MALAKAS ang pag-ulan sa buong siyudad. Malabo ang daan na halos hindi na makita ang kalsada kung hindi lang ginamit ng driver ang vision ng sasakyan. May kakayahan ang bawat makabagong sasakyan na makita ang daan mula sa sarili nitong computer. May mga pipindutin lang ang driver at normal ang kalsada na nakikita nito kahit gaano pa kalakas ang ulan.
Masasabi niya na may sinasabi sa buhay si Angela Madrigal dahil sakay silang dalawa ni Beth ng isang itim na sasakyan na X2023, isang makabagong kotse. Malapad ang loob kahit apat lang ang pintuan. Pwedeng diliman ang bintana kung nanaisin ng sakay nito.
Naisip niya na kung sa bagay ay mayaman din ang pamilya ng mga Agassi at sigurado na hindi papayag ang tatay ni Enzo na ipakasal sa kung kanino lang ang anak nitong si Torin.
Bigla niya tuloy naisip ang sinabi ni Beth sa ospital.
"Miss Angela, kilala po si Torin bilang isip-bata. Bali-balita po na umaakto si Sir Torin sa edad na dose anyos. Iyan po ang dahilan kung bakit ayaw n’yong makasal sa kanya bukod pa sa may mahal na po kayong iba, si Sir Earl. Nasabi n'yo na po sa akin nang araw na inihatid namin kayo sa bahay ni Sir Torin na buong buhay n'yo ay inaapi kayo at sigurado na hindi mababago ang ikot ng tadhana n'yo kung kay Sir Torin kayo babagsak," sabi ni Beth.
"Kung gano’n ay espesyal siya sa pamilya," usal niya.
Ngayon niya napatunayan na hindi siya mahalaga kay Enzo. Hindi niya kasi alam na may kapatid itong isip-bata. Kilala niya lang si Torin bilang nag-iisang kapatid nito sa labas.
"Naku! Miss Angela, hindi po."
Nasabi rin nito na walang pormal na kasal na naganap sa kanila ng lalaki dahil nga sa isip-bata ito. Walang palitan ng pagpayag kung nais ng mga ito na makasal, walang bulaklak o puting gown, walang bisita o witness at walang pagmamahal sa pagitan ng mga ito.
Narehistrado lang ang kasal ng mga ito na parang isang business deal ng bawat panig ng pamilya. They registered their marriage because of connections. Basta nang araw na malunod si Angela ay kasal na ito sa lalaki at ang araw na iyon ang unang pagtatagpo nito kay Torin Agassi.
Tahimik siya habang nakaupo sa likod ng sasakyan. Hindi niya alam kung makatutulong si Torin sa plano niya ngayon. Wala siyang naiisip sa ngayon kung hindi ang mamuhay bilang Angela Madrigal na asawa ni Torin Agassi para magawa niya ang paglapit sa pamilya nito. Para magawa niya ang paghihiganti kay Enzo.
Sigurado na may dahilan ang tadhana kung bakit siya nagising sa katauhan ni Angela at hindi siya papayag na hindi makabawi sa dating nobyo. This is the real Angela! Dahil ninakaw nito sa kanya ang dating buhay, sisiguruhin niya na babawiin niya iyon dito.
May ilang minuto rin na bumaybay ang sasakyan sa maulan na daan. Pumasok ang kotse sa isang may kataasan na gate at huminto ang sasakyan sa gilid ng malaking bahay.
"Nandito na tayo, Ma’am Angela," ani Beth.
Lumabas ito ng sasakyan at binuksan ang malaki at itim na payong. Sumunod din naman siya sa babae. Unang pumukaw sa atensyon niya ang swimming pool na nasa di-kalayuan, katabi ng garden. Ito ang pool kung saan nalunod si Angela Madrigal.
Pakiramdam niya ay may mga matang nakatingin sa kanya mula sa bahay na iyon kaya naman bahagya niyang inangat ang payong at tumingala. Tatlong palapag ang malaking bahay. Sa bungad pa lang ay may kung anong enerhiya na ang bahay na iyon para sa kanya.
Kita niya na bukas ang isang parte ng french door at nakalilis ang kurtina sa terasa na matatagpuan sa ikalawang palapag ngunit walang tao o bulto siyang nakita roon. Tumuloy na lang siya sa pagpasok sa loob ng bahay. Isang baso ng tubig ang sumalubong sa mukha niya.
***
INUTUSAN ni Evelyn si Gloria, ang mayordoma sa bahay ni Torin na buhusan ng tubig ang babae kapag nakabalik na ito sa bahay na iyon. Si Evelyn ang half-sister ni Angela Madrigal.
"Huwag kang mag-alala, Gloria. Sinisigurado ko na hindi gaganti ang kapatid kong ‘yon. Narinig mo na siguro ang mga sabi-sabi na mahina si Angela. Pwede mo siyang saktan kahit araw-araw at sigurado ako na hindi siya lalaban. She's weak like an ant! Teach her a lesson every day and I will pay you big time. Akala siguro niya ay porke nakaalis na siya sa bahay namin ay nakaligtas na rin siya sa akin. In her dreams!" Ito ang sinabi sa kanya ni Miss Evelyn.
Hindi lingid sa kaalaman niya na isang mahinang babae si Angela Madrigal na ipinakasal kay Torin! Sigurado siya na balewala lang ito sa kanyang boss kaya gagawin niya ang nais niya.
