Chapter 1 -Pagmamahal sa pamilya-
Sandy's POV
"May pera ka ba diyan anak? Itong mga kapatid mo ay kailangan daw magbayad ng project sa school. Hindi kasi makaka-graduate 'yang si Kali ng grade six kapag hindi nakabayad. Si Kaitlyn naman ay kailangan ng three hundred pesos para daw sa kanyang proyekto. Naipambili ko na kasi ng bigas at gamot ang perang naitatabi ko. Anak pasensya ka na kung nagiging pabigat kami sayo."
Napatingin ako kay nanay. Sinabi ko naman sa kanya na huwag niyang iisipin na nagiging pabigat sila sa akin, dahil ano't ano pa man ang mangyari ay sila lang naman talaga ang uunahin ko. Sila ang mahalaga sa akin kaya hindi siya dapat nag-iisip ng ganuon. Ako din naman ang nagku-kusa sa pagtulong sa kanila kaya wala siyang dapat na alalahanin.
"Nanay naman, huwag naman po kayo magsalita ng ganyan. Kaylanman ay hindi po kayo naging pabigat sa akin. Mahal na mahal ko po kayo ni tatay at ang mga kapatid ko, kaya huwag po ninyo akong intindihin," sagot ko kaya napangiti si nanay at niyakap ako ng mahigpit.
"Salamat anak. Ang tatay mo ay nasa palengke at nagka-kargador. Sabi ko nga sa kanya ay magpahinga muna pero gusto ka niyang matulungan sa mga gastusin dito sa bahay. Masyado na kasi kaming nahihiya sa iyo dahil sa amin mo na ibinuhos ang buhay mo. Napakabata mo pa anak, dapat ay sarili mo ang inuuna mo, pero heto at kami pa ang binubuhay mo sa halip na kami ang magbigay sa iyo ng maginhawang pamumuhay. Anak, nahihiya na talaga kami sayo ng iyong ama," wika ng aking ina, pero umiling ako. Kaylanman ay hindi ko uunahin ang sarili kong kapakanan dahil hindi ko kayang pabayaan ang mga kapatid at ang mga magulang ko. Sila na ang buhay ko at kahit hindi ko mabili ang mga kailangan ko, basta makita ko lang na maayos ang buhay nila at kumakain sila ng tatlong beses sa isang araw ay masaya na ako.
"Hay naku, si nanay talaga! Huwag na po kayong mag-alala sa akin dahil mahal na mahal ko kayo. Mamaya po kapag nandito na si tatay ay sasabihan ko siya na magpahinga muna. Masama po sa kanyang puso ang laging napapagod, at kayo din po, hindi pa naman po kayo tuluyang magaling sa sakit ninyo sa hika," wika ko. Tumango lamang ang aking ina at niyakap ako ng mahigpit.
Alam ko na nahihiya sila sa akin, pero ako naman ang may gusto nito. Ako ang nagtalaga sa sarili ko na tumulong sa kanila dahil ganuon ko sila kamahal.
Sa totoo lang, mayayaman ang ilang kaibigan ko. Ilang beses nila akong gustong tulungan pero ako mismo ang tumatanggi. Gusto ko na ang lahat ng ibibigay ko sa kanila ay mga bagay na pinaghirapan ko at hindi nanggaling sa bulsa ng iba. Minsan ay kinukulit nila ako, pero panay ang tanggi ko dahil ayokong isipin nila na mapagsamantala ako. Sapat na sa akin na nabibigyan ako ng damit ng mga kaibigan ko, lalong-lalo na si Celestina.
Kaya lang, madalas ay wala dito sa Pilipinas si Celestina dahil nagtutungo ito ng England dahil sa kanyang mga negosyo duon. Ang madalas kong kasama ay si Evelyn at si Jovina. Katulad ko ay tumutulong din sila sa kanilang mga magulang.
Napatingin ako sa aking ina na nagluluto ng agahan. Lumapit ako at kinuha ko na sa kanya ang kanyang ginagawa. Mamaya pa naman ang pasok ko sa isang sikat na fast food chain. Kahera ako at maayos ko namang nagagampanan ang aking trabaho. Minsan nga ay gusto kong mag-abroad, pero kailangan naman nila ako dito kaya nagtitiis ako sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas.
Masaya ako na napaglilingkuran ko ang aking mga mahal sa buhay. Masaya ako sa tuwing dumarating ang kuhanan ng grades ng aking mga kapatid, dahil hinihintay nila akong makauwi upang sabay-sabay namin itong tignan.
