Chapter 4- For Brave

1887 Words
Parating palang ng bahay na inuupahan si Anna ay dinig na kaagad niya sa labas ang iyak ng anak na si Brave, kaya naman binilisan niya ang paghakbang hanggang sa makapasok siya ng bahay. Kaagad niyang naabutan si Tekla, sinasayaw-sayaw nito ang kaniyang anak. Ngunit ang anak niya ay hindi matigil-tigil sa pag-iyak at halata sa galaw ni Tekla na natataranta rin ito. Ni hindi nga nito napansin ang presensya niya. Kaya nilapitan niya ito at tinapik sa braso. "Diyos ko namang babae ka! Mabuti at nakauwi ka na!" gulat na bulalas nito. Nangunot ang noo niya sa sinabi ng baklang kaibigan. "Bakit?" aniya. Inilipat nito ang bata sa braso niya at maagap naman niyang tinanggap ang anak, ngunit nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman na ang init ng katawan ng kaniyang anak. Alam niyang hindi iyon normal. "Anong nangyari? Bakit ang init ni Brave?" taranta niyang tanong sa kaibigan. Naupo siya sa upuan habang kalong niya ang anak at hinahaplos ang noo nito. Wala itong tigil sa pag-iyak. Maging si Tekla ay hindi mapakali sa kinatatayuan nito. "Ewan ko nga, Anna eh. Kanina lang ang sarap ng tulog niya hanggang sa bigla na lamang siya nagising at panay ang pag-iiyak. Akala ko nagugutom lang kaya pinagtimpla ko ng gatas, pero sinusuka lang niya ang gatas eh." anang kaibigan niya na hindi mapinta ang reaksyon ng mukha. Kinabahan na siya. "Bakit hindi ka tumawag sa akin?" Hindi niya maiwasang mainis sa kaibigan. "Gaga kanina pa ako tawag nang tawag sayo no! Eh, nakapatay naman yata iyang cellphone mo!" Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Wala na siyang panahon para tingnan pa ang cellphone kung lowbat ba ito o ano. Binuhat niya ang anak at mabilis na humakbang palabas ng bahay. Iyon ang naisip niya sa mga sandaling iyon, ang ipatingin ito kaagad sa doctor. "Samahan mo ako sa Hospital, Teks." saad niya sa kaibigan na ikinatango naman nito. Hindi na kasi maganda ang pakiramdam niya lalo't balisa ang anak at walang tigil sa pag-iiyak. Nang makarating sa Makati Hospital ay agad silang inasikaso ng doctor. Kinuhaan ng mga ito ng dugo ang bata upang isailalim sa laboratory test. At habang hindi pa lumalabas ang resulta ay pinapasok muna sila ng doctor sa isang silid. Kinakabahan si Anna habang hinihintay ang resulta. Hindi niya maiwasang kagat-kagatin ang dulo ng daliri habang nakatitig sa anak na ngayon ay natutulog na ulit. Pinainom ito ng doctor ng gamot para sa lagnat kaya kahit papano ay bumaba ang lagnat nito. "Kinakabahan ako, Tekla." hindi maiwasang sambit niya. Ganoon talaga siguro kapag nanay ka na. Mas gugustuhin mong ikaw na lang ang magkasakit kaysa sa sarili mong anak. "Normal lang iyan, Anna. Ang hindi normal ay hahayaan mong panghinaan ka ng loob." komento ni Tekla at tinapik ang kaniyang balikat. Bumukas ang pinto at pumasok ang babaeng doctor bitbit ang isang papel. Napatayo si Anna upang salubungin ito. "Miss Anna, narito na po ang result. At ang lumalabas, na dengue po ang baby mo." Napakurap-kurap siya sa narinig sabay baling kay Tekla. Maging ang kaibigan ay nagulat rin sa sinabi ng doctor. "Kailangan po ma-admit ang anak mo, Miss Anna, para mabantayan namin ang lagay niya." dagdag pa ng doctor. Hindi niya maiwasang maiyak sa narinig, "M-Malala po ba doc?" naisambit niya. Binalingan niya ang anak. "Wala naman po siyang rashes..." naiiyak niyang sabi. "Hindi kaagad lumalabas ang rashes kapag na-dengue ang isang tao, Miss Anna. At sa lagay ng anak mo ay nasa first stage siya ng dengue at mabuti nalang naagapan niyo bago pa ito humantong sa malalang sitwasyon. Kawawa naman ang poging iyan." pahayag pa ng doctor. Sa naging pahayag ng doctor ay hindi na nag-alinlangan pa si Anna, pina-admit niya ang anak upang mabantayan ang kondisyon nito. Kung kinakailangan na kumayod siya ng doble ay gagawin niya, maibigay lang ang pangangailangan ng anak sa loob ng Hospital. Bilang ina ay masakit para sa kaniya na makita na nasa ganoong sitwasyon ang anak, mas pipiliin pa niyang siya na lang ang magkasakit kaysa sa anak na walang kamuwang-muwang. Awang-awa siya anak dahil umiiyak ito habang tinutusok ito ng karayom. Kailangan raw kasi itong i-dextrose para hindi ito mawalan ng tubig sa katawan. Hindi niya nakayanan na tingnan ito kaya iniwas niya ang paningin. "Sorry, Anna, kung hindi ko sana ipinasyal si Brave sa kabilang kanto hindi sana siya nagka-dengue. Isinama ko kasi siya kahapon nang bumili ako ng meryenda," naiiyak na pahayag ng kaibigan niya. Halata sa tono ng pananalita nito ang paninisi sa sarili. Madalas nga nito isama sa labas ang anak niya at hindi naman siya tutol roon. Hindi rin niya ito sinisisi. "Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Teks. Walang may kasalanan sa atin," saad niya. Niyakap niya ang kaibigan upang pagaanin ang loob nito. Nang gabing iyon ay iniwan niya muna ang anak kay Tekla. Umuwi siya ng bahay para kumuha ng mga gamit ng anak dahil ang sabi ng doctor ay aabutin pa sila ng ilang araw sa Hospital. Nasa kalagitnaan siya ng paglalagay ng damit sa bag nang marinig niya ang sunod-sunod na pagkatok sa may pintoan. Iniwan niya ang ginagawa upang tingnan kung sino ang nasa labas. Pagkabukas niya ng pinto ay ang kaibigan ni Tekla ang bumungad sa kaniya. "Hi, Anna!" anito sa kaniya. "Vian! Napasyal ka? Hala, pasok ka muna." paanyaya niya sa lalaki. Sumunod naman ang lalaki. Hindi ito literal na lalaki dahil katulad ni Tekla ay bakla rin ito. Nang makaupo ito sa silya ay kaagad niya itong tinanong kung ano ang pakay nito. Bihira kasi itong pumasyal roon dahil busy ito sa trabaho nito. "Wala si Tekla, eh. Nasa Hospital—" Hindi niya natuloy ang sasabihin dahil napatayo ito at napasigaw. "Ano?! Bakit anong nangyari sa kaibigan ko? Jusko day! Aatakihin yata ako sa puso!" bulalas nito sabay hawak sa dibdib. Napangiwi siya sa inakto nito. "H-Hindi siya ang na Hospital, Vian...kundi ang anak ko..." malungkot niyang pahayag. Ngunit kamuntikan pa siyang mapatalon sa kinauupuan nang bigla naman tumayo si Vian at mapasinghap. "What? Ang inaanak ko! Bakit ano ang nangyari sa inaanak ko?" maarteng tanong nito. Hindi nito totoong inaanak si Brave. Ganoon lang talaga ang tawag nito sa anak niya. "Na dengue siya." Napasinghap pa lalo si Vian sa sinabi niya. "Ang totoo niyan ay umuwi lang ako para kumuha ng kakailanganin niya. Kung gusto mong makausap si Tekla, sumama ka nalang sa akin sa Hospital ngayon." malungkot na wika niya. "Kawawa naman ang inaanak ko," komento nito, "pero, Anna, hindi talaga si Tekla ang sadya ko kundi ikaw." Nangunot ang noo niya sa naging pahayag nito. "Ako? Bakit?" aniya. Wala pa man itong sinasabi ay kinabahan na siya at hindi niya alam kung para saan iyon. "Tamang-tama pala ang punta ko, Anna, dahil alam kong kakailanganin mo ng pera para diyan sa inaanak ko. Don't worry dahil malaki ang kikitain mo at isang gabi lang ito," Napangiwi siya sa sinabi ni Vian. Kaya pala kinabahan siya ay dahil mukhang kakaibang raket ang ibibigay nito sa kaniya. "Hindi ko kaya iyan, Vian. Hindi bale nang magtinda ako ng tilapya maghapon kaysa magtinda ng puri—aray!" napangiwi siya ng batokan siya nito. "At kailan pa ako naging taga-benta ng pechay ha? Lukaret kang babae ka!" gagad nito sa kaniya. Napakamot naman siya sa kaniyang batok. "Ano ba kasing raket iyan?" tanong pa niya rito. Ngumiti ito sa kaniya, kapagkuwan ay nilapitan siya nito at hinawakan ang magkabilang pisngi niya at pinisil. "Simple lang dear. Aakitin mo lang