“Althaia!” Salubong sa akin ni Vera at nagulat pa ito na kasama ko ngayon si Deimos. Nasanay na kasi ang babae na mag-isa na lamang akong umuuwi galing sa opisina. Nakadagdag pa sa pagtataka nito nang manatili si Deimos sa palasyo kahit pa nga wala itong kailangan kay King Daeyn.
Sumabay na din si Deimos sa aming hapunan na mas lalong nagpakunot sa noon i Vera. Sa pangalawang pagkakataon simula nang pumasok ako sa mundo ng mga mandirigma ay ngayon na lamang ulit kami nagkasabay sa pagkain ng hapunan. Labis yun na ikinatuwa ng hari dahil tila dinalawa s’ya ng kanyang mahal na mandirigma.
Panay ang pagsiko sa akin ni Vera nang mapansin nito na tila hindi nawawala ang aking ngiti. Isa pa nagpapaintriga sa aking kaibigan ay dahil napapansin nito na tila panay ang tinginan namin ni Deimos. Nananatili ako tahimik at hindi na lamang pinansin ang aking kaibigan. Abala pa akong titigan ang napakagwapong mukha ng lalaki na aking kaharap ngayon. Mamaya ko na lamang sasabihin kay Vera kung anong nangyari.
Nagkuwentuhan pa si King Daeyn at Deimos bago s’ya nagpaalam sa amin. Nginitian ako nito ng abot hanggang tainga at kumaway pa bago tuluyang sumakay ng karwahe pabalik sa opisina. Madami pa daw kasi itong hindi natatapos na trabaho dahil natulog ito kanina gawa ng magdamag silang gising ni Marko. Muli akong napangiti nang maaalala kung anong plano ang ginawa nila para mangyari iyon kanina.
Nagpaalam din muna kami sa ama ni Vera bago kami nagdesisyon na magtungo na sa aming silid upang magpahinga. Nakataas pa ang kilay ni Vera habang nakatingin sa akin na tila sinasabing may kakaibang nangyari sa akin ngayong araw. Hindi ko pa din s’ya pinapansin para lalo s’yang maintriga.
Nasa harap na s’ya ng kanyang silid nang bigla itong sumunod sa akin na tuluyang pumasok sa aking silid. Nakapameywang pa ang babae at tila imbestigador na nakatitig sa akin habang masuring pinagmamasdan ang aking mukha.
“Lumayo ka nga sa akin at naaamoy ko ang ating ulam mula sa iyong hininga.” Simpleng pagtatabopy ko sa kaibigan dahilan para magmartsa ito palayo upang umupo sa aking higaan.
“Kilala kita at sigurado talaga ako na may nangyari sa’yo ngayong araw.” Nanlilisik na ang mata nito sa akin ngayon pero patuloy pa din ako sa ginagawang pagdedma dito. Kinuha ko muna ang aking tuwalya upang makapaglinis ng katawan bago ko balak na magkuwento sa kanya.
Nakahalukipkip pa si Vera nang lumabas ako ng banyo pagkatapos mag-ayos ng sarili. Nakaramdam ako ng awa sa kaibigan dail siguradong magmamaktol na ito dahil sa ginagawa kong pagdedma sa kanya.
“Ayos ka lang?” Ang kaso ay hindi ko mapigilan ang sarili na asarin s’ya lalo at ngayon ko na lamang ulit ito nagawa sa kanya.
"Kilala kita Althaia. Halos hindi ka makatulog kagabi dahil sa pag-iisip kung paano mo sila haharapin pero tignan mo ang hitsura mo ngayon kulang na lang mapunit ang bibig mo sa kakangiti." Tila hindi humihinga na maktol nito sa akin.
"Halata ba masyado?" Nagpaganda pa ako sa kanyang harap bago tumabi sa kanya ng pagkakaupo.
"Ewan ko sa'yo nakakainis ka. Magkuwento ka na nga kung anong nangyayari." Napipikon na ang hitsura ni Vera kaya naman mas lalo ko itong ikinatuwa. Ibig sabihin ay tagumpay ako sa pang-aasar sa kanya.
"Galit ka yata eh." Humiga ako pagkawika nun dahilan para magbago ang hitsura nito. Ang kaninang tila umuusok na ilong ay napalitan ngayon ng napakaamong tuta.
"Hindi ako galit, sige na magkuwento ka na sakin." Parang bata nitong wika at pilit na hinihila ang aking braso para tumayo mula sa aking pagkakahiga.
"Baka kasi atakihin ka sa aking sasabihin." Umupo na ulit ako dahil naaawa na din ako kay Vera. Alam kong OA ang aking sinabi pero ganun kasi kung mag-react si Vera. Akala mo ay laging aatakihin pag nakarinig ng nakakagulat na balita.
"Hindi naman kaya bilis sabihin mo na kasi." Hindi na s'ya makapaghintay sa aking balita kaya niyugyog pa nito ang aking braso na hawak pa rin n'ya.
"Kami na ni Deimos." Walang pag-aalinlangan na wika ko sa kanya. Kinabahan ako dahil napahawak ito sa kanyang dibdib dahil sa narinig.
"Hoy! ayos ka lang?" Nag-aalala na tanong ko sa kaibigan.
"S-seryoso kayo na ni Deimos?" Nanlalaki pa ang mata na tanong nito sa akin pero nawala ang kaba ko dahil tila arte lamang n'ya ang ginawang paghawak sa dibidib.
"Oo kaya nga hanggang ngayon ay hindi pa din ako makapaniwala." Nararamdaman ko na malapad na naman ang pagkakangiti ko ngayon. Ganito pala ang pakiramdam ng umiibig dahil kahit kanina pa ako nakangiti ay hindi ko man lang naramdaman na nangalay ang aking panga.
"Hala Althaia anong nangyari? Ibig kong sabihin paano nangyari?" Halata din sa mukha ni Vera ang sobrang saya. Pakiramdam ko nga ay hindj nito malaman kung ano ang dapat n'yang itanong sa akin.
"Hindi ko din alam basta napagtanto ko lang na parehas kami ng nararamdaman." Tila kinikilig pa na sagot ko sa kanya.
"Sandali kuwento mo sa akin kung anong nangyari." Umayos pa ito ng upo biglang paghahanda ng sarili sa pakikinig nito sa akin.
Ang totoo ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula dahil masyadong madaming nangyari kanina. Hindi lang pala ako ang nakaramdam ng ganun kay Deimos dahil maging ang lalaki ay ganun din sa akin.
Parehas pa kaming hindi makapaniwala na sa bilis ng panahon na pinagsamahan namin ay naging ganito agad kami. Idagdag pa na hindi naman kami matagal na magkakilala.
Sobrang natuwa ako kanina nang makita ang kanilang inihanda para sa akin hanggang sa tuluyang nawala ang kaba na nararamdaman ko dahil sa pagkahiya gawa ng nangyari nung nakaraan araw.
Kinikilig pa din ako pag naaalala na naging senyales daw iyon para mapagtanto ni Deimos ang kanyang tunay na nararamdaman sa akin.
"Hoy! ano na?" Masyadong lumipad ang aking utak at nakalimutan ko na magkukuwento pala ako kay Vera.
"Sandali hindi ko kasi alam kung saan ako magsisimula ng kuwento." Pag-amin ko sa kanya.
"Syempre simula nung dumating ka sa opisina." Hindi talaga nito palalampasin ang pagkakataon at kahit anong maging dahilan ko ay hindi ako nito titigilan. Wala na naman akong magagawa dahil ganun ang ugali ng aking mahal na kaibigan.
"Okay sige simula ng dumating ako sa opisina." Nagsimula na akong magkuwento sa kanya kung paano ang kaba at pagdadalawang isip ko na bumalik sa opisina hanggang napagdesisyunan ko na pumasok nga.
