“Tagumpay na nagapi ng grupo nila Deimos ang Olobo na umatake patungo sa baryo ng mga mortal na tao.” Agad akong tumayo sa aking kinauupuan nang marinig ko ang balita ng isa sa kawal ng palasyo kay King Daeyn.
Kanina pa kami nasa unang palapag ng palasyo ni Vera kasama ang kanyang ama dahil nga malayo na sa sentro ang Olobo na ngayon ay nagtungo naman sa baryo na aming tinitirahan. Hindi pa din ako mapakali at hindi mawala ang kaba sa aking dibdib.
Gusto ko nang pumunta sa aming tahanan upang matiyak ang kaligtasan ng aking mga magulang. Napansin naman ni Vera ang aking ikinikilos kaya pinuna ako nito. Hinawakan ako nito sa magkabilang balikat at tinitigan.
“Huwag kang mag-alala Althaia, tiyak ko na nasa maayos na kalagayan ang iyong mga magulang. “
“Halika at puntahan na natin ang inyong lugar iha upang matiyak natin ang kanilang kalagayan.” Agad kumilos si King Daeyn upang makapunta na kami sa aming baryo. Kumalma na din ako kahit papaano at magkakasama kaming sumakay sa karwahe upang makaalis na.
Malayo pa lang ay matatanaw na ang pinsalang dala ng halimaw sa aming lugar. Madami kaming nadaanan na sirang bahay at nagkalat na mga gamit. Muling lumakas ang pintig ng aking puso dahil nakikita ko na ang pagtitipon ng aking mga kabaryo kung saan may mga ginagamot na nasaktan.
Natanaw ko din ang lalaking aking hinangaan kanina ngunit ipinagpaliban ko muna ang isipin na iyon dahil prayoridad ko ang matiyak na ligtas ang aking mga magulang. Tumigil na ang karwaheng aming sinasakyan bilang hudyat na dumating na kami sa aming paroroonan.
Unang bumaba si King Daeyn at sumunod naman si Vera. Agad din na lumapit ang hari sa pinuno ng mga mandirigma upang tanungin ang kalagayan ng mga tao. Hindi na ako mapakali dahil hindi ko pa rin nakikita ang aking mga magulang kaya naman inunahan ko na ang hari sa pagtanong sa lalaki.
“N-nakita mo ba ang aking mga m-magulang?” Mararamdaman ang kaba sa aking boses nang tanungin ko ang pinuno ng mandirigma. Malungkot naman ang naging tingin nito sa akin.
“Sa totoo ay hindi ko alam kung sino ang iyong mga magulang kaya hindi ko din alam ang sagot sa iyong katanungan.” Pagkasabi nun ay itinuro n’ya sa akin ang mga taong ginagamot. Nakita ko na sila kanina at alam kong wala doon ang aking mga magulang pero muli ko silang tinignan upang makasigurado.
“Wala sila sa mga taong ginagamot, maaari ko ba makita ang mga nasa lugar na iyon?” Tinuro ko ang isang sulok kung saan may mga taong nakahiga at may takip na kumot. Mabigat man sa aking dibdib ay nais kong malaman kung buhay pa ang aking mga magulang bago ko sila hanapin sa aming lugar.
Tumingin naman ang lalaki sa hari na tila nagtatanong. Tumango lamang si King Daeyn bilang pagsang-ayon na pwede kong makita ang mga nakahimlay na tao.
“Ayos ka lang ba?” Hinawakan ako nito sa aking balikat. Namamasa na ngayon ang aking mga mata dahil sa luhang kanina ko pa pinipigilan. Halos mabingi na din ako sa t***k ng aking puso habang papalapit kami sa mga taong nakahimlay na may takip ng kumot.
Matagal kong pinagmasdan ang mga iyon na tila tinitimbang kung ano ang aking magiging reaksyon. Tumingin muna ako sa kanya at malungkot naman itong tumango sa akin bilang hudyat na maaari ko ng tignan ang mga iyon.
Dahan-dahan akong lumapit sa unang nakikita ko at halos hindi ko maramdaman ang panakip na kumot habang hawak ko iyon. Huminga ako ng malalim bago tumambad sa akin ang mukha na aking tinignan. Pasalamat ako at hindi iyon isa sa aking magulang. Tinignan ko din ang iba pa hanggang sa dalawa na lamang ang hindi ko natitignan.
“Dalawa na lang ang hindi mo pa natitignan.” Narinig kong wika ng lalaking kasama ko ngayon.
“Kinakabahan ako,” halos hindi na maipinta ang hitsura ko nang tumingin ako sa kanya. Muli n’ya akong tinapik sa likod at sinamahan na patungo sa dalawa pang bangkay na hindi ko natitignan.
“Handa ka na ba?” Tumango ako sa kanya at maingat kong tinanggal ang kumot na nakatakip sa bangkay ng nasa harap ko ngayon. Halos mabingi na naman ako sa t***k ng aking puso.
Nasilayan ko ang mukha nito dahilan para mapaatras ako. Napatakip din ako ng bibig at tila sasabog ang puso sa sandaling ito. Napapikit ako at hindi na napigilan ang luha na muling umagos sa aking mga mata.
Hindi pa ako nakuntento sa tahimik kong pag-iyak dahil humagulgol na din ako. Hindi ko na kayang tignan ang huling bangkay na nasa aking harapan. Naramdaman naman iyon ng lalaking kasama ko kaya s’ya na ang nagtanggal ng kumot na nakatakip dito.
