- “AKO NA sa mas matanda. Nararamdaman kong mas malakas siya,” sabi ni Renzo. "At minsan ko na rin nakita kung paano sila lumaban." Tumango ako. Si Rosmar ang tinutukoy niya kaya tinuon ko ang mga mata ko kay Rospert. Hindi na ako magmamataas pa, dahil alam ko sa sarili ko na mas malakas at mas marami pa rin ang nalalaman ni Renzo sa pakikipaglaban kaysa sa akin na halos magdadalawang buwan pa lamang nagsimulang matutong humawak ng espada.
Ang mga kumag kong pinsan na bakas sa mga asta ang yabang, tila pinaparamdam sa akin na mas mataas sila kaysa sa akin kahit pa ako ang prinsepe ng kaharian ng Arahandra. Tila hindi nila ito kinikilala – malamang dahil alam nilang hindi ako purong dugong bughaw. Sa kasuotan nilang gintong baluti, tila ba sinasabi nilang sila ang mas nakakaangat sa akin. Ngunit si ama, asul na baluti ang ibinigay sa amin ni Renzo, isang pagpapakita ng pagkakapantay-pantay at pagbigay galang sa kulay na sagisag ng kaharian.
Nabubuo sa isipan ko kung bakit kailangan ako ni ama sa kahiriang ito. Hindi niya hahayaang ang tulad nina Tiya Rosaline at mga anak nito ang sunod na maging pinuno ng Arahandra. Ngunit hindi ko pa rin masabi ang dahilan kung bakit tila ba kailangan ko na agad humalili kay ama bilang hari ng kaharian. Mula nang mag-umpisa akong magsanay, ang pakikipaglaban at maging malakasako na lamang ang madalas naming pag-usapan at pinagtuunan. Hindi ko pa naitanong sa kanya ang mga katanungang matagal nang nabuo sa aking isipan. At kulang pa rin ang nalalaman ko tungkol sa kahariang ito ng Arahandra sa mismong mundong ito na hindi ko kinalakihan.
Sa pagsigaw ng hudyat ni ama na pagsisimula ng laban, mabilis na palipad na sumugod sa amin ang aking mga pinsan. Na amin namang sinalubong ni Renzo! Tumalon nang mataas si Renzo upang maagaw ang pansin ni Rosmar at naglaban silang dalawa. Ako naman ay agad nasalag ang espada ni Rospert at nagkasagupaan ang aming mga espada sa paghaharap naming dalawa. Maging ang aming mga kalasag ay nagkakasalpukan.
Nagawa kong makipagsabayan ng atake kay Rospert kahit pa lumilipad-lipad siya at patingala akong dumedepensa at umaatake sa kanya ng aking espada. Sinikap kong masabayan ang kanyang bilis.
Nagagawa niya akong matamaan sa katawan mabuti na lamang ay sa aking baluti ito tumatama. Bagama’t masakit, ay tiniis ko iyon at patuloy akong nakipagsagupaan dahil hindi ako magpapatalo sa nakababata kong pinsan na kumag!
Naririnig ko rin ang sagupaan nina Renzo at Rosmar. Ang laban nila ay mas matindi sa amin ni Rospert. Nakikipagsabayan sa himpapawid si Renzo kahit pa hindi talaga siyang nakakalipad. Dinig na dinig ang halikan ng kanilang mga espada na nakakagawa pa ng kislap sanhi ng matinding bungguan ng mga metal. Mahusay talaga si Renzo at ang taas ng pagtalon niya na naabutan ang taas nang paglipad ni Rosmar.
“Aaaah!” Napasigaw ako sa pagsalag ko ng atake ni Rospert. Bumuwelo siya mula sa itaas at mabilis bumulusok upang tagain ako ng kanyang espada. Mabuti na lamang ay napakatibay ng aking hawak na kalasag. Ngunit tila binunggo ako ng napakabigat na bolang metal mula sa langit at nabingi pa ako sa nagawang tunog noon.
At ako naman ang umatake! Nagawa kong patusok na iunday ang aking espada sa tiyan ni Rospert. Tinamaan ko siya ngunit hindi ko alam kung napinsala ko ba dahil sa baluti niya tumama ang talim ng aking espada at mabilis siyang lumipad palayo.
“Pinahanga mo ako, Mahal na Prinsepe,” may nakakalokong saad ni Rospert habang nasa itaas siya mga dalawang dipa ang layo sa akin. Hindi siya maaabot ng espada ko. Tila sinasabi niya sa akin na wala akong magagawa laban sa kanya sa ganitong sitwasyon. At ang pagtawag niya sa akin ng prinsepe ay tila may ibig sabihin.
Umikot-ikot pa si kumag tapos lumipad paikot sa akin. Nananadya talaga! Ngunit hindi ko siya nilubayan ng tingin at may paraan akong naisip sa muling pag-atake niya. Unti-unti, niluluwagan ko ang pagkakakabit ng kalasag sa aking kamay. At pumorma ako nang atake ng aking espada habang nakababa ang aking kaliwang kamay hawak ang kalasag na binigyan ko ng puwersa.
Lumipad palayo si Rospert na pumapaikot-ikot sa akin, sinusubukan niya akong lituin. Susugod siya gaya nang dati na nais hindi na ko malaman kung saan siyang direksiyon magmumula kaya naman mabilis at malikot ang galaw niya ngayon. Sa tingin niya ba hindi ko napag-aralan sa pagsasanay ang binabalak niya? Alam kong iyon ang gagawin niya. Ginagamit niyang advantage ang kakayahan niyang lumipad laban sa akin na wala. Ngunit may hawak akong bagay na kaya kong paliparin.
Sinundan ko ng mga mata at pagkilos ang likot ng galaw ni Rospert habang pabulusok siyang sumusugod sa akin. Sana ay hindi ako magkamali ng tiyansa sa pagbato ko ng atake ko sa kanya. At sana, hindi pamilyar sa mundong ito ang gagawin kong atake upang magtagumpay akong mapatama ang papakawalan kong sandata.
Palapit na siya nang palapit at nakaumang na ang kanyang espada sa akin. Dalawang dipa! Isa! Tira!
Sa layong isang dipa bago pa man tuluyang makalapit sa akin si Rospert ay ibinato ko sa kanya ang aking kalasag! Ginaya ko ang pagbato ng isang sikat na superhero! At sapol! Tinamaan ko si kumag sa ulo! Bumulwak ang dugo sa nagawang sugat sa noo ni Rospert ng pinakawalan kong kalasag. At napatilapon pa siya at agad bumagsak na patihaya sa sementadong stage na pinaglalaban namin!
Nagawa ko! Napalingon ako kay ama at nakita ko ang pagmamalaki sa kanyang mga mata. At nahagip din ng mga mata ko si Tiya Rosaline - nanlilisik akong tinitingnan. Gusto kong umiwas ng tingin ngunit nakipagtitigan ako. Ang tingin niya ay hindi lamang dahil natalo ko ang kanyang anak sa laban at nasaktan, kundi isang tingin na nasusuklam at may galit. Naglalaro sa isipan ko, kung anong klase ba ng Aran ang kapatid na ito ni ama?
Naagaw ang pansin ko nang makita kong bumagsak si Renzo at duguan na ang kanyang katawan. Agad akong patakbong nilapitan siya at sinubukang itayo. At huli na nang - "S-Sa likod mo!" pilit na sinambit ni Renzo.
Hindi na ako nakakilos pa. Sa leeg ko ay nakatutok na ang patalim ng espada na tumusok na ang dulo sa aking balat at naramdaman ko na ang pagdaloy ng mainit na likido mula roon. Naghalo ang hapdi at takot sa aking pakiramdam.
"Tapos na ang laban," narinig kong sambit ng nakakatanda kong pinsang si Rosmar. "Talo ka, Prinsepe."
Nanlamig ako at nanlumo ngunit hindi pa rin makakilos.
- NAKAUPO AKO sa balkonahe na malapit sa aking silid. Nakayuko ako at hindi ko alam kung ilang oras na akong ganito. Mula nang matapos ang laban at nilisan ng lahat ang lugar sanayan ay dito na ako nagtungo. Hindi ko maharap si ama.
Tinapik ako ni Arvan. "Mahusay pa rin ang pinakita mo sa laban," sambit niya. Pinapalakas niya ang loob ko. Pinasundan daw ako sa kanya ng kanyang ama, alam ni Tiyo Celesto na magmumukmok ako dahil katulad rin daw ako marahil ni ama na hindi agad tanggap ang aking pagkatalo.
Sa mundo ng mga tao, mula pa noon talo na ako. Madalas akong laging talunan sa lahat ng bagay at hindi iyon okay sa akin. Ngunit sinasarili ko na lamang palagi ang sakit. Dahil wala naman akong magagawa. Hindi ko man tanggapin, ngunit isa akong mahina kaya wala akong magagawa. Ang akala ko, mababago na ang buhay ko sa bagong mundong ito - ngunit para yatang nagkakamali ako.
"Ngunit talo pa rin kami sa laban," tugon ko kay Arvan.
"Mula pagkabata ang pinsan nating sina Rosmar at Rospert ay tinuruan na kung paano makipaglaban. Sila ay mga mandirigma na mula pa man noon na marami nang napatumbang kalaban, at isa na ako roon. Kaya hindi nakakagulat na matalo ka nila lalo na nitong nakaraan ka lamang hunawak ng isang espada at nagsanay makipaglaban. At hindi mo pa napapamalas ang kakayahan mong lumipad. Ngunit ang nakakagulat, napabagsak mo ang isa sa kanila." Napalingon ako kay Arvan. "Prinsepe Peter, mahusay pa rin ang iyong ipinakita. Hindi ka talunan."
Lumitaw ang matipid na ngiti sa labi ko. Tama si pinsan Arvan, nagawa ko pa rin mapatumba si Rospert. Sa laban naming dalawa, panalo ako. At hindi ko lang inasahan ang pagsugod sa akin ni Rosmar habang tinutulungan ko si Renzo.