Sinabi ko din sa kanya kung anong hitsura ng training ground na nadatnan ko. Ang makuulay na bulaklak na hindj ko din alam kung saan nanggaling dahil madaling araw lamang nila pinag-isipan ang plano.
Ang nakakakilig na pag-aya sa akin ni Deimos na sabayan s'ya sa umagahan nito. Nakakahiya dahil hindi ko napigilan ang sarili na hindi matawa sa nakahain sa lamesa. Isang pritong itlog na hugis puso, sinangag na kanin at adobong karne ng baboy na mabibilang mo lang sa konti nito. Halatang biglaan nga ang nangyari.
Hindi ko din makakalimutan ang bulaklak na binigay nito sa akin na ngayon ay nasa lamesa ko nga bilang kaliwang kamay nila ni Marko. Tinuruan na ako nito mag-ayos ng mga papeles dahil napag-alaman ko na doble ang naging trabaho n'ya ngayon gawa ng aking pagsasanay.
Hindi ko syempre hahayaan na mapagod ang aking iniibig. Hindi din mapigilan ni Vera ang saril na hindi kiligin sa aking kuwento kahit hindi nito nakita ang totoong pangyayari. Mas magiging masaya sana ang aking kaibigan kung nasaksihan n'ya iyon.
"Anong sabi n'ya nung magtapat sa'yo." Syempre gaya ng sabi ko ay hindi ito palalampasin ni Vera.
"Wala naman sabi n'ya lang na masaya daw s'ya na nakilala ako." Hindi ko alam pero nahihiya akong sabihin yun sa kaibigan.
"Ayoko n'yan gusto kong marinig yung eksaktong salita na sinabi n'ya." Demanding din kung minsan si Vera pero dahil wala s'ya doon kaya sasabihin ko na lang din.
Tumikhim pa ako bago nagsalita ulit at pilit na ginaya ang ginawa ni Deimos kanina. Tumayo ako at nagtungo sa harap ni Vera para mas makatotohanan. Bahagyang natawa ang babae dahil sa aking ginagawa pero pinabayaan lamang ako nito.
"Althaia alam kong hindi kapani-paniwala ang aking sasabihin pero gusto kong aminin sa'yo kung ano ang tunay kong nararamdaman. Ang totoo ay nag-aalinlangan ako nung una dahil naguguluhan pa ako sa aking sarili. Masaya ako na nakilala kita at nakasama dito sa opisina. Siguro ay iyon din ang dahilan kung bakit ako nagkaganito. Ang totoo ay hindi ko sinasadya ang nangyari kahapon dahil doon ko napagtanto kung ano ang tunay kong nararamdaman. Althaia gusto kita at hindi lang basta gusto dahil tila minamahal na kita."
Nagulat pa ako ng biglang tumayo si Vera at kinikilig na nagtatalon. Pagkatapos ay pumalakpak pa ito na tila nanunuod ng isang palabas.
"Nakakagulat ka naman." Umupo na ulit ako sa higaan at hinayaan si Vera sa ginagawa nito. Nang mapagod ay tumabi na din ulit s'ya sa akin.
"Grabe Althaia maaaya ako para sa'yo." Niyakap pa ako nito dahilan para lalo akong matuwa sa kanya. Mahal na mahal talaga ako ng aking kaibigan.
"Maraming salamat Vera. Huwag kang mag-alala gaya ng sabi ko sa'yo noon na kahit magkaroon ako ng nobyo ay hindi ako magbabago sa'yo." Parang kapatid na ginulo ko ang buhok nito.
"Oo naman alam ko." Napagtanto namin na tila pareho kaming naiiyak. Iyak dahil sobrang tuwa na nararamdaman namin.
Muli kaming nagyakap at tuluyan umiyak na parang mga baliw. Hindi ko makakalimutan ang araw na ito at araw-araw kong aalalahanin ang masayang tagpo na aming pinagsaluhan.
"May bagong pangyayari na naman sa aking buhay."