Kabanata 3
"Alquin," anas ko. Nang lingonin ko ito'y laking gulat ko rin nang huminto ito sa paghakbang at nilingon ako.
"Nagkakilala na ba tayo?" aniya. Bahagyang umawang ang aking mga labi. Nalintikan na! Hindi niya ako nakilala. Imposible! Ngunit sigurado akong hindi ito nagkukunwari lang. May amnesya kaya ito?
"Hindi," agad kong sagot. Tinalikuran ko ito. Nakuyom ko ang aking kanang kamao. Alam na alam talaga ni Steffano kung saan ako itatapon. Hindi naman pala ito mahirap hanapin. Ang mahirap dito ay kung paano ko ito ibabalik sa isla Bakunawa. Humarap ako kay Ericka.
"Umuwi ka na. Kaya ko ang aking sarili." Kinuha ko sa kanya ang mga gamit ko.
"P-pero ate ang bilin ni..." Matalim ko siyang tinitigan. Tinalikuran ko na siya at pumasok sa unang silid-aralan na aking nadaanan. Punong-puno ako ng katanungan sa aking utak. Bakit ito biglang nagka-amnesya? May ginawa kaya ang mga Seltzer sa kanya? Nasa kalagitnaan pa ako ng pag-iisip nang biglang may bumato sa akin. Agad akong nakailag. Tumama ang bola sa pisara at ang kahoy naman ay nasalo ko sa aking kanang kamay. Nang humarap ako'y lahat sila ay natigilan. Napataas ako ng aking kaliwang kilay at naigting ang aking mga panga. Inilapag ko sa mesa ang mga dala kong gamit.
"Hindi ba't bawal ang ganyang pag-uugali rito sa unibersidad?" Tinawanan naman ako no'ng bumato sa akin.
"Bakit? May angal ka?" maangas pa nitong sagot sa akin.
Bahagya akong umismid. Kinuha ko ang bola at kinumot ito na para bang isang papel lamang. Lahat sila ay namilog ang mga mata. Maliban sa bumato sa akin. Inilapag ko ang kahoy sa mesa at ang bolang wala nang hangin. Lumapit ako sa binatang bumato sa akin. Agad kong binago ang kulay ng mga mata ko nang tuluyan akong humarap sa kanya. Napaatras siya.
"Kilala mo ako 'di ba?" bulong ko sa kanya.
"Z-zoldic..." nanginginig niyang sagot. Pilya ko siyang nginitian at pinagpagan ang kanyang uniporme. Inayos ko pa ang kanyang kurbata.
"Mabuti," sagot ko at humarap na sa mga istudyante ko. Normal na ang kulay ng aking mga mata. "Nagbibiro lang talaga si Leo mga butihin kong mag-aaral. Magsimula na tayo." Lahat bumalik sa dati ang kanilang mukha.
"Magandang umaga. Ako ang bagong guro ninyo sa Kasaysayan. Nawa'y magkasundo tayo," nakangiti kong wika. Lahat naman sila ay kinuha ang mga libro. Lihim akong napangiti.
MAKALIPAS ang isang oras na pagtuturo ko ay agad akong lumabas ng silid-aralan. Diretsong hinanap ng aking mga mata ang hagdan ng gusali. Nilakad ko lamang ito paakyat hanggang marating ko ang bubungan ng gusali. Agad kong naitabi ang aking mga gamit at pumuwesto malapit sa bakal na barandilya. Nasa gawi ako ng gusali kung saan nakikita ko ang mga istudyante sa ibaba. Sa malawak na tambayan at pinagdadausan ng mga pampalakasang laro. Pumikit ako at pinakalma ang aking sarili. Nang magdilat ako'y agad na hinanap ng aking mga mata si Alquin. Ito ang masarap at nakakaaliw sa lahat. Ang maghanap gamit lamang ang aking mga mata. Malayo pa lang ay nakikita at nakikilala ko na sa pamamagitan ng mga bagay na may nakasulat na pangalan nila. Agad akong napatigil nang mahanap ko si Alquin. Nakaupo ito sa isa sa mga duyan habang nagmamasid sa mga istudyante. Agad kong kinuha ang mga gamit ko at tumalon sa gusali nang walang nakakakita sa akin. Nang dumapo ang mga paa ko sa semento ay bahagya pang bumaon ang aking mga takong dito. Tumayo na ako at inayos ang aking suot na uniporme. Umikot ako at diretsong lumakad kung saan naroon si Alquin. Ngunit sumalubong sa akin si Ericka, dala ang aking inomin. Kinuha ko lamang ito sa kanya at diretso pa rin sa paglakad. Agad akong umupo sa bakanteng upuan. Nagkunwari akong hindi ko siya nakita. Narinig kong tumayo ito at tumabi sa akin. Hindi man malapit ngunit sakto lang.
