“Deimos!” Pagtawag ko sa nakatalikod na lalaki nang makababa kami ni Vera. Naghihintay na s’ya upang sunduin ako patungo sa kanilang opisina.
“Hi, magandang umaga Althaia.” Isang napakagandang ngiti para sa napakagandang umaga ang ibonigay nito sa akin dahilan para mapangiti na din ako. Naramdaman ko pa ang mahinang pagsiko sa akin ni Vera na tila sinasabing nasa tabi ko s’ya ngayon. Humarap ako sa kaibigan at pinandilatan ito. Bilang ganti ay tinaasan naman ako nito ng kanyang kilay.
“Aalis na ba kayo?” Pagbaling ni Vera sa lalaki at muling tumingin sa akin.
“Hindi pa pala ako nakakapag-almusal, baka gusto mo kaming sabayan ni Vera.” Anyaya ko sa lalaking kaharap. Tumango naman ito bilang pagsang-ayon kaya nagtungo na kami sa hapagkainan. Nadatnan pa namin ang hari kung saan ay kumakain na din pala ng kanyang almusal.
Binati muna namin ang hari at sumabay na din sa kanyang pagkain. Umupo si Vera sa tabi ng kanyang ama samantalang katabi ko naman si Deimos at magkaharap kami ng aking kaibigan. Tahimik lamang kami at ninanamnam ang masarap na pagkain.
Bago para sa akin ang pakiramdam na ito dahil ngayon lamang ulit ako nakakain ng almusal na hindi kasama ang aking pamilya. Ito na ang panibagong pamilya na makakasama ko ngayon sa aking bawat pagkain.
“Hand aka na ba Althaia?” Concern na tanong sa akin ng hari. Kasalukuyan na s’yang tapos sa kanyang pagkain kaya pinapansin na kami nito.
“Opo, maraming salamat ulit at pinayagan n’yo ako sa aking desisyon na ito.” Hindi ko talaga iyon makakalimutan dahil hindi nagdalawang isip ang hari para payagan ako sa aking nais.
“Wala iyon ang mahalaga ay may ibang bagay ka nais gawin simula ng mawala ang iyong pamilya.” Bakas sa mukha ng hari ang lungkot dahil hindi ko na makikita ang aking mga magulang.
“Ama baka umiyak si Althaia.” Pagpansin naman ni Vera na ngayon ay tapos na din sa kanyang pagkain. Tinaasan ko lamang s’ya ng kilay dahil hindi naman ako iiyak nang dahil lamang sa sinabi ng kanyang ama.Masayang nakatingin lamang sa amin si Deimos bagaman hindi s’ya sumasali sa usapan.
“Deimos pasensya ka na at ganyan lagi ang dalawang iyan.” Natatawang paghingi nito ng pasensya dahil nagsisimula na kami ni Vera sa pag-aasaran.
“Nakakatuwa nga po silang tignan at hindi mo aakalain na magkaibigan lamang sila dahil parang magkapoatid na ang kanilang turing sa isa’t-isa.” Pangalawang araw na namin nakasama ang lalaki kaya tiyak na nito ang relasyon namin ng aking kaibigan.
Madalas ay napapagkamalan kami na magkapatid sa tuwing namamasyal kami sa sentro ng pamilihan. Hindi kasi nila kilala ang mukha ng prinsesa kaya iniisip nila na ordinaryong mamamayan lamang si Vera kapag kasama ko ang babae.
“Mga bata pa lamang sila ay magkaibigan na ang dalawang yan.” Hindi nain alintana ang kanilang usapan dahil abala kami ni Vera sa pag-aasaran. Normal na ito sa amin kahit pa nasa harap kami ng hari.
“Kaya naman pala naging ganyan katibay ang kanilang pagkakaibigan.” Makikita mo sa mukha ni Deimos ang paghanga sa amin ni Vera.
“Oo, naku kailangan ko ng magtungo sa aking opisina kaya ikaw na ang bahala kay Althaia.” Napatingin na kami ni Vera sa hari dahil tumayo na din ito sa kanyang kinauupuan. Kung iisipin ay tila totoong tatay ko si King Daeyn sa paraan ng paghahabilin nito kay Deimos.
“Sige po ako na ang bahala.” Tumayo na din ang lalaki bilang paggalang sa hari. Ganun din ang aking ginawa dahil tapos na din naman ako kumain.
“Umalis na kayo at baka mahuli pa kayong dalawa.” Wika naman ni Vera sa amin nang mapansin nitong nag-aayos na si Deimos para sa pag-alis.
“Ahh sige, kita nalang ulit tayo mamaya.” Nagpaalam na din ako kay Vera. Tumayo pa ang aking kaibigan upang ihatid kami sa labas.
“Mag-iingat kayong dalawa at pagbutihin mo Althaia.” Kumaway na ako sa kanya dahil paalis na kami ni Deimos. Nginitian lamang s’ya ng lalaki hanggang sa tuluyan na kaming sumakay ng karwahe upang ihatid sa kanilang opisina.
Kinakabahan na medyo nagagalak ang aking pakiramdam. Kinakabahan dahil hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin doon. Nagagalak naman dahil magsisimula na ako sa panibagong yugto ng aking buhay.
Mabuti na lamang din at walang pumapasok na kaaway ngayon sa aming kaharian dahil tiyak na hindi matutuloy ang aking pagsasanay pag nagkataon. Tahimik lamang kami habang bumabyahe at pinagmamasdan ko lamang ang tinatahak namin na daan.
Malayo sa sentro ang opisina ng mga mandirigma sa kadahilanan na kailangan nila ang malawak na espasyo para sa ginagawa nilang pagsasanay. Isa pa ay sinisiguro nilang wala silang masasaktan na ordinaryong mamamayan kapag gumagamit sila ng malalakas nilang kapangyarihan.
Isa din ito sa nagpapakaba sa akin dahil makakasama ko na ngayon ang mga nagtatanggol sa buong kaharian ng Daesyn. Hindi pa din ako makapaniwala na may mga kapangyarihan ang aking makakasama simula ngayong araw.
Labis akong humahanga sa tuwing nakikita ang mga mandirigma na gumagamit ng kanilang kapangyarihan laban sa mga kaaway kaya tiyak kong magsasawa ang aking mga mata sa pagtingin nito ngayong araw.
“Okay ka lang ba?” Binasag ni Deimos ang katahimikan na namamagitan sa amin. Agad ko naman s’yang nilingon upang sagutin ang tanong nito.
“Oo naman okay lang ako, hindi ko lang maiwasan ang sarili na hindi kabahan lalo pa at makikita ko ang malalakas na mandirigma ng kaharian.” Isang tipid na ngiti ang binigay ko sa kanya.
“Alisin mo ang kaba nay an dahil lagi mo ng makakasama ang pinakamalakas na mandirigma.” Hindi ko masyadong naintindihan ang kanyang sinabi.
“Hmm?” Nakakunot ang noo ko dahil hindi ko tiyak kung sino ang kanyang tinutukoy,
“Ako.” Tila nahihiya pa nitong wika dahilan para mapaisip ako. Nakalimutan ko na s’ya nga pala ang pinakamalakas na mandirigma sa kaharian kaya nga s’ya ang naging pinuno nila. Pero madami ang nakapgsabi na hindi nila tiyak kung hanggang saan ang lakas ng lalaki. Ang sigurado nila ay sadyang malakas ito kahit pa nga hindi nito ginagamit ang taglay na kapangyarihan.
“Naku pasensya ka na nakalimutan ko na ikaw nga pala ang lider ng grupo sa tingin ko ay lalo yata akong kinabahan dahil ikaw ang lagi kong makakasama.” Pagbiro ko sa kanya dahilan para tumwa ito ng mahina.
“Nandito na pala tayo.” Tumigil na ang karwahe na aming sinasakyan hudyat na nakarating na kami sa aming patutunguhan. Inalalayan pa ako ni Deimos sa pagbaba upang masiguro ang aking kaligtasan.
