Chapter 21 The Blame is on her—Part 02

1230 Words
Chapter 21 Part two Raine NAKATAYO pa rin ako sa gitna ng nagkakagulong tribu, ang mga mata ng bawat isa ay nakatuon sa akin, puno ng galit at poot. Ramdam ko ang bigat ng bawat tingin nila—ako ang sinisisi nila sa pagkawala ng aming Anito, at sa bawat hakbang ko, parang tinatanggap ko na ang hatol ng tribu. Ilang sandali pa, dumating ang ilang kawal mula sa kagubatan, at agad nilang sinabi ang balita na nagpatindi ng galit ng mga tao. "Nakita namin ang grupo ni Nick!" sigaw ng isa sa mga kawal, ang mukha ay punong-puno ng galit at pagkamuhi. "Sila ang kumuha ng ating Anito! Hindi na namin nahabol dahil wala kaming laban dahil sila ay may mga armas." Lumapit ang isang kawal na may tama ng baril. "Binaril siya ni Nick," dagdag nitong sabi sa sobrang galit na tinig. Natutop ko ang aking bibig sa gulat. Umiling–iling ako at hindi makapaniwala sa narinig. Natahimik bigla ang buong paligid, pero hindi dahil kumalma ang mga tao. Sa halip, ang katahimikan ay senyales ng nalalapit na pagsiklab ng kanilang galit. Si Usman, na siyang pinuno ng mga kawal, ay lumapit sa akin na may matalim na tingin at nagbabaga ang mga mata sa matinding galit sa akin. "Dayang," sabi niya, ang boses ay malamig at walang bahid ng simpatya. "Ikaw ang nagdala ng estranghero sa ating tribu, at ngayon, ikaw ang nagdala ng kapahamakan. Kasalanan mo ito." Bulyaw niya sa akin. Napalunok ako, sinusubukan pa ring ipagtanggol si Nick kahit na alam kong wala na akong magagawa para pabagalin ang mga pangyayari. "Hindi ako naniniwala na si Nick ang may kagagawan nito!" sigaw ko, nanginginig ang boses ko. "Kailangan nating malaman ang buong katotohanan bago tayo humusga!" Pero hindi na nakinig ang mga tao. Sa pang-uudyok ni Usman at ni Liwanag, ang galit ng tribu ay parang apoy na lumaganap nang mabilis. "Parusahan si Dayang!" sigaw ng mga tao, at nagsimula silang magtipon-tipon sa paligid ko. Naramdaman ko ang panlalamig ng katawan ko sa takot na bumalot sa akin. Nasa harap ko ang aking ama, ngunit kahit siya ay tila walang magawa. "Ama, tulungan mo ako," pakiusap ko, ang boses ko ay puno ng pagmamakaawa. Huminga nang malalim ang aking ama, at mabigat ang kanyang mga salita nang sabihin niya, "Dayang, alam kong mahalaga ka sa akin, ngunit ang batas ng ating tribu ay malinaw. Kapag may nagdala ng kapahamakan, kailangan siyang managot. Wala akong magagawa. Patawarin mo ako, anak. Hindi kita makakampihan sa ngayon," maluha–luha na sabi ni Ama. Kita ko sa mga mata niya na labis siyang nasasaktan sa kanyang sinasabi. Sunod–sunod akong tumango at handang tanggapin ang aking kaparusahan. Hinila ako ng mga kawal at tinali ang aking dalawang kamay, pataas. Sinira nila ang aking damit sa likuran. Tila nabingi ako sa hiwayan ng mga tao sa paligid. "Latigo! Latigo!" Ang mga sigaw ng mga tao ay lalong lumakas, at naramdaman ko ang lupit ng kanilang mga hiling. "Ang parusa sa ganitong kasalanan," sabi ng ama ko, "ay labing-limang hampas ng latigo sa likod. At ayon sa batas, si Usman, bilang pinuno ng mga kawal, ang siyang magpaparusa." Nanginginig ang tinig ni Ama, ramdam ang sakit mula sa kanyang salita. Parang biglang bumagsak ang mundo ko. Tumitig ako kay Usman, umaasa na kahit papaano, makikita ko pa rin ang dating pagmamahal sa kanyang mga mata. Ngunit ang nakita ko ay malamig na pagkasuklam. Lumapit siya sa akin, dala ang latigo na magiging instrumento ng aking parusa. "Usman, hindi mo kailangang gawin ito," bulong ko, pero handa akong tanggapin ang kaparushan. "Hindi ito tungkol sa kailangan," malamig niyang sagot, walang bakas ng alinlangan. "Ito ay tungkol sa