PROLOGUE: Pagtatagpo Ng Pinagmulan Ni Peter Agila
(DECEMBER 1999, dito magsisimula ang aking kuwento)
~ ISANG MAULANG gabi na maririnig ang malalakas na kulog at gumuguhit sa kalangitan ang mga kidlat. Sa Tanay, Rizal, isang mahiwagang lalaki ang bumulusok mula sa langit sa isang kagubatan. Kakaibang asul na kasuotan ang suot ng binata. Naglakad siya palabas ng gubat hanggang mapadpad sa daang may layo-layong mga kabahayan. May kabang nararamdaman ang binata sa hindi pamilyar na lugar na kinaroroonan niya. Napapalingat-lingat siya habang patuloy na hinahakbang ang mga paa. Nakakaramdam na rin siya ng lamig dulot ng pagkabasa ng ulan na unti-unti nang humihina. At nasa katawan na niya rin ang panghihina, at may nararamdaman rin siyang kirot sa katawan dahil sa pagbagsak niya sa lupa.
Sa patuloy na paglalakad ng binata ay narating niya ang ilang mga kabahayan, at nang mga sandaling iyon ay huminto na ang ulan. Ilang dipa ang layo, may tindahang nakabukas at may dalawang lalaking pasuray-suray ang nanggaling mula roon.
“Aling Melit, tutuloy na kami! Tumila na ang ulan!” pasigaw na tinig ng lalaking narinig niya. Alam niyang lasing ito dahil sa lugar na pinanggaligan niya ay may nakalalasing din na inumin.
Huminto ang mahiwagang binata sa paglalakad. Sa harapan niya ay pasalubong na naglalakad ang magkaakbay na lasing na mga lalaking may edad na at malaki ang mga tiyan. Nakita siya ng mga ito at napuna ang kanyang kakaibang kasuotan.
Itinuro siya ng isang lalaki na natatawa sa hitsura niya. “Tingnan mo, pare. May mga baliw!” anito. At sabay siyang pinagtawanan ng dalawang lasing.
“Alam ba ng dalawang ito kung sino ang kinakausap nila? Ibuhol ko ang mga ito, eh.” mahinang sambit niya sa sarili at napabuntong-hininga siya. “Pero ano raw, mga baliw?”
“Marinang baliw, magkasama ba kayo?” sigang tanong naman ng isa pa.
Napalingon siya sa kanyang likuran, tumambad sa kanya ang isang dalaga. Nakapayong ito ng bulaklaking kulay dilaw na kanyang naaninag dahil sa liwanag na nagmumula sa poste na nasa kabilang kalsada. Ibinaba ng dalaga ang hawak na payong nito at napagmasdan niya ang maganda nitong mukha. Tila dinala na naman siya sa ibang lugar dahil lamang sa pagkakatitig niya sa mga mata ng dalaga. At kasabay rin noon, tila tumibok nang mabilis ang puso niya. Hindi iyon kaba, iyon ay kakaiba na nagpaguhit ng ngiti sa kanyang labi. Unang beses iyon na maramdaman ng binata.
Ngunit hindi niya inasahan ang biglang ikinilos ng babae, sumugod ito sa kanya at itinulak siya nito na binitiwan pa ang hawak nitong payong.
“Oo, kasama ko siya!” sigaw ng dalaga. Hindi siya ang talagang sinugod nito kundi ang mga lasing na lalaking papalapit sana sa kanya. Tinutukan pa ng dalaga ng patalim ang mga ito.
Pinagmasdan niya lamang ang nagaganap, pinagtatanggol siya ng babaeng nakaitim na T-shirt at puting palda.
“Umalis na kayo, Mang Berto, Mang Fredo, kung ayaw n’yong iturok ko sa mga tiyan n’yo ang balisong ko!” sigaw muli ng dalaga, hinaharang nito ang sarili nito sa kanya. “Baliw ako, ‘di ba? Ang baliw hindi nag-iisip nang tama! Kaya baka hindi lang sa mga butete n’yong tiyan ko isaksak itong hawak ko! Baka d’yan pa sa mga leeg n’yo, lagyan ko kayo ng gripo! Bagong hasa ko pa naman itong balisong ko! Ano, ha?”
“Baliw ka na talaga, Marina! Aswang!” may kabang sigaw ng isang lalaki.
