Madilim na sa labas. Malakas pa din ang buhos ng ulan. Ni hindi ko magawang indahin ang lamig at basang-basa kong damit dahil pinangunahan na ako ng halo-halong emosyon na aking nararamdaman sa mga sandaling ito. Takot, kaba, kuryusidad, awa at sa kagustuhan kong mailigtas ang kawawang lalaki. Kahit hindi ko alam kung paano ko ba iyon gagawin!
Kinapa ko ang aking cellphone sa bulsa ng suot kong palda ngunit basang-basa na rin ito. Ilang beses ko nang tinangkang buhayin ngunit hindi na talaga gumana pa dahil malamang ay kanina pa ito nababad sa basa!
Sa bandang likuran ng school sila dumaan. Nagpalinga-linga ako sa pagbabaka-sakaling makakita ako ng kahit sino na pwede kong mahingian ng tulong ngunit mukhang minamalas talaga ang taong ito!
Nagpatuloy sila sa paglalakad sa madilim na kalsada at malakas na ulan. Wala na akong makitang kabahayan. Gubat na ang aming nadaraanan.
Natanaw ko na lang silang huminto sa isang mahabang tulay. Malawak at mahabang tulay. Daanan ng mga sasakyan ngunit sa mga oras at panahong ito ay wala nang halos dumadaan. Isama pa ang madilim na paligid at malakas na ulan. Kaya kahit sino ay wala nang makapapansin sa grupong ito na gumagawa ng karumal-dumal.
Bahagya pa akong lumapit sa kanilang kinaroroonan upang mas maaninag ko pa ang kanilang mga ginagawa. Nagkubli ako sa isang malaking puno sa may gilid ng tulay. Nakita ko kung paano pa nila patikimin ng sapak, tadyak at suntok ang kawawang lalaki na walang kalaban-laban!
Awang-awa ako sa lalaki pero ano nga ba ang magagawa ko?! Wala na akong mahihingian pa ng tulong sa mga oras na ito at napakabata ko pa para makasaksi ng ganito!
"Aaaahh!" napasigaw ako sa gulat nang bigla na lamang may bagay na lumundag sa aking harapan.
Umingaw ito at tumingin sa aking mga mata bago tumakbo papalayo. Pusa! Isang puting pusa!
Napatakip ako sa aking bibig dahil sa takot at gulat ngunit huli na ang lahat. s**t.
Lumingon ang grupo sa aking kinaroroonan. Dito na ako ginapangan ng matinding kaba at nahiling na sana ay hindi ito totoo. Sana ay hindi ito nangyayari ngayon!
Nanigas ang buo kong katawan at nablangkong bigla ang aking utak. Namalayan ko na lang na nasa harapan ko na ang boss nila at hawak na ako sa magkabilang braso ng dalawa niyang alalay.
"Ah!" napadaing ako sa sakit dahil sa higpit nang pagkakakapit nila sa aking braso! Pakiramdam ko ay magkakapasa pa ako bukod sa balakang ko at balikat kong nananakit!
Bigla akong napapikit dahil sa ilaw na tumama sa aking mga mata.
"Kumusta, magandang binibini? Mukhang kanina ka pa nag-e-enjoy sa panonood ng napakagandang palabas na ito? Sige nga, hulaan mo nga kung ano ang susunod na mga mangyayari?" ani ng boss nila na nasa aking harapan habang nakahalukipkip ang kanyang mga braso sa kanyang dibdib.
Tiningnan ko siya ng masama.
"Pakawalan niyo siya," mahina ngunit mariin kong utos sa kanya kahit sa kaloob-looban ko ay halos mamatay na ako sa takot. Pero pinilit kong ikubli ito.
"At bakit ko naman gagawin 'yon?" nakangisi niyang tanong sa akin dahil doon ay may napansin akong bagay na kumislap sa loob ng kanyang bibig.
Hindi ako nakaimik. Bakit nga ba? Eh hindi ko naman kaano-ano ang lalaking iyon ah.
"Pakawalan niyo na siya. Pangako, hindi ako magsusumbong sa pulis. Basta hayaan niyo na siya!"
"Matapang ka. Pakakawalan ko lang siya sa isang kundisyon." Muli akong ginapangan ng kaba sa paraan ng tanong niya at pagkakatitig niya sa akin.
"A-ano?" halos pabulong ko nang tanong sa kanya.
Unti-unti siyang lumapit sa akin. Nagulat ako nang bigla niyang sakmalin ang aking pisngi gamit lang ang isa niyang kamay!
Inilapit niya ang mukha niya sa akin hanggang sa halos magbanggaan na aming mga ilong! At dahil doon ay nalalanghap ko na ang mala-imbornal niyang hininga! Pinaghalo-halong nabubulok na tila basura, sigarilyo, alak at kung ano ano pa!