Lalong lumakas ang aking pag-iyak nang mapagtanto kung sino iyon. Tila namanhid ang buo kong katawan at nakatitig na lamang doon. Hindi ko na napansin na nagtatakbo si Vera upang makalapit sa akin. Tinignan din nito ang dalawang bangkay sa aking harapan at maging ito ay napaiyak sa nakita.
“Althaia, I’m sorry.” Niyakap n’ya ako kaya lalo kong naramdaman ang sobrang kalungkutan.
“Vera h-hindi ko ito kaya, kaarawan pa naman ngayon ni nanay pero bakit ganito ang nangyari.” Nanginginig ang aking boses at tila ayaw na tumigil sa pag-agos ng aking mga luha.
“Nandito lang ako.” Muli akong niyakap ni Vera. Tinapik din ako nito sa likod habang patuloy ako sa pag-iyak. Hindi ko matanggap ang nangyari. Bakit ngayon pa ito nangyari? Bakit mga magulang ko pa? Masyado silang mabuting tao para mangyari ito sa kanila.
“Hindi na sana ako umalis ng bahay para kasama ko sila at nailigtas,”pagsisisi ko kaya naman inangat ni Vera ang aking mukha upang matignan ko s’ya. Naramdaman nitong sinisisi ko ang sarili sa nangyari.
“Althaia naiintindihan ko ang iyong nararamdaman pero huwag mo sana sisihin ang iyong sarili.”
“Hindi ko alam Vera, hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman.” Muli kong tinignan ang aking mga magulang na tahimik na nakahimlay sa aking harapan.
Mabuti na lamang din at wala silang mga sugat sa katawan pero nalanghap siguro nila ang lason mula sa halimaw at malapit sila sa pinangyarihan. Naramdaman ko na lumapit na din sa amin si King Daeyn. Malungkot s’yang nakiramay sa akin.
“Althaia, ako na ang bahala sa mga magulang mo at sumama ka na lang muna kay Vera sa palasyo.”
Nagpatulong naman si Vera sa lalaking pinuno ng mga mandirigma upang maitayo ako. Wala akong lakas at pakiramdam ko ay mawawalan ako ng malay anumang oras.
“Ikinalulungkot ko ang nangyari, kung hindi sana s’ya nakatakas sa amin ay hindi ito mangyayari sa iyong mga magulang.” Napatungo s’ya sa kanyang sinabi. Naramdaman ko ang sinseridad sa kanyang boses at alam kong hindi naman nila iyon kasalanan kaya wala akong karapatan na magalit sa kanila.
Nagawa naman nila ang kanilang tungkulin at may hindi talaga maiiwasang mga pangyayari. Masakit lang dahil ang pangyayari na iyon ay ang kunin sa akin ang mga mahal kong magulang. Ganun pa man ay wala na akong magagawa dahil nangyari na. Mapait akong ngumit sa kanya para mapagaan din ang loob ng lalaki na malamang pinagsisihan din ang nangyaring sakuna.
Muli akong napahagulgol sa isipin na hindi ko na sila makakasama kahit kailan. Hindi ko akalain na huling pagsasama na pala namin kahapon. Kung alam ko lang sana ay hinagkan ko sila ng matagal. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa buhay ko ngayon dahil wala na naman akong magulang.
Napakasakit ng araw na ito. Ang dating masayang araw na aming ginugunita ay napalitan ngayon ng hinagpis at pighati. Minsan na akong nawalan ng magulang kaya napakasakit dahil kinuha na naman iyon sa akin.
Napatingin ako kay King Daeyn at sa lalaking kasama ko kanina na nag-uusap. Mataman ko silang tinignan at tila may naisip akong dapat kong gawin. Pinunas ko ang luhang patuloy pa din sa pag-agos sa aking mukha at tumingin kay Vera.
“Anong iniisip mo Althaia?” Nakakunot ang noo nitong tanong sa akin. Sa halip na sagutin s’ya ay mabilis akong naglakad patungo sa kinaroroonan nila King Daeyn. Nagsisigaw pa si Vera sa pagtawag sa akin pero sa huli ay sumunod na din. Agad akong pumagitna sa dalawang lalaki na nag-uusap.
“Pinadala ko na sa palasyo ang labi ng iyong mga magulang, may kailangan ka pa ba iha?” Agad akong tinanong ni King Daeyn nang makita ako. Hindi na ako nagdalawang isip pa sa nais kong sabihin.
“Nais kong maging mandirigma.” Buo ang loob na sagot ko dahilan para magulat silang tatlo. Napanganga pa si Vera at tila hindi pa din matanggap sa sarili kung ano ang aking sinabi.
“Sigurado ka ba sa iyong desisyon, may mga taglay na kapangyarihan lamang ang maaring maging mandirigma,” pagtutol sa akin ng lalaking mandirigma habang tila nag-iisip naman si King Daeyn.
“Oo sigurado ako, alam kong wala akong kapangyarihan pero sisiguraduhin ko na may maitutulong ako sa hukbo.”
“Kung ganun ay pinapayagan kita Althaia at ikaw Deimos ang inaatasan kong magsanay sa kanya.” Lihim akong napangiti sa sinabi ni King Daeyn samantalang parehas naman na gulat ang rumehistro sa mukha nila Deimos at Vera.
Nagpasya akong iwan ang dalawa na hindi pa rin nagbabago ng reaksyon. Nais kong samahan ang aking mga magulang hanggang sa huling sandali.