Kabanata 4
HAPON na nang mapagpasiyahan kong umahon sa tubig. Magbibihis na sana ako ngunit agad kong napuna ang pagkawala ng aking pulang panyo. Napaisip ako saglit. Marahil ay naiwan ko sa pakultad. Agad akong nagbihis at sa isang iglap ay nasa likod na ako ng malaking puno ng parke. Nang masiguro kong walang nakakita sa akin ay lumakad na ako pabalik sa pakultad.
"Mocha, basang-basa ka yata?" anang Erna nang makita ako.
"Nahulog ako sa ilog. Pinatuyo ko pa ang aking damit kaya ako inabot ng hapon. Bakit?" Kumikit-balikat siya.
"May paliguan sa likod ng himnasyo. May mga damit din na bago pa. Puwede mo iyong gamitin." Tumango lang ako.
"Mauna na ako sa iyo Mocha," paalam niya. Muli lang akong tumango.
"Erna! Si Alquin ba nakita mo?" ani Coleen.
"Umuwi na, kanina pa. Tara na."
Sabay na silang lumakad. Naiwan akong nakamasid lang sa kaniya. Nang mawala ang mga ito sa paningin ko'y tinungo ko na ang himnasyo. Agad ko rin namang nakita ang paliguan para sa mga babae. Inilapag ko ang aking mga gamit at hinanap ang tuwalya. Kinuha ko ang punyal na nakaipit sa aking tagiliran at ipinatong sa lagayan ng sabon. Hinubad ko lahat ang saplot sa aking katawan at itinabi ito. Binuksan ko ang gripo at agad na bumuhos sa akin ang tubig. Mariin akong napapikit habang pinapaliguan ang aking sarili. Huminga ako ng malalim. Masiyado akong napasarap sa paglangoy kanina kung kaya't 'di ko tuloy nasundan si Alquin. Bukas ko na lamang sisimulan ang paghahanap ko sa kanyang tirahan.
Matatapos na ako nang bigla akong makaranig ng mga yabag ng sapatos. Agad kong napatay ang tubig at kinuha ang tuwalya upang itapi sa aking hubad na katawan. Agad ko ring nadampot ang punyal. Pinaikot ko pa sa aking daliri ang hawakan ng punyal bago ko ito mahigpit na hinawakan. Marahan akong lumakad. Sobrang tahimik ng aking paligid at tanging patak lamang ng tubig ang umaalingawngaw. Hahakbang pa sana ako pero bigla kong nakita ang bulto ng katawan ni Alquin kaya agad kong naitago sa aking likuran ang punyal.
"Narito ka lang pala," aniya na ikinakunot naman ng aking noo. Hinahanap niya ba ako? Umigting ang aking panga.
"Bakit? May kailangan ka?" tanong ko.
Humakbang naman siya palapit sa akin at dahil doon ay napahakbang din ako paatras.
"Nagtataka lang ako kung bakit narito ka pa," aniya.
"Nakita mo naman sigurong ganito ang aking ayos." Pinaningkitan ko siya ng aking mga mata. Mas lalo pa siyang humakbang sa akin ng todo. Atras din ako nang atras ngunit bigla naman niyang nahigit ang aking baywang at agad na hinawakan ang aking kamay. Inangat niya ito. Igting ang aking panga. Alam niyang may sandata akong itinago.
"Hindi bagay sa iyo ang magkaroon ng ganito katalim na punyal."
"Para iyan sa pansarili kong kaligtasan. Kaya kung puwede lang ay bitiwan mo na ako," mariing saad ko sa kanya. Pilyo niya naman akong ngitian. Kinuha niya sa akin ang punyal at bahagyang umatras.
"Huwag ka na magdadala nito. Naiintindihan mo ba ako?"
"Huh! At sino ka naman para sundin ko?" Kumikit-balikat lang siya at lumabas na. Nakuyom ko ang aking mga kamao at nakagat ang aking labi. Hindi na talaga maganda ang kutob ko sa kanya. Mabilis akong nagpalit ng aking mga damit. Sa isang hakbang ko lang palabas ng paliguan ay agad akong nakarating sa bahay ko. Nagulat pa si Ericka sa biglaang paglitaw ko.
"Ayos ka lang po ba ate?"
Hindi ko siya kinibo bagkus ay ibinigay ko lamang ang aking mga gamit sa kanya. Diretso ako sa aking silid at agad na kinuha ang aking damit na gawa sa katad. Isinuot ko ito at kumuha ulit ng dalawang panibagong punyal. Isinukbit ko ito sa aking tagiliran. Agad ko ring isinuot ang aking bagong pares ng sapatos na gawa rin sa katad.
"Ate ang inomin niyo po," anang Ericka sa aking likuran. Kinuha ko ang basong hawak niya at agad na nilagok ang lahat ng laman nito. Diretso ako agad sa bubungan ng bahay. Nagmasid ako sa paligid. Ang buwan ang nagsilbi kong sulo sa kadiliman. Tumalon ako sa kabilang bahay hanggang sa makarating ako sa unibersidad. Agad kong namataan si Alquin. Napaupo ako upang huwag nito akong mapansin. Hindi pa ito umaalis ng unibersidad. Naghintay pa ako ng ilang minuto bago siya lumabas ng unibersidad sakay ng kanyang bisekleta. Sinundan ko siya. Pero bigla naman itong nahinto. Agad akong nagkubli samalaking puno. Ang bilis niyang makaramdam. Nang silipin ko itong muli ay wala na siya. Nalintikan na! Agad akong napababa ng kalsada. Sa puwesto kung saan sira ang ilaw ng poste. Nagmasid ako sapaligid ngunit wala talaga. Nang pumaling ako paharap ay isang matalim na punyal ang tumama sa aking braso. Nang hugutin ko ito ay laking gulat ko nang makita ang itsura ng punyal.
"B-banal na p-punyal?"
Nahigit ko ang aking hininga. Dahil sa pagkasugat ko'y agad na nanuyo ang aking lalamunan. Isa pang punyal ang ibinato sa akin. Nakailag ako at tumama ito sa poste. Kapag nasa ganito akong estado ay hindi ako makakalaban sa kanya ng patas. Tatalon na sana ako pero biglang may kadenang kumapit sa aking kaliwang paa. Laking gulat ko nang bigla nitong hilain ang kadena. Agad kong nahugot ang aking dalawang punyal at agad na itinarak ito sa kalsada upang huwag nito akong makaladkad. Hinawakan ko ang kadena ngunit napaso ako. Nabitiwan koagad ito. Kinuha ko ang isang punyal at itinarak sa kadena, sa pagitan nito. Mabilis akong tumayo at umikot upang matanggal ng kusa ang kadena. Mabilis akong tumakas.