CHAPTER 3: BLANK

1319 Words
FOUR YEARS LATER GAVI "Ako na ang magbubuhat!" sigaw ko kasabay nang mabilis kong pag-agaw sa bayong na buhat ni Cail. Malayo pa lang ay kitang-kita ko na ang kagandahan niyang nangingibabaw sa buong palengke ng bayan ng Socorro. Pero huwag na huwag mong bibigkasin 'yan sa kanyang harapan kung ayaw mong mamatay sa mga titig niya. Oo, mga tingin pa lang niya ay pamatay na! "Sus! Nagpapalakas ka lang eh. Kahit alam mong matagal ka ng mahina sa kanya. Tsk! Tsk!" pang-aasar naman ni Maria habang nag-aayos ng mga paninda niyang gulay. Ewan ko ba kung paano naging Maria ang pangalan nito eh kabaligtaran naman ng ugali niya? Pinanlakihan ko siya ng aking magagandang mga mata bilang senyales na tumigil siya. "Oh ba't lumalaki na naman 'yang mga mata mo pati butas ng ilong mo?! Ang pangit mo tuloy!" sigaw niya habang may nakaka-asar na ngiti sa kanyang mga labi. Napalingon ako kay Cail dahil malamang ay narinig niya ang mga sinabi ni Maria Alyz! Sa lakas ba naman ng boses ng babaeng ito ay mabibingi ang buong palengke! Pero as usual, tahimik pa rin siya at walang kahit anong emosyon ang mababasa sa kanyang napakagandang mukha habang nagtatali ng mga pechay niyang paninda. Napakamot na lang ako sa aking ulo. "Ikaw talaga, iyon na nga lang ang paraan ko para mapalapit ako sa kanya eh. Imbis na tulungan mo 'ko eh," kakamot-kamot na bulong ko kay Maria. "Ilibre mo muna 'ko," pabulong din niyang sagot sa akin. Anak ng teteng talaga oh. Ba't ba napaka-utak ng babaeng ito? "Ano bang gusto mo?" pabulong ko ring tanong sa kaniya. "Ikaw." Natigilan ako sa kanyang sinabi. "Joke!" sigaw niya habang humahagalpak siya ng tawa. Wala talaga sa ayos kausap ang babaeng ito, oo. "Eh kung halikan kaya kita d'yan?" nakangisi ko namang sabi sa kaniya at bigla naman siyang nahinto sa kanyang pagtawa. Hindi siya nakasagot at bigla na lamang natameme habang nakatitig sa akin. "Magkano ang kilo ng kamatis mo, Iha?" narinig kong tanong ng Ale na nasa bandang gilid ko lang. "Psst, Maria," bulong ko kay Maria ngunit nakatitig lang siya sa akin. Nginitian ko siya pero parang lalo siyang natulala. "Iha, magkano ba itong kamatis mo?" dinig kong tanong muli ng Ale. Tiningnan ko 'yong Ale. Medyo may katandaan na siya. Siguro ay nasa edad sitenta mahigit na siya base sa kulubot na niyang balat at nakasuot ng reading glasses. Muli kong ibinalik ang aking paningin kay Maria at hanggang sa ngayon ay nakatitig pa rin siya sa akin. "Maria." Medyo nilakasan ko na ang aking boses pero dedma pa rin siya. "Kunin ko na itong isang plastic, ha? Libre mo na lang sa akin," narinig kong sabi ng matanda at doon na natauhan si Maria. "Nanay naman eh. Konti na nga lang po tinutubo ko d'yan eh, hihingiin niyo pa." Nagkandahaba ang nguso ni Maria Alyz habang binabawi sa matanda ang plastic ng kamatis. "Eh hindi mo naman ako pinapansin. Mukhang mas mahal mo pa nga 'yang kaharap mo kaysa dito sa kamatis mo," sagot ni nanay habang dumudukot na siya ng pera sa hawak niyang wallet na gawa sa straw. Yes. 'Yong wallet niya ay yari sa straw. Napatingin ako kay Maria at hindi ko maiwasang mangiti nang mapansin ko ang pamumula ng kanyang pisngi. Ang cute lang! May pang-asar na din ako sa kanya! "Eighty pesos po ang isang kilo, Nay," sagot niya habang nakayuko at hindi makatingin sa akin. "Oh, eto ang sampung piso. Kasya na 'yan sa pangsigang ko." "Pfft." Pinigilan ko ang aking pagtawa nang mapangiwi si Maria sa sampong piso na iniabot sa kaniya ng Ale. "Akala ko naman madaming bibilhin," bubulong-bulong pa rin siya habang nanunulis ang kanyang nguso. Nakaalis na si nanay kaya hindi na siguro narinig ang kanyang sinabi. "Hoy, ano na?" untag ko sa kaniya nang hindi na niya ako pinansin pa. "Oh, and'yan ka pa pala?!" parang gulat na gulat na tanong niya sa akin habang nagpipigil sa kanyang pagtawa. Pang-asar talaga. Ang bilis talaga magbago ng mood ng babaeng ito eh. "Yong kanina," pabulong ko ulit na sabi sa kaniya. Hindi ko mapigilang hindi mapakamot sa aking ulo. "Anong kanina?" bulong din niya. Ay anak ng tokwa talaga oh. "Naman oh," inis na sabi ko. "Ano nga?!" pasigaw na niyang tanong sa akin. Napabaling akong muli kay Cail na ang puwesto ng kanyang mga panindang gulay ay nasa tabi lang ng puwesto ni Maria. Abala siya sa pagkikilo ng sibuyas at mayroon siyang tatlong customer. "Ililibre nga kita mamaya. Ano bang gusto mong kainin?" nakangiti kong tanong kay Maria. Hindi na naman siya nakasagot. Namula na naman ang kanyang pisngi at dagling tumungo. Ano bang nangyayari sa babaeng ito? "Woi," pangungulit ko sa kanya. "Oo na! Oo na!" sigaw na naman niya. Bakit ba ang hilig nitong sumigaw? "Anong oo na?" tanong ko habang nakangiti. "Ililibre mo 'ko. Alam mo naman 'yong favorite food ko eh," nakanguso na naman niyang sabi. "Hindi ko alam 'yon ah," sagot ko habang nakangiti pa rin. Pero syempre alam ko naman kung anong favorite food niya eh. "Tse! Bahala ka d'yan! Umalis ka na nga!" sigaw niya at mabilis niya akong tinalikuran. Nangingiti na lang ako habang tinitingnan siya. Ang sarap talaga niyang asarin. "Basta mamaya, ha?" sabi ko ulit pero hindi na siya umimik pa. Muli akong napalingon kay Cail. Abala naman siya ngayon sa pagbibilang ng kanyang benta. Tatlong taon ko na rin siyang nakakasama sa aming Barangay lalo na dito sa palengke simula noong i-uwi siya dito mula sa probinsya ng Bulacan kung saan nakatira ang panganay nilang kapatid na lalaki. Bihira lang din kaming magkasama sa school lalo na at ahead ako sa kanila ni Maria ng isang taon at graduating na rin ako sa susunod na linggo. Sa pagkakaalam ko ay dapat graduating na rin si Cail kaya lang ay na-stop siya ng one year kaya nagkasabay sila ni Maria. Hindi ko alam kung anong istorya dahil hindi naman sila nagkukuwento. Minsan nga ay parang iniiwasan pa nila na mabanggit ang naging buhay ni Cail sa poder ng kuya niya sa Bulacan. Bihira lang din naman siyang magsalita. Mabibilang mo nga ang mga letra. Ni minsan ay hindi ko pa rin siya nakitang ngumiti. Hindi ko nga alam kung ano bang magic ang ginagawa niya at nakakabenta pa rin siya ng malaki dito sa palengke kahit hindi naman siya ngumingiti sa customer? Wala naman siyang tindang magic sarap. Maganda siya lalo na kung tititigan mong mabuti. Hindi pa siya nag-aayos ng lagay na 'yan ha. Eh mas siga pa nga siya kaysa sa akin eh. Mas maangas siyang pumorma. Malaking blue t-shirt na nakatupi ang magkabilang manggas hanggang sa balikat, nakasuot ng pantalon na medyo fitted sa kaniya. Naka-safety shoes. Naka-cap nang pabaligtad habang ang mahaba niyang buhok ay nakapusod sa kanyang ulo na natatabunan ng cap. May ilang strands hair na nakalaylay sa kanyang mukha. "Tsk. Tsk. Tsk. Malala na 'to." Bigla akong nakarinig ng tuko na nagsalita sa aking tabi. Napalingon ako sa tuko at... ...makinis niyang pisngi ang aking nabungaran. Sobrang lapit na halos gahibla na lang ang pagitan ng aking labi sa kanyang pisngi. Saglit akong natigilan at napatitig sa pisngi niyang mamula-mula at kasing lambot ng pandesal. Para bang ang sarap nitong kagatin. Naramdaman kong nanigas din siya mula sa kanyang kinatatayuan. Hindi ako kumilos ngunit siya ay bigla na lamang nanakbo paalis. "Hoy, saan ka pupunta?! 'Yong paninda mo dito!" Ano na naman kayang problema no'n? "Eebak! D'yan ka lang!" sagot niya naman mula sa malayo. Anak ng? Muli akong napabaling kay Cail at napalunok ako nang makita kong nakatingin din siya sa akin. Hindi ako nakakilos. Na-i-intimidate talaga ako sa tuwing tumitingin siya sa akin. Wala namang kakaiba sa kanyang mga mata. Hindi naman siya mukhang galit. Blanko lang. Wala kang mababasang kahit anong emosyon. Pero bakit pakiramdam ko ay kay bigat ng kanyang dinadala?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD