Maria Alyz
"Nakakainis! Nakakainis talaga siyang lalaki siya!" hindi ko pa rin mapigilang sigaw habang pabalik-balik ako nang lakad dito sa loob ng c.r dito sa loob ng palengke.
Siguro ay mga isang oras na akong naririto at isang oras ko na ring tinitiis ang amoy at dumi dito sa loob ng c.r!
Masama na nga ang tingin sa akin ng mga taong pumapasok dito. Baka iniisip nila na nababaliw na ako dahil kanina ko pa kinakausap ang sarili ko sa harap ng salamin!
Eh bakit ba? Paki ba nila? Eh 'di kausapin din nila sarili nila kung naiinggit sila!
Nakailang pasok na ako sa loob ng cubicle at nakailang upo na rin ako sa toilet vowl para magwiwi. Pinilit ko na ring dumumi pero mahirap talaga pilitin kung talagang ayaw!
Nakabenteng hilamos na din ako ng aking mukha at benteng hugas ng aking mga kamay. Parang gusto ko na nga ring maligo dito eh at linisan itong comfort room na 'to! Paano ba naging comfort room o restroom ang tawag dito eh sa amoy pa lang at dumi eh masusuka ka na?!
Paano naman nakaka-comfort 'yon, aber?!
Asan na ba 'yong tagalinis dito? Mag-apply na lang din kaya ako ditong Janitress, noh? Hmmnn...Oo nga, noh? Para 'di ko laging nakikita ang gwapong pagmumukha ng lalaking 'yon!
Oooopppsss! Sinabi ko bang gwapo?
Eh gwapo naman talaga! Lalo na kapag nakatitig sa 'yo at nakangiti! 'Yong mapupungay niyang mga mata, samahan pa ng malalantik at mahahaba niyang pilik-mata? Talo pa nga 'yong sa akin eh.
Bumibili pa nga ako ng curler eh para lang tumaas itong pilik-mata ko! Why so unfair?! Matangos niyang ilong, kissable lips na parang ang sarap---
"Grrrrrrrrrr! Erase! Erase! Erase! Bakit ba kasi kailangan niya pang sabihin na hahalikan niya ako tapos akala ko gagawin niya nga?! Paasa talaga! Inaakit niya ba 'ko? Hell! Never akong maaakit sa kaniya, no! Itaga niya 'yan sa tubig! Kapal naman ng fes niya sa ganda kong 'to!" Itinuro ko pa ang sarili ko sa harap ng salamin.
Hindi ko pinansin ang babaeng tumabi sa akin para mag-ayos ng sarili niya sa harapan ng salamin.
"Talaga ba?" bigla akong nakarinig ng pamilyar na tinig ng lalaki ngunit wala pa ako sa huwisyo para pansinin siya.
"Talagang talaga! Bakit, siya lang ba ang lalaki dito? Ang dami kaya dyan na nagkakandarapa sa akin pero never ko silang sinalo! Mabigat sila, no. Madurog pa 'tong beautiful, sexy, fabolous, softy, expensive, warmy, hotty, tasty, aromatic, fiercing body ko!"
"Pfffttt!"
Aba't, sira-ulong 'to ah. Tinawanan ako. Sino ba 'tong?
Mabilis akong lumingon sa pinto nitong c.r at bigla akong napamulagat nang makilala ko ang napakagwapong lalaking nakatayo at nakasandal sa haligi ng pinto. Napakaganda ng kanyang pagkakangiti na may kasama pang pagkagat-labi.
"Oh my G! Erhwin!" napasigaw ako at kaagad na tumakbo palapit sa kanya.
Niyakap ko siya ng mahigpit, 'yong tipong hindi na siya makakahinga.
"Aaccckkk! Hidiii ak-o mak-kahigna..." Napansin ko naman na parang nahirapan siya kaya mabilis din akong bumitaw sa kanya.
"Kelan ka pa dumating?! Bwisit ka, 'di ka man lang nagsabing darating ka!" Sinuntok ko ang kanyang dibdib ngunit ako ang napadaing dahil sa tigas nito!
