KAGULUHAN
"Bakit kasi ayaw mo pa magnobyo para hindi ako ang ginugulo mo," sumbat sa akin ni Vera na busy sa napakadaming papel na pinipirmahan n’ya sa kanyang lamesa.
"Sus ayaw pa magpahalata sa nararamdaman n’ya, naku pag nagnobyo ako at hindi na kita dinalaw ay baka magtampo ka." Tukso ko sa kanya kaya napatigil ito sa ginagawa. Napasimangot pa s’ya sa aking sinabi at agad binitawan ang panulat na hawak upang maglakad patungo sa aking pwesto.
"Syempre totoo naman iyon dahil ikaw lang ang kaibigan ko," nakasimangot na sabi ni Vera.
Agad ko naman s’yang niyakap para maibsan ang kalungkutan nito. Mahal na mahal ko si Vera. Nag-iisang anak lamang s’ya ng mahal na hari ng Daesyn Kingdom. Wala na rin s’yang nanay na kasama kaya naging malapit talaga kami sa isa't-isa.
Kaarawan ngayon ng kinikilala kong ina kaya naman pinuntahan ko si Vera para magpasama sa pamilihan. Hindi ko naman alam na ang daming papel na pinipirmahan nito. Gayunpaman ay kilala ko si Vera kaya alam kong sasamahan ako nito ngayon.
Ampon lamang ako ng aking kinikilalang magulang dahil nakita daw nila ako na walang malay sa ilalim ng puno. Matagal na nilang hinahanap ang tunay kong magulang pero hindi nila iyon natagpuan kaya itinuring na nila akong tunay nilang anak. Hindi din naman sila biniyayaan ng anak kaya bilang ganti sa kanilang pagkupkop ay naging mabuting anak ako para sa kanila.
"Naku tama na nga ang drama, sandali at magbibihis lang ako," nakangiting wika nito sa akin.
"Yes!" Pumalakpak pa ako sa pagkasabi nun. Sabi na nga ba at hindi ako nito pababayaan. Mabilis na nakapagbihis si Vera kaya naman umalis na kami para makabalik din ng maaga.
Masayang mamili kung may kasama ka. Madami at kung anu-anong bagay ang makikita mo sa paligid. Madalas kami pumunta ni Vera sa pamilihan para bumili ng mga palamuti sa aming sarili dahil iyon ang aming hilig.
"Vera tignan mo nga ito," kumikinang ang aking mata nang sabihin iyon at ipinakita sa kanya ang napakagandang pares ng hikaw. Tiyak ko na bagay ito sa aking ina pero nais ko pa din malaman ang kanyang tingin dito.
"Wow ang ganda n'yan Althaia," umaliwalas din ang mukha nito nang makita ang hawak kong hikaw.
"Sige ate ito na ang kukunin ko," binalingan ko na iyong tindera upang bayaran ang hikaw na bibilhin ko bilang regalo. Aabutin n’ya na sa akin ang hikaw na kanyang binalot nang marinig namin ang bell na nagmumula sa sentro ng kaharian. Simbolo ito na may kampon ng kadiliman na nakapasok.
Maya-maya lang ay maririnig na ang sigawan ng mga tao at nagsimula na din silang magtakbuhan na hindi pa din nasasanay tuwing may ganitong pangyayari sa kaharian. Maging ang tindera na kausap namin ay agad nagligpit ng kanyang pwesto upang makaalis na din.
"Halika na Althaia, umuwi na tayo at hindi ligtas dito," anyaya sa akin ni Vera. Sumama na din ako sa kanya upang makalayo na agad kami. Madalas kasi puntahan ng mga kalaban ang pamilihan dahil madaming tao ang nandoon. Matagal bago kami nakarating sa palasyo dahil sa mga nagkakagulong tao sa paligid.
Pagdating sa palasyo ay makikita mo na ang mga mandirigma na naghahanda dahil sila ang nakatalaga sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman. Hindi sila ordinaryong kawal dahil may mga kapangyarihan sila na kayang gamitin laban sa mga nilalang na kalaban ng kaharian. Agad naman kaming sinalubong ni King Daeyn nang kami ay makita dahil na din sa pag-aalala nito sa anak.
“Vera isama mo na si Althaia at umakyat na kayo sa itaas.” Utos nito sa amin na ang tinutukoy ay ang ligtas na lugar na mayroon sa taas ng palasyo kapag may ganitong pangyayari. Tumalima naman agad si Vera at hinila na din ako.
Nagpahila naman ako sa kanya pero nahagip ng aking paningin ang isang lalaki na tila namumuno sa mga mandirigma na aming naabutan kanina. Mahaba ang itim nitong buhok at napakaganda ng tindig na bagay sa pagiging mandirigma ng kaharian. Bagay din sa lalaki ang suot na armor na nagpapakitang isa s’yang mandirigma na may katungkulan na ayon sa kanyang posisyon.
Napansin ni Vera na napatigil ako sa paglalakad kaya naman muli n’ya akong hinila. Tinitigan ko muna ng mabuti ang lalaki bago tuluyang sumama kay Vera upang makaiwas sa peligro. Nakaakyat naman kami agad kung saan ang lugar na tinutukoy ni King Daeyn, sabi ni Vera ay pinasadya daw talaga ang silid na iyon para sa pamilya nila para sa mga hindi inaasahang pangyayari sa hinaharap.
Nang makaupo kami ay muli kong naalala ang lalaking aking nakita. Pumikit ako at binalikan ang hitsura nung lalaking mandirigma. Katamtaman lamang ang lapad ng dibdib at laki ng braso nito na tila kaysarap magpayakap. Mamula-mula ang labi at katamtaman din ang tangos ng ilong. Tila napansin ko din na mahaba ang pilik mata nito na nagpadagdag lamang sa angkin nitong kagwapuhan.
Ngayon lamang ako nakakita ng lalaki na may ganoong hitsura kaya naman nanibago din ako sa sarili. Hindi ako ang tipo na madaling maakit sa isang lalaki pero hindi ko maintindihan ang sarili kung anong nangyayari sa akin. Napansin ni Vera na tila may iniisip ako.
“Hoy! Ayos ka lang ba?”
“Oo naman, ang swerte ko dahil kasama ko ang prinsesa ng buong kaharian ng Daesyn.” Pagkawika nun ay niyakap ko ang kaibigan bagay na nagpakunot sa noo nito.
“Umamin ka nga anong iniisip mo?” Kilala talaga ako ng babaeng ito gaya ng pagkakakilala ko din sa kanya. Nagdalawang isip pa ako bago sabihin sa kanya ang tungkol sa lalaking nakita ko kanina.
“Tila may bago kayong namumuno sa mga mandirigma?” Napangiti s’ya ng marinig ang tanong ko.
“Natipuhan mo ba?” Inaasar na ako nito ngayon kaya ayokong magsabi sa kanya minsan dahil kung ano agad ang naiisip.
“Hindi.” Maikling sagot ko at umiwas ng tingin sa kanya. Humagalpak naman ito ng tawa dahil sa ginawa ko. Wrong move dahil nahalata lamang nito kung ano talaga ang aking nararamdaman.
“Kilala kita Althaia kaya hindi ka makakapaglihim sa akin.” Nakangiti na itong nakatingin sa akin. Nginitian ko s’ya dahil totoo naman ang kanyang sinabi. Hindi ako naglihim sa kanya simula noon kaya naging tapat na magkaibigan kami kahit pa malayo ang agwat namin sa buhay.
Marangya sila Vera at anak lamang ako ng mag-asawang gumagawa ng mga armas na ginagamit din sa kaharian. Ganun pa man ay pinaglapit kami ng tadhana at kinilala ang isa’t-isa na parang tunay na magkapatid.
“Hoy natulala ka na dyan,” Tinapik pa ako ni Vera dahil tila nawala ako sa sarili sa lalim ng aking iniisip.
“Nag-iisip ako kaya tumahimik ka dyan,” wika ko sa kanya dahil sigurado ako na hindi na naman ako nito titigilan. Inilapit pa nito ang kanyang mukha sa akin para siguraduhin na nag-iisip ba talaga ako.
“Siraulo ka talaga.” Napa-iling ako sa ginagawa ng aking kaibigan.
“Nagsisigurado lang baka kasi pinagloloko mo ako.” Kumukurap pa ang mata nito na tila sinusubukan ako na sabihin sa kanya ang totoong iniisip ko.
“Nakakalimutan mo yata na ikaw ang madalas na nagloloko sa ating dalawa,” sumbat ko sa kanya dahilan para magtawanan kami. Narealize namin na totoo ang tungkol doon dahil madalas na madaming kalokohan si Vera sa akin.
Niyakap n’ya ulit ako at tinapik pa ang aking likod. Parang bata na naman si Vera na naglalambing sa nanay. Sanay na ako sa ganitong ugali ni Vera at normal na din ito sa amin.
“Don’t worry Althaia, aalamin ko ang pangalan nung lalaking mandirigma at ipapakilala kita,”
Naitulak ko s’ya dahil sa kanyang sinabi. Tinawanan n’ya lamang ako sa naging reaksyon ko. Si Vera ang tipo na kapag seryoso ay ginagawa talaga ang bagay na pinapangako sa akin. Prinsesa s’ya ng kaharian kaya sigurado ako na madali n’ya lang magagawa ang bagay na iyon.
“Siraulo ka talaga tumigil ka nga, tinatanong ko lang naman kung may bagong pinuno ang mga mandirigma sa palasyo.” Pilit kong dinepensahan ang sarili kahit alam ko na hindi iyon paniniwalaan ni Vera.
“Oo na alam ko pero gusto pa din kita ipakilala mukhang gwapo ang bago naming pinuno.” Mapang-asar na wika nito at sinusundot-sundot pa ang aking bewang dahilan para pitikin ang kamay nito.
“Tumigil ka nga, nababaliw ka na naman.’ Pagsaway ko sa kanya ngunit hindi pa din ako nito tinigilan. Patuloy pa din s’ya sa ginagawa nang makarinig kami ng malakas na pagsabog. Agad akong tumayo dahil tila nag-iba ang pakiramdam ko.
Dumungaw ako sa bintana ng silid na kinaroroonan namin ni Vera at dahil nasa mataas na lugar kami kaya malinaw kung makikita kung nasaan ang pagsabog na nangyari. Napansin ko na malapit iyon sa aming bayan. Hinawakan ni Vera ang kamay ko na tila naramdaman din ang aking pag-aalala sa mga magulang.
Naalala ko si nanay kaya hinawakan ko ng mahigpit ang regalong ibibigay ko sa kanya pag-uwi ko mamaya kapag wala na ang kampon ng kadiliman. Madaming mga normal na tao sa aming bayan kaya isa din iyon sa madalas puntahan ng mga kalaban hindi gaya sa sentro na may mga kapangyarihan ang mandirigma na pwedeng gamitin sa pakikipaglaban.
"Mag-iingat kayo nay, tay at maging ligtas hanggang sa aking pag-uwi.” Tahimik akong nanalangin para sa kaligtasan ng aking mga magulang.