hustisya." Bago pa ako makapagsalita ulit, naramdaman ko ang unang hampas ng latigo sa aking likod. Ang sakit ay tila apoy na kumalat sa aking buong katawan, bawat hampas ay mas mabigat kaysa sa nauna. Ang mga tao ay nagsisigawan, tila nagdiriwang sa bawat hampas, at nararamdaman ko ang kanilang kasiyahan sa bawat pagdausdos ng latigo sa aking balat. Mariin akong napakagat–labi sa matinding sakit sa bawat lapat ng latigo sa aking likod. Nang matapos ang parusa, halos hindi ko na maramdaman ang aking likod, puno ng sugat, hapdi, pamamanhid at kirot. Ang mga luha ay dumaloy sa aking pisngi, hindi lamang dahil sa sakit na naramdaman ko kundi dahil sa kawalan ng katarungan. Nakayuko ako, pilit iniinda ang sakit, habang ang buong tribu ay nagdiwang sa kanilang tinatawag na hustisya. Ang buong tribu ay biglang tahimik na nakatingin sa akin, pero nararamdaman ko pa rin ang matinding galit na nakapaligid sa amin. Hindi ko na magawang tumayo nang maayos; halos hindi ko na kayang itaas ang ulo ko dahil sa sakit at kahihiyan. Ngunit bigla, isang sigaw ang pumunit sa katahimikan ng gabi. "Palayasin si Dayang!" Isang lalaki ang sumigaw mula sa likuran ng nagkakagulong mga tao. Ang kanyang sigaw ay parang isang utos na agad namang sinundan ng iba pang boses. "Oo! Palayasin siya!" "Hindi na siya dapat manatili dito!" "Siya ang nagdala ng malas sa atin!" Ramdam ko ang poot at galit ng bawat isa. Ang mga sigaw ay naging mas malakas, tila isang pana na tumatama sa aking puso. Si Liwanag ang unang lumapit sa aking amang Hari, at may malamig na determinasyon sa kanyang boses. "Mahal na Hari," sabi niya, "...hindi sapat ang parusa na natanggap ni Dayang. Siya ang may dala ng estranghero na kumuha ng Anito. Hindi na siya karapat-dapat na manatili sa ating tribu." Napatingin ako sa aking ama, umaasa ng awa o kahit isang hibla ng pag-unawa, ngunit nakita kong umiling siya. Na tila ba, wala siyang magagawa para sa akin. "Bilang karagdagang parusa," sabi niya, ang boses niya ay malamig na parang yelo, "...kailangan mong umalis sa ating tribu, Dayang. Hindi ka makakabalik hangga't hindi mo naibabalik ang ating Anito." Halos hindi ako makahinga sa bigat ng kanyang sinabi. "Ama," bulong ko, nanginginig ang boses ko. "Paano ko magagawa iyon? Paano ko masusundan si Nick?" "Hindi na iyon ang problema ng tribu," sagot ni Usman, na nakatingin sa akin nang diretso, na puro poot at pagkatuwa ang nasa kanyang mga mata. "Kung nais mong mapatawad, kailangan mong ibalik ang Anito. Kung hindi, ituturing ka naming traydor at hindi ka na makakabalik kailanman." Wala akong ibang magawa kundi tanggapin ang desisyon nila. Alam ko na ang tanging paraan para mapanumbalik ang aking dangal at respeto sa tribu ay ang sundan si Nick sa lungsod, hanapin ang Anito, at ibalik ito sa kanila. Ngunit sa puntong iyon, hindi ko pa alam kung paano ko magagawa iyon, lalo na't ang buong tribu ay wala nang tiwala sa akin. Humarap ako sa mga tao, pinipilit kong maging matatag kahit na ang puso ko ay halos mabiyak na sa sakit. "Gagawin ko ang lahat para maibalik ang Anito," sabi ko, sinusubukan kong magmukhang determinado. "Babalik ako dala ang Anito, at sana, sa araw na iyon, mapatawad ninyo ako." Ngunit walang sagot mula sa kanila, tanging ang malamig na tingin na nag-uutos sa akin na umalis na. Kinalas nila ang nakatali sa aking kamay at ako ay nanghihinang bumagsak sa lupa. Sinubukan akong lapitan ni Ninay pero pinigilan siya ng kanyang ama kasabay ng pagbagsak ng malakas na ulan. Naiwan akong nakahandusay sa lupa. Magbabayad ka Nick. Tanging nasambit ko bago ako mawalan ng ulirat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD