Palabas si Anna sa room na inuukupa ng anak para sana bumili ng makakain sa labas nang makita niya si Aaron na may kausap sa cellphone nito. Tumikhim siya upang kuhanin ang atensyon nito at sakto namang bumaling ito sa kinaroroonan niya. Nagulat pa ito nang makita siya, at ganoon rin naman siya. Nagtataka siya kung ano ang ginagawa ng lalaki sa Hospital.
May pasyente rin ba siya? Tanong niya sa isipan.
"Anna! Oh, n-nandito ka rin pala? Sinong kasama mo? Asawa mo?" sunod-sunod na tanong ng lalaki na tila nababalisa pa.
Nangunot ang noo niya sabay tingin sa kaniyang paligid kung may kasama ba siya roon.
Nagtataka rin siya sa klase ng tanong nito. Wala naman kasi siyang katabi ngayon kaya paano nito natanong na asawa niya ang kasama niya?
Napangiwi siya sa naisip.
"Ah...wala akong asawa, Sir Aaron. Saka..." May naisip siya. Boss ni Aaron si Brett, hindi kaya kapag sinabi niyang anak niya ang pinunta niya rito ay sasabihin rin nito iyon kay Brett?
Bakit may balak ka bang itago sa kaniya ang tungkol kay Brave? Tanong ng bahagi ng isipan niya.
Naipilig niya ang ulo. Wala siyang dapat na itago kay Brett. At higit sa lahat ay karapatan nitong malaman ang tungkol sa kaniyang anak.
Pero papano kung kukunin niya sayo si Brave? Tanong ulit ng isa pang bahagi ng utak niya.
"Anna?"
Napakurap-kurap siya nang marinig ang boses ni Aaron.
"Ahm..." Hindi niya natuloy ang sasabihin nang bumukas ang pinto ng room ni Brave at lumabas ang kaibigan niyang si Caloy. Bumisita ito upang kumustahin siya at si Brave.
"Oh, Anna, akala ko ba umalis ka na?" anito na nagulat pa nang makita siya. Napabaling rin ito kay Aaron. "May kausap ka pala. Sino siya Anna?" wika nito habang sinisipat ng tingin ang kabuuan ni Aaron.
"Aaron, pare." pakilala ni Aaron sa sarili nito kay Caloy sabay abot nito ng palad upang makipagkamay.
Tinanggap naman iyon ni Caloy, "Caloy, pare."
"Sige, mauuna na ako sa inyo. May bibilhin pa kasi ako." singit ni Anna sa dalawang lalaki. Nagugutom na rin kasi siya at pati na rin si Tekla. Hindi na siya nakadaan pa ng pagkain kanina dahil hinatid siya ni Vian dito sa Hospital.
"Samahan na kita, Anna?" suhestiyon ni Caloy.
"Sige, Caloy." Binalingan niya si Aaron at nagpaalam sa lalaki. "Mauuna na po ako, Sir Aaron." wika niya.
Hindi na rin niya natanong ang lalaki kung ano ang ginagawa nito dito, at nawala na rin sa isipan niya na sagutin ang tanong nito kanina.
Pero humabol sa paglalakad si Aaron hanggang sa sabay na silang tatlo na palabas ng Hospital.
"So, Anna, wala kang asawa? Hindi mo siya asawa?" Sabay nguso nito kay Caloy. "Saka iyon bang pasyente mo ay anak mo?" pahabol na tanong nito sa kaniya habang panay ang pagtipa nito sa cellphone na hawak nito.
Hindi na niya pinansin pa ang sinabi nito tungkol kay Caloy, pero nagulat siya nang sambitin naman nito ang tungkol sa anak niya.
Paano niya nalaman na may anak ako? Paano niya nalaman na may pasyente ako?
Nangunot ang noo ni Anna. Tumigil siya sa paglalakad at binalingan si Aaron.
"Wala po akong asawa, Sir. Kaibigan ko po si Caloy. At opo, anak ko po ang nakita niyo." Sinadya niyang diinan ang salitang nakita dahil sa tingin niya ay nakita nga siya nito kasama ang anak niya, at inakala pang asawa niya si Caloy.
Ang weird. Para bang sinusundan niya ako? Aniya sa isipan.
Napakamot sa ulo ang lalaki at naging mailap ang mga mata sa kaniya. "Ah, oh, sige, Anna. Naku, akala ko talaga e. Sige mauuna na ako sa inyo!" Biglang paalam ng lalaki at kaagad na humakbang palayo.
Samantalang napailing na lamang siya sa inakto ni Aaron.
"Manliligaw mo, Anna?" komento naman ni Caloy na pangiti-ngiti pa.
Napabuntonghininga siya, "Hindi, Caloy. Halika na't samahan mo na akong bumili nang makakain nagugutom na ako eh, at tiyak si Tekla ganoon rin." wika niya sa lalaki at nauna na siyang naglakad.
"Ako rin, Anna, nagugutom na rin ako. Nagugutom na ako sa kahihintay ng oo mo." biro pa ng lalaki.
Napabuntonghininga siya. Nag-uumpisa na naman kasi itong magbiro.