Napanganga pa ako ng makita ang buong hitsura ng kanilang opisina dahil hindi ito tipikal na opisina. Mukha itong training ground kung saan nagkalat ang mga madirigma na walang tigil sa ginagawa nilang pagsasanay upang mapalakas pa ang kanilang mga kapangyarihan.
“Halika na.” Anyaya nito sa akin at nanguna na ito sa paglalakad. Nakasunod ako sa kanya habang patuloy pa din sa pagmamasid ng aking panibagong paligid.
Hindi ko akalain na nandito na ako ngayon at magsisimula na ako. Sa bawat parte ng lugar ay may maririnig ka na mahinang pagsigaw dahil sa ginagamit nilang lakas habang nagsasanay. Makikita din ang iba’t-ibang elemento na kanilang ginagamit sa pakikipaglaban.
“Mukhang masaya ka sa iyong nakikita?” Natigil ako sa aking ginagawa ng marinig ang tanong ng aking kasama ngayon.
“Ah oo halata mo naman sa aking mukha na masaya ako sa mga nakikita.” Halos mapunit na kasi ang aking mukha dahil sa lapad ng aking pagkakangiti.
“Halata ko nga.” Bahagya pang tumawa ang lalaki pagkasabi nito. May isang pintuan kami na pinasukan at sa tingin ko ay ito na mismo ang sinasabi nilang opisina kung saan ginagawa ang mga kailangan nilang dokumento.
“Oh, s’ya na ba ang bago nating makakasama.” Salubong sa amin ng isang lalaki na ngayon ko pa lamang nakita.
“Oo, s’ya si Althaia at s’ya naman si Marko.” Tumango pa ang lalaki sa isang tila mandirigma din katulad n’ya. Nginitian ko naman ang lalaking ipinakilala nito at ganun din ang ginawa ng nagngangalang Marko. Sa aking paningin ay tila magkaibigan ang dalawa dahil sa turingan ng mga ito.
“Sige maupo ka muna dyan Althaia may kailangan lamang akong gawin bago tayo magsimula sa iyong pagsasanay.” Pagpaalam nito sa akin at tumago na lamang ako bilang sagot bago s’ya tuluyang lumapit kay Marko.
Muli kong pinagsawa ang sarili sa pagtingin ng aking paligid. Malinis naman ang lugar at masisiguro mo din na hindi ka mapapahamak kahit pa nga napakaraming sandata ang mayroon dito. Maya’t-maya din akong sinusulyapan ni Deimos na tila sinisigurado kung maayos ang aking kalagayan.
Nginingitian ko lamang ang lalaki sa tuwing magtatama ang aming paningin. Sa tingin ko ay may importanteng bagay sila na pinag-uusapan ni Marko. May kung anong mga papeles din na hawak ang lalaki at tila binabasa ang mga iyon.
Ganito pala ang kanyang trabaho. Akala ko pa naman ay puro pakikipaglaban lamang ang ginagawa nila. Mayroon din pala silang mga trabaho gaya sa isang opisina. Marahil ay maaari ko din pag-aralan ang mga bagay na iyon upang mas makatulong sa kanila lalo pa at wala nga akong taglay na kapangyarihan.
Maya-maya ay lumapit na ulit sa akin si Deimos maging si Marko. Nagpaalam pa sa akin ang huli dahil may ibang bagay pa ito na kailangan ayusin. Inanyayahan naman ako ni Deimos na lumabas ulit upang ipakilala sa lahat ng kanyang mga kasama.
Huminga muna ako ng malalim bago tuluyang tumayo sa aking kinauupuan. Ito na talaga ang aking simula at hindi na ako pwedeng umatras mula dito. Tuluyan na akong sumama sa lalaki palabas ng opisina at harapin ang iba ko pang makakasama bilang mandirigma ng kaharian.
“Handa na ako para sa aming kaharian at para sa aking sarili.”