Stranger 1
"Oh! Bakit umuwi ka pa? Sana hindi ka na lang umuwi wala ka namang pakinabang dito sa bahay ko!" Napangat ang ulo ko dahil sa boses ng aking madrasta. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatitig sa akin.
"Hi po, tita Gelyn," pagbati ko rito habang may nakapaskil na ngiti sa aking labi. Hindi ko ininda ang pagtatalak ng babae. Saka, sanay na rin ako sa bunganga nitong daig pa ang sirang plaka ng radyo.
"Huwag mo akong matawag-tawag na tita, dahil hindi kita kadugo!" bulyaw niya sa akin. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ng madrasta ko.
"Tita Gelyn, relax ka lang. Kung palagi kang nagagalit sa akin, lalo lang madadagdagan ang mga wrinkles mo sa mukha," mahinahong sabi ko sa babae.
"Oh! My Gosh! Ang mga wrinkles!" palatak ng babae. Nagmamadali rin itong umalis sa aking harapan. Napapailing na lamang ako habang sinusundan ko ng tingin si Tita Gelyn. Nagdesisyon na rin akong pumanhik sa aking silid upang makapagpahinga.
Napabuntonghininga ako nang tuluyang pumasok sa loob ng kwarto ko. Pabagsak akong nahiga sa aking kama. At tumitig nang matagal sa kisame.
Malalim akong nag-isip. Panahon na siguro para puntahan ko ang tunay kong Ina. Matagal ko na rin naman itong pinahanap, hindi ko lang mapuntahan dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko rito.
Nag-aalala rin ako na baka hindi ako tanggapin nito bilang isang anak. Dahil ang sabi ni Papa sa akin ay kusa ako raw akong ibinigay kay Papa noong maliit pa ako. Sa mga kwento ng Ama ko ay nagkaroon sila ng relasyon ng tunay kong Inay.
Waitres sa isang bar ang Inay ko noong mga panahon na iyon. Kasalukuyan namang nag-aaway sina Tita Gelyn at ang Ama ko. Panay naman ang punta ni Papa sa bar noon. Hanggang sa magtagpo ang landas ng dalawa.
Noong una, pagkakaibigan lang ang turing nila sa isa't isa. Ngunit habang tumatagal ay unti-unting nahuhulog na ang loob nila. Hanggang sa may nangyari sa kanila nang malasing silang pareho. At doon ako nabuo. Ang masama pa'y nalaman ng tunay na asawa ni Papa na may ibang babaeng karelasyon ito. Kasalukuyan namang buntis na ang aking Ina at malapit ng manganak.
Hindi naman pinabayaan ni Papa ang aking Ina, hanggang sa makapanganak na ito. Lalo namang nagalit ang tunay na asawa nito, ngunit wala na rin namang magagawa dahil buo na ako sa sinapupunan ng Inay ko.
Subalit nagulat ang aking Ama nang sabihin ng Inay ko na iiwan daw ako sa pangangalaga ng ama ko. Hindi naman nagdalawang-isip ang Papa ko na tanggapin ako at i-uwi sa bahay nila.
Noong una akala ko ang tunay kong Ina ay si Tita Gelyn, kaya lang nagtataka ako dahil iba ang trato niya sa akin, kumpara sa mga ate at kuya ko. Hanggang sa ipagtapat na nga ni Papa ang totoo sa aking pagkatao.
Masakit, malaman ang katutuhanan kung nabuo lang ako sa isang pagkakamali. Sadyang iyon yata ang aking kapalaran. Sabi naman ni Papa ay minahal din niya ang Inay ko. Ngunit mas matimbang pa rin daw ang tunay na pamilya.
Pagdating naman sa mga pangangailangan ko'y binibigay naman nito sa akin. Ngunit hindi pa rin sapat. May hinahanap pa ako. At iyon ang hindi kayang ibigay ni Papa. Ang mga salitang--- " I love you, anak at palagi kang mag-iingat" kahit minsan ay 'di ko iyon narinig sa aking Ama. Kaya hindi na ako umaasa pa.
Minsan din ay nagtanong ako kay Papa kung may picture ba siya ng tunay kong Ina o kahit pangalan sana. Hindi naman pinagkait ng Ama ko ang aking hinihingi. Hanggang sa ipahanap ko na nga ang tunay kong Ina.
Malalim tuloy akong napabuntonghininga, nang maalala ko na naman ang mga sinabi ni Papa sa akin. Ngayon ay kailangan ko ring magpaalam kay boss Zach para sa aking bakasyon. Papayagan naman siguro ako noon dahil katatapos ko lang ng misyon ko.
Halos dalawang linggo din akong hindi umuwi sa bahay na ito. Kaya galit na galit sa akin ang Tita Gelyn. Ang Ama ko naman ay hindi nagtatanong kung saan ako galing.
Hanggang sa madesisyon na lamang akong
lumabas ng bahay. Siguro'y pupunta muna ako sa bar. Magpapakasaya ako ngayong gabi.
Isang simpleng pantalong kupas at black na t-shirt ang sinuot ko. Hanggang sa tuloy-tuloy na akong lumabas ng silid.
"Oh! Saan ka na naman pupunta, Zyle? Lalabas ka na naman ba? Halos wala ka nang kagawa-gawa rito sa bahay! Dalhin mo na kaya ang mga damit mo? Para naman matuwa na ako!" pasigaw na sabi ng madrasta ko.
"Tita, baka kapag umalis ako rito, eh, hanap-hanapin mo rin ako? Kasi naman, dahil sa aking, nagiging singer ka sa tuwing nakikita mo ako," banat ko sa babae.
"Zal, tingan mo itong anak mong bastarda! Hindi marunong gumalang sa akin!" galit na galit na sabi ng madrasta ko. Kulang na lang ay magbuga ito ng apoy. Sanay na rin naman ako sa bibig nito, na daig pa ang lagayan ng bigas kapag walang laman, sobrang ingay.
Kahit naman maingay ito at palagai akong pinagagalitan ay hindi pa naman ako nakakatikim ng kahit palo o sampal dito. Galit lang ito dahil nagkaroon ng anak si Papa sa ibang babae.
"Hayaan mo lang siya, Mahal," anas naman ng aking Ama. At agad na lumapit sa asawa nito.
Napapailing na lang ang ulo ko nang tumalikod sa mag-asawa. Hindi naman ako tinatawag ni Papa o kahit magtanong na kung saan ako pupunta, ay wala akong narinig. Napahinto lamang ako sa paglalakad nang biglang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko naman ito para alamin kung sino ang nagpadala ng mensahe sa akin.
Napangiti ako nang makita ko ang pangalan ni Tamara. Alam kong nagtatamapo ito sa akin dahil noong kinasal ito ay hindi ako nakapunta, nagkataon kasing may misyon ako ng mga panahong iyon. At noong nagpabinyag naman sa anak na kambal nito ay hindi rin ako nakapunta, nasa misyon din ako ng mga araw na iyon.
Ngayon naman ay nagtext at pinaaalalang malapit na raw ang birthday ng inaanak ko. At baka raw gusto ko nang magpakita sa kanya. Hindi muna ako reply, siguro'y mamaya na lamang.
Sa totoo lang sobra akong nagpapasalamat dahil naging kaibigan ko si Tamara Gally, ito ang naging tulay kaya napasok ako bilang secret agent at nakilala ko si boss Zach.
Marami rin naming pinagdaana bago kami nakapasok bilang secret weapon. Nagpalabas muna kami ng dugo at pawis bago namin nakamit ang inaasam-asam naming pangarap.
Napangiti namag ako. Parang kailan lang ay palagi kaming magkasama, ngunit ngayon ay may sarili na itong pamilya at masaya bilang may bahay ni Gov, Spark.
"Miss! Miss! Miss, sasakay ka ba?!" Nagulat ako at biglang napatingin sa lalaking nagsalita sa aking harapan. Isang taxi driver ang nakikita ko. Nakakunot din ang noo ito, nagtataka siguro dahil basta na lang akong ngumiti kahit walang kausap.
Natatawa na lang akong ng palihim dahil malayo na pala ang nilakbay ng utak ko.
"Miss, ayos ka lang ba? Bakit panay ang ngiti mo? Saka, kanina pa ako rito at tinatawag ka, ngunit hindi mo naman ako pinapansin," turan ng lalaki. Habang panay ang iling ng ulo.
"Ayos lang po ako, Manong. Ganito lang talaga ako minsan," magalang na sagot ko. At tuloy-tuloy nang pumasok sa loob ng taxi at nagpahatid sa aking pupuntahan.
Hindi naman nagtagal ay nakarating ako sa M. Bar. Agad naman akong nagbayad sa driver ng taxi. Nagmamadali akong bumaba at malalaki ang mga hakbang papasok sa loob ng M. Bar. Pagpasok sa loob ay naghanap agad ako ng table na puwedeng puwestuhan ko. Hanggang sa makakita naman ako.
Pagkaupo ko'y lumapit ang waiter at inilgay ang alak na palagi kong inoorder kapag nagpupunta ako rito. Kilala na rin ako ng mga tauhan dito.
"Thank you," saad ko. At may ngiti sa aking labi.
Nang umalis ang waiter ay sunod-sunod ko namang ininom ang alak. Hanggang sa muli akong nag-order. Habang hinihintay ang order ko, tumayo muna ako para pumunta sa maraming tao upang sumayaw nang walang humpay.
Tila ako isang ibong nakawala sa hawla. Kinalimutan ko muna kung sino ako at kung ano'ng tungkulin ko sa bahay. Ngayon gabi ay isa lamang akong ordinaryong babae na nagpapakasaya.
Kasabay ng paggiling ng maharot na musika ay siyang giling ng aking beywang. Tila nang aakit sa mga lalaking nandito.
Hanggang sa maramdaman kong may tao sa aking likuran. Tila nagtayuan rin ang mga mapipinong palahibo ko sa aking batok.
"What are you doing in this place, woman?!"
Parang kinilabutan ako sa boses na iyon. Sobrang lamig at tila isang mabangis na tiger para bang ano mang oras ay bigla na lang manglalapa ng tao.
"Go home, woman, or else..." Nanlalaki ang mga mata ko nang gumapang ang isang kamay niya sa aking beywang at marahang pinisil ito. Ramdam ko rin ang mainit na hininga nitong tumatama sa punong tainga ko.
Parang may nagsasabi sa aking lumingon ako para alamin kung sinong nilalang ang nasa likuran ko. Kaya iyon nga ang sinunod ko. Subalit, ang malapad na likod na lamang ito ang naabutan ko at nakikita kong humalo sa maraming tao.
"Ha? Sino ba iyon?"