“Althaia sigurado ka ba talaga sa iyong desisyon?” Hindi pa din makapaniwala si Vera sa aking sinabi kanina sa kanyang ama. Sinamahan ako nito na umuwi muna sa aming tahanan upang ayusin ang ilang gamit ng mga namayapa kong magulang.
Sa tingin ko ay hindi n’ya sigurado kung maayos talaga ang aking kalagayan dahil hindi na ako umiiyak ngayon at sa halip ay tila nagkaroon ako ng bagong bukas para sa sarili.
“Oo nga, mukha ba akong nagbibiro?” Ngumingiti na din ako ngayon bagay na ikinatakot ni Vera. Hindi pa naman ako nasisiraan ng ulo pero parang ganun ang tingin ng kaibigan ko sa akin.
“Iyon na nga ang nagpapakaba sa akin dahil hiningi mo pa ang permiso ng aking ama.” Hindi talaga matanggap ni Vera ang naging desisyon ko kanina.
“Ibig sabihin lang nun ay hindi nga ako nagbibiro sa aking naging pasya.” Itinigil ko muna ang aking ginagawa upang harapin ang kaibigan na hindi pa din tumitigil sa pangungulit sa akin tungkol sa pagiging babaeng mandirigma.
“Pero kasi babae ka at saka paa---.“ Hindi nito naituloy ang nais sabihin dahil tinakpan ko ng kamay ang kanyang bibig.
“Kilala mo ako Vera at alam mo na kapag may napagdesisyunan ako ay hindi ko na iyon binabawi.” Naging seryoso ako sa pagkakasabi nun dahilan upang tumahimik na din si Vera sa pangungulit. Nang masigurong hindi na ito magtatanong ay binitawan ko na ang bibig ng kaibigan at muling ipinagpatuloy ang aking ginagawa.
“Pero bakit kasi iyon pa ang naisip mo?” Saglit lamang na tumahimik si Vera at nagsisimula na naman ito sa pangungulit sa akin. Napabuntung-hininga na lamang ako dahil kapag ganito ay siguradong hindi mananahimik ang babae hangga’t hindi naririnig ang gusto n’yang marinig buhat sa akin.
“Ano ba ang gusto mong malaman?” Muli ko s’yang hinarap at napilitan tuloy akong tapusin na ang aking ginagawa.
“Hmm para saan ang pagiging babaeng mandirigma?” Umupo muna si Vera dahil tila handa na s’yang makinig ngayon sa aking sasabihin.
“Para makatulong sa mamamayan ng Daesyn.” Akma akno nitong babatukan pero pinigilan n’ya din ang kanyang sarili. Sinong hindi maiinis sa aking ginawa, umupo pa naman s’ya tapos iyon lamang ang maririnig sa akin.
“Oh bakit ganyan ka makatingin sa akin.” Umupo na lamang din ako sa kanyang tabi dahil naramdaman kong hindi na nagbibiro ang kaibigan at seryoso na ito sa aming pinag-uusapan.
“Magsabi ka nga ng totoo sa akin.” Pinisil pa nito ang aking mukha at halatang nangigigil na s’ya sa akin.
“Ano ba kasi ang sasabihin ko sa’yo.” Ang totoo ay malapit ng maubos ang aking pasensya dahil hindi ko na maintindihan kung ano ang gusto n’yang marinig sa akin.
“Si Deimos ba ang dahilan mo kung bakit ka magiging mandirigma?” Hindi siguradong tanong nito sa akin at tila nahihiya pa s’yang itanong iyon. Saglit akong natigilan at bigla na lamang natawa sa kanyang naging tanong.
“Bakit mo ako tinatawanan?” Sumimangot na si Vera dahil pinagtatawanan ko na s’ya. Sinipat pa ako ng tingin nito upang masiguro na hindi pa ako nasisiraan ng ulo pero dahil sa inaasal ko ngayon ay parang gusto na nitong maniwala sa kanyang naiisip.
“Hindi naman ako patay na patay kay Deimos para gustuhin kong maging mandirigma.” Abot hanggang tainga ang aking naging ngiti dahil naalala ko na naman ang kanyang naging tanong. Natawa na din si Vera nang mapagtanto nito ang kanyang sinabi.
“Sabagay nagluluksa ka pa nga pala ngayon tapos iyon agad ang aking naisip.” Hindi nito lubos maisip na iyon ang unang sumagi sa kanyang utak para itanong sa akin.
“Ang totoo ay gusto ko talagang makatulong sa kaharian ng Daesyn. Alam ko na babae ako at walang kapangyarihan pero sigurado ako na iyon ang nais kong gawin matapos ang nangyari sa aking mga magulang.” Bumalik ako sa pagkaseryoso kaya mataman na s’yang nakinig sa akin ngayon.
“Hindi biro ang maging mandirigma kaya gusto kong malaman kung handa ka na ba sa maaaring mangyari sa’yo.” Bakas sa muka ni Vera ang pag-aalala dahil likas na mapanganib iyon para sa akin.
“Oo naman, mas mapapanatag ang aking loob kung hindi mangyayari sa kanila ang nangyari sa kinikilala kong pamilya.”
“Halika nga dito.” Lumapit ako sa kanya at nagulat pa ako ng yakapin nito. Sobrang mahal na mahal talaga ako ni Vera dahil kahit hindi n’ya yun gusto para sa akin ay handa n’yang tanggapin basta makakapagpasaya iyon sa akin.
“Maraming salamat sa lahat Vera.” Hindi ko alam kung bakit nangingilid ang aking luha. Sa pagkakaalam ko ay tapos na akong umiyak kanina para sa kinahinatnan ng aking mga magulang.
“Wala iyon dahil handa akong gawin ang lahat para sa’yo.” Mas lalong hindi ko na napigilan ang aking luha na gustong kumawala dahil sa aking narinig.
Kapag nawala ako at muling nabuhay siiguraduhin kong hahanapin ko ulit si Vera upang maging kaibigan ko ulit. Kung kaibigan lamang ang pag-uusapan ay wala na akong hihilingin pa. Hindi man naging maganda ang aking kapalaran tungkol sa pamilya masaya pa din ako dahil may nasasandalan naman akong kaibigan.
“Sige iiyak mo lang yan para gumaan ang pakiramdam mo.” Napahagulgol na ako at hinayaan ko na ang sariling magpakalunod sa sariling luha. Pangako ko sa sarili na ito na ang aking magiging huling iyak para sa pamilya.
Ihahanda ko na lamang ang aking sarili para sa bagong buhay na aking haharapin. Sisiguraduhin kong magagampanan ko ng ayos kung anuman ang aking maging tungkulin para sa minamahal kong kaharian. Matagal-tagal din akong umiyak at saksi ang nabasang damit ni Vera doon.
“Tapos ka na ba?” Tanong n’ya sa akin ng marinig akong sumisinghot-singhot na. Inangat ko na ang aking ulo at pinunasan ang natirang luha sa aking pisngi.
“Halika nab aka hinihintay na tayo ng iyong ama.” Ako na mismo ang nagyaya kay Vera dahil sa kanilang palasyo na ako ngayon maninirahan. Iyon ang aming napagkasunduan dahil na din magsisimula na akong magsanay bilang mandirigma.
“Oo nga baka nag-aalala na si Ama.” Tumayo na din si Vera sa kanyang inuupuan at nag-ayos na ng sarili. Pinauna ko na s’yang lumabas n gaming bahay dahil nais ko pang pagmasdan ang minsan ay naging masayang tahanan.
Hindi ko makakalimutan ang lahat ng masayang alaala na mayroon ako mula ng nakasama ko ang aking itinuturing na magulang. Kinapa ko ang importanteng bagay sa aking bulsa at malungkot itong tinignan. Nang masinagan ng liwanag ay kuminang pa iyon.
“Hindi ko man naibigay sa iyo ang napakagandang bagay na ito.” Mas inagahan ko sana ang pagbili ng regalo para sa aking ina. Nakita ko sana s’yang suot ang bagay na ito ngunit huli na ang lahat dahil wala na s’ya ngayon sa aking tabi hanggang sa kasalukuyan.
“Althaia?” Narinig ko ang pagtawag ni Vera kaya muli kong inilagay sa aking bulsa ang maliit na bagay na regalo ko dapat sa aking ina. Muli kong tinignan ang palibot ng bahay.
“Hanggang sa muli.” Tumalikod na ako at nagpasya ng lumabas sa bahay. Nginitian ko si Vera at agad akong sumakay sa karwahe na aming sinakyan kanina.
“Ano kaya ang pakiramdam na maging babaeng mandirigma?” Tila wala sa sariling tanong ni Vera habang bumabyahe kami.
“Malalaman ko iyan bukas. Huwag kang mag-alala dahil sasabihin ko sa’yo lahat ng aking mararamdaman.” Pagbibiro ko sa babae pero wala itong naging reaksyon sa halip ay muli na naman nagtanong.
“Hmm eh ano kaya ang pakiramdam ng may isang makisig na Deimos ang nasa iyong tabi upang tulungan ka sa pagsasanay.” Tila kinikilig pa ito habang sinasabi iyon kaya nabatukan ko s’ya ng wala sa oras.
“Aray bakit mo ako binatukan?” Hawak-hawak nito ang kanyang ulo at nakanguso pa sa akin.
“Ang dami mong nalalaman, bagay sa’yo yan para manahimik ka naman kahit saglit lang.” Nagkunwari akong galit upang tumigil na talaga ang babae.
“Hmpf ewan ko sa’yo nagiging maldita ka na naman.” Tumagilid pa ito sa kanyang pagkakaupo upang hindi makita ang aking mukha. Lihim akong natawa sa kanyang reaksyon. Kahit kailan talaga ay isip bata ang aking kaibigan palibhasa ay nag-iisang anak lamang.
Pinagmasdan ko na lamang ang paligid na aming nadadaanan. Balik na ulit sa dati ang sitwasyon ngayon at tila walang nangyaring kaguluhan na gawa ng Olobo. Ganito ang buhay na mayroon kami sa kaharian ng Daesyn.
Hindi namin alam kung kailan aatake ang mga kampon ng kadiliman. Hindi din tiyak kung makakaya namin ipagtanggol ang kaharian hanggang sa hinaharap. Habang tumatagal ay mas lumalakas ang mga kalaban na nakakapasok sa aming kaharian.
Mabuti na lamang at nagiging mas malakas din ang mga napipiling mandirigma ng Daesyn gayunpaman ay kailangan talaga namin ang laging maging handa. Natatanaw ko na ang bukana ng palsyo hudyat na malapit na kami sa tahanan ni Vera.
Nakatulog pala ang aking kaibigan kaya tuluyan itong nanahimik. Medyo inaantok na din ako kaya sisiguraduhin kong makakatulog ako agad upang magkaroon ng lakas para sa bagong buhay ko bukas.
“Vera nandito na tayo.” Inalog ko ang balikat ng babae at nagising naman agad ito.
“Naku nakatulog pala ako, halika na para makapagpahinga ka na din.” Magkasabay na kaming bumaba sa karwahe. Pagkababa namin ay naghihintay na din sa amin ang mahal na hari.
“Tiyak kong napagod ka ngayong araw kaya sige umakyat na kayo at magpahinga magkita na lamang ulit tayo bukas.” Ang swerte ko din dahil parang magulang ko na rin ang ama ni Vera. Humalik na ang aking kaibigan sa kanyang ama upang magpaalam sa pagtulog.
“Sige po, maraming salamat ulit.” Nagbigay galang din ako bago nagpahila kay Vera paakyat sa aking magiging silid na katabi lamang ng silid nito.
Mas malaki ang silid na ito kaysa doon sa aming tahanan. Niyakap ko ang kaibigan dahil hindi ko mapigilan na hindi matuwa sa lahat ng ginagawa nilang mag-ama para sa akin.
“Matulog na tayo at inaantok pa ako.” Bumitaw na ito sa pagkakayakap at nagpaalam na s’ya sa akin. Tumango lamang ako at hinayaan na s’yang makalabas ng aking bagong silid.
Pinagmasdan ko muna ito bago nagpasyang mag-ayos ng sarili bago matulog. Nang matapos ay humiga na din ako agad at matagal na tinitigan ang kisame.
“Para sa inyo ay magiging magaling akong mandirigma.” Huling wika ko sa sarili bago ako tuluyang lamunin ng antok at makatulog ng hindi ko namamalayan.