"Magsihanda ang lahat." Anunsyo ni Deimos sa kanyang mga kasama. Napakabilis ng pangyayari dahil nakapalibot na sila ngayon sa halimaw na kanilang natagpuan. Madami na ang nawasak sa paligid na gawa ng kalaban. Mabuti na lamang din at wala itong nasaktan kahit isang mamamayan ng Daesyn.
Abala na ang mga mandirigma sa kanilang paghahanda upang mabilis na tapusin ang halimaw. Panay na din ang pagbibigay ni Deimos ng direksyon sa kanyang mga kasama na hindi ko naman naiintindihan dahil malayo ako sa kanilang grupo.
Hindi ko alam kung ano ang kanyang sinasabi kaya mataman ko na lamang pinapanood kung ano ang kanilang ginagawa. Sinisigurado ko na wala akong makakaligtaan na importanteng bagay. Pakiramdam ko ay ibang tao si Deimos dahil sa ikinikilos nito ngayon. Ibang-iba iyon sa kilos n'ya bilang lider ng grupo sa kanilang opisina.
Seryoso ang mukha nito pero napakagwapo n'ya sa aking paningin. Bagay talaga sa kanyang hitsura ang pagiging lider ng mga mandirigma. May kung anong enerhiya din ang bumabalot sa katawan ng lalaki na nagsasabing napakalakas nito.
Maya-maya lamang ay nagsimula ng kumilos ang kanyang mga kasama. May kung ano silang binabanggit na sa aking paningin ay tila nagsisimula na sila sa kanilang pag-atake.
Nangunguna si Marko sa isang grupo ng mga mandirigma na tila gumagamit ng mahika. Kitang-kita ko kung paano magkaroon ng napakalaking pananggala para sa halimaw. Napagtanto ko na kaparehas ito ng halimaw na pumaslang sa aking mga magulang.
Nag-igting ang aking mga bagang ng maalala ang nangyari. Tila hindi ako makakapayag na manatili sa aking kintatayuan. Napatingin ako sa gawi ni Deimos at mataman lamang itong nakatingin sa kalaban na ngayon ay nagsisimula na sa napakalakas nitong pag-alulong.
Mabilis ang ginagawang pagkilos ng mga mandirigma sa pangunguna ni Deimos. Nang masiguro ng grupo ni Marko na wala ng kawala ang halimaw ay agad din nagpakawala ng atake ang mga mandirigma na may elemento ng apoy.
Mas lalong lumakas ang pag-ungol ng halimaw ngunit hindi pa iyon doon natatapos dahil sumunod na din ang mga mandirigma na may elemento ng hangin at tubig. Tila nagkaroon ng napakalaking buhawi sa lugar na kinaroroonan nila.
Bumitak ang mga lupa at pakiramdam namin ay may malakas na lindol sa among paligid dahil na din sa lakas ng pwersa na pinakawalan ng mga mandirigma.
Napaisip ako at bahagyang kumalma nang makita na hindi ko na kailangan makigulo sa kanila para paslangin ang kaaway. Hindi ako maaaring lumikha ng gulo habang nakikipaglaban ang aking mga kasama. Oo nga at galit ako sa halimaw na iyon ngunit hindi naman tama na ipahamak ko silang lahat dahil lamang sa sakit na aking nararamdaman ngayon.
Muli akong tumingin kay Deimos at lumingon naman ito sa akin na tila naramdaman ang aking pagtitig sa kanya. Bahagya n'ya akong nginitian at tila sinasabi ng mga mata nito na magiging maayos ang lahat kaya wala akong dapat na ipag-alala.
Simula ng makita ko si Deimos ay tila may napakalaking tiwala ako sa lalaki. Hindi ko maintindihan dahil hindi madali para sa akin ang magtiwala sa hindi ko pa kilala dahil sa ginawa ng aking tunay na magulang. Hinayaan nila ako at inabandona kaya hindi ko sila nakilala.
Muli kong itinuon ang tingin sa kanilang ginagawa dahil kasalukuyan ng umuungol ngayon ang halimaw. Mahinang klase lang ito kaya naman hindi sila nahirapan na tuluyan ang buhay ng halimaw.
Nagagalak ako na matagumpay nilang nagawa ang kanilang tungkulin. Gayunpaman ay nakaramdam ako ng panghihinayang dahil hindi ko nakitang gumamit si Deimos ng kanyang kapangyarihan.
Iyon talaga ang isa sa dahilan kung bakit ako sumama ngayon. Gusto kong makita ang lakas ni Deimos sa pakikipaglaban. Gusto kong makita kung gaano kalakas ang lalaki.
May mga salitang binitawan si Deimos at unti-unting naging tila abo ang halimaw. Pagkatapos nun ay nagsigawan pa ang mga mandirigma na katulong ng lalaki sa pakikipaglaban.
Hindi ko na hinintay si Deimos na makalapit sa akin dahil sinalubong ko na mismo ang lalaki. Bahagya pa itong nagulat sa aking ginawa.
"Grabe ang galing n'yo." Humahanga kong wika dahil malinaw pa sa sinag ng araw ang nakita kong pakikipaglaban nila.
"Salamat, ikinagagalak ko na walang masamang nangyari sa'yo." S'ya ang nakipaglaban pero ako ang inaalala nito.
"Ako dapat ang magsabi ng ganyan sa'yo."nahihiya kong wika at pakiramdam ko ay namumula na ang mukha dahil sa aking iniisip. Ayokong mag-isip ng ibang kahulugan pero iyon talaga ang akong naiisip.
"Halika na para sa ating pagsasanay." Inaya na ako nito na magtungo sa karwahe upang makabalik na kami ng opisina.
Nasapo ko ang sariling noo ng makalayo sa akin si Deimos. Masyado akong nasiyahan sa araw na ito kaya nakalimutan ko na may pagsasanay pa akong gagawin. Sino ba naman ang hindi matutuwa ngayong araw kung nagising ka at napag-alaman na katabi mo ang lalaking iyong hinahangaan.
Pangit pakinggan at hindi maganda para sa iba pero masaya ako sa aking nararamdaman. Ayos lang iyon dahil wala naman nangyari. Natigilan ako ng maalala ang nangyari kanina bago kami magtungo sa pamilihan.
Paano ko nga pala haharapin ulit ang mga mandirigma na iyon. Hindi ko naman ginusto na ipagtanggol ako ni Deimos dahil hindi ko din hahayaan ang sarili na kutyain lamang nila.
Siguro naman ay hindi na nila iyon gagawin sa akin dahil kay Deimos. Sana lang talaga dahil hindi ko din nais bahiran ang aking katayuan bilang bagong mandirigma sa opisina. Bakit ba kasi ang dami nilang sinasabi tungkol sa akin.
"Althaia!" Nagulat pa ako ng tawagin ni Deimos na kasalukuyan ng nasa karwaheng aming sasakyan pabalik. Nasobrahan na naman ako sa aking pag-iisip at nakalimutan na dapat ko ng bumalik sa karwahe.
"Heto na." Tumakbo na ako upang makapunta agad sa kanyang kinaroroonan. Nakakahiya dahil nagawa kong paghintayin ang aming lider. Nagsimula na din magligpit ang mga mandirigma na pinangungunahan ngayon ni Marko.
Unti-unti na din na nagbabalikan ang mga mamamayan na may puwesto sa pamilihan upang ayusin din ang kanilang mga gamit na nasira gawa ng halimaw. Bahagya akong napangiti dahil sa kabila ng mga halimaw na nakakapasok ay nagagawa pa din ng Daesyn na muling bumangon at harapin ang panibagong araw, may halimaw man o wala.
"Mukhang masaya ka yata ngayon?" Nakangiting tanong sa akin ni Deimos na tila sinisipat pa ang aking mukha. Kasalukuyan na kaming bumabyahe ngayon pabalik ng opisina kaya nakadungaw na naman ako sa bintana ng karwahe. Humarap na lamang ako sa kanya at hindi sinagot ang tanong nito. Sa halip ay isang napakatamis na ngiti ang aking ibinigay sa kanya.
Bahagyang natawa si Deimos at tinigilan na ang ginagawang pagsipat sa aking mukha. Dumungaw na din ito sa bintana kung saan s'ya nakapwesto. Sigurado akong masaya din ngayon ang lalaki kahit pa nga hindi ko alam ang dahilan nito.
Mabilis lang ang aming byahe at nakabalik na kami agad sa opisina. Hindi pa kami nakakapasok ay hinarang na agad kami ng mandirigma na nakaaway ni Deimos kanina.
Hindi na ito nag-iisa ngayon dahil kasama din nito ang ilang mandirigma na sa aking pagkakatanda ay nagsalita ng kung anu-ano tungkol sa akin. Nakakatakot ang kanilang mga hitsura ngayon dahil tila susugod sila sa giyera. Sana ay sila na lamang ang ipinadala sa pamilihan upang labanan ang halimaw.
Ano na naman kaya ang problema nila ngayon at nagawa pa nilang magtipon upang harangin kami ni Deimos. Hindi pa ba sila natakot kanina sa kanilang lider upang gawin nila ang bagay na ito.
Nagdadalawang isip na tuloy ako ngayon kung tama ang aking nagawang desisyon na pumasok sa opisinang ito. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari ay hindi ko na sana ipinilit ang aking kagustuhan at hinayaan na lamang sila na gampanan ang kanilang tungkulin.
Gusto kong maiyak dahil hindi ginusto ang lahat ng nangyayari ngayon. Nakakalungkot dahil magiging dahilan pa yata ako ngayon sa pagkasira ng samahan nila. Kasalukuyan akong tinititigan ng masama ngayon ng mga mandirigma kaya hindi ko alam kung anong dapat kong gawin.
Ganito siguro ang pakiramdam nila kanina nang lapitan sila ni Deimos. Bahagya na akong nanginig sa aking kinatatayuan at napagtanto ang sarili na bahagyang nagtatago sa likod ni Deimos.
"Ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong sa akin Ni Deimos at umiling ako dahil iyon ang aking nararamdaman ngayon. Kung nakakatakot ang mga halimaw na nakakapasok sa Daesyn sa tingin ko ay mas nakakatakot ang mga mandirigma sa aming harapan ngayon.
"Huwag kang mag-alala dahil akong bahala sa'yo." Napatitig ako sa gwapong mukha ni Deimos. Pakiramdam ko ay isa akong prinsesa at ang lalaki naman ang aking prinsesa. Bakit ang sarap pakinggan ng kanyang sinabi at pinapagaan nito ang tensyon na aking nararamdaman ngayon.
"Anong problema at nagawa n'yo pa ang magtipon upang harangan kami!" Kung anong hinahon ni Deimos kanina sa akin ay kabaligtaran naman ito ngayon. Tila umuusok pa ang ilong nito sa galit dahil sa kasalukuyan ginagawa ng kanyang mga mandirigma. Pakiramdam ko ay napasama talaga ang aking pagtungtong sa opisinang ito.
Humakbang palapit sa amin ang mandirigma dahilan para tuluyan na akong magtago sa likod ni Deimos. Wala yata sa bokabolaryo ng lalaking ito ang salitang matakot dahil malakas pa din ang loob nito na harapin ang kanilang lider.
"Deimos at Althaia!" Malakas na sigaw nito at muling humakbang palapit sa amin.
"Ano ba ang problema ng lalaking ito huhu."