Simula
Simula
Bumuntong-hininga ako. Tila yata ay bigla akong nakaramdam ng pagkaburyo gayong hilig ko naman ang pagbabasa ng libro. Napahikab ako at napasandal ng todo sa puno na aking sinasandalan.
Itiniklop ko ang librong hawak ko at mariing napapikit.
"Mocha..."
Ako ay napadilat.
"Steffano," sambit ko.
Umupo ito sa aking tabi at kinuha ang libro sa aking kandungan. Binuklat niya ito at inusisa ang nilalaman ng nobela.
"Hanggang ngayon ay wala ka pa ring galang sa akin. Hindi ba't kautusan na yuyuko ka kapag nakita mo ako o kaya naman ay nakasalubong."
Pinaikot ko ang aking mga mata.
"Hindi mo ba matanggap na ako ang naging pinuno ng ating angkan?" Bumaling siya sa akin.
"Hindi iyan ang rason. Ayaw kong tratuhin kang ganoon. Alam mo namang noon pa man ay hindi ako pabor sa ganyang batas. Alam mong pumapagitna ako at kailanman ay wala akong pinapanigan."
Malutong siyang napatawa at ginulo ang aking buhok.
"Kaya nga sa lahat ng pinsan ko'y ikaw ang pinakapaborito ko. Sutil."
Tinabig ko ang kanyang kamay.
"Tigilan mo ako Steffano. Kumusta nga pala si Catherine?"
Matamis itong napangiti.
"Maayos siya, maging ang anak namin."
"Mabuti naman kung ganoon," wika ko.
"Mocha..."
"Hmm?"
"Kailangan mong umalis sa Isla Bakunawa."
Nagulantang ako sa aking narinig.
"Pinapalayas mo na ba ako?"
Napahagalpak naman siya nang tawa.
"Kung nakikita mo lamang ang iyong mukha Mocha, nakatatawa ka."
Naigting ang aking panga at sinipa siya. Napausog siya ng isang dipa ngunit nasalag naman niya ang aking tira. Pilyong napatawa ang aking pinsang hangal.
"Seryoso ako sa sinasabi ko Mocha. Kailangan mong lisanin ang Isla Bakunawa dahil sa misyong iniatas ko sa iyo ngayon."
Kumunot ang aking noo.
"Anong misyon?" puno ng kuryusidad kong tanong sa kanya.
"Nawawala ang ampon ng mga Selter. Hindi lang siya isang simpleng ampon Mocha. Tinataglay niya ang dugo ng isang immortal at mortal. Kaya niya mamuhay bilang isang simpleng mortal. May angking pambihirang lakas din siyang itinataglay. At kilala mo kung sino siya."
Nanigas ang aking leeg.
"Hindi ko alam ang tinutukoy mo," maang ko.
"Talaga ba?" nanunuya pa nitong wika.
"Bakit kailangan ako pa ang maghanap sa kanya? Isa siyang Seltzer. Isang kahangalan," wika ko kasabay nang pag-iling ng aking ulo.
"Alam mong may kasunduan tayo sa kanila. At isa pa'y wala namang masama kung tutulong tayo." Napaikot ko ang aking mga mata at tumanaw sa kawalan.
"Ayaw ko ng kumplikado ngunit kung talagang mapilit ka'y, ano pa nga ba ang magagawa ko?" Umismid naman siya.
"Alam mo na ang dapat mong gagawin sa kanya sa oras na mahanap mo siya. Ibalik mo siya rito, buhay man o patay." Hindi ako umimik. Seryoso ko siyang tiningnan.
"Pakiramdam ko'y may nakita ka mula sa aking hinaharap." Tinawanan naman niya ako.
"Ano ngayon kung nakita ko nga? May magagawa ka ba para takasan ito? Minsan nang nagkamali si Zsakae, ngunit napanindigan din naman niya iyon hanggang sa huli. Ang tanong Mocha, hanggang saan ka ba magmamatigas? Hanggang saan nga ba ang kaya mo mahal kong pinsan?" Puno nang paghahamon ang kanyang mga binibitawang mga salita. Masiyadong malalim ang hugot nito.
Muling naigting ang aking panga.
"Ito rin ang maisasagot ko sa iyo, huwag na huwag mo akong babanggain kapag dumating ang araw na iyon."
Tinawanan naman niya ako.
"Hindi ako ang makakaharap mo? Ang angkan ng mga Seltzer."
"Pakialam ko ba?"
Muli niya akong tinawanan at naririndi ako sa mapanuya niyang pagtawa.
"Siguro'y masiyado lamang akong kampante na magagampanan mo itong misyong iniatas ko sa iyo. Hindi ka naman siguro mahihirapan sa paghahanap sa kanya."
Laglag ang aking mga balikat.
"At paano ka naman nakasisiguradong magiging madali ang misyong ito? Paano kung may sa daga pala ang taong iyon? Kay hirap hanapin ngunit kay daling painan."
Kumikit-balikat naman siya.
"Kailangan mo siyang mahanap. Nasa taong iyon ang gamot para sa kalagayan ni Cereina. Hindi ko ipapasa sa iyo ang pasaning ito kung hindi ako sigurado. Alam kong kaya mo ito at alam kong gagawin mo ito para sa anak ko."
Umismid ako.
"Lumabas din ang totoo, para kay Cereina ang misyong ito. Mahal ko ang anak mo Steffano ngunit, hindi ko alam kung ano ang mangyayri sa paglalakbay kong ito. Ikaw na rin mismo ang nagsabing kakaibang nilalang itong hahanapin ko."
Bumaling naman siya sa akin at seryoso akong tinitigan.
"Ingatan mo ang iyong puso mahal kong pinsan," makahulugan niyang wika at biglang nawala sa aking tabi.
"Tinakasan na naman niya ako," anas ko sa kawalan.
Nasapo ko ang aking kaliwang dibdib. Ingatan? Sa anong klaseng paraan ba ang nais niyang ipaalam sa akin?