"Kumusta ang lagay ni Renzo?" tanong ko.
"Maayos ang lagay niya. Mas malala pa rin ang tinamong pinsala ni Rospert. Nasungitan ka pa nga ng iyong katandem sa laban, hindi ba?" tugon ni Arvan na natawa sa huling sinabi niya.
Napangisi ako. Nang ihayag na natalo kami sa laban, nakatayo na noon si Renzo. At aalalayan ko sana siya maglakad ngunit sabi niya sa akin, "Mahina ka kung iisipin mo ang kapakanan ng iyong kakampi at hindi ang manalo sa laban," iyon ang sinabi niya at tinalikuran ako. Kaya mas naramdaman ko na natalo kami sa laban, na nabigo ako dahil sa naging asal ni Renzo. Parang ako pa ang sinisi niya sa pagkatalo namin.
"Pero, mali ba na isipin ko ang kapakanan ng kakampi ko sa laban? Hindi ba pagkatalo rin kung masawi ang mga kasama ko sa laban?" katanungan ko.
"Sa digmaan, ang pagkapanalo ang pinakamahalaga. Kahit pa nasawi na ang halos karamihan hangga't may isang nananatiling nakatayo at nanalo ang nag-iisang natitira sa laban, iyon pa rin ang matatawag na panalo. Dahil hindi lamang iyon laban ng dalawang pangkat na nagsalpukan sa digmaan kundi laban ng kahariang kanilang ipinaglalaban," pahayag ni Arvan.
Natigilan ako. Naunawaan ko na. Dahil sa laban, ang ipinaglalaban mo ang mahalaga, hindi ikaw na lumalaban kundi ang magiging resulta ng laban. Kung nasa isang digmaang kaharian laban sa isa pang kaharian, ang manalo sa digmaan ang dapat isaalang-alang dahil buong kaharian ang nakasalalay at ang mga mandirigma sa digmaan ang mag-aalay lamang ng buhay. Pagpapakabayani para sa nakararami.
Dumating si Arriane at mukhang may inaalala. Napansin ko naman na natahimik na si Arvan sa pagdating niya. Tumayo ako. "Ano ang nangyari?" tanong ko kay Arriane.
"Hindi ko pa lubusang nalalaman, ngunit hindi maganda," tugon niya.
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Narito ngayon ang mga pinuno ng mga bayan, maging si ama. Nakausap ko si ama, ipinatawag sila para sa biglaang pagpupulong."
"Maaring may mahalagang sasabihin si ama? Ngunit parang biglaan naman yata?" pagtataka ko.
"Hindi ang iyong ama ang nagpatawag. Kundi si Prinsesa Rosaline," may pag-aalalang saad ni Arriane.
"Si Tiya?" ani ko na hindi mawari ang nagaganap.
Agad kaming tatlong nagtungo sa bulwagan kung nasaan sina ama at ina at ang mga pinuno.
"Ano ang kalapastanganang ito, Rosaline!" may galit na sigaw ni ama. Nasa hagdanan lamang kaming tatlo nina Arriane at Arvan.
Humakbang si Tiya Rosaline at nilibot ang tingin sa mga naroroon sa bulwagan at huling pinukol ako ng tingin. At itinuro ako. "Ang Prinsepeng iyon ay hindi purong dugong bughaw!" Napalunok ako. Lahat ng mga mata ay nasa akin. "Hindi siya totoong anak ng unang dapat pakakasalan ng hari na nasawi sa kanyang panganganak! Siya ay mula sa ibang mundo! Mundo ng mga tao! Anak siya ng hari sa ibang lahi! Hindi siya karapat-dapat na sunod na maging hari ng ating kaharian!"
Galit na napatayo si ina. "Ano ang kabaliwan ang pinagsasabi mo, Rosaline! Tahasang paninira sa hari at panglalason ng isipan ang iyong ginagawa na kamatayan ang kaparusahan!"
Humalakhak lamang si Tiya Rosaline. "Isa ka lamang tagasunod na ayaw bumaba sa trono, hindi ba Reyna Elizabeth?"
"Lapastangan!" sigaw ni ina.
Ngunit balewala lamang kay Tiya Rosaline ang pagpapakita ng galit ng Ina kong Reyna at hinarap nito si ama. "Ihayag mo sa amin ngayon Mahal na Hari, ang dahilan nang pagpapatawag mo sa isang prinsepeng hindi purong dugong bughaw at ang maagang pagpapakilala nito sa lahat na susunod na magiging hari ng Arahandra?!"
Ang mga mata ni ama, hindi lamang galit ang naroon kundi pagkadismaya. Nais kong may gawin ako sa sitwasyon. Ngunit tila makakagulo lamang ako gayung pinoproseso ko pa sa utak ko ang nangyayaring ito. Ngunit malinaw, na si Tiya Rosaline ay hindi ako tanggap na maging hari...