CHAPTER 11: Nakaraan

1613 Words
~ TUMAYO SI ama. Pinaliwanag niya ang kanyang kaliwang palad - nasaksihan ko na iyon noon, katulad nang ginawa niya noon sa mundo ng mga tao. Umikot pabilog ang liwanag na asul na animo ay isang maliit na buhawi at sa palad ni ama ay nagkaroon ng asul na marka, marka na mistulang pag-ihip ng hangin. Gumapang sa hangin ang asul na liwanag at iyon ay patungo sa akin. Napalingon sa akin ang lahat. Pinagmasdan ako at naghintay sila sa susunod na mangyayari, na tila ba nakabantay sila sa akin at sa maaring maganap. Inangat ko ang aking kaliwang kamay at doon bumalot ang liwanag, bumuo ito na animo ay buhawing maliit at nagkaroon ng markang asul sa aking palad katulad ng marka sa palad ni ama. Unti-unti ang asul na liwanag ay bumalot sa aking katawan at ako ay umangat, inilipad ako nito patungo sa kinatatayuan ni ama. Nananatiling ang mga mata ay nakatingin sa akin hanggang nasa tabi na ako ng aking amang hari. At buong lakas ng loob kong hinarap ang lahat - huli kong pinukol ng tingin at nakipagtitigan ako sa aking Tiyang si Rosaline. "Ang aking anak na nasa inyong harapan! Si Prinsepe Peter Agila! Ay purong dugong bughaw! At karapatdapat na maging hari ng Arahandra! Siya ay anak ng hari at ng dalagang mula sa maharlikang pamilya ng bayan ng Bulhang!" pahayag ni ama. Napalingon ako kay ama. Sa kanyang mukha ay walang mababakas na pag-aalangan sa kanyang binitawang mga salita. Naglalaro sa isipan ko, kung iyon ba ay totoo o isang pagpapanggap upang pagtakpan ang aking pagkatao. Kilala ko ang aking pinagmulan ngunit bakit tila hindi nagsasabi ng kasinungalingan si ama? "Si Marina Amihan, mula sa marharlikang pamilyang Amihan na dating namumuno sa bayan ng Bulhang! Ang ina ni Peter, na aking anak!" pagpapatuloy ng aking amang hari. Mas lalo akong naguluhan. Ano ito? Marina ang binigkas na pangalan ni ama na pangalan. Si mama ba ang tinutukoy ni ama? Humakbang si Tiya Rosaline at idinuro kami ni ama. "Kasinungalingan!" malakas njyang sigaw na dumagundong sa kabuuan ng bulwagan. "Sisiguruhin kong pagbabayaran mo ang lahat nang ito, Rosaline!" madiing saad ni ama at iniangat niya ang kanyang mga kamay. "Hangin ng Katotohanan, isinasamo kita!" sigaw ni ama at unti-unting may malakas na hanging nabuo sa itaas. "Ipakita mo sa amin ang nakaraang pinagmulan ng aking anak na si Peter Agila!" Ang hanging tinawag ni ama ay unti-unting nagkaroon ng puting liwanag. At sa liwanag na iyon ay nabuo ang mga imahe. Sina ama at mama, noong mga dalaga't binata pa sila sa lumang bahay namin sa Tanay, Rizal. Masaya sina ama at ina. Sunod na imahe ay buntis na si mama at iniwanan siya ni ama - lumipad si ama at naglaho sa kalangitan. Luhaan si mama at mag-isa na lamang siya hanggang sa siya ay magsilang, ako ang sanggol na iyon. Pinakita ang unti-unti kong paglaki hanggang sa mapunta kami sa Maynila. At huling pinakita ay ang araw na kunin ako ni ama. "Nasaksihan ninyong lahat, na nagsasabi ako ng totoo! At pawang katotohanan lamang!" may panunumbat na sigaw ni ama. Natahimik lamang ang lahat na tila napahiya sa kanilang asal ngayon na pagsugod sa palasyo at gumawa ng eksena. Kanina, naririnig ko ang mga komento ng iba, na si mama nga ang Marina na mula sa isang maharlikang pamilya mula sa bayan ng Bulhang na matagal nang nawawala. Ano ang ibig sabihin nito? Mas lalo lamang akong naguluhan. Kung gano'n, isang Aran din si mama? Humakbang si ama at itinuro niya si Tiya Rosaline. “Mga kawal!” tawag niya. “Dakpin ang aking kapatid at kanyang mga kapanalig!” dumagundong na sigaw na utos ni ama. Lumuhod si Tiya Rosaline bigla kasunod ng kanyang ilang mga kapanalig na tulad niya ay pinuno rin ng isang bayan dito sa kaharian. “Patawad, Mahal na Hari!” nakayukong sigaw ni Tiya. “Nais ko lamang makasiguro na karapatdapat ang aking pamangkin natumayo bilang sunod na hari ng ating mahal na kaharian!” Palusot. Iyon ang tingin ko sa rason ni Tiya Rosaline. Ang kanyang mga kasamahan ay pinagsigawan din ang mga katagang iyon at paulit-ulit humingi ng tawad. Habang si ama ay matalim lamang na nakatitig sa kanila. “Bilang hari! Tinatanggap ko ang inyong paghingi ng tawad kung para iyon sa pagmamahal ninyo sa Arahandra! Ngunit hindi ko palalampasin ang inyong kalapastanganan! Bilang parusa, mula ngayon hanggang sa maging ganap na hari ang aking anak na si Prinsepe Peter! Hindi kayo maaring tumuntong sa palasyo at walang tulong na matatanggap sa ano man suliranin o sakuna na inyong makakaharap! At may mga sundalo’t kawal ako na magbabantay sa inyong mga bayan!” Nag-iyakan at muling humingi ng tawad ang mga kasaping pinuno ni Tiya Rosaline habang siya ay nakayuko lamang na nakakuyom ang mga palad hawak ang laylayan ng mahaba niyang kasuotan. Ang ibang mga pinuno naman ay tahimik lamang… ~ TINUNGO KO ang balkonahe ng aking kuwarto. Grabe ‘yong nangyari kanina. Napabuntong-hininga ako at ilang ulit huminga nang malalim para mawala ang kaba at ang tensiyon na naramdaman ko. At napatanong ako sa sarili ko, ‘Kung ako ang hari, ano kaya ang magiging desisyon ko sa nangyaring iyon?’. Isang katok ang narinig ko sa pinto mula sa labas ng aking silid at narinig ko ang pagtawag ni ama. “Maari ba akong pumasok?” Nagmadali akong tinungo ang pinto at binuksan ito. “Batid kong may mga nais kang malaman, Peter,” bungad ni ama. Diresto akong nakatingin sa kanya at tumango lamang ako… (FEBRUARY, TAONG 1999) -NAKALUTANG SA himpapawid ang binatang prinsepeng si Virgilio, na nakatakdang maging hari ng Kaharian ng Arahandra. Pinagmamasdan niya mula sa itaas ang kabuuan ng kaharian. Ngunit hindi sa kanyang natatanaw ang kanyang isipan. Tumingala siya, nasa hindi niya matanaw ang kanyang iniisip at inaalala. Nilapitan siya ng kanyang nakababatang kapatid na lalaking si Prinsepe Celesto. "Hinahanap ka ni ama," anito sa kanya. "May paraan kaya upang mapuntahan ko ang mundong iyon?" iyon ang naging tugon niya sa tinuran ng kayang kapatid. "May dalaga nang napili na iyong mapangasawa, aking kapatid. Hindi mo na dapat inaalala pa ang sa iyo ay dapat na nakaraan na lamang," saad ni Celesto. "Ngunit paano ko haharapin ang aking mapapangasawa maging ang pagiging hari kung ako ay nananatiling nakakulong sa nakaraang iyon? Sa huling pagkakataon, nais ko lamang siyang masilayan," malungkot na turan ni Virgilio. "Hindi siya karapatdapat sa iyo, iyon na lamang ang isipin mo upang ika'y makawala at malayang lumipad nang payapa," makahulugang wika ng kanyang nag-aalalang kapatid. "Hindi maaring maging reyna ang hindi purong Aran. Batid mong ang lolo niyang Mayan