Sa palagay ni Gloria, kaya pumayag si Master Agassi na ipakasal si Torin sa babae ay para hindi na ito namili pa ng iba; para hindi lang pagtawanan ng ibang tao ang pamilya Agassi kung hindi para na rin sa business deal nito kay Mr. Madrigal. Lahat ng kasambahay sa tahanan na iyon ay si Madam Selena, ang madrasta ni Torin ang nagpapasweldo at si Gloria ang nagdedesisyon sa lahat.
Nais niyang malaman kung may punto nga ba si Evelyn, ang kapatid ng babae.
***
HALOS mapasinghap si Angela sa isang baso ng tubig na sumalubong sa kanya pagpasok pa lang sa pintuan. Ginising siya ng malamig na tubig na iyon.
"M-Ma’am Angela!" nag-aalala na saad ni Beth na nasa likuran.
Hinawi niya ang tubig sa mukha para mas malinaw na makita ang taong salarin. Isang may-edad na babae ang nakita niya.
"Ang kapal ng mukha mo na magpakalunod sa swimming pool! Sige, pumasok ka na. Parehas kayo ni Torin na walang kwenta. Puro pabigat!”
"Who the hell are you?!" singhal niya dito.
Napakislot ang may-edad na babae sa lakas ng pagkakasinghal niya dito. Nagdidilim talaga ang mata niya habang nakatingin sa babae. Nakabawi rin naman agad ito nang maisip ang mga sabi-sabi ng mga tao tungkol sa kanya.
"Ako lang naman ang mayordoma dito! Ako ang pinuno sa bahay na ito!"
Sumilay ang kakaibang ngiti sa labi ni Angela na nilapitan ito saka malakas na sinampal ang babae sa pisngi. Para bang nabingi ito sa lakas ng pagkakasampal na iginawad niya dito.
Bahagya siyang napangiwi matapos iyon dahil sumakit ang kamay niya. Napalakas yata ang pagbigay niya ng pwersa para sampalin ang babae. Nakalimutan niya na sobrang lambot at makinis ang kamay niya ngayon. Pakiramdam niya ay nabaliaan siya. Para bang hindi man lang marunong sa gawaing bahay ang tunay na Angela Madrigal. Nananatili ang matalim na tingin niya sa mayordoma.
Hawak nito ang pisngi at matalim ang tingin na ipinukol sa kanya. "Punyet* ka!"
Pailalim niya itong tiningnan.
"Mukhang nakalimutan mo yata kung sino sa ating dalawa ang dapat na iginagalang sa bahay na ito. Ako ang asawa ni Torin, ang may-ari ng bahay na ito at mayordoma ka lang! Sabihin mo sa’kin, ano ang karapatan mo para buhusan ako ng tubig at pagsalitaan ako ng kung anu-ano? Kahit ilang beses pa ako na magpakalunod sa swimming pool ay ano ngayon sa’yo?!"
Natigilan si Gloria. Sa isip-isip nito, kaiba sa mga sabi-sabi at naririnig nito ang Angela Madrigal na nasa harap nito ngayon. Ito ba talaga ang asawa ni Torin? Nasaan ang mahinhin at halos hindi makatingin ng diretso sa mga tao?
"Bring me to my room!" utos niya nang may awtoridad.
Parang nakaramdam ng takot sa kanya ang mga kasambahay na nakasaksi sa nangyari.
"M-Ma’am Angela, dadalhin ko na po kayo sa kwarto ni Sir Torin," saad ng isang kasambahay na lumapit sa kanya na hindi nalalayo sa edad ni Beth. Itinuro nito ang hagdan paakyat.
"D-dito po tayo," nakayuko na sabi nito na halatang nangangatog sa takot sa kanya.
Huminto siya sa paanan ng hagdan at saka nilingon ang mayordoma na nananatiling nakatingin sa kanya. Hawak pa rin nito ang pisngi na halatang hindi pa nakababawi.
"By the way, I'm always a b*tch!"
Subukan lang na gumawa pa ng kakaiba sa kanya ang mga tao doon at sigurado na magkakasubukan sila. She's Angela Capili, just like what she has said, she's a b*tch! Kaya niyang sunugin ang bahay na iyon kung gugustuhin niya at ihawin ang lahat ng tao doon! Mananatili siyang matalim, sa dating buhay niya man o sa kasalukuyan.
Nilingon niya ang kasambahay na nananatili ang kaba sa presensya niya. Sa tingin pa lang na ibinigay niya dito ay alam na nito ang gagawin. Napalunok ito at saka sinabi na ihahatid siya nito sa kwarto.
"Beth, pwede ka nang umuwi sa mansyon ng Madrigal."
"S-sigurado po ba kayo Ma’am Angela?" Kahit pa nasaksihan nito ang mga ginawa niya sa mayordoma, hindi mawala ang pag-aalala nito na iwan siya doon. Ito man ay nabigla rin sa kanyang pagbabago.
"Kaya ko na. Salamat!"
Sumunod siya sa kasambahay na nananatili na nakayuko hanggang sa makarating sa tapat ng may kalakihang pintuan. May ukit at makapal ang kahoy nito.
"Pwede na po kayong pumasok sa loob."
Tumango siya.
Pinihit niya ang doorknob at isang madilim na kwarto ang sumalubong sa kanya. Tanging ang isang parte ng french door ang nakabukas. Naisip niya na ang kwarto na iyon ang nakita niya sa labas bago pumasok. Kinapa niya ang pader para hanapin ang switch ng ilaw. Matapos ang ilang mga paghakbang ay natagpuan niya rin naman ang pindutan.
Kumalat ang ilaw sa kabuuan ng kwarto.
Napakislot na lamang siya nang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Si Torin, ang kanyang asawa.