HINDI makapaniwala si Angela habang nakatingin sa screen ng cellphone ng babae. Sino ang babaeng nasa screen? Pinigilan niyang humiyaw at mag-hysteria.
Makinis at maputi ang kabuuan ng mukha ng babae. Halos walang bahid ng butas o pimple ang mukha nito. Makapal at maayos ang kurba ng kilay. May mahaba at namimilantik ang pilik-mata. Her brown eyes. May katamtamang tangos ng ilong at manipis na labi.
Iisipin niya na isang artista ang babae na nasa screen. H-heto ba siya? Pinisil niya ang pisngi. Siya nga ang babae sa salamin.
Pinakalma niya ang sarili at nag-isip ng sunod na gagawin. Nang mas malinaw na ang isip niya ay isinauli niya sa babae ang cellphone at binuksan niya ang drawer para makakita ng clue kung sino ang babaeng nagmamay-ari ng katawan niya.
"A-ano pong nangyayari, Miss Angela?" naguguluhan na tanong ng babae.
Kung gano’n ay Angela rin ang pangalan ng babaeng ito, lihim na sabi niya sa sarili.
Mga gamot at papel sa loob ng drawer ang nakapa niya. Mga papel na nakaipit sa board ang hinugot niya mula sa loob ng medicine cabinet. Record iyon ng babae na nagmamay-ari ng katawan niya.
Angela Madrigal, basa niya sa pangalan ng pasyente o ang babae na may-ari ng katawan na iyon.
Her name sounds familiar, she thought.
Tiningnan niya ang petsa. May anim na buwan na ang nakaraan nang masunog siya sa lab.
"W-what happened to me?" tanong niya sa babae.
"Hindi n'yo po ba natatandaan na nagpakalunod po kayo sa pool?" tanong nito habang naguguluhan sa inaakto niya.
"Nagpakalunod ako sa pool?"
"M-may amnesia po ba kayo?" Hindi na nito naiwasan na itanong sa kanya.
Natahimik siya. Tumayo ang babae nang hindi siya sumagot at tumawag ng doktor sa labas. Bumalik din naman ito makaraan ang ilang saglit ngunit nag-iisa at walang nakasunod na doktor o kahit nurse dito. Namula pa ang mukha nito na parang hindi alam ang gagawin.
"Tell me, ano ang pangalan mo at ano ang dahilan kung bakit ako nagpakalunod?" Hindi na siya nakatiis na magtanong dito.
"A-ako po si Beth at ang dahilan po kung bakit kayo nagpakalunod ay dahil ayaw n'yo na pong mabuhay," sagot nito.
Kumunot ang noo niya sa narinig. "Bakit?"
"Dahil po pinilit kayo ng daddy n'yo na ipakasal kay Torin Agassi."
Nanlaki ang mata niya nang marinig ang pangalan na binanggit nito. "T-Torin Agassi?"
Tumango ang babae.
Kilala niya kung sino si Torin Agassi, ang anak ng ama-amahan ng lalaking pumatay sa kanya, si Enzo Agassi. Torin’s dad and Enzo’s mom are husband and wife. Bumilog ang kamao ni Angela nang maisip ang lalaking walang awa na pumatay sa kanya. Hindi lingid sa kaalaman niya kung sino ang mga parte sa pamilya nito dahil ilang taon niyang nakasama si Enzo.
Ngayon lang niya napagtanto na para siyang namuhay bilang kabit ng lalaki. He didn't love her at all in the past. All was like an act for him to get what he wanted. Mukhang magkikita pa sila ng lalaki. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong nararamdaman niya para dito sa ngayon bukod sa namuong pagkamuhi sa dibdib niya.
Dumilim ang mukha ni Angela.
"Natatandaan n'yo na po ba, Miss Angela?" pukaw nito na bahagyang lumuha.
"Kasalanan iyon ng bruhildang si Miss Evelyn, ang kapatid mo. Gusto niyang sirain ang buhay mo kaya nakiusap siya sa daddy mo na ikaw ang ipakasal kay Sir Torin imbes na siya. Miss Angela, hindi ka po umimik pero sinabi n'yo po sa akin ang lahat nang gabi na dinala na po kayo sa bahay ni Sir Torin na ayaw n’yong makasal sa lalaki na iyon. Kaya lang, wala kang magawa kung hindi ang umiyak. Nang gabi na iyon, bago kayo tumuloy sa loob ng bahay ay lihim kayo na tumalon sa swimming pool para magpakalunod at magpakamatay," mahabang paliwanag nito habang humihikbi.
Natahimik si Angela. Mukhang kailangan niya ng mahaba-habang research para sa babaeng nagmamay-ari ng katawan niya.
Hindi rin nakaligtas sa puna ni Angela na ilang minuto na ang lumipas, ngunit wala pang doktor o kahit nurse na pumasok sa maliit na silid na iyon.
"Gusto ko nang umuwi," hiling niya dito.