"Surprise?" nakangiti niyang sagot habang nakataas ang kanyang mga kilay.
"Surprise mo mukha mo!" Tinalikuran ko na siya at lumabas ng c.r. Naramdaman ko naman ang kanyang pagsunod.
"Di ka ba masayang dumating ako?" tanong niya mula sa aking likuran. Wow ha! Assuming din ang isang 'to eh.
"Bakit ka nga pala napauwi?" pag-iiba ko na lang ng usapan.
"Vacation leave for just one week. Saka di naman ako nag-iisa eh." Napahinto ako at lumingon sa kanya.
"You mean kasama mo na naman ang mga tropa mo?"
"Co-workers," sagot niya kasabay nang pagpitik ng kanyang daliri sa aking noo.
"Aray, ha!" Napasimangot ako at napahimas sa aking noo na mahapdi!
"Eh nagkayayaan para naman daw makapaglibang-libang kasama 'yong anak ng may-ari ng company. Masyado kasing focus sa trabaho 'yon eh. Wala ng time mag-enjoy para sa sarili niya."
"Eh baka naman masipag lang talaga. Hindi nagsasayang ng oras habang bata pa, 'di ba? Di katulad mo, puro gimik ang alam gawin!" Muli na akong nagpatuloy sa paglalakad.
"Oi, nag-iipon naman din ako para sa future natin."
Bigla akong nasamid sa kanyang sinabi.
"Joke lang! Ito talaga, oh. Hindi na mabiro," sagot niya naman kaagad. Bigla siyang tumahimik at tumitig sa akin.
"Kasama mo rin ba sila ate Caithy?" muli kong tanong dahil nakaramdam ako ng pagkailang.
Si ate Caithy ay nakatatandang kapatid ni Beshy Cail na nagtatrabaho din sa Manila. Sa pagkakaalam ko ay sa mga sikat at mamahaling hotel at restaurant sila nagtatrabahong lahat.
"Yeah? Kailangan eh, kasi wala naman ibang matutuluyan ang barkada kung wala si Caithy." Bigla akong napabaling sa kaniya at sinamaan siya ng tingin.
"So, parang ginagamit niyo lang si ate Caithy?!" Inis kong tanong sa kaniya.
"Hindi naman! Ito naman, oh. Paano naman namin magagawa 'yon sa kanya eh parang anghel 'yon sa sobrang bait. At saka, alam mo namang walang pwedeng marentahan dito sa atin ng kahit room lang. 'Di katulad sa Manila. Sasabihin ko nga kay boss na magpatayo na rin dito ng mga condo."
Umakbay siya sa akin at saka kami nagpatuloy sa paglalakad.
"Gagi ka ba? Sino namang titira don o magre-rent? Eh mahihirap lang ang mga tao dito sa atin saka ilan-ilan lang naman ang mga nakatira dito."
"Kaya nga pakasalan mo na 'ko para tayong dalawa ang magpaparami ng lahi dit--aray!" Binatukan ko nga ng malakas.
"Ayan, dyan ka magaling! Puro ka kalokohan!"
"Seryoso naman ako eh," pabulong niyang sagot pero hindi ko na pinansin at mas nauna na ako sa paglalakad.
Nang makarating kami sa pwesto ko ay naabutan naming tulala pa rin si Gavi habang nakatitig kay Beshy Cail na palaging abala sa pag-aayos at pagsasalansan ng kanyang mga gulay.
Kitang-kita sa kanyang mga mata ang paghanga at pagkahulog para sa kaibigan ko. Masakit lang isipin na may taong pilit gumagawa ng paraan para makuha ang kanyang atensyon ngunit 'di ka pa rin niya mapansin dahil sa iba siya nakatuon.
Hindi ko rin naman siya masisisi dahil kahit sino namang lalaki ay napapalingon at naaakit sa kaibigan ko kahit ganyan 'yan pumorma at walang imik. At kahit tahimik 'yan sa isang tabi na akala mo ay walang pakialam sa mundo ay may pusong busilak 'yan. Kusang tumutulong at nagbibigay kahit 'di mo hilingin sa kanya.