"Mocha, tama?" aniya.
Bahagya akong bumaling sa kanya.
"Bakit?" tanong ko kunwari.
"Lasang kape," anito at bahagya pang kinagat ang labi nito. Bigla akong napalunok. Agad akong nag-iwas ng aking paningin.
"Alquin Alfarero," biglang saad nito.
Muli akong bumaling sa kanya at napatitig dito. Nakalumbaba siya at nakangiti sa akin. Nasaere ang kanyang kamay na tila ba ay gusto pa nitongmakipagkamay sa akin. Alanganin man ngunit tinanggap ko ito. Nang magdikit ang aming palad ay agad kona namang nakita ang batang iniligtas ko noon. Nang magbalik ako sa aking sarili ay agad kong hinila ang aking kanang kamay ngunit ayaw niya itong bitiwan. Mas humigpit pa ito lalo. Hindi man ako nakararamdam ng sakit sa ginawa niya ngunit ramdam ko ang puwersa niya. Nakipaglabanan ako ng titig sa kanya. Mga mata niyang walang emosyon ngunit nakangiti naman ang mga labi. Mapagkunwaring nilalang.
"Ayaw mo ba bumitiw?" wika ko. Mas lalo naman siyang ngumiti at hinila ang aking kamay dahilan para mapalapit ako ng husto sa kanya.
"Mocha, ikinagagalak kitang makilala," anas nito. Nanigas ang aking leeg. Hindi ako agad nakaimik. Niluwagan niya ang pagkakahawak saakin.
"Ingat ka sa mga pilyong binata rito," aniya pa.
"Sila ang dapat mag-ingat sa akin." Pilyo siyang tumawa at biglang sumeryoso.
"Ingat ka," makahulugan niyang utas at tumayo na. Nang mawala siya sa aking harapan ay bahagya akong nakahinga ng maluwag. Pakiramdam ko'y parang nanghina ang mga tuhod ko. Mariin akong napapikit at napakuyom ng aking mga kamao. Hindi maganda 'to. Agad akong napatayo at kinuha ang aking mga gamit. Diretso ako agad sa susunod kong klase.
HABANG abala ako sa pagtuturo ko'y agad akong napatigil nang mapuna ko ang presensiya ni Alquin. Igting ang aking panga.
"Pasensiya na sa matinding abala, Mocha. Hihinginko lamang sana ang natitira mo pang oras. Kailangan ko na ang mga bata sa himnasyo. Nasa sa iyo na kung gusto mong manood sa aktibidad na gagawin namin."
Agad na naningkit ang aking mga mata. Sumenyas ako sa mga bata pero 'di ako lumubay ng titig kay Alquin. Tila yata'y hinahamon niya ang aking pasensya. Tinanguan naman niya ako at lumakad na. Lihim kong nabali ang hawak kong lapis. Nakagat ko ang aking labi. Ang misyon ko ay ang makalapit sa kanya at mapauwi ng isla Bakunawa nang hindi pinupuwersa, kung kaya't kailangan kong pagtiisan ito. Kinuha ko na ang aking mga gamit at sumunod sa mga bata.
