Kabanata 2
HABANG nasa kalagitnaan kami ng daan ay panay ang masid ko sa paligid. Hindi ito ang unang beses na nakarating ako ng isla Herodes. Sa katunayan pa nga niyan ay halos lagpas na sa aking mga daliri. Ngunit heto ako ngayon, bumabalik na naman at dito pa talaga ako mananatili ng matagal kung saan napakalimitado ng aking mga kilos at kakayahan. Nahilot ko ang aking batok. Nang dumaan ang dyip ay natigil ako sa paghakbang. Amoy na amoy ko sa hangin ang kakaibang halimuyak. Agad akong natigilan nang maalala ko ang nangyari kagabi, lalo na ang kanyang amoy. Agad akong napalingon sa aking likuran. Akma sa akong tatakbo ngunit biglang humarang sa akin si Ericka.
"Kung anuman po iyan ate, ipagpaliban niyo po muna. Naghihintay na po kasi ang mga bata sa inyo."
Nakuyom ko ang aking mga kamao at pinakalma ang aking sarili. Gusto kong mapamura! Kung bakit ba naman kasi ay may paandar pa si Steffano na ganito. Nang tumapat ako sa unibersidad ay agad akong napatingala.
"Unibersidades De Luna," sambit ko.
"Hindi ba't sangay ito ng unibersidad sa isla Bakunawa?" baling ko kay Ericka.
"Opo ate," sagot niya. Magtataka pa ba ako? Ganito kayaman ang mga Zoldic at kabilang ako sa pamilyang 'yon. Umuna naman si Ericka sa paglakad. Sumunod ako ngunit agad din namang nahinto nang makita ko ang aking pinsan, si Zsakae.
"Tss," reaksyon niya nang makita ako.
Agad ko siyang nilapitan at sinuntok sa sikmura pero naharang niya ito. Muli ko siya inatake ng suntok sa mukha ngunit nasalag niya pa rin ito.
"Mahina ka pa rin talaga-" Sinipa ko siya sa tagiliran at tumama ito. Napaatras siya ng dalawang dipa dahil sa ginawa ko.
"Hindi ako mahina. Hangal." Natawa siya at lumapit sa akin. Inakbayan niya ako.
"Makulit ka pa rin hanggang ngayon pinsan." Ginulo niya pa ang aking buhok. Tinapik ko ang kanyang kamay.
"Sinisira mo ang aking ayos," wika ko.
"Hindi ka naman talaga magaling mag-ayos," aniya na ikinainit ng aking ulo.
"Bawal iyan dito," nanunuya niya pang ani. Inis akong napahalukipkip na lamang.
"Bakit ka ba narito?"
"Kinukuha ang ilang kagamitan ni Angelika." Lumiwanag ang aking mukha dahil sa narinig.
"Talaga? Kumusta na siya?"
"Maayos siya." Sasagot pa sana ako ngunit may tumikhim naman sa aming likuran.
"Ipagpaumanhin ninyo ang walang galang kong pagsingit pero, ate Mocha, hinahanap na po kayo sa loob."
"Mauna ka na Ericka," wika ni Zsakae.
Hindi ito nagprotesta at sumunod lang sa aking pinsan.
"Bakit kapag ikaw ay agad niyang sinusunod? Samantalang ako'y sinasalungat niya," may panghihinampo kong wika.
"Pasaway ka kasi. Kung sumusunod ka lang, walang magbabawal sa iyo. Mag-ingat ka Mocha," seryoso nitong saad.
"May nakita ka ba sa aking hinaharap?"
"Paano kung oo? May magagawa ka ba?"
"Oo," matapang na sagot ko.
"Alam mong hindi mo puwedeng galawin iyon. Masasaktan ka lang."
Magsasalita pa sana ako ngunit bigla naman itong nawala. Bumuntong-hininga na lamang ako at tinungo ang silid ng pakultad. Nang umabot ako'y agad akong pumasok sa loob.
"Dito po tayo ate," ani Ericka na nakatayo sa tapat ng aking magiging mesa.
"Nasaan sila?" taka kong tanong dahil kaming dalawa lamang ni Ericka ang narito.
"Nasa mga klase po nila pero patapos na po ang ika'lawang aralin kaya babalik na po ang mga iyon dito." Tumango lamang ako. Lumapit ako kay Ericka at uupo na sana ngunit biglang may nagsipasok kaya agad akong napalingon sa pinto.
"Bb. Garay!" Kumunot ang aking noo at bumaling kay Ericka. Tipid lamang siyang ngumiti sa akin. Lumapit ang isang matandang babae sa akin.
"Ikaw nga. Ikinagagalak kong makilala ka. Maligayang pagdatin. Ako nga pala si Ginang Solidad at ako ang punong guro ng unibersidad na ito," anito. Tipid akong ngumiti.
"Makakasama mo sila rito." Itinuro niya sa akin ang mga makakasama ko sa pakultad. Lima kaming magsasama rito. Puro kami babae, isa lang ang lalaki at nasa labas pa ito.
"Kilala ko po silang lahat," sagot ko na ikinaawang naman ng kanyang bibig.
"Ako po ang nagsabi," sabat ni Ericka sa aking tabi.
"Ganoon ba? Oh sige. Iwan ko muna kayo at ako'y may kailangan pang gawin," anito.Tumango lamang ako. Nang mawala ito ay nagsilapit naman ang apat sa akin. Kung sa pisikal na aspeto ay kaedad ko lamang ang mga ito.
"Meriam Andrade. Seyensya ang itinuturo ko," pakilala ng isa at kinamayan ako.
"Coleen Fernandez, Pilipino naman ang itinuturo ko."
"Rosario Andal, Matimatiko."
"Erna Elustre, wikang ingles." Nang siya ang huli kong kinamayan ay agad na umigting ang aking panga. Isang Seltzer na nagbabalat-kayong tao.
"Ikinagagalak ko kayong makilala," wika ko ngunit kay Erna lamang ako nakatingin. Nakipaglabanan siya ng titigan sa akin ngunit kusa rin naman siyang lumubay at tipid na ngumiti.
"Ikaw, Mocha? Ano ang itinuturo mo?" ani Coleen.
"Kasaysayan." Lahat sila'y napatango.
"Baka'y naabala ko na kayo. Salamat sa mainit na pagtanggap," wika ko.
"Wala iyon Mocha," anang Meriam. Nagsipagbalik na sila sa kanilang mga puwesto. Maliban kay Erna na panay ang pagsulyap sa akin. Na ekis ko ang aking mga braso at humarap kay Ericka. Iginalaw ko ng konti ang aking ulo. Bahagya siyang tumango at ginamit ang lengguwahe ng mga pipi gamit ang pagporma ng kanyang mga kamay bilang simbolo ng mga letra. Kailangan naming mag-usap sa ganitong paaraan upang hindi marinig ni Erna. Malakas pa naman ang pandinig ng mga taong lobo. Sumenyas akong huwag makipaglapit kay Erna.
"Oras na po ng klase niyo ate," ani Ericka. Tumango lamang ako. Kinuha niya ang aking mga gamit sa mesa. Nagpatiuna ako sa paglabas sa pakultad. Nang umakyat kami sa gusali at dumaan sa pasilyo ay may nakasalubong kaming lalaki. Mas matangkad ito sa akin. Nakasuot ng puting damit at ang pang-ibaba naman ay kupas na maong. Nakasuot siya ng itim na sumbrero habang may dalang malaking kahon na naglalaman ng mga bola. Nilagpasan namin ang isa't isa ngunit agad akong napahinto sa paghakbang nang mamukhaan ko ito.