Kabanata 1
NAHILOT ko ang aking sintido at ibinaba ang aking mga maleta. Inilibot ko ang aking mga mata sa bago kong titirhang bahay. Huminga ako ng malalim at tinalon ang pangalawang palapag ng bahay. Agad kong binuksan ang silid na nasa aking harapan. Silid-aklatan. Gumaan ang aking pakiramdam. Nawala ang aking pagkaburyo. Libro lang ay sapat na upang maibsan ang aking kalungkutan sa mundo.
"Tsk!" palatak ko sa kawalan.
"Senyorita Mocha?" Bumaling ako sa aking likuran.
"Ericka," sambit ko. "Ako po muna ang magiging alalay ninyo simula ngayon. Maligayang pagdating po sa isla Herodes." Bigla siyang yumuko. Mabilis akong tumunghay sa kanyang harapan at inangat ang kanyang mukha.
"Ayaw ko nang tinatrato mo akong ganyan Ericka. Hindi ka na iba sa akin. Anak ka ng inay Lucinda." Bigla naman siyang nahiya.
"Ate ang itawag mo sa akin. Sige na Ericka, magpahinga ka na."
Tumango lamang siya at nginitian ako. Nang mawala ito sa paningin ko'y agad kong pinatunog ang aking mga buto sa aking mga daliri. Agad kong inusisa ang mga bagong libro. Napaismid ako. Tinupad nga ni Steffano ang kahilingan kong padalhan ako ng mga bagong libro. Kung bakit ba naman kasi ay sa akin niya pa ibinigay ang misyong ito gayong hindi ko naman na saklaw ito. At mas lalong hindi ako hanapan nang nawawalang tao. Hangal talaga! Sayang at wala na rito si Kanyue. Isa pa iyon! Hindi man lang ako dinalaw! Tss! Nang mabagot ako'y napagpasiyahan kong tumungo sa aking silid. Nang makapasok ako'y agad kong hinubad ang aking damit. Ngunit bago pa man ako makahakbang sa loob ng banyo ay agad kong napuna ang isang tao na nakatayo sa aking likuran. Mabilis ang aking naging pagkilos. Hinila ko ang kumot at itinapi sa aking hubad na katawan. Ang payneta sa aking buhok na may matulis na dulo ay agad kong hinablot at ibinato sa lapastangang istranghero. Ngunit laking pagkamangha ko nang masalo niya ito at ibinalik nang bato sa akin. Agad akong nakailag at nakayuko ngunit ang hibla ng aking buhok ay kanyang nadale. Naputol ang ilang hibla nito. Mabilis ko siyang sinugod at sinipa sa katawan. Nasalag niya ito ngunit mabilis ko ring naisipa sa kanya ang isa ko pang paa. Tumama siya sa pader. Nahulog ang mga muwebles. Muli ko siyang sinugod at inambahan ng suntok ngunit muli itong nakaiwas kaya sa pader tumama ang aking kamao. Lumusot ito sa pader kaya agad ko rin naman itong hinugot. Susutukin ko sana siya uling nang bigla niya akong mahawakan sa aking baywang. Nagpumiglas ako. Nawarak niya ang kumot. Namilog ang aking mga mata. Nagbago ako ng anyo at muli siyang sinugod. Ngunit malakas na sipa ang natanggap ko mula sa kanya. Tumilapon ako ngunit agad din naman akong nakabangon. Tatakas na sana ito at handa nang tumalon ngunit mabilis kong nahila ang kanyang sumbrero. Pati ang maskara niya ay nahulog sa sahig. Hindi na siya nag-abala pang balikan ang maskara at agad nang tumakas. Hahabulin ko pa sana ngunit mabilis na itong nawala na parang bula. Nasuntok ang pader dahilan para magkabitak-bitak ang semento. Igting ang aking panga dahil sa sobrang inis. Ibinalik ko ang aking dating dating anyo.
"Ate!?" gulat na sambit ni Ericka nang makapasok ito sa aking silid. Pinakalma ko ang aking sarili upang huwag magkulay pula ang aking mga mata.
"Ngayon lang ba may nakapasok na magnanakaw dito?"
"Maraming beses na po," aniya. Pinulot ko ang maskara at sumbrero.
"Magpahinga ka na Ericka. Bukas mo na lamang ipakumpuni ang mga nasirang gamit. Pagpasensyahan mo na't unang beses ko rito'y gulo agad ang inabot mo sa akin." Umiling siya.
"Nasanay na po ako. Ganito rin naman po ang kuya Zairan." Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang kanyang kanang pisngi.
"Magpahinga ka na. Kaya ko ang sarili ko. Pansamantala muna akong mananatili sa silid-aklatan."
"Sigurado po kayo?"
