“S-sigurado ka ba?” Nag-aalinlangan na tanong sa akin ni Deimos. Hindi siguro nito akalain na gusto kong sumama sa kanila ngayon dahil pangalawang araw ko pa lamang sa opisina at wala pa ako masyadong nalalaman sa aming trabaho.
“Oo mas mapapabilis ang aking pagkatuto kapag sumama ako sa inyo ngayon at nakita kung paano kayo makipaglaban.” Iyon ang aking naisip na mas mabilis na paraan upang masundan ko ang kanilang mga kilos. Sigurado kasi ako na madaming trabaho si Deimos kaya kailangan kong matuto sa aking sariling paraan.
Matagal na natigilan ang lalaki at tila tinitimbang nito kung ano ang kanyang magiging desisyon. Mataman n’ya akong tinignan na tila sinusuri kung seryoso ba ako sa aking sinasabi. Bahagya pa itong napailing sa hindi ko malamang dahilan. Sana ay pumayag si Deimos sa akig gusto.
“Siguraduhin mo lang na hindi ka makikisali muna sa amin.” Bumuntong hininga pa s’ya bago sabihin iyon. Napangiti ako dahil makakasama ako sa kanila. Magandang opurtunidad ito para sa akin at sigurado akong may matututunan ngayong araw.
“Oo naman sisiguraduhin ko din na hindi ako makakagulo sa inyong operasyon.” Kumindat pa ako sa kanya at tila iba ang naibigay na kahulugan nito sa lalaki. Napapikit ako ng mariin nang maalala na naman ang sitwasyon namin kanina tapos nagawa ko pa s’yang kindatan ngayon.
“Halika naghihintay na sila sa atin.” Anunsyo nito ngunit nakaiwas ang kanyang tingin sa akin. Tumango lang ako at mabilis na s’yang lumabas ng silid. Hindi naman maaring magpahintay ako sa kanila kaya sumunod din ako agad kay Deimos.
Ganun na lamang ang aking pagkagulat ng paglabas ko ay may mga matatalim ang mata na nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit ganun sila makatingin sa akin. Ang hirap din pala na puro lalaki ang kasama mo sa isang opisina.
Napakabilis maglakad ni Deimos kaya naman patakbo na ang ginawa kong paghakbng upang makalayo sa mga mapanuring mata. Bahagya akong natigilan ng marinig ang ilang mandirigma na nag-uusap patungkol sa akin.
“Akala ko pa naman ay magiging maaliwalas dito sa opisina natin kapag nagkaroon ng babaeng mandirigma pero nagkamali ako.” Hindi ako sigurado kung sinasadya nitong iparinig sa akin ang kanyang sinasabi.
“Ang bago n’ya pero kung umasta akala mo ay kung sino.” Dugtong naman ng kasama nito.
“Palibhasa nga kasi ay malakas ang kanyang kapit kaya ganun s’ya umasta.” Pinandilatan pa ako nito nang sabihin iyon.
Hindi na ako makapagtimpi sa aking mga naririnig at tila sasabog na ako dahil sa galit. Wala silang karapatan para pagsalitaan ako ng ganito. Wala akong ginawang kasalanan sa kanila at nakikisama ako ng ayos upang hindi ganito.
“Alam n’yo ba na magkasama sila kagabi ni Deimos sa isang silid dito.” Hindi na bulong ang ginagawa nila dahil maging ang ibang dumadaan ay natigilan nang marinig ang sinabi ng isang mandirigma.
“Hindi lang pala s’ya isang sipsip linta kundi higad din.” Marahas kong nilingon ang lalaking nagsalita dahil tuluyan ng sumabog ang tinitimpi kong galit. Mabigat ang paa na humakbang ako patungo sa kanya ngunit natigilan ako ng bigla na lamang sumulpot sa aking harapan si Deimos.
Hindi ko alam kung paano n’ya iyon nagawa dahil nasa likod na ito ngayon ng mandirigma na nagsalita kanina. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nakatalikod s’ya sa akin. Ang sigurado ako ay may kung anong enerhiya ang bumabalot sa katawan nito kung saan ay natitiyak kong galit din ang lalaki.
“D-Deimos?” Nauutal at nahihintakutan na wika ng lalaking nagsalita kanina. Bahagya pa itong napaatras dahil siguro sa takot.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa mukha ni Deimos ngayon pero natitiyak kong masama iyon sa paningin dahil na din sa reaksyon ng mandirigma na nagsalita kanina ng kung anong tungkol sa amin. Nanginginig na ngayon ang mandirigma at tuluyan na s’yang iniwan ng mga kasama nito kanina.
“Anong sinabi mo?” Dumadagundong ang boses ni Deimos at maging ako ay bahagyarng nakaramdam ng takot dahil doon. Hindi ko akalain na ganito pala ang lalaki kapag nagagalit. Bakit ga ba ganto ang kanyang reaksyon.
Oo nga at kasama ko s’ya sa isyu pero ako pa din ang punto ng mga mandirigma at hindi s’ya. Kung ganun ay mahirap pala isama sa isyu si Deimos dahil ganito ang magiging kinalabasan. Hindi ko nais na magkagulo pa sila kaya kahit natatakot kay Deimos ay pinilit ko pa din ang sarili na lumapit sa kanya.
“Deimos halika na.” Anyaya ko sa lalaki at hinawakan ito sa kanyang balikat. Tila natauhan naman si Deimos at nilingon ako. Tumango s’ya at pilit akong nginitian. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at hinila na ang lalaki palayo sa mga mandirigma na nagbubulungan dahil sa insidente.
Kahit anong gawin ko ngayon ay tiyak na pag-uusapan pa din ako ditto sa opisina kaya naman hinayaan ko na lamang sila kung ano ang kanilang iisipin sa ginawa ko ngayon sa kanilang lider. Hindi ko kailangan magpadala sa galit na aking nararamdaman sa tuwing maririnig ang kanilang bulungan.
Naalala ko na sinabi ko na iyon sa sarili kagabi at kay Vera. Hindi ko hahayaan na habambuhay nila akong pag-uusapan dahil papatunayan ko sa kanila na kaya kong maging mandirigma. Hindi lang iyon dahil sisiguraduhin kong magiging malakas din ako na gaya ni Deimos.
Binitiwan ko lamang si Deimos nang makarating na kami sa labas kung saan naroon ang karwahe na naghihintay sa amin. Pinagtitinginan kami ng mga mandirigma sa labas maging ang makakasama namin ngayon para puntahan ang kalaban.
Hindi koi yon pinansin at agad na pumasok sa loob ng karwahe. Sinenyasan ni Deimos si Marko na maaari na kaming umalis kaya pumasok na din ito at tumabi sa akin. Hindi ko pa din lubos maisip kung bakit naging ganun ang reaksyon ni Deimos kanina dahil lamang sa bulungan n gaming mga kasama.
“Anong pumasok sa utak mo kanina at ginawa mo iyon sa iyong mga kasama?” Nagpapasalamat ako sa ginawa n’ya kanina dahil kung hindi ay baka kung ano na ang nagawa ko sa mga lalaking iyon. Gayunpaman ay nais kong malaman kung bakit n’ya iyon ginawa para sa akin.
“Bakit mo naitanong? Ikaw nga itong tila susugod sa giyera kanina.” Naningkit ang mga mata ko sa kanyang sinabi dahil tila inaasar ako nito ngayon. Minabuti ko na hindi sagutin ang kanyang tanong dahil baka kung ano ang lumabas sa aking bibig na hindi ko magustuhan.
“Narinig ko ang sinabi nila kaya hindi ako nakapagtimpi nang makita kong susugod ka sa kanila.” Serysong wika nito habang nakatingin lamang sa bintana at tinatanaw ang aming dinadaanan.
“Wala naman mangyayari sa akin kahit sugudin ko sila.” Nagbibiro kong wika dahil ang totoo ay hindi ako sigurado sa puntong iyon. Sa paraan ng pakikisama nila sa akin tiyak ko na kaya din nila akong saktan kung kinakailangan kahit pa nga babae ako.
“Alam ko pero hindi ko pa din gugustuhin na mangyari iyon. Mabuti na din na nakita nila kung paano ako magalit upang hindi na sila umulit pa.” Tumingin na s’ya sa akin ngayon at isa lang ang ibig sabihin ng nakikita ko sa kanyang mga mata.
Tila sinasabi nito na hindi n’ya ako hahayaan masaktan lalo pa sa loob ng opisina. Handa s’yang protektahan ako anuman ang mangyari. Hindi ko kinaya ang makipagtitigan sa lalaki kaya umiwas na ako ng tingin at dumungaw na lamang sa bintana.
“Maraming salamat.” Bulong ko at hindi ko sigurado kung narinig iyon ni Deimos dahil sa sobrang hina ng aking pagkakasabi. Pakiramdam ko naman ay narinig n’ya ito base sa ikinilos ng kanyang katawan. Pagkatapos ng usapan na iyon ay pareho na kaming tumahimik sa aming kinauupuan.
Naalala ko na magtutungo kami ngayon sa pamilihan upang puntahan ang kampon ng kadiliman na nakapasok na naman sa aming kaharian. Kahit anong tatag ng aming pananggala ay nagagawa pa din nilang makapasok. Mabuti na lamang din at hindi sila araw-araw nakakapasok sa kaharian dahil kapag nagkataon ay maging ang mamamayan sa sentro ay matatakot na din lumabas ng kanilang mga tahanan.
Kinakabahan ako dahil makikita ko na ngayon ng malapitan kung paano tinatalo ng mga mandirigma an gaming mga kaaway. Sa tingin ko ay mahinang klase lamang ang kalaban ngayon dahil iilan lamang ang mandirigma na kasama ngayon.
Pinakiramdaman ko ang sarili kung handa na ba ako sa aking makikita ngayon. Sa kabila ng kaba ay bahagya din akong nagagalak dahil sa pagkakataon na ibinigay sa akin ni Deimos. Sisisguraduhin kong may matututunan ako sa gagawin nila ngayon at hindi ko hahayaan na mapahamak para hindi sila magtagumpay sa kanilang misyon.
“Nandito na tayo.” Anunsyo ni Deimos kdahilan para mapalunok pa ako ng aking laway. Magulo na ang paligid at may naririnig na akong malakas na pag-ungol gawa ng halimaw na nakapasok. Wala na masyadong nilalang sa paligid hudyat na kanina pa nandito ang kalaban.
Mabilis na kumilos ang mga mandirigma at agad nilang hinanap ang lokasyon ng halimaw. Bumaba na din si Deimos at agad na pinangunahan ang kanyang mga tauhan. Agad akong sumunod sa kanila ngunit sinigurado ko na sa mga tagapagpagaling ako kasama dahil wala pa akong magagawa sa ngayon maliban ang panoorin lamang sila.
“Ihanda mo na ang iyong sarili Althaia.” Wika ko sa sarili at agad nakihalubilo sa mga tagapagpagaling na kasunod ng mga mandirigmang makikipaglaban.