Naramdaman ko ang muling pag-akbay ni Erhwin sa akin.
"Hoy!" sigaw ko kay Gavi at umakto akong parang walang nararamdamang sakit.
Nagulat naman siya at muntik pang mapatalon. Natawa naman ako sa naging reaksyon niya.
"Bakit ka ba nanggugulat!" sigaw niya sa akin habang nakahawak ang kanan niyang kamay sa kanyang dibdib. Nabakla na ang hinayupak!
Imbes na sagutin siya ay humalakhak lamang ako ng malakas.
"Oh, may kasama ka palang langaw." Natigilan naman ako nang bigla siyang bumaling sa aking tabi.
Napansin ko ang pagkuyom ng kanyang kamao at paggalaw ng kanyang panga habang nakatitig kay Erhwin. Kumabog ng malakas ang dibdib ko dahil pakiramdam ko ay magkakaroon na naman ng bangayan dito!
Ewan ko ba sa dalawang ito kung bakit sa tuwing nagkikita ay para silang mga aso at pusa! Hindi ko alam kung anong pinagmulan ng kanilang away o ano ba ang kanilang pinag-aawayan?
"Sinong langaw?" balik-tanong naman sa kanya ni Erhwin. Minabuti ko nang pumasok sa loob ng tindahan ko.
"Sino nga ba?" tanong ni naman ni Gavi sa kanya.
"Kung ako ay langaw, ikaw naman 'yong bangaw" nakangising sabi ni Erhwin.
Ano ba itong dalawang ito, hindi titigil?!
"Paano mo nasabi?" Napansin kong nangangalit na ang panga ni Gavi kaya naman mabilis ko na siyang nilapitan at hinawakan sa braso.
"Gav, tanghali na oh," mahinahon kong sabi kasabay nang pagturo ko sa suot kong relo. "Bili ka na ng pagkain natin. Siguradong nagugutom na si Beshy. 'Di ba, Beshy?!"
Lumingon ako kay beshy at kaagad naman siyang tumango.
Kumalma naman si Gavi at nilubayan din si Erhwin. Mabilis ko siyang inabutan ng pera para sa pambili ng aming pananghalian pero hindi naman niya tinanggap at lumapit siya kay Beshy.
"Anong bibilhin ko para sa 'yo?" malambing niyang tanong kay Cail habang titig na titig sa mga mata nito.
"Kare-kare, one rice," walang emosyon namang sagot ni Beshy sa kaniya.
Ngumiti pa siya kay Cail bago siya tuluyang umalis. 'Di man lang niya ako tinanong! Napanguso na lang ako at bumaling kay Erhwin na naabutan ko namang nakatitig sa akin.
"Uhmmnn. Kumain ka na?" tanong ko sa kaniya pero nagtaka ako nang hindi siya sumagot at nilapitan si Beshy ko.
Problema non?
May ibinulong siya kay Cail na siyang nakaagaw kaagad ng pansin nito. Makahulugang tumitig si Cail kay Ehrwin!
Aba- aba! Pinaglilihiman na ba ako ng dalawang ito at kailangan pa ng pabulong?! Bawal marinig ng iba?!
Zhujhen Cail
"Pwede patikim?" tukoy ni Erhwin sa ulam kong kare-kare na nasa mangkok habang may napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi.
Tumango naman ako sa kanya. Paborito ko ang kare-kare kaya gustuhin ko mang ipagdamot, eh hindi na lang dahil si Gavi naman ang bumili niyan. Nakalibre na naman ako ng tanghalian nang dahil sa kaniya.
Sa totoo lang ay ayoko nang ginagawa niya. Hindi ako palaasahang tao kahit na ba barya lang sa kanya 'yan. Pero alam ko naman na hindi siya magpapaawat at hindi rin ako mapilit na tao kaya hinahayaan ko na lang.
