"Talaga bang sigurado ka na sa desisyon mo, anak?" tanong ni Nanay Posey sa akin. Mabilis akong tumango bago sumagot,
"Opo, Nay, sigurado po ako. Matagal ko nang pangarap na makita ang tunay kong mga magulang. Hindi ko papalampasin ang pagkakataong ito. Handa na po ako sa anumang mangyari sa akin sa Hacienda Acosta, Nay."
Huminga nang malalim si Nanay, at nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya.
"Wala na kaming magagawa ng Tatay mo, Pedro, anak, kung 'yan talaga ang gusto mo. Hindi ka namin pipigilan ng tatay mo. Pero kung may kailangan ka, alam mo kung saan kami mahahanap. Nandito lang kami palagi para sa 'yo. At tandaan mo lagi ang lagi kong sinasabi sa 'yo."
"Opo, Nay, hindi ko makakalimutan 'yon. Lagi niyo naman po akong sinasabihan ni Tatay na manalangin."
"Mabuti 'yan, anak. Mag-ingat ka doon, ha?"
"Opo, Nay, mag-iingat po ako," sagot ko.
"Sige na, anak, umalis na kayo ng tatay mo. Nasa labas siya ng bahay, naghihintay sa'yo," sabi niya, tumalikod sa akin. Agad kong napansin na pinupunasan niya ang mga mata niya. Mabilis ko siyang niyakap mula sa likod at sinabi,
"Huwag kang mag-alala, Nay, babalik din ako balang araw. Kung mapalad ako roon, dadalawin ko kayo ni Tatay dito, kaya huwag ka nang malungkot."
Mabilis siyang tumango at sinenyasan akong umalis. Sinulyapan ko siya ng huling beses bago kinuha ang bag ko sa kama at lumabas.
Tumulo ang mga luha ko habang naglalakad ako palabas ng bahay at nagmamadaling pumunta sa trak.
"Ayos ka lang ba, anak?" tanong ni Tatay Pedro. Mabilis akong tumango.
"Salamat, Tay, at kay Nanay sa pag-aalaga sa akin dito." Mabilis siyang tumingin sa akin bago nagsalita.
"Mag-ingat ka doon, anak. Hindi madali ang buhay sa loob ng Hacienda Acosta, at lagi kang magdasal sa Diyos."
"Opo, Tay," agad kong sagot sa kanya.
Nang makarating kami sa bayan ng Isidro, naramdaman kong kumakabog ang dibdib ko sa takot at nanginginig ang buong katawan ko.
"Huminahon ka, anak," sabi ni Tatay Pedro, nakikita ang pag-aalala ko. Huminga ako nang malalim at pumikit, isinandal ang ulo ko sa upuan.
Hindi ko man lang namalayan na nakarating na pala kami sa Hacienda Acosta.
"Anak, nandito na tayo," sabi ni Tatay Pedro. Dali-dali akong bumaba ng trak at tinignan ang malaking gate ng Hacienda Acosta.
"Dito pala ako titira, sa malaking bahay na 'to?" bulong ko sa sarili ko habang nakangiti.
"Hindi ko akalain na ganito kayaman si Don Miguel, at ang laki pala ng Hacienda Acosta."
"Wow, Tay, ang laki pala talaga ng Hacienda Acosta, no?"
"Oo, anak, isa sa pinakamayaman na pamilya sa Isidro ang mga Acosta," sagot ni Tatay Pedro.
Ilang sandali lang, bumukas ang malaking kayumangging gate sa harapan namin.
"Sino sila?" tanong ng babae na mukhang nasa singkwenta y singko anyos na. Dali-dali nagpakilala si Tatay Pedro sa kanya at saka tinawag si Don Miguel. Ilang segundo lang, dumating na si Don Miguel kasama si Senyorito Angelo at lumapit sa amin; ang kanilang mga mukha ay nagniningning sa malalapad na ngiti.
"Maligayang pagdating, Maria," bati sa akin ni Senyorito Angelo, at binati rin niya si Tatay Pedro. Agad niyang kinuha ang bag na dala ko.
Matapos makausap ni Tatay si Don Miguel, agad akong nagpaalam sa kanya at sinabing papasok na ako sa bahay. Tumango siya sa akin at bumalik sa sasakyan. Mula sa kinatatayuan ko, nakita kong palayo ang sasakyan at unti-unting nawala sa paningin ko.