NANG umabot ako sa himnasyo ay agad kong nakita ang ginagawa nila. Larong basketbol para sa mga kalalakihan at akrobatiko para sa mga babae. May ilan din naman na iba ang pinagkakaabalahan.
"Lumingon ka lang Alquin. Ako'y iyong-iyo," sambit pa ni Coleen. Agad akong bumaling sa kanya.
"May gusto ka sa kanya?" Umiling siya at ngumiti sa akin.
"Wala akong gusto. Gusto ko lang asarin itong nasa tabi ko. Kunwari pa kasi eh," ani Coleen. Nang umipod siya ay agad kong nakita si Erna.
"Ano ba Coleen, itigil mo iyan," ani Erna na bakas pa sa mukha ang matinding hiya.
"Sus! Patay na patay ka nga sa kanya e," kumento pa ni Meriam na kadarating lang.
"Sa lahat ng pakultad ay si Alquin lang ang natatanging may karismang ganyan. Ewan ba, ang daming nagkakagusto sa kanya mula sa iba't ibang baitang. Suwerte na lang kung matipuhan ka niya. At ang suwerte natin dahil nasa ika'lawang baitang siya at sa mismong pakultad pa natin siya nakaperme," anang Rosario.
Hindi lang ako kumibo. Ibinalik ko ng tanaw ang aking mga mata kay Alquin. Bahagya siyang lumingon sa akin at isang mapanuyang ngiti ang ibinigay niya sa akin. Agad na umigting ang aking panga.
"Nginitian ka niya Erna!" ani Coleen.
"Tanga, kay Mocha siya nakangiti," sabat naman ni Meriam at bahagya pa akong siniko. Irap naman ang aking natanggap mula kay Erna. Hindi ko ito pinansin at tumalikod na.
"Puwede kayong sumali," biglang ani ni Alquin. Mas lalong umigting ang aking panga at binalewala ang sinabi nito. Lumabas ako ng himnasyo.
"Halatang wala po kayo sa inyong sarili ate," biglang anang ni Ericka na nakasunod sa akin habang pinapalitan ang lalagyan ng aking inomin.
"Naiirita ako Ericka kaya huwag mo muna akong gambalain. Magkita na lamang tayo sa bahay."
Pagkasabi ko ay agad akong nawala sa kanyang harapan. Dinala ako ng aking mga paa sa isang tagong ilog na malapit sa unibersidad. Agad kong hinubad ang aking sapatos at mga saplot sa katawan. Agad ko ring inilubog ang aking sarili sa malamig na tubig ng ilog. Agad kong binago ang aking anyo. Mula sa kulay itim ay agad na nagkulay ginto ang aking buhok. Mula sa kayumangging mga mata ay agad na nagkulay pula ito. Tinitigan ko ang aking totoong anyo sa mala salaming tubig ng ilog. Ang balat kong kulay harina ay umaangat ng husto dahil sa kulay ng ilalim ng ilog. Patunay na kakaiba ako. Sa lahat ng Zoldic ay ako lang ang may naiibang kulay ng buhok. Nakatutuwa sa parte ko ngunit nakababahala sa angkan ko. Nakakatakot ako para sa kanila. Maliban sa kapatid kong si Kanyue at ang mga pinsan ko. Napaismid ako sa kawalan. Mas nakakatakot sila kaysa sa akin. Napatawa ako saaking sarili at napatingala sa kalangitang makulimlim. Titihaya na sana ako ngunit agad akong napalingon sa aking likuran nang mapuna kong parang may nilalang na nakamasid sa akin. Agad itong hinanap ng aking mga mata pero wala akong nakita. Matindi ang ginawa nitong pagbabalat-kayo. Agad naningkit ang aking mga mata at 'di ito pinansin. Mamatay siyang magpantasya sa akin. Muli kong ninamnam ang lamig ng ilog. Gumagaan pa lalo ang aking pakiramdam.