Palihim na lang akong nagdadala ng prutas at gulay sa kanilang bahay para kahit papaano ay maibsan ang kunsensya ko. Inaabot ko na lang ito kay Nana Selya na kanyang lola.
Actually, hindi naman niya talaga kailangan pang magtrabaho dito sa palengke. Mas kailangan siya sa farm nila. Ilang ektarya ba ang palayan nila dito? Ewan ko, basta ang pagkakaalam ko ay sila ang may pinakamalaking ektarya ng kalupaan dito sa probinsya ng Mindoro.
Malawak ang kanilang palayan at halos lahat ng tao dito ay sa kanila umaasa para magkapera at makakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa bigas na kanilang inaani. Pero heto siya at binuburo ang sarili dito sa palengke bilang isang kargador.
Bago pa man lumanding ang kutsara ni Erwhin sa bowl ng ulam kong kare-kare ay bigla na itong ........nawala.
Eh? Asan na 'yon?
Hinanap ng aking paningin ang paborito kong ulam at nakita ko itong hawak ni Gavi na siyang nasa aking tapat. Sa kanyang tabi ay si Erhwin na katapat naman ni Alyz. Si Alyz naman ay nasa tabi ko.
"Ba't 'di ka bumili ng sa 'yo?" nakabusangot na sabi ni Gavi kay Erhwin at saka niya inilagay ang kare-kare sa kaliwang bahagi ng aking plato.
"Ang damot, para konti lang eh," sagot naman ni Erhwin na may kasamang pag-ismid sa hangin.
"Pag para sa kaniya, para sa kaniya lang lalo na't nanggaling sa 'kin," sagot muli ni Gavi.
"Tsk! Daming alam. Sa 'yo na nga lang, Alyz. Penge ako, ha," nakangiting baling ni Erhwin kay Alyz na kaagad namang tinanguan nito.
"Hoy, Maria!" mabilis na saway ni Gavi kay Alyz pero inirapan lang siya ng kaibigan ko.
Marami namang pagkain dahil bumili din si Erhwin ng pang-tatluhang tao na pagkain. Kasalukuyang nakasara ang aming mga tindahan dahil tanghali naman at walang gaanong taong namimili.
Pagsapit ng alas kwarto ng hapon ay saka ulit kami magbubukas para sa mga mamimili sa hapon hanggang alas siyete ng gabi.
Sa tuwing bakasyon lang naman kami tumatao dito sa palengke at pagsapit ng pasukan sa paaralan ay ang mga magulang naman namin ang papalit. Ito ay para makatulong kami at makapag-ipon para sa susunod na pag-aaral namin.
Sa susunod na araw ay ga-graduate na si Gavi sa grade 12 at kami naman ni Alyz ay Grade 12 pa lang ngayong susunod na pasukan.
Si Erhwin naman ay twenty four na kaya nakakapagtrabaho na siya sa Manila. Kababata siya ni ate Caithy at magkakasama sila sa trabaho.
Nabanggit niya kanina na kasama daw niya ngayong umuwi sila ate Caithy kasama ang kanilang mga katrabaho at ngayon ay siguradong nagkakagulo na sa bahay.
"Ano bang ginagawa mo dito? Kanina lang ang saya-saya namin dito eh. Bigla ka lang dumating," nakangiwing tanong ni Gavi kay Erhwin.
"Talaga? Masaya ba talaga?" nakangising balik-tanong naman ni Erhwin kay Gavi.
"Bulag ka ba?" Ramdam ko na naman ang pagtaas ng tensyon sa pagitan ng dalawang kutong-lupa na ito.
"Hindi nga ngumingiti 'yan si Cail eh. Paano mo naman nasabi?" sagot muli ni Erhwin at halatang inaasar niya pang lalo si Gavi.
"Eh hindi naman talaga marunong ngumiti 'yan! At saka huwag mo nga siyang tawagin sa ganyang pangalan!" Inis na sagot ni Gavi sa mas malakas niyang boses.
May ilang kanin pa ang tumalsik mula sa kanyang bibig at bumagsak sa malapit sa aking plato na hindi niya naman napansin dahil sa gigil niya kay Erhwin.
"Saka si Alyz, hindi rin. Ngumiti nga lang 'yan no'ng dumating ako eh," patuloy na pang-aasar ni Erhwin.
"Aba't."
"Ang ingay-ingay niyo!" sigaw ni Alyz nang makita niyang mukhang hindi pa rin titigil ang dalawang tukmol na akala mo ay mga aso't pusa kung mag-angilan!
Malapit na akong matapos sa aking pagkain nang may maramdaman akong kumakalabit sa aking braso. Nilingon ko ito at si Usoy ang nabungaran ko.
Nasa apat na taong gulang pa lamang si Usoy at palaboy-laboy lang sa lansangan. Marungis at nangangamoy na dahil walang Nanay na nag-aalaga sa kanya. May napansin na naman akong ilang pasa sa kanyang pisngi, dibdib at mga braso.
"Ate, pwede po humingi ng pagkain? Kanina pa po ako nagugutom," sabi niya habang humihimas sa kanyang tiyan.
Umusod ako ng kaunti para magkaroon ng espasyo ang upuan para sa bata. Yari lang naman sa mahabang kahoy ang aming upuan. Wala ng ibang plato kaya ang plato ko na lang ang ibinigay ko sa kaniya.
Dinagdagan ko na lamang ito ng kanin at ulam dahil marami pa namang natitira.
"Ate, pwede pong dagdagan mo pa? Iuuwi ko na lang po para makakain din si tatay."
"Bakit? May sakit ba ang tatay mo?" nakaismid na tanong ni Gavi sa bata.
Hindi naman ito kaagad nakasagot at mukhang nag-aalinlangan pa.
"Ammn...W-wala po eh. N-nag-iinom po si t-tatay eh," parang maiiyak na sagot ng kawawang bata.
Napatiim-bagang ako. Inilagay ko na lang sa plastic ang mga natirang pagkain. Tumayo na ako at hinila ang bata paalis habang hawak ko sa kabila kong kamay ang naka-plastic na pagkain.
"Patay na naman," dinig kong sabi ni Gavi mula sa aking likuran pero hindi ko na pinansin pa at nagpatuloy ako sa aking paglalakad.
Ang alam ko ay nasa likuran lang ng palengke matatagpuan ang barong-barong nila Usoy, kasama ng ilan pang kabahayan.
Malayo pa lang ay natatanaw ko na kaagad si Mang Goryo na tumutungga ng gin bilog na para bang wala ng bukas dahil halos mangalahati na niya ang isang bote bago niya ito tigilan.
May tatlo pa siyang mga kasama na may pare-parehong hawak na bote. Nasa harapan sila ng tindahan ni aling Beth.
Nang makalapit ako sa kanilang kinaroroonan ay binitawan ko na si Usoy at ibinagsak ko ang plastic ng pagkain sa mesang nasa kanilang harapan.
Nagulat naman sila at napatingin sa sumabog na pagkain sa mesa. Dahan-dahan din silang tumingala sa akin.
"Oh, may bishita phala tahayoo?" Pasuray-suray na tumayo si Mang Goryo at humarap sa akin.
May ilang bote pa akong napansin sa ibabaw ng mesa na wala ng laman at mga tira-tirang mani na siguro ay kanilang pulutan.
Tinangka ni Mang Goryo na hawakan ako sa braso ngunit kaagad akong umiwas.
"Tsumaghay ka muna. Lahaaat ng may kaylhangannn sha akin ay dadaan muna sha bashooo.." sabi niya habang iniaabot niya sa akin ang boteng iniinuman niya!
"Nasaan ang baso?" Sinakyan ko ang kanyang trip dahil wala naman akong makitang baso sa mesa.
"Ayyy whalaa palaa tsayong bashooo.." sabi niya matapos niyang lumingon sa mesa. Pangisi-ngisi lang ang tatlo niyang kasama.
"Alam mo bang inistorbo mo ang pagkain ko?" mahinahon kong sabi sa kaniya.
Napababa ang kanyang paningin sa anak niyang nakasiksik sa aking tabi at kaagad ding nagkubli sa aking likuran dahil sa takot sa kanyang ama.
"Eh papaanoo kho namann g-gawin 'yon eh nanditho nga akho? Wala na nga khaming kinikitaaa doon dahil hinarang mo ng lahaaaat."
Ang tinutukoy niya ay ang pangungutong na ginagawa nila sa mga tindero at tinderang nagpapakahirap kumita sa palengke para sa kanilang pamilya.
"Kayaa nga naghihingiii na laaangg. 'Yonn naman yatha ang gustooo mo."
Inalok ko siya dati na maging trabahador sa aming gulayan para naman matustusan niya ang pangangailangan nilang mag-ama. Wala ng ina si Usoy dahil namatay ito noong siya'y manganak sa pangalawa. Ngunit pati ang bata ay nawala rin dahil kinulang sa buwan at nutrisyon at dahil na rin sa kakulangan ng vitamins at pagkain noong ito ay nagbubuntis pa lamang.
"Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon na ayusin ang buhay mo. Dahil kung hindi, ihanda mo na ang sarili mong mag-isa." Malakas ang hinala ko na siya ang may kagagawan kung bakit hindi nawawalan ng mga pasa si Usoy sa katawan.
"Tsinathakot mo ba koh? Ha?" maangas niyang tanong sa akin.
"Hindi kita tinatakot. Sinasabi ko lang ang kaya kong gawin."
"Eh manang-mana pala talaga toh sha ama niyang nagpipiling bhayaniiih eh. Khaya nga anhong napala niya ngayonnn? Andon na siya sha huuukay," sabi niya na may kasama pang pagduro sa akin. At doon na biglang naglaho ang natitira ko pang pagtitimpi.
Malakas kong hinawakan ang hintuturo niya at binali ito.
"Aaahh!" napahiyaw siya sa sakit na biglang ikinatayo ng tatlo niyang kainuman at parang biglang nahimasmasan.
Marunong akong gumalang sa nakatatanda sa akin pero huwag na huwag niyong susubukang insultuhin o bastosin ang sinuman sa mga taong importante sa akin lalong lalo na ang ama ko!
Mabilis na lumapit sa akin ang isa at tinangka akong suntukin sa mukha pero isang braso ang nagmula sa aking likuran na malakas na pumigil sa kaniya.
Hindi ko na kailangan pang tingnan dahil alam ko naman na kanina pa sila nakasunod sa akin.
Lumapit sa akin ang isa pa at umamba ng suntok pero kaagad akong nakayuko at pinatamaan siya ng magkabila kong kamao sa kanyang tiyan! Napaatras siya at nawalan ng balanse pero mabilis ding nakabawi.
Muli siyang sumugod at malakas na sumuntok pero mabilis akong yumuko at binigyan siya ng malakas na uppercut sa kanyang baba!
"Ugh!"
Bumagsak siya sa mesa kaya naman halos mawasak ito dahil sa kanyang kabigatan. Bigla sumugod sa akin si Mang Goryo. Mabilis akong umiwas kaya naman sumubsob siya sa lupa dala na rin ng matindi niyang kalasingan.
Nakita kong nakasubsob na rin ang iba pa sa lupa at nakatayo na sa aking kaliwa si Gavi at sa kanan ko naman ay si Erhwin.
Nang humakbang ako ng isa sa harapan ay bigla silang nagtayuan at nagtakbuhan papalayo.
Pagbaling ko sa aking likuran ay nakita kong yakap na ni Alyz si Usoy habang umiiyak. Isiniksik niya ito sa kanyang katawan upang maikubli mula sa amin at 'di niya masaksihan ang naganap.
Kaagad akong lumapit sa kanila at ginulo ang buhok ni Usoy.
"I'm sorry. "