“Ano yun?” Tila wala pa sa sariling tanong sa akin ni Vera. Agad akong napabalikwas ng bangon nang mapagtanto kung ano ang naririnig. Tunog yun ng kampana bilang hudyat na may nakapasok ulit na halimaw sa kaharian.
Tuluyan na akong nagising at mabilis na nag-ayos ng sarili. Hindi ko din alam kung bakit kailangan ko itong gawin dahil hindi pa din sapat ang aking pagsasanay upang sumama na sa grupo. Gayunpaman, gaya dati ay hindi ko palalampasin ang pagkakataon na ito upang makatulong sa kanila kahit papaano.
Agad akong nag-ayos ng sarili at naghanap ng damit na maari kong gamitin na may panlaban sa lamig dahil maaga pa.
"Aalis ka?" Tuluyan na din nagising si Vera at kasalukuyan na itong nakaupo sa higaan.
"Oo trabaho ko ito kaya kailangan kong sumama sa kanila." Kasalukuyan kong tinatali ang aking buhok upang makaalis na.
"Pero hindi ka pa handa." Halata sa mukha nito ang pag-aalala sa akin. Hindi naman ako mapapahamak dahil magmamasid lamang ako sa mga kasama.
"Huwag kang mag-alala dahil hindi ako gagawa ng bagay na ikakapahamak ko." Tinapik ko nalang sa balikat si Vera at muli itong pinatulog. Nang makahiga ito ay agad na din akong kumilos para lumabas ng silid.
"Mag-iingat ka." Pahabol pa nito sa akin bago ko tuluyang isara ang pintuan at bumaba ng palasyo.
Hindi na ako nito sinagot at hinayaan na akong makaalis. Mabilis akong sumakay ng karwahe upang makarating agad sa opisina. Kasalukuyan na silang naghahanda at bahagya pa silang nagulat nang makita ako lalo na si Deimos.
"Anong ginagawa mo bakit ka nandito?" Bakas din sa mukha nito ang pag-aalala dahil hindi nito akalain na pupunta ako sa opisina ng ganitong oras.
"Kailangan kong sumama sa inyo." Walang pag-aalinlangan na sagot ko sa kanya.
"Hindi maaari dahil malakas na halimaw ang nakapasok at hindi gaya nung unang beses na sumama ka." Kaya naman pala labis ang pag-aalala nito sa akin.
"Hindi mo naman ako pababayaan diba?" Desidido ako sa aking pasya na sumama sa kanila. Para sa akin ay mas malaki ang maitutulong ng sitwasyon sa aking paglakas bilang mandirigma na walang kapangyarihan.
Napansin ko na saglit natigilan si Deimos sa aking tanong. Hindi ko nais na mapuwersa s'ya para lamang hayaan ako na sumama sa grupo pero kahit anong gawin ng lalaki ay magmamatigas ako.
"Sige pero gaya ng dati ay sa mga tagapagpagaling ka sasama." Labis akong natuwa ng pumayag ang lalaki pero halatang nagdadalawang isip pa din ito sa naging desisyon.
"Huwag kang mag-alala sisiguraduhin ko na walang mangyayari sa akin." Nginitian ko na lamang s'ya upang mawala ang pag-aalinlangan na nadarama nito. Tumango na lang si Deimos at ibinalik na ulit ang atensyon sa kanyang mga kasama.
Si Marko ang naghahanda sa mga gamit na maaari nilang gamitin samantalang si Deimos naman ang naghahanda sa kanyang mga mandirigma. Dahil malakas ang halimaw na nakapasok ay madami silang makikipaglaban ngayon.
Hinati ni Deimos ang grupo base sa mga kakayahan na ginagamit ng mga ito. Gumagamit ng mahika si Marko kaya s'ya na ang nanguna sa mga kasama nito.
"Sumama ka na sa kanila dahil aalis na tayo." Itinuro pa ni Deimos ang grupo ng mga tagapagpagaling kung saan ako sasama upang masiguro na hindi ako mapapahamak sa oras ng labanan.
"S-sige mag-iingat ka." Alam ko na malakas si Deimos lalo at hindi ko pa nakikita ang totoong lakas nito kung saan ay misteryoso pa din sa aming lahat. Gayunpaman, ay hindi ko maiwasan na hindi mag-alala sa kanya lalo ngayon na pareho kami ng nararamdaman.
Unang araw pa lang namin bilang opisyal na magkapareha pero heto at makikipagsagupaan na kami sa halimaw na nakapasok. Wala talagang may hawak ng oras pagdating sa mga kampon ng kadiliman. Lumaki akong ganito ang sitwasyon sa kaharian kaya hindi ko alam kung bakit ito nangyayari sa Daesyn.
Pasalamat na lang din kami na may mga piling mamamayan ang may kakayahan sa amin para labanan ang mga ito. Nakakalungkot na hindi ako kasama doon lalo at ampon lamang ako at hindi ko din alam kung saan talaga ako nagmula.
Kahit ganun ay hindi pa din mawawala sa aking puso na maging mandirigma upang tulungan ang kaharian laban sa mga halimaw. Bilang ganti ko na din ito sa pagkupkop ng Daesyn sa akin simula ng mapadpad sa lugar.
Mabilis na kumilos ang mga mandirigma sa pangunguna ng dalawa at sumunod na din ako sa grupo na aking sinamahan. Panay pa ang aking pagsilip kay Deimos dahil nasa unang linya ang lalaki.
Patungo na naman sa pamilihan ang halimaw kahit wala pa ang mga mamamayan na nagtitinda doon. Kung iisipin ay tila may lihim na daan doon kung saan nagtutulak sa mga halimaw na magtungo sa sinabing lugar.
Sa tingin ko ay mapapadali ang pakikipaglaban na gagawin ngayon dahil karamihan sa mga mamamayan ay tulog pa maliban na lang kung nagising ang lahat sa tunog ng kampana.
Gayun na lamang ang aming pagkagulat nang pagdating namin sa lugar ay napakaraming tao ang nandun. Hindi ba nila alam na ikakapahamak nila ang kanilang ginagawa.
"Bakit ang daming tao dito kailangan nilang bumalik sa kanilang mga tahanan at baka mapahamak sila. " Mapapansin na tila galit si Deimos dahil sa nangyayari. Isa sa importanteng kailangan gawin ng isang mandirigma ay masiguro na ligtas ang mamamayan ng Daesyn kaya naman kahit sino ay magagalit kapag ganito ang inabutan.
Bahagyang yumayanig ang lupa hudyat na malapit ang halimaw. Sa aking paningin ay tila kasinlaki ito ng halimaw na pumaslang sa mga kinikilala kong magulang. Natigilan ang lahat ng nasa harapan na namin ito ngayon at walang pag-aalinlangan na sinisira ang lahat ng mahawakan.
Kakaiba ang hitsura nito at hindi gaya ng Olobo. Hindi ko pa alam kung anong tawag sa halimaw na ito dahil hindi pa naman iyon nasasabi sa akin ni Deimos. Kung ang Olobo ay tila malaking lobo ang halimaw naman na ito ay maihahalintulad mo sa isang hyena dahil sa batik-batik nitong katawan.
Sa tingin ko ay napakatalas din ng ngipin nito at tiyak na may kasamang lason ang laway ng halimaw. Ang nakakainis na katangian ng halimaw ay ang napakibilis nitong pagkilos kahit napakalaki nito.
"Magsibalik kayo sa inyong mga tahanan." Galit na muling sigaw ni Deimos na tila nagdulot ng takot sa mga mamamayan. Kung titignan ay tila nanunuod lamang sila ng sirko kaya naman napakainit ng ulo ngayon ng lalaki.
Nang masigurong nag-alisan na ang mamamayan ay agad nagbigay ng senyales si Deimos sa mga mandirigma upang paghandaan ang kalaban.
"Magsihanda ang lahat saka huwag n'yong kakalimutan ang mabilis na pagkilos ng Hyae." Iyon siguro ang tawag sa nilalang na ito.
Mabilis silang naghanda at agaw na gumawa ng barrier ang grupo ni Marko upang hindi na makatakas ang halimaw. Kailangan nilang masiguro na makukulong ito lalo at napakabilis nitong kumilos.
"Simulan na ang pag-atake!" Malakas na anunsyo ni Deimos at halos magkakasabay na nagpaulan ng kapangyarihan ang mga mandirigma. Kailangan nilang gawin iyon ng sabay-sabay dahil sa laki nito. Siguradong hindi ito matatablan kung bawat grupo silang aatake.
Umungol ang halimaw na tila nasasaktan ngunit hindi naging sapat ang lahat ng ginawa ng mandirigma. Pigila ang aking hininga dahil sa pag-aalala na may masaktan sa kanila. Mukhang napakalakas talaga ng halimaw dahil bukod sa mabilis nitong kilos ay mayroon din itong matatalas na kuko gamit sa pagkalmot.
Kahit nasasaktan ay nagagawa pa din nitong kalmutin ang barrier na ginawa nila Marko. Sa tingin ko ay malakas na kapangyarihan ang kanilang gamit dahil nahihirapan ang kanilang grupo. Pinagmamasdan ko lamang si Deimos at patuloy ito sa ginagawang tila pagkumpas ng kanyang espadang hawak. May mga kataga s'yang binabanggit na hindi ko maintindihan dahil napakaingay na ng paligid.
Bahagya pa akong napaatras ng maramdaman na tila mawawasak ang barrier na pinangkulong sa Hyae.Muli kong tinignan si Deimos at makikita sa kanyang mukha na tila nais na nitong matapos agad ang buhay ng halimaw ngunit likas na napakakunat nito.
Tuluyan na nga nawasaka ang barrier dahilan para magtalalsikan ang ibang mandirigma. Sa tingin ko ay nagamit na nila ng husto ang kanilang mahika kaya nahihirapan ulit silang gumawa ng panibagong barrier.
"Mabilis na tumayo si Deimos dahil napatumba din s'ya ng puwersa na gawa ng Hyae. Nagwawala ito at pumwesto na tila asong susugod para lapain ang isang tao.
"Humanda kayo dahil kikilos na ang Hyae." Paghahanda pala iyon ng halimaw upang simulan ang mabilis nitong pagkilos. Ang totoo ay natatakot ako dahil ngayon ko lamang nasaksihan ang ganitong pakikipaglaban.
Nagsimula na nga ang halimaw sa mabilis nitong pagkilos at sa hindi kalayuan ay napansin ko ang isang batang lalaki na nanunuod sa ginagawa nito. Lumakas ang t***k ng aking puso dahil sa direksyon ng bata ang tinatahak ng Hyae.
Awtomatikong kumilos ang aking katawan at mabilis na nagtungo sa direksyon na iyon. Natigilan ang aking mga kasama dahil sa aking ginawa ngunit tila hindi ko naririnig ang kanilang pagpigil sa akin.
"Althaia bumalik ka dito!" Nangigigil na sigaw ng nangunguna sa grupo na aking sinamahan.
Ang tanging nasa isip ko lamang ay mailigtas ang bata na ngayon ay natigilan na dahil sa papalapit na halimaw. Kailangan kong iligtas ang bata dahil ipinangako ko na hindi mangyayari sa kanila ang nangyari sa aking mga magulang.
"Althaia!" Malapit na ako sa bata pero mas malapit na ang Hyae dito. Napalingon pa ako ng marinig ang malakas na pagsigaw ni Deimos sa aking pangalan.
Mas binilisan ko ang aking pagtakbo at bago man tuluyang makalapit ang Hyae sa batang lalaki ay hindi ko inaasahan ang pangyayari na naganap sa aking katawan.
Isang nakakasilaw na liwanag ang bumulag sa halimaw dahilan para matigilan ito sa gagawing atake. Yakap ko ngayon ang bata habang nakaharang sa aming dalawa ang nakakasilaw na liwanag.
"Yatam ma ake!" Narinig kong sigaw ni Deimos dahilan para mapapikit ako at maya-maya lamang ay naglaho na ang liwanag na nakaharang sa amin ng bata at bumungad sa amin ang unti-unting nagiging abo na halimaw.
"Althaia, paano mo iyon nagawa?" Hindi pag-aalala ang nakikita ko sa mukha ni Deimos kundi pagtataka.