“Althaia, gising na.” May malambing na boses ang gumigising sa akin ngayon. Kaysarap talaga ng pakiramdam na may magulang ka na gumigising sa’yo tuwing umaga. Bigla akong napamulat ng maalala na wala na nga pala ang aking mga magulang.
“Ohh, gising ka na pala kukuha pa naman sana ako ng tubig para isaboy sayo.” Natatawang wika ni Vera nang makitang bigla na lamang akong nagmulat ng mata na parang may nakitang kung ano.
“Hmm.” Napatakip pa ako ng mukha ng tumama sa akin ang sinag ng araw bilang hudyat na tanghali na. Maingay na sa aming paligid pero nakapagtataka na hindi man lamang ako nagising dahil doon.Napasarap yata ang aking tulog at hindi ko namalayan ang oras. Ngayon ang unang araw ng pagsasanay ko bilang mandirigma.
Tuluyan na akong napatayo sa higaan ng maalala ang importanteng bagay na gagawin ko ngayong araw. Nagulat pa si Vera sa biglaan kong pagtayo at tila hindi maintindihan kung bakit ako nagmamadali.
“Hoy okay ka lang?” Nakakunot ang noo nitong tanong sa akin.
“Huh, oo kaso anong oras na ba ngayon ang unang araw ko sa pagsasanay nakakahiya pag nahuli ako.” Natataranta kong wika at nahihirapan ako kung ano ang unang bagay na dapat kong gawin. Naninibago pa ako sa aking silid kaya naman wala pa sa ayos ang aking mga dapat gawin.
Nagtungo ako sa banyo ng aking silid pero nakalimutan ko na dapat ko munang kunin ang aking tuwalya kaya naman lumabas ako ulit. Ganun din ang aking sepilyo na nasa loob pa din ng aking bag dahil hindi ko na nagawang mag-ayos ng gamit kagabi.
Natigilan ako sa aking pagkataranta nang biglang tumawa si Vera. Akala ko ay lumabas na ang kaibigan pero kasama ko pa din pala s’ya ngayon ditto sa silid.
“Ugh bakit ka tumatawa.” Hindi ko pa nagagawang tumingin sa salamin ngayong araw pero sigurado akong hindi maipinta ang aking hitsura ngayon.
“Alam mo para kang nawawalang aso na hindi malaman kung ano ang gagawin.” Muli pa itong tumawa. Tinignan ko s’ya ng masama kaya tumahimik din s’ya ngunit halata pa din ang pagpipigil nito sa pagtawa.
“Hindi ka nakakatulong saka bakit ba nandito ka pa?” Bakit nga ba nandito pa ang babaeng ito. Wala ba s’yang dapat gawin sa umaga.
“Hindi ko pa kasi nasasabi sayo kung ano ang ibinilin ng aking ama.” Tuluyan ng tumigil sa pagtawa ang aking kaibigan at kampante pa itong umupo sa aking higaan.
“Bakit ano naman iyon?” Bigla akong napatakip ng bibig. Huwag n’yang sasabihin na hindi na ako magiging babaeng mandirigma dahil huli na akong nagising ngayong araw. Hindi pa nga ako nagsisimula pero matatanggalan na agad ako ng karapatan. Parang walang buhay akong umupo sa kanyang tabi at kinalimutan ang gagawin ko dapat na pagligo.
“Hoy napapano ka naman para kang namatayan uli sa hitsura mo.” Hinawakan pa ni Vera ang aking mukha na tila sinisipat ang aking hitsura,
“Ano nga ang bilin ng mahal na hari.” Walang buhay na tanong ko sa kaibigan at sinamahan pa iyon ng pagbuntunghininga. Bakit ba kasi hindi ako nagising agad samantalang alam ko naman sa sarili na may dapat akong gawin simula ngayon.
“Paano ko masasabi sa’yo kung ganyan ang hitsura mo.” Seryosong sagot sa akin ng kaibigan. Isa din itong babae na ito bakit kaya hindi na lang n’ya sabihin agad sa akin kung ano ang bilin ng hari.
“Mananatiling ganito ang aking hitsura hangga’t hindi mo sinasabi kung ano iyon.” May diin kong wika at tinitigan pa ng masama ang kaibigan. Bahagyang napaatras si Vera nang Makita ang aking hitsura dahil kilala ako nito kapag ganun na ang aking tingin sa kanya.
“Ahm matutuwa ka sa sasabihin ko.” Kumikinang pa ang mga mata ni Vera pagkasabi nun. Bigla naman akong nabuhayan ng loob. Maganda naman pala ang kanyang sasabihin bakit hindi n’ya agad sinabi.
“Ano nga iyon.” Nangigigil na tanong ko sa kaibigan dahil isang oras mahigit na yata kaming nag-uusap pero hindi ko pa din alam kung ano ang bilin ng hari.
“Ahm sabi ni Ama ay kahit bukas ka na lamang daw magsimula sa pagsasanay dahil kailangan mo pa din daw ng pahinga ngayon.” Nagliliwanag sa saya ang mukha ng aking kaibigan.
“Bakit ngayon mo lang sinabi.” Tila naiiritang wika ko sa kanya at tumayo na mula sa aking pagkakaupo.
“Ang pangit kasi ng hitsura mo kanina nakakawala ng mood.” Tila sinisi pa nito ang aking mukha kaya muli ko s’yang tinignan ng masama.
“Lumabas ka na nga at maliligo na ako kahit bukas pa pala ang aking unang araw sa pagsasanay.” Hindi nasisiyahan na pagtaboy ko sa aking kaibigan.
“Sige maligo ka na at hihintayin kita dahil aalis tayo.” Humiga pa ang babae sa aking higaan. Napaisip ako malamang ay dahil kay Vera kaya hindi ako makakapagsanay ngayon. Mabuti na din iyon dahil huli na ako para ngayong araw gawa ng tanghali na ako nagising.
“Bahala ka nga sa buhay mo.” Sumuko na ako at pumasok na ulit sa banyo upang ipagpatuloy ang pagligo na kanina ko pa dapat nagawa.
“Take your time my loves.” Naghikab pa si Vera at sa tingin ko ay makakatulog ulit ito sa aking higaan bago ako matapos sa aking pagligo.
Pabor din naman sa akin na hindi natuloy ang unang araw ko ngayon dahil pakiramdam ko ay hindi pa nga ako handa talaga. Hindi pa ako sanay na wala na ang aking mga kinikilalang magulang at hindi na din ako sa aming tahanan naninirahan.
Binuksan ko na ang shower at kasabay ng pagpatak ng tubig nito ay ang pagpatak din ng aking luha. Khit ilang beses kong sabihin sa sarili na hindi na ako iiyak dahil sa pagkamatay nila ay mukhang hindi iyon mangyayari.
Hindi ko mapigilan ang aking luha sa pagtulo nito tuwing maaalala ko ang nangyari. Biglaan naman kasi kaya nahihirapan pa din akong tanggapin iyon. Akala ko ay madali lamang makalimot pero hindi pala. Hindi pa din pala maayos ang aking pakiramdam tungkol doon.
Mabuti na lamang at may kaibigan ako na naiintindihan ang aking sitwasyon kahit hindi koi yon magawang sabihin. Ang totoo ay hindi ko nais na mag-alala pa sa akin si Vera pero dahil sa tagal n gaming pagkakaibigan ay tila pareho na kami ng nararamdaman dahilan upang malaman n’ya kung ano ang totoo kong saloobin.
Matagal din akong umiyak sa loob ng banyo habang naliligo dahil hindi ko din nais ipakita iyon kay Vera. Tiyak ko na magiging malungkot ang kaibigan ko para sa akin. Hindi ko din naman nais na maawa s’ya sa nangyari sa aking pamilya.
Tama nga ang sinabi ko kanina dahil paglabas ko ng banyo ay tulog na si Vera sa aking higaan. Tila tumutulo pa ang laway ng babae sa sarap ng pagtulog nito. Sa tingin ko ay mas maaga s’yang nagising kaysa natural na oras ng kanyang paggising upang kausapin ang kanyang ama.
Nagbihis na ako at hinayaan ang kaibigan na matulog muna. Nag-ayos na din ako ng aking gamit upang ilagay ng ayos sab ago kong silid.
“Ohh nakatulog pala ako.” Muntik pa akong mapatalon ng marinig ang babae. Napakatahimik kasi tapos bigla na lamang s’ya nagsalita at hindi ko din namalayan na gising na pala ang kaibigan.
“Oo, saan ba tayo pupunta?” Sinara ko na ang aking aparador dahil tapos na din ako sa paglalagay ng aking mga damit doon. Importanteng bagay lang naman ang aking dinala ditto kaya konting gamit lang ang aking inayos.
“Hmm nagugutom ako at hindi ko gusto ang pagkain dito sa bahay kaya kakain muna tayo sa labas.” Naghikab pa ang babae at sinamahan pa iyon ng pag-inat ng kanyang mga braso.
Sa dami ng pagkain nila dito ay may oras talaga na sa labas kumakain si Vera upang tikman ang mga pagkain na hindi n’ya nagagawang kainin sa palasyo. Nagugutom na din ako kaya sumang-ayon na ako sa kanyang nais gawin. Tutal naman ay iyon ang layunin ng babae ngayong araw upang mawala kahit papaano ang lungkot na aking nararamdaman.
Pagbaba naming ni Vera ay naabutan pa namin ang mahal na hari na patungo pa lamang sa opisina nito kung saan ay nasa loob din ng palasyo. Bukod doon ay kasama din ng hari si Deimos at nakakapagtaka na hindi s’ya nakasuot ng uniporme ngayon bilang kawal.
“Bakit ang gwapo mo huh.” Tila wala sa sariling wika ko.
“May sinasabi ka?” Napamulagat ako ng marinig ang tanong ng lalaki. Nakangiti s’ya sa akin ngayon at pagkatamis nitong tignan. Sigurado ako na sinabi koi yon sa isip lamang pero bakit tila narinig nito na mayroon akong sinabi.
“Ah wala s’yang sinabi baka guni-guni mo lang iyon.” Inilagay ni Vera ang kanyang kamay sa aking braso saka ako tinignan na tila sinasabing anong ginawa ko. Nagtatanong na tingin din ang ibinalik ko sa kanya.
“Paalis na ba kayo?” Mabuti na lamang at nagsalita si King Daeyn kaya pareho kaming napatingin ng kanyang anak sa kanya. Magkasabay pa kaming tumango at nginitian ang hari.
“Opo Ama, babalik din kami agad kapag nagsawa na kaming mamasyal sa labas.” Magalang na paalam ng aking kaibigan.
“Naku sigurado ako na aabutin kayo ng gabi bago magsawa sa pamamasyal.” Hindi mo maikakaila na kilala talaga kami ng hari. Madalas kasi ay ganun ang nangyayari sa tuwing lalabas kami ni Vera. Natawa na lang kami parehas sa sinabi nito.
“Oh Deimos hindi ba at wala ka naman pasok ngayon, ano kaya kung samahan mo ang aking mga prinsesa.” Sa paraan ng pagkasabi ni King Daeyn ay tila sinasabi nito sa lalaki na samahan kami kahit hindi nito nais.
Napatingin ako sa lalaking mandirigma upang tignan kung ano ang reaksyon nito. Napakagiliw ng kanyang ngiti indikasyon na gusto n’ya kung ano ang ipinapagawa ng hari.
“Kung ganun ay halika na, paalam Ama.” Hinawakan din ni Vera si Deimos sa braso nito dahilan upang magulat ang lalaki at pagkatapos ay sabay na kaming hinila ng kaibigan. Kumaway na lamang ako sa hari na nasisiyahan din sa kanyang nakikita.
“Hmm ano kaya ang pakiramdam na may kasamang gwapong mandirigma?” Siniko pa ako ni Vera nang medyo nakalayo na kami sa palasyo. Nasa likuran na din naming ngayon si Deimos kaya nagagawa na akong asarin ng babae.
“Ewan ko sa’yo.” Tinaasan ko pa s’ya ng kilay na tila tinatarayan kunyari ang kaibigan. Napalingon ako sa likod at pasimpleng pinagmasdan ang lalaki na abala sa pagtingin nito sa paligid.
“Ano nga kaya ang aking mararamdaman?” Bahagya pa akong napailing sa aking naisip at muling ibinalik ang tingin sa aming dinadaanan.