mula sa kaharian ng kidlat ang nanalaytay sa kanyang mga ugat kaya wala siyang kakayahan tulad ng mga maharlikang Aran." "Kung siya ba ay may kakayahang tumalon nang mataas at maging kaisa ng hangin ay maari nang maging reyna ko siya?" katanungang makailang ulit na niyang naitanong hindi lamang sa kanyang sarili. "Anong klaseng batas ang magbabawal sa dalawang pusong nagmamahalan? Anong klase akong susunod na magiging hari ng ating kaharian kung hindi ko masunod ang aking gusto?" "Pinili niyang lumayo, tinungo ang ibang mundo upang malaya mong mayakap ang iyong kapalaran na maging hari. Ilang taon na ang lumipas, aking kapatid." "Hahanap ako ng paraan upang muli siyang makasama kahit saglit man lang..." "Tatalikuran mo ang lahat para sa pag-ibig na tinangay na ng hangin." "Gaya nang sinabi ko, kahit saglit man lang. Hindi ko tatalikuran ang kaharian. Nais ko lamang maging buo muli. Ang masilayan siya, ang tanging lunas sa nadudurog kong puso." Namayani ang katahimikan, tanging ihip ng hangin ang kanilang naririnig... "May paraan. May alam akong makatutulong sa iyo. Ngunit ipangako mo, na ang kaharian pa rin ang pipiliin mo," saad ni Celesto na kanyang labis na pinag-isipan kung kanya bang babanggitin sa nagluluksang nakakatandang kapatid. "Ihayag mo, aking kapatid," sambit ng nangungulilang si Virgilio. Sa kanyang mukha at mababakas ang determinasyong gawin ang paraang nais isaad ng kanyang kapatid hindi pa man alam ang paraang iyon at maaring maging kapalit. "Maipapangako mo bang ikaw ay magbabalik upang gampanan ang pagiging hari?" seryosong tanong ng nakababatang prinsepe. "Ipinapangako ko. Saksi ang Diyos ng Hanging Hayupuop. Kamatayan ko ang magiging kapalit sa hindi ko pagtupad ng aking pangako," nakakuyom na sambit ni Prinsepe Virgilio. Kasabay noon ay umihip ang malakas na hangin tanda na ang Diyos ng Hangin ay nakikinig... (December 1999) - LUMIPAS ANG ilang buwan, mga buwan nang paghahanda ni Prinsepe Virgilio upang tumungo sa ibang mundo na tinatawag nilang 'Terra', kung nasaan kasalukuyang naninirahan ang dating katipan na piniling isuko ang kanilang pagmamahalan alang-alang sa kaharian. "Hanggang dito na lamang ako, aking kapatid," saad ni Prinsepe Celesto kay Prinsepe Virgilio habang nililipad nila ang kalangitan at marating ang ibabaw ng mga ulap. "Maraming salamat," saad ni Virgilio sa nakababatang kapatid. "Magkita tayo makalipas ang isang linggo. Ikaw na lamang ang bahalang magdahilan kina ama at ina kung sakaling lumagpas ako sa araw na itinakda ng aking pagbabalik sa palasyo. Ang alam nila ay magsasanay lamang ako sa malayong kabundukan upang paghandaan ang paghawak ko sa trono." "Mag-iingat ka." Tumango na lamang si Virgilio sa tinuran ng kapatid at mabilis na siyang lumipad paitaas pa upang doon ay magbukas ng lagusan patungo sa ibang mundo, ang mundo ng mga tao. Naiwang tinatanaw siya ng kanyang kapatid. Huminto si Prinsepe Virgilio, tanaw niya sa ibaba ang kanilang mundo. Hinarap niya ang kalawakan. Sa kanyang mga kamay, naglabas siya ng asul na liwanag at nagbigkas ng dasal para sa mahikang magbubukas ng lagusan. Unti-unti, may hanging umikot-ikot at sumanib doon ang asul na liwanag na kanyang pinakawalan, at nabuo na ang lagusan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD