Maaga pa lamang ay gising na ako at tila hindi ko naramdaman ang aking pagtulog dahil hanggang ngayon ay inaantok pa din ako. Wala naman akong magagawa dahil kailangan ko ng bumangon upang pumasok sa opisina bilang mandirigma.
Hindi kami nakapagsanay ni Deimos kahapon kaya tiyak ko na magsasanay kami ngayon. Nakapagdesisyon ako na harapin kung ano ang mangyayari ngayong araw dahil hindi ko din iyon maaaring iwasan. Kailangan kong tanggapin kung anuman ang mangyari upang manahimik ang aking isip sa pag-iisip ng kung anu-ano.
Napakasarap tignan ni Vera habang natutulog dahil kahit anong oras ay maaari s’yang bumangon. Ano kaya ang ginagawa ko ngayon kung hindi ako nagdesisyon na maging mandirigma. Sa tingin ko ay pareho lang dahil kailangan ko pa din magtrabaho. Hindi ko hahayaan ang sarili na manatili sa palasyo ng hindi man lang nakakaganti sa kanilang pagkupkop sa akin.
Ako yung tipo na nagtatanim ng utang na loob. Kapag may ginawang mabuti para sa akin ang isang tao ay hindi ko iyon palalampasin at sisiguraduhin ko na masusuklian ko ang bagay na iyon sa kahit anong paraan. Siguro ay dahil ganun ako pinalaki ng kinikilala kong magulang kaya naman naging ganto ang aking puso para sa aking kapwa.
“Hays kailangan ko ng maligo.” Humihikab pa na wika ko. Nag-inat muna ako ng katawan bago tuluyang tumayo at nagtungo sa banyo. Hinayaan ko lang muna si Vera sa higaan dahil gigising naman ang aking kaibigan kapag gutom na s’ya.
Tinapos ko na ang pag-aayos ng aking sarili at lahat ng mga dapat kong gawin bago umalis ng palasyo. Maaga ako ngayon pero hindi kasing-aga nung nakaraang araw dahil baka kung ano na naman ang mangyari.
“Magandang umaga mahal na hari.” Gising na si King Daeyn nang bumaba ako kaya binati ko na din ang s’ya. Ngayon ko na lang din kasi s’ya ulit nakita.
“Magandang umaga din. An gaga mo naman yata magtungo sa inyong opisina.” Magiliw nitong sagot sa akin. Kahit kailan ay hindi nagbago ang pakikitungo ng hari sa akin kahit pa nga nung nalaman nito na isa lamang akong ordinaryong mamamayan na naging kaibigan ng kanyang mahal na prinsesa.
Mas lalong tumaas ang respeto ko sa hari nang kupkupin nila ako at ituring nitong parang tunay na anak. Hindi ko akalain na sa kabila ng mabagsik na mundong ating ginagalawan ay may mabuting loob ang walang pag-aalinlangan na kupkupin ako at bigyan ng aking mga pangangailangan.
“Naku hindi po sakto lamang ang aking oras kapag dumadating ako sa opisina. Isa pa ay tumutulong din ako sa ibang ginagawa ng mandirigma doon.” Nakangiting sagot ko sa mahal na hari.
“Ganun ba, mukhang masaya ka naman sa kalagayan mo doon.” Parang tatay ko na din ang hari kung makipag-usap s’ya sa akin. Kaya naman mahal na mahal s’ya ng mamamayan sa buong kaharian ay dahil mahal din nito ang lahat ng ordinaryong mamamayan. Hindi s’ya gumagawa ng kahit anong ikakapahamak ng kanyang sinasakupan.
“Opo masaya naman lalo at mag-isang babae lang ako.” Pabirong sagot ko sa kanya pero napaisip din ako sa naging sagot ko. Masaya nga ba talaga ako sa bago kong mundo. May pagkakataon pa naman para umatras ako kung hindi talaga ako sigurado.