ang supladong bilyonaryo na iyon—" "Pass ako diyan." kaagad niyang tutol. Humalaklak naman ito sa sinabi niya. "Heto naman at hindi na mabiro. Joke lang iyon, ano ka ba!" Kapagkuwan ay nagseryuso ito. "Ang gagawin mo lang ay iinterbyuhin mo ang taong ito. Lahat ng itatanong mo sa kaniya ay sa amin manggagaling, syempre! Babasahin mo lang iyon sa harapan niya at ire-record mo rin ang mga isasagot niya. Ayaw kasi niya sa media o sa maraming camera. Eh, kailangan namin makakuha ng kahit konting pahayag lang mula sa kaniya kasi nga naman bigtime siya gurl! Isang karangalan sa amin na mapagbigyan niya kami." anito. "Eh, bakit hindi na lang ikaw? Total naman sanay ka sa trabaho mong ganiyan," kunot ang noo niyang komento. Reporter kasi si Vian. Kilala ang grupo nito sa bansa. "Naku, Anna, kung puwede lang talaga! Pero katulad nga ng sinabi ko sayo, ayaw niya sa amin. I mean is, ayaw niyang magpa-interbyu sa amin ng actual. Gusto niya pribado at ang gusto niya ay simpleng tao ang kaharap niya. Hindi katulad ko na reporter o kahit sino sa grupo namin. Mabuti nga at pinayagan niya kami sa gusto namin eh, wala pa kasi siyang pinagbigyan kahit na sino sa mga media. Kaya laking pasasalamat namin at naayon sa amin ang pagkakataon. Kaya, Anna, please pumayag ka na. Isang gabi lang iyon at malaki ang kikitain mo, promise!" Napatango-tango siya, pero na-cu-curious siya kung sino ba ang taong tinutukoy ni Vian. Siguro nabasa nito ang iniisip niya kaya inunahan na siya nito. "Huwag ka nang magtanong kung sino siya Anna, dahil makikilala mo rin siya! Basta kilala siyang tao sa bansa saka sobrang guwapo niya, Anna!" tila kinikilig pa na sabi nito. "Ano payag ka na?" untag pa nito sa kaniya. "Pero teka, bakit ako?" Hindi niya maiwasang itanong. Napangiti si Vian sa naging katanongan niya. "Alam mo, Anna, marami sana ang nakapila para rito eh, dahil marami ang may gusto na makaharap si Mr. Sungit at makita ito ng malapitan maliban sa malaking kikitain. Iyon rin ang pangarap namin dahil nga mailap siya sa mga tao. Pero dahil naalala kita, at alam kong kayang-kaya mo ang trabahong ito at kailangan mo ng pera para diyan sa inaanak ko ay ipinaglaban ko talaga ang ganda ko kay boss para lang pagbigyan niya ako na ikaw ang gusto kong iharap kay Mr. Sungit. Kaya sana huwag mo akong bigo-in my dear! Saka, anong malay mo binata pala siya at matipuhan ka niya. Pagkatapos ay ayain kang magpakasal! Sa ganda mong iyan kaya nga ikaw ang pinili ko eh!" Nakagat niya ang pang-ibabang labi dahil sa mahabang litanya ni Vian. Hindi niya rin maiwasang mapangiti sa mga huling kataga na sinabi nito. Naalala kasi niya ang kaibigang si Gina. Ganoon rin kasi ang sinabi nito sa kaniya noon nang magpaalam siyang manilbihan sa Valle's mansion. Huwag kang maniniwala sa mabulaklak na salita Anna! Naipilig niya ang ulo dahil sa alaalang pumasok sa isipan niya. "Go na ba, Anna? Sabihin mo, oo, dali!" atat na gagad ni Vian. Bumuntonghininga siya. Kailangan niya ng trabahong ito alang-alang sa anak na si Brave lalo't hindi maganda ang kalagayan nito ngayon at hindi niya alam kung hanggang kailan sila sa Hospital. Binalingan niya si Vian, "Kailan ba ito?" Kaagad lumiwanag ang mukha ng kaharap. "Sa huwebes na Anna! Yes!" masayang wika nito na napapalakpak pa sa hangin. Tumango siya at kapagkuwan ay ngumiti na rin, "Sige, Vian. Pero wala akong maisusuot eh. Kailangan bang pormal doon?" aniya. "Mismo! But don't worry my dear dahil akong bahala sayo!" Kung gayon ay wala na pala siyang po-problemahin pa. Ang kailangan niya lang gawin ngayon ay ihanda ang sarili para sa araw na iyon. At kailangan na rin niyang bumalik ng Hospital ngayon. Para kay Brave! Anang isipan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD