Pagkalabas ni Vivian ng mamahaling bar at nakaalis na ang kasama niyang Mexicano ay dali-dali na tumungo siya ng ladies' room para magpalit ng damit. Mula sa kulay-pulang halter mini-dress na may plunging neckline na suot niya kanina ay pinalitan niya iyon ng black bodycon dress na pinatungan lang niya ng itim din na print denim jacket. Tinernuhan niya iyon ng white leather high top sneakers.
Pagkatapos hubarin ang naunang mga damit at sapatos ay basta na lang iyon itinapon ni Vivian sa basurahan. Halos ipaligo rin niya sa buong katawan ang dalang disinfectant para lang mawala ang amoy ng Mexicano na panay ang dikit sa kaniya kanina.
Damn that old man! naiinis na wika ng kaniyang isip nang maalala niya ang muntik nang paglapat ng mga labi nito sa mga labi niya kanina.
Mabuti na lang at mabilis siyang nakaiwas. Akala niya siguro ay maiisahan siya nito. Siya pa ba? Sa loob ng tatlong taon, simula nang winasak ni Clinton ang puso niya ay hindi na niya mabilang ang mga lalaking naka-date niya para lang patunayan sa kaniyang sarili na wala sa kaniya ang pagkukulang kundi nasa walang hiya niyang ex-fiance. Pero sa dami niyon, ni isa man ay wala pang nakaka-score sa kaniya.
Ngunit hanggang ngayon din ay wala pa ring lalaki ang muling nakabuo sa ego ni Vivian at nagturo sa puso niya na muling tumibok. At hangga't hindi iyon nangyayari ay makikipaglaro at makikipaglaro siya sa mga ito. And she will make it sure na siya ang laging panalo.
Napakurap-kurap si Vivian nang biglang may pumasok na dalawang babae sa ladies' room. Mabilis siyang nag-ayos ng sarili at dali-daling lumabas.
Isang oras nang naghihintay ang ka-date niya ngayon. Wala naman siyang pakialam kung mamuti man ang mga mata nito sa kahihintay. First date nila iyon. At kapag wala siyang naramdaman na "spark" ay iyon na rin ang magiging last kung sakali.
Ganoon lang kasimple ang naging buhay ni Vivian sa loob ng tatlong taon. 'Pag walang "spark", meaning ay walang love. Simple rule, no hassle.
Kalalabas lang ni Vivian ng ladies' room nang matigilan siya. Isang pamilyar na mukha ng lalaki ang nakita niyang papasok ng bar. Hindi niya sinasadya. Pero habang tinitingnan niya ang bawat galaw nito ay parang tukso na isa-isang nag-replay sa isip niya ang nakaraan na hanggang ngayon ay pinagsisisihan pa rin niya...
"Good morning, Miss V," masayang bati ng bridal stylist ni Vivian na si Margarita. May kausap ito na couple na pamilyar sa kaniya. Simula nang itayo niya ang kaniyang wedding shop sa Washington ay ito na ang naging katuwang niya. "Anyway, Miss V, this is soon to be Mr. and Mrs. Hopper," pakilala nito sa mga bagong kliyente pala nila. Pagkatapos ay siya naman ang ipinakilala nito sa dalawa. "Soon to be Mr. and Mrs. Hopper, this is Miss Vivian. Siya ang designer at owner nitong wedding shop."
"Hello, nice to meet you," nakangiti at agad na bati sa kaniya ng magkapareha.
"Nice to meet you, too. Sana magustuhan n'yo ang mga designs namin," nakangiti rin na sabi niya sa mga ito pagkatapos nilang magkamay.
"Honestly, we really like your shop," sinserong sagot ng babae. Todo-ngiti nitong inilibot ang paningin sa loob ng kaniyang shop kung saan naka-display ang mga mamahalin at nagagandahan nilang wedding dress na siya mismo ang nagdisenyo. "Walang duda kung bakit isa kayo sa pinakasikat na wedding shop dito sa Seattle," dagdag pa nito.