“Halata naman sa mukha mo iha na masaya ka, ipagpatuloy mo lang at baka maging isang pinakamagaling na mandirigma ka pag nagtagal.” Natigilan ako sa aking iniisip kanina. Tama hindi ako pwedeng magdalawang isip dahil una pa lang ay ako na ang pumasok sa sitwasyon na kinalalagyan ko ngayon.
Hindi ko na kailangan mag-alinlangan dahil mapalad ako at nabigyan ako ng pagkakataon kahit pa nga wala naman akong kapangyarihan na maiaambag kapag nagkaroon ng kalaban. Ngumiti ako at pakiramdam ko ay muli akong nagkaroon ng tiwala sa aking sarili dahil sa sinabi ng mahal na hari.
Pinangrap ko nga pala ang maging magaling na mandirigma upang maipagtanggol ko ang mamamayan ng Daesyn at maiwasan ang nangyari sa kinikilala kong magulang. Kaya ko ito dahil malakas ako at kahit anong sitwasyon ay tatanggapin ko para sa katuparan ng aking pangarap at pangako sa namayapa kong mga magulang.
“Salamat po, sige mauna na po ako at alam ko naman na madami pa kayong gagawin.” Naramdaman ko na kailangan nan i King Daeyn magtungo sa kanyang opisina kaya naman nagpaaalam na ako sa hari. Tumango lamang ito at kumaway pa bago tuluyang humakbang palayo sa akin.
Humarap na din ako sa malaking pintuan ng palasyo. Bumuntong hininga pa ako bago nagpasyang magsimula sa aking paglalakad. Sabi ko nga hindi ako mahahadlangan ng kahit anong sitwasyon kaya naman buo na ang aking loob na harapin si Deimos at Marko mamaya.
Kung kinakailangan ay baka sabihin ko na din sa lalaki ang tunay kong nararamdaman dahil iyon din naman ang patutunguhan nun. Bahala na kung hindi kami parehas ng nararamdaman dahil ang importante ay mailalabas ko na kung ano ang aking nararamdaman.
Wala sanang mangyari na kung ano sa akin mamaya para magawa ko kung anuman ang aking planong gawin. Hindi ko kakayanin na habambuhay itago ang tunay kong nararamdaman kung lagi kaming magkikita ni Deimos. Hindi din ako papayag na tumigil sa aking pagsasanay dahil lamang nahihiya akong harapin ang lalaki.
Hindi naman kasalanan ang magmahal kaya wala akong pakialam kung anuman ang kanilang sabihin sa akin. Ayoko din pagsisihan baling araw kung bakit hindi ako nagtapat sa kanya ng aking nararamdaman. Huminga muna ako ng malalim bago ako tuluyang sumakay sa karwahe na maghahatid sa akin patungo sa aming opisina.
Hiling ko na sana pagdating ko ngayong araw sa opisina ay may ibang mandirigma na ang naroon upang hindi ako makagawa ng kamalian. Dalangin ko din na sana ay hindi doon natulog si Deimos upang mas una akong dumating sa kanya. Tiyak na mas nakakahiya kapag nandoon na agad s’ya at naghihintay sa akin.
"Wala ng atrasan ito." Para akong baliw na kinakausap ang sarili. Napatingin pa nga sa akin ang nagmamaneho ng karwahe na aking sinasakyan. Isang pilit na ngiti na lang ang binigay ko sa kanya.
Kung iisipin ay para akong susugod sa giyera na hindi ko alam kung anong maaaring mangyari sa akin at maging kinalabasan. Gayunpaman ay desidido na talaga ako. Alam kong paulit-ulit ako pero kinakabahan na kasi ako ngayon lalo at natatanaw ko na ang aming opisina. Madilim pa din sa paligid nito kaya tiyak kong wala pa ang mga mandirigma doon.
"Mamaya na lang kaya ako bumaba at hintayin ko nalang na buksan muna nila ang ilaw sa paligid." Pwede naman siguro ang aking naisip kailangan ko lang kumbinsihin ang mag-ari nitong sinasakyan ko upang pumayag sa aking gusto.
"Naku pasensya na dahil may ihahatid din ako pagbalik ko sa palasyo." Nahihiya pa nitong sagot sa akin matapos kong makiusap sa kanya. Mukhang hindi na naman maganda ang araw ko ngayon.