"Maria, tara na, pasok na tayo," sabi ni Don Miguel sa akin. Mabilis akong tumango sa kanya at sumunod. Lahat sila ay nakatingin sa akin habang papasok ako sa bahay. Napatingin ako sa paligid, pakaliwa't pakanan.
"Ang ganda pala ng bahay ninyo, Senyorito," sabi ko nang may ngiti. Habang naglalakad kami sa pasilyo ng mansyon papasok, agad na tinawag ni Don Miguel ang lahat ng mga kasambahay niya sa bahay para ipakilala ako sa kanila.
"Manang Tisay, ikaw na ang bahala kay Maria. Turuan mo siya ng lahat ng kailangan niyang matutunan dito sa bahay," sabi ni Don Miguel. Agad na tumango si Manang Tisay at sumagot,
"Opo, Don Miguel, aalagaan ko si Maria."
"Bukas, maaga kang magising, Maria. Ihahatid kita sa paaralan para makapag-enroll ka at makapagsimula ka nang mag-aral. Pero kailangan mong magsimula sa Grade One," lumawak ang ngiti ko nang marinig ko siyang sabihin iyon.
"Opo, Don Miguel, salamat po," sagot ko.
Pagkatapos ng usapan namin, agad akong dinala ni Manang Tisay sa aming silid.
"Sa kwarto ko ka matutulog, Maria," sabi ni Manang Tisay habang papasok kami sa silid.
"Opo, Manang," sagot ko ng may ngiti. Mabilis na sinabi ni Manang Tisay ang mga patakaran sa mansyon. Kinabahan ako habang ipinaliwanag niya kung paano makakasama ang mga tao sa bahay.
Kilala si Donya Soledad, asawa ni Don Miguel, sa pagiging mahigpit at mahirap pakisamahan. Sinasabi ng taga-rito na ang kanyang kayamanan ang dahilan ng kanyang masamang ugali.
Si Don Badong ang pangalan ng ama ni Don Miguel. Sinasabi na napakahirap pakisamahan ng matanda at napakahigpit. Hindi niya tinitiis ang anumang pagkakamali, at bukod pa rito, kilala siya sa pagiging malupit.
Talagang nakahinga lang nang maluwag ang pamilya kapag parehong wala sa bahay sina Don Badong at Donya Solidad, tulad ngayon. Nasa Maynila si Donya Solidad, at nasa ibang bansa naman si Don Badong.
Nakaramdam ako ng matinding takot habang nakikinig kay Manang Tisay na nagsasalita sa harapan ko.
Pagkatapos ng usapan namin, agad akong tinuruan ni Manang Tisay ng ilang gawaing bahay. Hindi naman masyadong mabigat ang trabaho ko rito. Tumutulong lang ako kay Manang Tisay sa kusina. Siya ang napiling magluto ng mga pagkain. Sobrang excited ako para bukas. Sa wakas, makakapag-aral na rin ako.
"Maria," napatalon ako mula sa pagkakaupo nang marinig ko ang boses niya.
"Senyorito," direktang sagot ko sa kanya.
"Sumunod ka sa akin," agad akong sumunod sa kanya.
"Saan po tayo pupunta, Senyorito?" tanong ko.
"Pinapatawag ka ni Papa sa hardin," sagot ni Senyorito na may malawak na ngiti.
Pagdating ko sa hardin, nakita ko agad si Don Miguel na nakaupo sa isang silya, nag-iinom ng alak.
"Don Miguel, tinawag niyo po ba ako?" diretsong tanong ko. Tiningnan niya ako nang diretso sa mata bago nagsalita.
"Umupo ka, Maria." Agad naman akong sumunod at umupo.
Tiningnan ko ang kamay niya nang iabot niya sa akin ang isang bag na naglalaman ng aking mga gamit sa paaralan at uniporme.
"Mag-aral ka na bukas, Maria," sabi niya. Napangiti ako nang marinig ko ang mga salita niya at mabilis na hinawakan ang mga kamay niya, puno ng saya.
"Maraming salamat po, Don Miguel," nakangiting sabi ko. Marahan niyang hinawakan ang aking mga kamay at sinabi,
"Mag-aral kang mabuti, Maria."
"Opo, Don Miguel, gagawin ko po ang lahat para sa pag-aaral ko," nakangiting tugon ko.