Pumasok na kayo sa gate, lalakarin ko na lang ang patungo sa pinapasukan ko." Wika ko at tinalikuran ko na sila. Mabilis naman akong hinabol ni Jun at sinabayan ako sa aking paglalakad.
"Ihahatid na kita. Ayoko naglalakad mag-isa ang future wife ko." Wika niya kaya napahinto ako sa paglalakad at tinaasan ko siya ng isang kilay ko. Pero deep inside, shemay kinikilig ako.