Sumama na lang kaya ako sa kanya pabalik ng palasyo at tuluyan ko ng bitawan ang pangarap ko na maging mandirigma. Kaso pag ginawa ko yun siguradong hindi ako titigilan ni Vera sa kanyang pang-aasar.
Napasabunot ako sa sariling buhok. Akala ko pa naman ay handa na ako ngayong araw. Napatingin ako sa may-ari ng karwahe at tila sinasabi ng mga mata nito na bumaba na ako dahil may trabaho pa s'yang gagawin.
Nahiya naman ako kaya masakit sa loob na bumaba ako ng aking sinasakyan. Nagpapawis ang aking mga kamay kahit napakalamig dahil hindi pa sumisikat ang araw. Bahagya akong nanginginig na hindi ko alam kung gawa ng lamig o dahil kinakabahan ako.
Tuluyan ng umalis ang karwahe na aking sinakyan kanina kaya hindi na ako makakabalik sa palasyo kung sakaling makapagdesisyon ako. Hindi ako maaaring tumabay sa kalsada dahil maaaring mapahamak ako lalo at madilim ang paligid.
Atras abante ang ginagawa kong paglakad. Para akong uod na hindi mapakali sa aking ginagawa. Sigurado ako na umabot ng halos labinlimang minuto ang ginawa kong paglalakad.
Dahan-dahan pa ang ginawa kong pagbukas sa gate kahit alam ko naman na wala pa ang ibang mandirigma. Bakit nga ba wala pa sila samantalang malapit na sumikat ang araw.
Tutal wala pa naman sila naisip ko na bakit dahan-dahon ako kung kumilos. Mas ayos kung makakapasok agad ako ng walang nakakakita sa akin. Umayos na ako ng tayo at pakiramdam ko ay tumunog pa ang aking balakang dahil sa ginawa kong paglalakad kanina ng nakabaluktot ang katawan.
Ang dami kong nalalaman sa aking buhay na wala naman kinalaman sa dapat kong gawin. Kung kanina ay halos hindi ako umusad sa aking paglalakad ngayon naman ay halos doble ang ginagawa kong paghakbang.
Mabilis akong nakarating sa mismong silid kung saan ang opisina ni Deimos kaya naman agad ko din itong binuksan. Ganun na lang ang panlalaki ng aking mata ng biglang bumukas ang ilaw at nagsigawan ang mga mandirigma na sa tingin ko ay kanina pa naghihintay sa akin.
Nagulat ako dahil hindi ko alam kung anong meron at hindi ko inakala na may tao na pala sa loob ng silid. Masasaya ang kanilang mga hitsura at ang iba ay nagbubulungan pa.
"Ano na naman kaya ang mayroon ngayon mukhang hindi talaga ayos ang araw na ito." Nanghihina kong wika sa sarili pero nanatili lamang ako na nakatayo sa tapat ng pintuan. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng silid ngunit hindi ko makita sina Deimos at Marko.
Nakahinga ako ng maluwag dahil doon pero muli na naman ako nagulat nang biglang bumukas ang isa pang pintuan kung saan patungo sa training ground kung saan ako nagsanay nung unang araw ko pa lamang.
Iniluwa nun si Marko at hindi ako nagagalak na makita ang lalaki ngayong umaga. Makahulugan ang tingin nito at patuloy lamang na lumapit sa akin. Lalo akong kinabahan dahil nagsisigawan pa ang mga mandirigma na kasama ko ngayon sa silid.
"Kanina ka pa hinihintay ni Deimos." Buo ang boses na wika nito dahilab para lalo akong matakot.
Wala akong laban sa kanilang lahat dahil mag-isang babae lamang ako dito. Hindi ko din tiyak kung anong kasalanan ang aking nagawa at bakit ako pinapatawag ni Deimos.
Kung magsasanay lang kami ay nakakapagtaka pa din kung bakit nagtitipon-tipon ang mga mandirigma sa silid na ito.
"Bahala na."