Tumango ako. Tinanguan lang din niya ako at lumabas na ng aking silid. Binitiwan ko ang punit-punit na kumot. Kumuha ako ng bagong damit sa aking maleta at nagbihis. Pagkatapos ay dinampot ko ang naiwang maskara at sumbrero. Inusisa ko ang maskara. Simple lang ito. Kulay puti at walang disenyo. Ang sumbrero naman ang aking inusisa. Simpleng kagamitan ng isang lalaki. Inamoy ko ito. Nahigit ko ang aking hininga. Nabitiwan ko ang sumbrero. Biglang pumasok sa aking utak ang isang masalimuot na alaala. Isang batang lalaki, nakatayo sa harapan ng nasusunog na bahay. Napakurap ako. Punong-puno ng dugo ang kanyang damit. May hawak siyang banal na punyal. Kumurap akong muli. Nagulat ako nang bigla siyang lumingon sa akin. Nakangisi siya at parang ang saya-saya ng kanyang mukha. Nahigit ko ang aking hininga. Naalala ko siya. Siya ang batang iniligtas ko, dalawang daang taon na ang nakararaan. Ngunit siya rin ang pumaslang sa dalawampung bampirang naninirahan sa malaking bahay. Nahigit ko muli ang aking hininga. Nasapo ko ang aking lalamunan. Dali-dali akong kumuha ng inomin at nilagok ang laman ng bote. Kumalat ng konti sa aking mga labi ang dugo. Huminga ako ng malalim. Pinahiran ko ang aking bibig at kinuha ang basurahan sa aking tabi. Kinuha ko ang sumbrero at maskara. Binuhusan ko ito ng gasolina at sinindahan. Nakuyom ko ang aking mga kamao habang pinagmamasdan ang dalawang kagamitan na nasusunog. Bigla akong inatake ng aking kunsensya at pagsisisi. Dapat pinatay ko ang batang iyon dahil sa kahangalang nagawa niya. Ngunit sino ba ako para gawin ang bagay na iyon sa isang musmos na kagaya niya. Nakapagtataka kung bakit bumalik sa akin ang eksenang iyon. Mariin akong napapikit at muling nagdilat ng aking mga mata. Matapos matupok ng apoy ang kagamitang sinunog ko'y binuhusan ko ito ng tubig. Lumabas ako ng silid at tinungo ang silid-akltan. Igting ang aking panga. Humanda sa akin ang magnanakaw na iyon sa oras na bumalik siya rito.
HABANG nakahiga ako sa malambot na upuang binalutan ng katad ay inabala ko ang aking sarili sa paglalaro ng mga libro. Sa isang pitik ng aking kamay ay siya ring pagkatanggal nito sa lalagyan at muli ay palulutangin upang ibalik muli. Napatigil ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang yabag ng mga paa, patungo rito sa silid-aklatan. Ramdam ko sa hangin ang bawat paggalaw nito, lalo na ang t***k ng kanyang puso. Halata siyang tensyunado. Nang lumapat ang kanyang kamay sa busol ay agad akong tumunghay sa kanyang likuran.
"Bo!" malakas kong sambit.
"Ah!" tili niya at natumba. Nabitiwan niya rin ang kanyang mga dala. Yumuko ako para pulutin ang mga dala nito.
"May kailangan ka?" Tulala pa rin siya. Pinitik ko ang aking daliri. Nahigit niya ang kanyang hininga at bumalik sa kanyang huwisyo.
"G-ginulat niyo po ako senyorita Mocha, paumanhin po sa aking naging reaksyon. Kumusta po ang tulog niyo?" Napataas ako ng aking kilay kasabay ng aking pagkamangha. Namilog ang mga mata niya.
"Pasensiya na po senyorita Mocha. Nakalimutan ko pong hindi pala kayo natutulog."
"Maliit na bagay. Ano 'yan?" tukoy ko sa mga dala niya.
"May pasok po tayo ngayon. Unang araw niyo po sa trabaho." Umawang ang aking bibig dahil sa narinig.
"Sa yaman ng pamilya namin Ericka ay 'di ko na kailangan pang magtrabaho."
"Ngunit ang bilin po ng senyorito Steffano ay kailangan bumagay po kayo rito sa isla Herodes. Mainit sa mga mata ng iba ang walang trabaho. Sinilip ng ilan ang estado niyo sa buhay at iyon po ang iniiwasan ng senyorito Steffano. Bawal niyo rin po gamitin ang apilyedong Zoldic habang naririto po kayo sa isla Herodes."
"Kalokohan!" wika ko at nahampas ang aking kamay sa kahoy na barandilya. Nasira pa ito dahil sa lakas ng puwersa. Yumuko siya.
"Ipagpaumanhin niyo po senyorita Mocha pero iyan po ang utos ng pinsan niyo." Igting ang aking panga at padabog na kinuha ang kanyang mga dala. Tinungo ko ang silid at agad na pumasok sa banyo upang makapag-ayos ng sarili.
"Kahangalan!" anas ko sa kawalan habang nagbibihis na.
Nang matapos ako'y bahagya akong natigilan nang makita ang sarili sa harapan ng salamin. Suot ko'y uniporme ng isang guro. Kung ganoon ay magpapanggap akong isang guro sa unibersidad na pag-aari ng pamilya namin. Laglag ang aking mga balikat na lumabas ng silid.
"Ang salamin niyo po senyorita-"
"Sinabi ko na sa iyo, tigilan mo na ang pagtawag sa akin ng ganyan."
"Sige po, ate."
"Mabuti." Kinuha ko sa kanya ang antipara at isinuot ito. "Kumusta ang ayos ko?" Matamis niya akong nginitian. "Bagay po sa inyo."
"Salamat. Tara na." Sa pagkasabi ko niyon ay agad akong nawala sa kanyang harapan ngunit napabalik din naman ako ng tunghay kay Ericka.
"May nakalimutan ba ako?" Tipid siyang napatawa.
"Umakto po kayo normal ate. Wala po tayong sasakyan kaya maglalakad po tayo. At sasama po ako sa inyo dahil ako pa rin po ang personal ninyong alalay." Napamaywang ako.
"Wala ba akong pagpipilian?" Umiling naman ito. Kumikit-balikat na lamang ako at dumaan ng wasto sa pinto, palabas ng bahay.
"Masasanay din po kayo niyan ate."
"Ewan ko lang."