Nandito ako ngayon sa aking opisina, hindi ako makapag concentrate sa aking ginagawa dahil iniisip ko ang nalalapit na kasalang magaganap at iniisip ko din ang aking kasintahan.
Habang nakatitig lamang ako sa aking laptop ay biglang tumunog ang aking telepono kaya napatingin ako dito.
Napahinga ako ng malalim ng makita kong ang kasintahan ko ang tumatawag sa akin, wala pa siyang alam tungkol dito at ayokong malaman niya.
Ilang ring pa ang lumipas ng mapag-pasyahan kong sagutin ang kaniyang tawag.
"Baby bakit ang tagal mo namang sumagot?" ani nito mula sa kabilang linya at nararamdaman ko na nagtatampo ito.
"Babe sorry, may ka-meeting kasi ako kaya hindi ko agad nasagot ang tawag mo." pagsisinungaling ko dito.
"Uuwi kasi ako diyan sa Pilipinas dahil nakakuha ako ng kontrata sa isang fashion magazine at diyan sa Pilipinas gaganapin ang lahat ng shoot." wika niya sa akin na ikinagulat ko.
"When?" tanong ko dito.
"Next day na ang flight ko kaya I will see you soon baby ko." wika niya at para akong binagsakan ng langit at hindi agad makapagsalita.
Ito na ang kinatatakot ko, ang malaman ng aking kasintahan ang gulong napasok ko, ayoko siyang masaktan dahil mahal na mahal ko ito, pero paano ko ba maiiwasan na masaktan ito sa oras na malaman niya ang katotohanan.
Natapos kaming mag-usap na hindi ko man lamang nasabi sa kaniya ang buong katotohanan, ngunit handa akong ipaliwanag sa kaniya ang lahat sa pagdating niya ng Pilipinas.
Wala akong balak pakasalan si Roxanne ang ikinatatakot ko lamang ay kung ano ang mararamdaman ni Chantelle sa oras na malaman niya ang nangyari sa amin ni Roxanne ng gabing 'yon.
Hindi ko kayang mawala si Chantelle dahil mahal na mahal ko ito ngunit paano ko ba maipapaliwanag ito sa kaniya ng hindi siya masasaktan?
Habang malalim akong nag-iisip ay dumating ang pinsan ko na si Marcus, kaya napatingin ako sa malaking pintuan ng aking opisina ng bumukas ito.
"Couz, nabalitaan ko kay Uncle Harry na ikakasal ka na pala sa isang nagngangalang Roxanne, paano si Chantelle?" nag-aalalang ani ng aking pinsan.
"Kaya kita pinapunta dito upang tulungan mo ako sa araw mismo ng aking kasal, huwag mo akong hindian bro dahil ikaw lang ang maaari kong lapitan ngayon." Napakunot ang kaniyang noo sa aking tinuran kaya mabilis itong umupo sa upuang nakaharap sa aking office table.
Ipinaliwanag ko sa kaniya ang lahat ng kaniyang gagawin at napatango-tango naman ito at nangakong tutulungan niya ako. Para akong nakahinga ng maluwag matapos kong marinig sa aking pinsan na handa siyang tulungan ako kung 'yon ang makakatulong sa akin.
"Salamat couz, hindi ko na rin alam ang gagawin ko, ayokong sabihin sa mga kaibigan ko ang plano kong ito dahil hindi ako sigurado kung maiintindihan ba nila ako. Alam mo namang sangkot sa problema kong ito si Raymond at pinsan niya ang babaeng pilit akong pinipikot kaya sa iyo ako lumapit." ani ko dito, tumayo ito at lumapit sa akin sabay tapik sa aking balikat.
"Pinsang buo tayo bro, magkadugo tayo at kahit sa akin man 'yan mangyari ay baka ganuon din ang gagawin ko." Ani niya sa akin kaya napangiti ako dito.
"Huwag kang mag-alala couz at maasahan mo ako sa araw na 'yon." napasandal ako sa aking swivel chair matapos kong marinig ang kaniyang sinabi. Tama lang kay Roxanne ang gagawin kong ito dahil ginugulo niya ang buhay ko. Nagkamali siya ng taong pilit na inaangkin dahil hindi siya magtatagumpay dahil isa sa pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang pinangungunahan ako.
Hindi rin naman nagtagal ay umalis na din si Marcus matapos naming pagplanuhan ang aming gagawin sa araw mismo ng aking kasal.
Napatingin ako sa aking orasan at mag-aalas dose na pala ng tanghali kaya pala nakakaramdam na din ako ng gutom.
Papalabas na sana ako ng opisina ko ng biglang bumukas ang pintuan nito at iniluwa naman nito si Roxanne na may dalang paper bag kaya naman napatingin ako dito at nginisihan ko ito ng pagak.
"Hanz, I brought you lunch." ani niya sa mahinang boses at hindi makatingin sa akin.
"You should leave me alone; I don't need your food or your company. Do you comprehend that?" galit kong ani dito at narinig ko na lamang ang kaniyang paghikbi.
"I-I love you Hanz." wika niya na ikinailing ko kaya sa inis ko ay mabilis na akong lumabas ng aking opisina at pabalya kong isinara ang pintuan.
Ang kapal din naman ng pagmumukha niya upang puntahan ako dito sa aking opisina at sabihing mahal niya ako matapos ang ginawa niya sa akin.
Pagkarating ko sa parking lot ay inis akong sumakay sa aking sasakyan at mabilis ko na itong pinaharurot.
Hindi ako makakapayag na paikutin mo ako sa palad mo Roxanne, sa gagawin ko ay guguho ang mundo mo.
Nakarating ako sa restaurant ni Rye ng hindi ko man lamang namamalayan, nakaparada na ang aking sasakyan sa harapan ng restaurant ng katok sa bintana ang gumulat sa akin.
"Wala ka bang balak lumabas diyan para kumain?" ani sa akin ni Ryven kaya naman huminga muna ako ng malalim at pagkatapos ay binuksan ko na ang pintuan ng aking sasakyan.
"Sorry bro may iniisip lang ako." ani ko dito at tapik lamang sa balikat ang tangi niyang isinagot sa akin at pagkatapos ay sabay na kaming pumapasok sa loob ng kaniyang restaurant.
Tinawagan ko si Rye bago ako nagpunta dito, gusto ko kasi siyang makausap, si Raymond sana ang gusto kong kausapin dahil siya ang pinsan ni Roxanne pero mas naisip kong mas makakabuti kung kay Ryven na lamang ako makikipag-usap.
Laking gulat ko ng pagpasok namin ng restaurant ay nanduruon na ang mga kaibigan ko na naghihintay lamang pala sa akin kaya napahinto ako sa aking paglalakad at napatingin ako kay Rye na nginitian lamang ako.
Hindi ako naglakad palapit sa kanila at mataman ko lamang silang tinitignan, napailing ako ng aking ulo at mabilis ko silang tinalikuran na ikinagulat nila.
"Hanz, saan ka pupunta?" tanong ni Isaac ngunit hindi ko ito sinagot at tuloy-tuloy lamang ako sa aking paglalakad ngunit mabilis silang humarang sa aking harapan.
"What the hell bro? Magkakaibigan tayo dito at ang problema ng isa ay problema ng lahat, huwag mo kaming itulak palayo dahil hindi mangyayari 'yon." naiinis na ani ni George.
Napabuntong hininga ako at napapailing at pagkatapos ay ngumiti ako sa kanila at iginiya na nila ako sa kanilang lamesa. Alam kong nagulat sila sa aking ginawa, ayoko lang na pagmulan ng hindi pagkakaunawaan naming magkakaibigan ang tungkol kay Roxanne, hindi ko mahal si Roxanne at sa gagawin ko ay hindi ko alam kung ikatutuwa ba nila o ikagagalit nila ito.
Pag-upo pa lamang namin ay agad na nagsalita si Raymond kaya napatingin ako dito ng blangko ang aking anyo.
"Naiintindihan kita, alam kong si Roxanne ang dahilan kung bakit nagugulo ang buhay mo ngayon, huwag mong isipin na ng dahil sa nangyari ay magbabago ang pagsasamahan nating lahat. Naiintindihan ko kung ano man ang magiging pasya mo dahil naniniwala ako na hindi mo ginusto ang lahat ng nangyari." ani niya at nakikita ko naman sa kaniyang mga mata ang sinseridad ng kaniyang sinabi.
"Bro, hindi ko mahal si Roxanne, ayokong maging dahilan ito ng pagkakasira nating lahat kung sakali man na may pasya akong gawin na hindi ninyo magugustuhan. Mahal na mahal ko si Chantelle at alam ninyo 'yan, nagbago ako dahil kay Chantelle at ngayon ay natatakot ako na kapag nalaman ni Chantelle na may nangyari sa amin ni Roxanne ay iiwan niya ako." wika ko sa mga ito, narinig ko ang kanilang pagbuntong hininga, hindi ako nandirito upang kaawaan nila, nandito ako upang malaman nila na wala akong balak na pakasalan si Roxanne ngunit hindi ko masabi sa kanila na tila ba may pumipigil sa akin.
"Nauunawaan ka namin bro, kung ano man ang magiging pasya mo ay nasa likod mo lamang kami." wika naman ni Rye kaya napatango-tango ako dito.
Masaya akong malaman at makumpirma mula sa kanila na maiintindihan nila kung ano man ang mangyayari sa araw ng aking kasal, sa ngayon ay hahayaan ko na lamang muna na ako at ang aking pinsan na si Marcus ang nakakaalam ng kung ano man ang plano ko sa araw na 'yon.
Pagkatapos naming kumain at makapag-usap ay naghiwa-hiwalay na din kami, nakikitaan nila ako ng matinding kalungkutan ngunit kaylanman ay hindi ko iiyakan ang problema kong ito at sisiguraduhin ko na sa huli ay isang tao lamang ang malulunod sa mga luha niya at sisiguraduhin kong hindi ako 'yon.