Humakbang ang dalaga at dinuro-duro ang hawak na patalim sa mga lasing. “Oo na nga! Baliw na! Baliw na kung baliw! Kaya alis! Kung ayaw ninyong mabiktima kayo ng baliw na aswang!” sigaw nito sa dalawa.
Kumarepas naman ang dalawa. Patakbo ang mga itong tumawid ng kalsada habang nagsisisigaw nang panunuya sa dalaga. “Baliw! Baliw! Baliw! Baliw! Aswang! Aswang!” Hanggang makalayo na ang dalawang lasing mahina pa rin nilang naririnig ang mga boses nito at patuloy na nanglalait.
Hinarap siya ng dalaga, nakangiti ito sa kanya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Para ka kasing engot talaga sa suot mo kaya ka napagtitripan,” natatawang sabi nito. Muli lamang niya itong pinagmasdan na may ngiti sa labi. “Nginingiti-ngiti mo d’yan?”
“Wala. Salamat,” sambit niya.
Napangiti ang babae. At napahanga ito sa buo at lalaking-lalaking tinig niya. “Para naman saan?” tanong nito.
“Iniligtas mo ako. Ipinagtanggol mo ako, hindi ba?” tanong niya.
Nakangiting tumango ang dalaga. “Dahil mukha ka rin baliw katulad ko,” tugon nito.
Tiningnan niya ang kasuotan ng dalaga at inalala ang mga suot ng dalawang lasing na lalaki kanina, at kinompara ang mga ito sa kasuotan niya. “Dahil iba ang suot ko sa inyo?” tanong niya.
“At katulad ko…” Seryosong pinagmasdan siya ng dalaga. “Hinuhusgahan ka rin dahil hindi ka nila kilala,” makahulugang saad ng dalaga.
Inayos ng dalaga ang balisong na hawak nito, tinago ang talim at isinukso sa baywang. Kinuha nito ang payong sa gilid ng kalsada at pagkatapos ay muli siya nitong hinarap. “Sumama ka sa akin,” wika nito at naglakad ito.
Sinundan niya ang dalaga. Sa tindahang pinanggalingan ng dalawang lalaki kanina ito pumunta. At namangha siya sa mga panindang naroon sa maliit na tindahan. Pinagmasdan niya rin ang aleng may-ari ng tindahan.
Bumili ang dalaga. “Dalawang Lucky Me at isang itlog po,” nakayukong sabi ng dalaga. Napuna niya na tila ilag ito sa ale.
Padabog na binigay ng ale ang binanggit ng dalaga at pagkatapos ay nagbayad ang dalaga sa eksaktong halaga, alam nito kung magkano ang eksaktong presyo ng binili nito.
“Tayo na,” mahinang sambit ng dalaga sa kanya at tumalikod ito sa tindahan at naglakad palayo.
Patakbong sinundan niya ang dalaga. “Bakit ganoon?” tanong niya nang maabutan niya ito.
Huminto ang dalaga. “Alin?” tanong nito.
“Hindi ba natulungan mo ‘yong matandang babae dahil binayaran mo sa kanya ang mga bagay na hawak mo ngayon? Bakit yata tila nagalit pa ang ale sa iyo?” pagtataka niya.
“Gano’n talaga kapag iba ka,” nakangiting sambit ng dalaga.
Ngumiti siya at hinaplos ang mahabang buhok ng dalaga. “Hindi ka iba. Maaring iba lamang ang tingin nila sa iyo dahil hindi ka nila maunawaan. Sadyang natatakot tayo at hinuhusgahan ang hindi natin kilala,” saad niya.
Pinagmasdan siya ng dalaga. “Ikaw, ano ka?” tanong nito.
“Ako?” tanong niya.
“Sinundan talaga kita. Nakita kita mula sa langit,” sagot ng dalaga.
Ngumiti ang binata. Alam niyang nasa ibang lugar siya, mundong iba sa mundong pinanggalingan niya. Ngunit hindi iba ang tingin sa kanya ng dalaga. Nauunawaan siya nito, walang takot at panghuhusga.
“Ako si Prinsepe Virgilio,” pakilala niya. “Mula ako sa kaharian ng Arahandra.”
“Marina ang pangalan ko,” nakangiting pakilala naman ng dalaga. “Malapit sa binagsakan mo ang bahay ko.”