Matatalino ang mga kapatid ko, katunayan ay lagi silang nasasabitan ng medalya. Itong si Kali ay Valedictorian kaya naman proud na proud ako at excited sa kanyang graduation. Kaya nga nag-iipon ako ngayon at nagsusubi ng fifty pesos kada araw upang mapakain ko man lamang sila sa isang maayos na restaurant. Ibibili ko pa siya kahit na mumurahing cellphone lang para naman may nagagamit siya kapag kailangan niyang mag-research sa pagtuntong niya ng high school.
"Anak, wala ka pa bang nobyo o kaya naman ay kahit manliligaw? Nasa tamang edad ka na naman, sana ay hayaan mo ng umakyat ng ligaw ang mga may gusto sayo. Sa amin naman anak ay kaligayahan mo lamang ang iniisip namin at huwag mo naman sanang ibigay sa amin ang buong buhay mo. Kailangan bigyan mo rin ng panahon ang iyong sarili na magmahal," ani ni nanay.
"Kayo po ng mga mga kapatid ko at si tatay ang tanging kaligayahan at kayamanan ko po. Kaya nanay, huwag po ninyo akong alalahanin dahil masaya po ako na mapaglingkuran ko kayo. Saka ko na lamang po iintindihin ang aking sarili kapag nakasigurado na po ako na nasa maayos na po kayong kalagayan at nakatapos ang aking mga kapatid," sagot ko sa aking ina. Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa labi ng aking ina kaya nabitawan ko ang sandok at humarap ako sa kanya na puno ng pag-aalala.
"Nanay, may problema ka po ba? May masakit po ba sayo? Hindi ka ba makahinga? May gamot ka pa po ba?" nag-aalala kong ani. Umiling naman siya sa akin at unti-unting naglalaho ang malungkot niyang ngiti at napalitan ito ng masayang ngiti na nagpawala ng pag-aalala ko.
"Ano ka ba naman anak, bakit mo naman naiisip na may problema ako o hindi makahinga? Masyado ko lang inaalala ang buhay mo, ayokong ibuhos mo lang sa amin ang buhay mo at pabayaan ang iyong sarili."
"Naku nanay, huwag po ninyo akong alalahanin dahil masaya po ako sa aking ginagawa. Hayaan nyo lang po muna ako, darating din naman po ang oras na bibigyan ko ng pansin ang sarili kong kaligayahan, pero hindi pa po sa ngayon dahil ang kaligayahan ko ay ang matulungan ko po kayo. Huwag ka na pong mag-alala, balang araw ay makikita rin po ninyo akong masaya sa piling ng lalaking mahal ko, pero matagal pa po mangyayari 'yan."
Ngumiti ang aking ina at hinimas niya ang aking braso. Hinalikan ko siya sa kanyang ulo at hinarap ko na ang niluluto ko, pero napalingon ako ng marinig kong magsalita muli si nanay.
"Dumaan dito kanina si Gerard at hinahanap ka niya. Sa lahat kasi ng manliligaw na binasted mo, siya lamang ang matyaga na hindi bumibitaw sayo. Sabi niya ay aayain ka niyang pumasyal sa mall para malibang ka naman," ani ni nanay. Natawa naman ako. Ang tyaga din naman kasi ni Gerald, samantalang ilang beses ko na siyang binasted. Kaibigan lang naman ang nararamdaman ko para sa kanya at walang kahit na anong malalim na damdamin.
"Kahit naman po anong tyaga niya 'nay sa panliligaw sa akin, kaibigan lamang po ang turing ko sa kanya. Ilang beses ko na pong ipinaliwanag sa kanya 'yan kaso makulit pa rin. Hinahayaan ko na lang po siya kahit alam naman niya na wala siyang maaasahan sa akin."
Hindi na kumibo pa ang aking ina at ipinagpatuloy ko na ang pagluluto. Pero kung ako ang tatanungin, gusto ko si Jun, pero hindi pa ngayon dahil mas matimbang sa akin ang pamilya ko kaysa sa sarili kong kaligayahan. Kaya nga hindi ako nagsasalita sa kanila ng kahit na ano tungkol sa lalaking nagugustuhan ko dahil ayokong kulitin nila ako na unahin ko ang sarili ko. Hindi mangyayari 'yon, at kung sakali man na magmahal si Jun ng iba, wala naman akong magagawa kung hindi ang hayaan siya. Isa pa ay matindi naman ang galit niya sa akin dahil sa inaakala niya na mukha akong pera.
Hindi naman ako mukhang pera, at hindi totoo ang lahat ng ibinibintang niya sa akin. Totoo lang ang lahat ng sinabi ko sa kanya na mas mabuti pa na sa sarili niya gamitin ang perang pinaghihirapan niya. Isa pa ay laging luma at punit ang mga jeans na suot niya, maging ang mga t-shirt na sinusuot niya ay sobrang luma.