"Kalayaan niya....kapalit mo," nakangisi niyang saad at nakikinita-kinita ko ang demonyong bumabalot sa kanyang pagkatao!
Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili kaya naduraan ko ang kanyang nakakasulasok na pagmumukha!
Ngunit segundo lamang ay biglang nagmanhid ang kaliwa kong pisngi kasabay nang pagbaling ng aking mukha sa kanang bahagi.
Shit! Pakiramdam ko ay tumalsik ang mukha ko sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin!
"Ang tapang mo, Binibini. Ganyan ang gusto ko sa mga babae. 'Yong na-cha-challenge ang aking p*********i," aniya habang pinupunasan ang pisngi niyang naduraan ko.
"Bitbitin 'yan," utos niya sa mga alagad niyang nakahawak pa rin sa akin kasabay ng kanyang pagtalikod at muling bumalik sa naiwang grupo sa gitna ng tulay.
"Pakawalan mo na siya!" Nagpupumiglas ako ngunit hindi na niya ako nilingon pa.
Kinaladkad din ako ng dalawang lalaki patungo sa kinaroroonan ng grupo. Napabaling ang aking paningin sa ibaba ng ilog dahil sa malakas na ingay ng rumaragasang tubig.
Hindi ko ito maaninaw dahil sa kadiliman pero sigurado akong malakas ang alon at malalim ang ilog na 'yan lalo na't bumabagyo sa gabing ito!
"Tsk! Napakaswerte mo naman talaga, bata. Ano bang meron ka na wala sa akin at nahuhumaling sa 'yo nang ganito ang mga babae? Eh hindi naman tayo nagkakalayo ng hitsura ah. Medyo lamang ka lang siguro ng mga isang tabong paligo sa akin," saad niya sa lalaking nakasako at bitbit pa rin ng dalawa niyang galamay.
Napangiwi ako sa kanyang sinabi pero na-curious naman ako kung ano ba ang hitsura nitong lalaking nakasako?
"Nandito lang naman ang syota mong nag-fe-feeling wonderwoman para iligtas ka. Tsk! Ang ganda-ganda pa naman niya at mukang makinis," muling saad ng demonyo kasabay ng pagsulyap niya sa akin habang nakangisi.
Habang tumatagal ay mas naaaninag ko na ng mabuti ang bagay na kumikislap sa kanyang bibig. Sa tulong na rin ng mga ilaw na gamit ng kanyang mga bata. Ngipin. Isa iyong gintong ngipin.
Wait-What?! Syota?! Eh hindi ko nga kilala 'yan!
"Hmmnnnn," umungol lang habang umiiling ang ulo ng lalaking nakasako.
Bakit ba hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagsasalita? Wala na ba siyang dila?
Pinagmasdan ko siya ng mabuti. Ngayon ko lang napansin na nakatali na pala ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran habang nakabalot pa rin ng sako ang kalahati ng kanyang katawan paakyat sa kanyang ulo. At nakatali din ang kanyang leeg at dibdib!
Wala talaga silang balak buhayin pa ang lalaking ito! Hindi na maayos ang kanyang pagtayo dahil siguro sa tama niya sa ibabang parte ng kanyang katawan kasama pa ang natamo niyang mga bugbog pero kapansin-pansin ang kanyang katangkaran.
Sa aming lahat ay siya ang pinaka-matangkad. Hindi payat, hindi rin mataba. Katamtaman lang ang lapad ng kanyang katawan.
Napapaisip tuloy ako kung doon din ba sila nag-aaral sa school na aking pinapasukan? Dahil kung pagmamasdan silang mabuti, sa tingin ko ay nasa disi otso hangang disi nuebe ang kanilang mga edad. Samantalang ako ay magkakatorse pa lamang ngayong darating na linggo.
"Tapos mo na ba siyang pagmasdan? Simulan mo nang magpaalam." Bigla akong natauhan nang muling magsalita ang kalbong demonyong may gintong ngipin.
"Pakawalan niyo na siya, pakiusap," sagot ko sa mahinahon na tinig.
"Hmmnnnn!" todo ungol at iling ang naging sagot ng lalaking nakasako.
"Your wish is my command," nakangisi pa ring sagot ng lalaking may gintong ngipin.
Kasabay nang pagpitik ng kanyang mga daliri ay ang mabilis na pagbuhat ng dalawa niyang alagad sa nakasakong lalaki. At hindi ko inaasahan ang mga sumunod pa na pangyayari!
"No!!!" napasigaw ako nang malakas dahil sa gulat!
Nanigas at nanlamig ang buo kong katawan sa aking nasaksihan!
Inihagis nila ang kawawang lalaki sa rumaragasang ilog!