"S-sigurado po ba kayo?" Bakas sa mukha ni Beth ang pag-aalala sa narinig.
Kumunot ang noo niya. "Ayos na ako. Nalunod lang naman ako at wala nang iba pang nangyari sa akin."
"Hindi naman po iyon ang dahilan. Hindi po ba't ayaw n'yo pong makasama ang asawa n'yo kaya po kayo nagbalak na magpakamatay?"
Natahimik siya. Hindi maiwasan na maisip niya na masama rin siguro si Torin Agassi na katulad ng kapatid nito na si Enzo kaya siguro ayaw nang mabuhay pa ng taong nagmamay-ari ng katawan niya. Sabay silang lumingon ni Beth sa pintuan nang marahas na bumukas iyon. Nagdidilim ang mga mata ng taong pumasok sa kwarto. Napatayo si Beth at nagpunta sa pinakagilid na halatang takot ito sa bagong dating.
"Mabuti naman at gising ka na!" nagagalit na saad ng may-edad na lalaki. Kilala niya ang lalaki dahil isa itong businessman. Sa palagay niya, ang lalaking bagong pasok ang ama ni Angela Madrigal dahil kahawig niya ito.
Diretso sa gawi niya ang mga mata nito. Isinara nito ang pinto at nagsimula na pagalitan siya.
"What the hell is your plan, Angela?! May plano ka ba talaga na ipahiya ang pamilya natin?!" Dumagundong ang boses ng may-edad na lalaki sa kabuuan ng maliit na silid.
Hindi siya umimik. Unang-una kasi ay hindi niya alam kung ano ang isasagot sa may-edad na lalaki. Hindi siya ang tunay na Angela na anak nito. Hindi niya alam kung ano ang tunay na dahilan ng babae kung bakit nito gustong magpakamatay. Nakipaglabanan lang siya ng tingin sa lalaki.
“Sumagot ka!” galit na singhal nito.
"I want to go home," saad niya, matigas at may awtoridad. Wala siyang pakialam sa kung ano ang personal na isyu nito sa totoong Angela.
Bahagya itong nagulat. Hindi ito nakasagot sa sinabi niya at sa halip ay natigilan ito. Kakaiba kasi siya sa araw na iyon para dito. Unang beses siya nitong marinig na magsalita sa ganoong paraan.
Ang tunay na Angela Madrigal ay halos hindi makatingin sa tatay nito o kahit na kanino dahil sa mga nagmamaltrato rito. Hindi ito makasagot o makausap sa normal na boses. Mahina lang na halos hindi marinig at parang laging may kinatatakutan. Nakabawi ang may-edad na lalaki pagkalipas ng ilang minuto
"Mabuti naman at nakapag-isip ka na. Uuwi ka sa bahay ninyo ni Torin sa ayaw at sa gusto mo! Hindi mo pa nga nakikita ang asawa mo ay nagawa mo nang magpakamatay!"
Siya naman itong hindi nakasagot dahil hindi niya alam kung ano ang talagang sasabihin dito. Ang ipinagpasalamat niya ay mabuti at hindi pa nagkikita ang Torin na 'yon at ang babaeng may-ari ng katawan niya. Hindi nito mahahalata kung ano ang pagkakaiba nilang dalawa. Kung salbahe itong asawa sa kanya ay magkakasubukan sila.
"Hindi ko na maririnig pa mula sa'yo na gusto mong makipaghiwalay kay Torin, naiintindihan mo?" ang huling banta nito bago lumabas ng kuwarto.
Lumapit naman sa kanya si Beth.
"Miss Angela, sigurado po ba kayo na gusto n'yong umuwi sa bahay ni Sir Torin?" Bahid ang pag-aalala sa mukha nito.
Naisip niya na usisain ito nang kaunti. Hindi niya alam kung mapagkakatiwalaan si Beth dahil may ugali siya na hindi mabilis na magtiwala sa isang tao. Ramdam niya na totoo naman ito sa babaeng may-ari ng katawan niya kaya susugal na rin siya.
"Makinig ka sa’kin, nais kong isikreto mo na wala akong matandaan. Sigurado na makababawi rin ako sa ala-ala sa mga susunod. Kapag nagawa mong isikreto ito, tutulungan kita nang mas malaki kapag kinailangan mo ako. Kailan mo pa nakasama si – I mean, ako? Saka sino ba si Torin? Bakit ayaw kong makasal sa kanya?" usisa niya dito.
"Ako ang tagapagbantay mo simula pa noon. Kinuha ako ni Mr. Madrigal para makasama mo sa eskwelahan." Bigla itong nalungkot. "Ngunit dahil sa akin ay nadagdagan ang pang-aapi nila sa iyo. Iyon din ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw mong makasal kay Torin Agassi."
Kumunot ang noo niya. Masyado siyang nahihiwagaan sa lalaki.
Habang nag-uusap sila ay may mga mata na lihim na nakatingin sa kanila mula sa sikretong kamera.