Si Gerald ay may kaya sa buhay, mayaman ito at kilala ang pamilya nila bilang magaling na negosyante, hindi ko lang alam kung gaano siya kayaman, pero wala naman sa akin kung mayaman man siya o mahirap, kaibigan lang talaga ang turing ko sa kanya. Kaya kahit na ano ang gawin niyang panliligaw ay talagang walang mangyayari. Kung tutuusin nga ay isang taon mahigit na siyang nanliligaw sa akin, at sa loob ng isang taon na 'yon ay ilang beses ko na siyang tinanggihan at sinabi ko sa kanya na ibaling na lamang niya ang pagtingin niya sa iba. Kaso makulit kaya hindi ko na lang siya pinapansin. Kapag nagbibigay siya ng bulaklak ay ipinababalik ko sa kanya dahil ayoko siyang paasahin.
Pagkatapos kong magluto ay naghain na rin ako para makakain na kaming lahat at makapasok na rin ako sa trabaho. Ginising ko na rin ang mga kapatid ko dahil may pasok pa sila. Ibinigay ko na rin kay nanay ang pera na kailangan niya at pinasobrahan ko na rin para may pang-gastsos siya para dito sa bahay at pambili na rin ng kanyang gamot.
"Ate, nuong isang araw pala may naghahanap sayo na gwapong lalaki. Sobrang gwapo ate, at ang laki ng katawan," ani Kaitlyn. Nagulat naman ako kung sinong lalaki ang tinutukoy niya. Wala naman akong kilalang gwapo na pinagkakautangan ko. Sa isang tao lang naman ako may utang, sa isang Bombay na nag five/six. Kinailangan ko kasi ng pera nuon ng inatake sa puso si tatay kaya kumapit na ako sa pangungutang. Pero may usapan kami na hindi siya pupunta dito dahil hindi alam nila nanay na may malaking utang ako sa Bombay na 'yon. Sa pinagtatrabahuhan ko siya nagpupunta, baka kaya hinahanap ako dahil hindi ako nakabayad sa kanya nuong isang araw. Pero nagbayad na naman ako kahapon. Kailangan ko siyang makausap upang masabi ko sa kanya na huwag siyang pupunta dito sa bahay namin. Ayokong mag-alala pa ang mga magulang ko.
"Maka-gwapo naman si Ate Kaitlyn! Kahit nga yata 'yung nagtitinda ng taho sa school gwapo para sayo," ani ni Kali.
"Bakit ba nakikialam ka? Gwapo naman talaga 'yung naghahanap kay ate."
Inawat ko na lang bago pa sila mag-away. Pero nagtataka ako kung sino ang tinutukoy ng kapatid ko. Lahat naman ng nanligaw sa akin ay kilala nila.
"Ate, sabi pa nga niya ay liligawan ka niya. Gwapo at mabait siya, 'yun nga lang luma ang damit kaya minus one," ani ni Kaitlyn.
"Hay naku Kaitlyn, wala sa ganda ng damit ang kabutihan ng ng isang tao. Kaya kahit luma lang ang damit niya kung mabuti naman ang kalooban nito ay mas mabuti 'yon kaysa sa mayayamang tao na mataas masyado ang tingin sa kanilang sarili. Kaya huwag kayong titingin sa mga materyal na bagay mga anak dahil mali 'yon," ani ni nanay.
"Tama si nanay, kaya dapat ay lagi kayong nakikinig," pakli ko kaya humingi ng pasensya ang kapatid ko dahil sa tinuran niya.
"Sorry na po nanay, nagbibiro lang naman po ako. Kahit naman po luma ang damit ng lalaking 'yon ay sobrang gwapo naman po niya saka mukhang ang bait niya. Sa tingin ko bagay na bagay kayo ate."
"Naku tumigil ka na Kaitlyn. Kumain ka ng kumain diyan para makaligo na kayo at ng hindi kayo mahuli sa klase. Isasabay ko na kayo sa pagpasok ko sa trabaho para naman may makausap ako habang naglalakad palabas ng kanto," wika ko kaya natahimik na ang lahat. Si Tatay naman ay pinag tirhan na lang namin ng pagkain. Mamaya pa kasi ang uwi niya at hindi na namin siya mahihintay pa. Iniisip ko naman kung sino ang taong tinutukoy ni Kaitlyn. Wala naman akong ibang nakikilala at imposible naman na si Jun ang tinutukoy niya. Pero ewan ko ba kung bakit ang bilis ng pagtibok ng puso ko at hindi ko ito makontrol.
"Erase, erase! Hindi 'yon si Jun," ani ko sa sarili ko habang nagbibihis ako.