“Talaga po? Hindi po siya bingot, Manang Carla?” narinig kong ulit na tanong ni Mr. Chaka sa aking Inay. “Nuku! Senyorito Colby, hindi po bingot ang aking anak, sino pong may sabi sa ‘yong bingot ang aking Zyle?” tanong naman ng aking Inay sa chakang lalaki. “Hmmm! Mayroon po kasi akong nakausap na babaeng bingot kanina, akala ko'y anak mo ‘yun, Manang Carla.” “Maganda po ang ate Zyle ko, Senyorito Colby,” biglang sabi naman ni Seri. Napangiwi tuloy ako ng wala sa oras. Nakakatiyak akong alam na nito kung sino ako. Naku! Hindi talaga ako magpapakita rito. “Seri, tawagin mo nga ang ate Zyle mo upang makilala ni Senyorito Colby,” narinig kong utos ni Inay sa aking kapatid. “Inay, wala po si ate sa kwarto niya, kahit sa loob ng banyo ay wala rin po,” dinig kong sabat naman ni Fanie.