Lumapad ang pagkakangiti ni Vivian. Totoo ang sinabi ng babae. Kahit mahigit isang taon pa lang ang negosyo niya ay kilala na agad. Hindi rin biro ang mga naging kliyente niya. Halos lahat ay nanggaling sa kilala at prominenteng pamilya. Katulad nitong magkapareha na kaharap niya ngayon. Alam niyang parehong runway model ang dalawa.
Hindi nga akalain ng dalaga na magiging successful siya sa career niyang iyon na tanging pangarap lang ng kaniyang yumaong ina para sa kaniya. Dahil sa totoo lang, pagpupulis talaga ang gusto niyang maging simula pa lang noong bata pa siya.
Pagkatapos magpasalamat ni Vivian sa mag-boyfriend ay nagpaalam na siya para pumasok sa kaniyang opisina. May mga kailangan pa siyang tapusin na mga designs.
Napangiti siya nang pagkaupo niya ay nakita niya sa ibabaw ng lamesa ang pinakamagandang sketch ng bridal gown na ginawa niya. Iyon ang susuotin niya sa araw ng kanilang kasal ng fiance niyang si Clinton. Siya rin ang magdidisenyo sa buong entourage. Hindi pa alam ni Vivian kung kailan ang magiging kasal nila pero buong-buo na sa isip niya ang preparasyon.
Buong-buo na ang loob niya na maging isang Mrs. Vivian Mejica Lewis.
Ilang sketches na rin ang nabuo ni Vivian nang bumukas ang pintuan ng kaniyang opisina. Napangiti siya nang sa pag-angat niya ng ulo ay sumalubong sa kaniya ang guwapong mukha ni Clinton.
Pero mayamaya lang ay kumunot ang noo niya nang may maalala siya. "Hon, what are you doing here? Akala ko ba may laro kayo ng mga kaibigan mo?" Isa itong sikat na car racer sa buong Washington.
Nakangiti na lumapit sa kaniya ang nobyo at iniabot sa kaniya ang hawak na bulaklak. "Maaga kaming natapos, eh. Kaya naisipan kong dumaan dito para naman ganahan ka sa pagde-design kapag nakita mo ang guwapong mukha ko."
Palaging tunog mayabang kung magsalita si Clinton kaya madalas din tuloy itong sabihan ng iba na mayabang. Pero okay lang iyon kay Vivian. May ipagmamayabang naman kasi talaga ito. Guwapo, sikat at mayaman din. Bagaman at hindi ito kasingyaman niya.
Agad nitong nabihag ang puso ni Vivian noong minsang magkita sila sa isang party. At sa edad na twenty one lang ay pumayag siyang makipag-engaged dito. Matanda lang naman ito sa kaniya ng isang taon.
Kahit marami ang nagsasabi kay Vivian na babaero at mayabang daw si Clinton ay hindi niya iyon pinapansin. Ni minsan naman ay hindi pa nangyari na niloko siya nito. Oo, nahuhuli niya ito paminsan-minsan na tumitingin sa ibang babae. Pero hindi siya ganoon kababaw para husgahan ang kaniyang nobyo dahil lang doon.
"Hindi ka naman mayabang sa lagay na 'yan, Hon?" natatawang siya niya kay Clinton. Pero nang umupo ito sa tabi niya ay kinilig siya nang husto.
"Ang totoo?" Nang-aakit na ngumiti sa kaniya ang nobyo at hinalikan ang leeg niya pataas sa mga labi niya. "I just miss you," bulong nito at yumakap sa kaniya. "Tinatawagan kita pero unattended ka naman. Kaya naisipan kong dumaan dito." Naglalambing na yumapos ito sa katawan niya. "Please be with me tonight, Hon. Magpa-party kami ng mga kaibigan ko sa bagong bukas na nightclub, malapit lang dito. Kasama nila ang mga girlfriend nila. Ang lungkot naman kung ako lang ang single."
Lihim na napangiwi si Vivian. Sa totoo lang ay wala naman siyang problema sa mga kaibigan ni Clinton kung pag-uugali lang ang pag-uusapan. Mababait naman sa kaniya. Pero hindi niya gusto ang maya't mayang pag-iinom at agba-bar ng mga ito at hindi uuwi kung hindi gumagapang sa kalasingan. Tapos ang mga girlfriend ng mga ito ay sobrang wild. Walang pakialam sa lugar at sa mga tao. Nakikipag-s*x kung saan-saan.
"Hon... alam mo naman na hindi ako mahilig sa ganiyan," reklamo ni Vivian pero may halong paglalambing. "Mas gusto ko pang mag-movie marathon na lang tayo sa bahay. Ipagluluto kita ng paboritong pulutan mo. What do you think?"
Nakita niya na ngumiti si Clinton pero lingid sa kaalaman niya ay napasimangot ito. "It's okay kung hindi ka sasama, Hon. Pero hindi puwede na hindi ako sasama sa kanila at alam mong magtatampo sila sa'kin."
"No problem, Hon. Basta tawagan mo lang ako kapag sobrang lasing ka na. 'Wag kang mag-drive. Susunduin kita."
"I'll really do that. Siguradong mainggit na naman ang mga kaibigan ko dahil may girlfriend na ako, may driver at yaya pa ako."
Kung iba lang ang nakarinig niyon ay siguradong hindi iyon magandang pakinggan. Pero iba si Vivian. Masiyado na siyang nabulagan sa pagmamahal niya kay Clinton. Kahit ano na ikakasiya nito ay ginagawa niya. Kahit magmukha na siyang alalay nito. Na kung tutuusin ay hindi niya dapat ginagawa dahil sa Pilipinas ay prinsesa siya kung ituring ng kaniyang pamilya at mga taong nakakakilala sa kaniya.
She poked his nose. "Basta 'wag magpasobra."
"At ikaw din, matulog nang maaga. 'Wag mo na akong tawagan o kahit i-chat. Para makapagpahinga ka muna bago mo ako sunduin."
Yumakap siya sa baywang ni Clinton. "Noted, Hon."
Humigpit pa ang pagkakayakap sa kaniya ng nobyo hanggang sa angkinin nito ang mga labi niya. Buong puso naman iyong tinugon ni Vivian. Walang duda na magaling at masarap humalik si Clinton. Pero hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwing naghahalikan silang dalawa ay parang nakukulangan siya.
At hindi niya alam kung ano ang kulang na hinahanap niya dahil ito pa lang naman ang first kiss niya. O siguro dahil nasa mindset na niya ang limitasyon. Na hanggang yakap at halik lang muna sila habang hindi pa sila naikakasal.
Naalarma si Vivian nang maramdaman niya ang mga labi ni Clinton na bumababa patungo sa leeg niya. At nang akmang hahawakan nito ang kaniyang dibdib ay mabilis na lumayo siya rito.
"Hon..." Hindi niya maikubli ang inis sa sariling boses. Alam naman kasi nito na hindi pa siya handang magpahawak sa maseselang parte ng kaniyang katawan.
Agad namang humingi ng paumanhin si Clinton nang makitang nainis siya. "I'm sorry. Nadala lang ako..."
Mabilis din namang bumalik ang magandang mood ni Vivian. Napaka-understanding talaga ng fiance niya. Pero hindi na niya nakita ang pagbabago sa anyo ni Clinton nang lumiko ito ng tingin.
"Kailan mo nga pala ako ihaharap sa family mo, Hon?" tanong nito pagkalipas ng ilang sandali. "Three years na tayo pero hindi ko pa nakikita sa personal ang Daddy at Kuya mo."
Sa tuwing dinadalaw kasi siya ng mga ito ay palaging wala si Clinton. Kaya sa video call lang nagkikita ang mga ito. Pero ilang beses pa lang din dahil parang hindi naman interesado ang pamilya niya na makausap ang nobyo niya. Lalo na si Kuya Hendrix. O siguro dahil lagi lang nagmamadali ang mga ito.
"Kapag pumayag na si Daddy na umuwi ako ng Pinas ay isasama kita." She smiled at him. "Doon na rin natin sasabihin ang balak nating pagpapakasal."
"Okay." Nagkibit-balikat si Clinton. "I can wait pa naman. Ikaw pa ba?"
Napangiti na naman siya. Ah, she's so lucky for having an understanding boyfriend like Clinton. Ano pa ba ang hahanapin niya sa isang lalaki?
Dala-dala ang mga hindi natapos na sketches ay pumasok si Vivian sa bahay niya. Tahimik ang buong paligid kahit nakabukas naman ang mga ilaw dahil wala naman siyang kasamang nakatira doon. Kahit kasambahay. Gusto kasi niyang maranasan ang mamuhay na independent at malayo sa estado niya sa Pilipinas. Kaya siya na ang gumagawa sa halos lahat ng gawaing bahay maliban sa paglalaba, pamamalantsa at paglilinis na ginagawa ng kaniyang stayout helper at pumupunta lang tuwing weekends.
Paminsan-minsan ay pumupunta rin naman doon si Clinton para samahan siya. Pero bihira itong makitulog doon na ipinagpasalamat din naman ni Vivian para makalayo sila sa tukso.
Nang makapagpahinga ang dalaga ay nagluto na siya ng kaniyang hapunan. Dinamihan na niya dahil baka maagang malasing at magpasundo si Clinton.
Kahahain lang ni Vivian ng country fried steak nang marinig niyang tumunog ang doorbell. Itinabi muna niya sa lamesa ang mga nilutong pagkain bago tinungo ang maindoor. Nakakunot ang noo niya dahil wala naman siyang inaasahang bisita.
"Ah, baka biglang nagbago ang isip ni Clinton. Baka na-realize niyang mas okay na mag-movie marathon na lang na kasama ako kaysa ang maki-party sa mga friends niya," nangingiting kausap niya sa sarili.
Ngunit ang ngiting iyon ay unti-unting nabura nang ibang mukha ang sumalubong sa kaniya sa pagbukas niya ng pintuan. Pero nang mapagsino iyon ay hindi lang basta napangiti si Vivian kundi napatili pa sa labis na pagkagulat at tuwa.
"Jessica?! My God, is that really you?" Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang makilala ang kaniyang high school best friend sa Pilipinas.
"Relax, girl. Ako lang 'to!" Natutuwang biro sa kaniya ni Jessica at napayakap pa sa kaniya. "Grabe. Nahirapan akong hanapin itong bahay mo. Nakailang taxi ako, ha."
"Bakit kasi hindi ka tumawag o kahit nag-chat man lang na ngayon pala ang dating mo?" Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto. "Come in."
"Surprise nga, 'di ba?" Pumasok naman si Jessica at inilibot ang tingin sa buong paligid ng sala. "Ang ganda nitong bahay mo, girl. Pero parang wala pa 'to sa kalahati ng mansiyon n'yo sa Pinas."
"Okay lang naman dahil mag-isa lang naman ako dito."
"Sabagay..." Kapagkuwan ay binalingan siya nito. "Are you sure na okay lang sa'yo na dito muna ako tumira habang naghahanap pa ako ng work?"
Bago pa man dumating dito si Jessica ay nagkausap na sila sa cellphone. Nabanggit nga nito na pupunta raw ito ng Washington para makipagsapalaran. Pero problema raw nito ang matitirhan. At dahil best friend niya ito at mag-isa lang naman siya sa bahay kaya si Vivian na ang nag-alok dito na sa kaniya muna ito titira. Tutal naman ay mabait ito at kasundo na niya ito noon pa mang nasa high school sila. Kahit hindi ito kasingyaman niya ay hindi naiilang sa kaniya.
"Oo naman," mabilis na sagot ni Vivian. "Maganda nga iyon at may kasama na ako rito. Okay nga lang sa'kin na dito ka pa rin kahit may work ka na."
"Wow! Thank you, girl! Hulog ka talaga ng langit sa'kin." Tuwang-tuwa ito na yumakap kay Vivian na ikinatawa lang niya.
Isa sa mga kasiyahan niya ang makatulong sa kapwa. Lalo na iyong malapit sa kaniya at alam niya na deserving na tulungan.