"Tigilan mo ako, Caloy. Ganitong nagugutom ako baka ikaw ang makain ko ng buo." natatawa na rin niyang biro sa lalaki.
"Willing ako magpakain, Anna!" Hindi nagpapatalo na sagot naman nito.
Natawa na lang sila pareho habang sabay na tinutungo ang isang fast food chain.
Nang makabili si Anna ng mga pagkain ay bumalik rin sila kaagad ni Caloy sa Hospital. Mabuti na lang at sinamahan siya ng lalaki at ito pa mismo ang pumila sa counter para kumuha ng order niya. Maliban kasi sa pagod siya ngayong araw, ay nanghihina rin siya simula pa kanina matapos ang interview niya kay Brett. Hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin siya, at feeling niya ay nasa paligid pa rin ang presensya ng binata.
Isang taon mahigit na hindi sila nagkita pero ang nararamdaman niya para sa lalaki ay naroon pa rin. Sa totoo lang ay sobrang natuwa ang puso niya sa muli nilang pagkikita kanina, pero natatakot rin siya at the same time na baka kapag nalaman nitong may anak ito sa kaniya ay kukunin nito si Brave. Pero umaasa siya na sana ay hindi iyon mangyayari.
Pagkahatid sa kaniya ni Caloy sa room ay nagpaalam na rin itong uuwi na. May anak rin kasi itong naghihintay rito. Natutuwa siya para kay Caloy dahil napakabuti nitong ina at ama sa nag-iisa nitong anak na si Bella. Binilhan niya rin ng pasalubong si Bella at pinadala iyon kay Caloy.
"Salamat, Anna. Naku, tiyak na matutuwa nito si Bella." anang lalaki. Humalik muna ito sa anak niyang si Brave na kasalukuyang natutulog bago ito lumabas ng pinto.
"Walang anuman, Caloy. Sige, mag-iingat ka sa pag-uwi." saad niya bago pinagsarhan ng pinto ang lalaki.
Ngunit wala pa mang ilang minuto simula nang umalis si Caloy ay may kumatok na naman sa pintoan. Si Tekla na ang nagprisenta na buksan iyon.
Ngunit nangunot ang kaniyang noo nang makita ang kaibigan na napatulala sa may pintoan at hindi na makagalaw sa kinatatayuan nito.
Tinawag niya ito, "Tekla, bakit? Sinong nariyan?"
Subalit ang baklang kaibigan ay tila kinikilig pa at hindi niya maintindihan kung bakit. Hindi na rin siya nito binigyan ng pansin.
Tumayo na siya at nilapitan ito. Ngunit maging siya ay natigilan rin at hindi nakagalaw sa kinatatayuan nang makita kung sino ang nasa labas ng pinto.
"Can I come inside, Anna?" anang lalaki na seryusong nakatitig sa kaniya.
Diyos ko! Anong ginagawa niya rito?
Kumabog ng malakas ang dibdib niya sabay baling sa anak na natutulog.
Ngayon na ba ito, Lord? Aniya sa isipan.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi dahil hindi siya makahagilap ng isasagot sa lalaki. Ang kaibigan niyang si Tekla ay nanatili namang nakatulala kay Brett. Hinila niya muna ito pabalik sa kinauupuan nito kanina, at saka niya binalikan ang lalaki.
"M-May kailangan po ba kayo, Sir?" tanong niya rito habang iniharang niya ang katawan sa bukana ng pinto.
"Yeah, but first, let me in." anito sa demanding na tinig.
Wala sa sarili na binigyan niya ito ng daan para makapasok sa loob. At pumasok nga ang lalaki habang ang dalawang kamay ay nakapasok sa loob ng magkabilang bulsa ng slacks nito. Naabutan pa nito ang mga pinagkainan nila ni Tekla na hindi pa naliligpit. Sinenyasan niya si Tekla na ligpitin ang mga iyon pero imbes na sundin ng huli ang nais niya ay kinuha nito ang isang friend chicken at kinagat habang ang mga mata ay nakatutok kay Brett.
Ang landi! Aniya sa isipan.
Nais niyang sabunutan ang kaibigan dahil parang wala ito sa sarili.
"Anak mo?" Napabaling siya kay Brett nang magsalita ito habang titig na titig kay Brave.
Muling rumagasa ang kaba sa dibdib niya at pakiramdam niya ay nanlalambot ang mga tuhod niya kaya napaupo siya sa isang silya.
Bakit ba siya nandito? Tanong niya sa isipan.
"Anak mo siya?" ulit na tanong ng lalaki sabay tingin sa kaniya. Kinabahan siya dahil sa klase ng tingin nito na tila ba pinapahiwatig sa kaniya na huwag siyang magkakamaling magsinungaling.
Inalis niya ang bara sa lalamunan bago niya matapang na sagutin ang lalaki.
"O-Opo, Sir."
At anak mo rin siya! Dugtong niya sa isipan.
"Hmm..." Muli nitong binalingan si Brave at tumango-tango ito. "Wala kang asawa pero may anak ka?"
Napatanga siya sinabi nito.
"Paano mo nalaman na wala po akong asawa, Sir?" takang-tanong niya sa lalaki.
"Bakit mayroon ba?" balik-tanong nito habang mariin siyang tiningnan.
Umiling siya bilang pagsagot sa lalaki.
"Kailan kayo lalabas?" muling tanong nito nang hindi na siya kumibo.
Hindi ba niya itatanong kung sino ang ama ni Brave? Bulong ng bahagi ng utak niya.
Saka bakit parang hindi man lang ito nagulat na may anak na siya? Bakit wala man lang itong reaksyon?
Pinagmasdan niya ang lalaki na nakatalikod sa kaniya. Wala namang kakaiba rito maliban sa mahaba nitong buhok, at lalong paglaki ng pangangatawan nito kaya masasabi niyang si Brett pa rin naman ito.
Tumikhim siya, "Ano po pala ang sadya mo, Sir?" ani niya imbes na sagutin ang tanong nito.
Pumihit ito paharap sa kaniya at kaswal na nagsalita. "Wala naman. Napadaan lang ako rito." anito sabay baling nito kay Tekla. Napatingin na rin siya kay Tekla. Napangiwi siya nang makita na para itong aso na nginangatngat ang buto ng manok!
"P-Pasensya ka na po sa kaibigan ko. Ganiyan lang po talaga siya." turan niya habang hinihilot ang noo dahil sa kaibigan. Maloloka yata siya kay Tekla.
Nagkibit-balikat lang ang lalaki sa sinabi niya.
Umiyak ang anak niya kaya sabay pa silang napabaling rito ni Brett. Kaagad siyang tumayo upang lapitan ang anak at hindi na pinansin ang lalaki na nasa tabi lang niya nakatayo. Naupo siya sa kama habang kalong ang anak.
"Gutom na baby ko?" malambing na tanong niya sa anak. Tumango naman ang bata. Binalingan niya ang bote nito sa ibabaw ng bedside table, akmang aabutin niya iyon nang maunahan siya ni Brett.
"Here," anito sabay abot sa kaniya ng bote.
Noon niya lang naalala na oo nga pala narito pala ang lalaki.
"S-Salamat." wika niya matapos abutin ang bote. Kalong niya si Brave habang tahimik na itong dumedede pero ang mga mata nito ay nakatutok kay Brett. May kung anong bagay na humaplos sa puso niya nang mapansin niyang titig na titig ang bata sa lalaki at ganoon rin si Brett sa kaniyang anak.
Samantalang ang kaibigan naman niya ay tila nawala na sa sarili nito. Hinayaan na lamang niya si Tekla at hindi na inistorbo pa.
Nagulat pa si Anna nang umangat ang kamay ng anak at tila gusto nitong abutin si Brett. Sinulyapan niya ang lalaki, nakatingin ito sa kamay ng bata at walang emosyon na makikita sa mga mata nito.
Please Brett, tanongin mo ako kung sino ang ama niya... Bulong niya sa isipan.
Umaasa siya na sasabihin nito iyon dahil hindi naman siya magdadalawang isip na sabihin rito ang totoo.
"I'll go."
Subalit kinain siya ng disappointment nang bigla na lamang itong pumihit patalikod at humakbang palabas ng silid. Nang sumara ang pinto ng room ay sumabay ang malakas na pag-iyak ni Brave.
Nalaglag ang mga luha ni Anna habang pinapatigil sa pag-iyak ang anak. Sinayaw-sayaw niya ito pero ayaw nitong magtigil sa kakaiyak. Noon na lamang din nahimasmasan si Tekla nang marinig ang pag-iyak ni Brave. Nagsalitan sila sa pagsayaw kay Brave pero hindi ito tumigil sa kakaiyak.
"Ano bang nangyari, Anna? Bakit naiyak si Brave?" tila lutang na tanong ni Tekla sa kaniya.
Sinamaan niya ito ng tingin bago sinagot, "Dapat ako ang magtanong sayo kung ano ba ang nangyari sayo at nawala ka sa iyong sarili." masungit na saad niya rito.
"Nakakita ng demigod?" sagot naman nito na tila patanong.
Napailing na lamang siya at kinuha ang anak sa kaibigan.
"Shhhh...tahan na baby ko..." Pag-aalo niya kay Brave.
Matapos ang mahabang pag-iyak nito ay sa wakas tumigil na rin. Naginhawaan si Anna habang maingat na inihihiga ang anak sa kama. Muli na itong nakatulog.
Naawa siya anak. Siguro naramdaman nito na ama nito si Brett kaya umiyak ito nang umalis ang lalaki. Pero ang lalaki ay tila hindi naramdaman na anak nito ang bata dahil wala man lang itong kaimo-emosyon.
Muli ay nalaglag ang mga luha ni Anna habang nakatitig siya sa natutulog na anak. Hindi niya rin kaya na sabihin kay Brett na anak nito si Brave kung hindi ito magtatanong. Iyon lang naman ang hinihintay niya, ang tanongin siya nito kung sino ang ama ng bata.
Umaasa na lang siya na sana tumalab kay Brett ang tawag na lukso ng dugo gaya nang naramdaman ng anak nilang si Brave.