CHAPTER 4

1612 Words
Sa pagdating ni Jessica sa bahay ni Vivian ay mas naging masaya pa siya. Kahit sanay na ang dalaga na mag-isa ay napagtanto niya na iba pa rin pala ang may kausap palagi, may kasama sa pagkain, may kakuwentuhan at may kasama sa panonood ng television. Hindi ito pabigat dahil kahit ayaw niya ay kusa itong tumutulong sa mga gawaing bahay. Lagi rin siyang nakaalalay kay Jessica dahil nahihirapan pa itong mag-adjust sa Seattle. Kaya nga si Vivian na ang nagsabi na saka na ito maghanap ng trabaho kapag nakapag-adjust na ito. Tutal, sobra-sobra naman para sa kanila ang kinikita niya sa shop. Bukod siyempre sa monthly allowance na sapilitang ipinapasok ng kaniyang ama sa account niya kahit hindi naman niya kailangan ang milyong halaga na iyon. Nangako din si Vivian kay Jessica na tutulungan ito para mawala ang pagiging outdated nito sa fashion. Para naman hindi ito mahirapang mag-adjust sa mga bagong kakilala kapag nagkaroon na ng trabaho. Kaya isang araw ay ipinag-shopping niya ito. "Hindi ba masagwang tingnan, girl?" tanong sa kaniya ni Jessica nang makalabas sila ng mall na suot-suot na nito ang bagong bili niyang tank top at shorts para dito. Lalo tuloy lumitaw ang kaseksihan nito. "Ano'ng masagwa ka diyan? Ang ganda-ganda kaya. Bagay na bagay sa bagong hairdo mo." Pinakulot at pina-blonde din niya ang mahaba at maitim nitong buhok dati. "Wala nang sinabi sa'yo ang mga Hollywood star," biro pa ni Vivian at sabay silang napahagikhik na dalawa. "Are you sure, ha? Baka magmukha akong ewan." Sinipat pa nito ang sarili sa nadaanan nilang salamin. "Pero may tiwala naman ako sa fashion mo. Ang ganda mo kaya maniniwala na ako sa'yo. Bonus na lang ang pagiging fashion designer mo." "I told yah." Tumabi siya rito at sabay silang humarap sa salamin at kunwaring nag-pose na parang model. "We're like sisters na talaga. Parehong pretty." And they both laughed. "Basta ilista mo lang lahat ng utang ko, ha? Babayaran ko na lang kapag nagka-work na ako," medyo nahihiya pang sabi ni Jessica. "Sus, hindi ka naman na iba sa'kin kahit noong dati pa." Hinila niya sa kamay ang kaibigan. "Let's go na. Clinton is waiting for us..." May kaniya-kaniya silang bitbit ng paper bag nang lumabas sila ng mall at dumiretso sa parking lot kung saan ay naghihintay ang boyfriend ni Vivian para sunduin sila. Malayo pa lang ay tanaw na ni Vivian si Clinton na nakatayo sa labas ng kotse. Nakasandal ito habang naka-crossed arms. Sa ibang direksiyon ito nakatingin kaya hindi agad sila nakita. "Hon!" tawag niya rito para kuhanin ang atensiyon nito. Dahan-dahang lumingon si Clinton sa gawi nila ni Jessica. Nakasuot ito ng salamin pero alam niyang una nitong nakita ang kaibigan niya dahil dito tumagal ang tingin nito. Hindi rin nakaligtas sa paningin ni Vivian ang pagkanganga ng nobyo habang pinagmamasdan ang kaibigan niya. Marahil ay hindi rin ito makapaniwala sa naging transformation ni Jessica. Nakaraan kasi ay panay ang sabi nito na kaya raw siguro hindi pa nagkakaroon ng boyfriend ang best friend niya dahil nga may pagkamanang. Kilala pa naman niya si Clinton na hindi fan ng mga nerd at outdated sa fashion. Kaya nga siya nagustuhan daw nito dahil magaling siyang pumorma. Kaya hindi na nagtaka si Vivian kung bakit medyo ilag si Clinton kay Jessica. Kulang na lang ay hindi nito kibuin ang kaibigan niya kapag magkasama sila Bagaman at maayos naman ang pakikitungo nito rito. "What can you say, Hon?" nangingiting tanong ni Vivian sa boyfriend niya habang palapit sila rito, nakaturo kay Jessica ang dalawang kamay niya na para bang ipinagmamalaki ito. "Puwede na ba siyang mag-boyfriend nito?" "Vivz, nakakahiya sa boyfriend mo..." Namumula na siniko siya ni Jessica. Tinawanan lang niya ang pagiging mahiyain ng kaibigan. Samantalang si Clinton ay speechless pa rin habang nakatingin sa kaibigan niya. "Perfect transformation, Hon," kapagkuwan ay tumango-tango na sabi nito. "Muntik na nga akong malito sa inyong dalawa, eh. Ang galing mo talaga." She proudly shrugged. "Well, para saan pa at naging fashion designer ako, 'di ba?" "That's why I love you." Clinton poked her nose bago siya pinagbuksan ng pintuan. At sa kauna-unahang pagkakataon ay pinagbuksan din nito sa backseat si Jessica na hindi niya iniutos. May usapan sina Vivian at Jessica na mag-go-grocery sila pagdating niya galing sa shop. Pero may unexpected clients ang biglang dumating at nagpa-rush ng schedule kaya hindi siya makakauwi nang maaga. Ngunit kailangan nang mag-grocery ni Jessica dahil wala na raw itong magagamit na napkin. Ipapabili na rin niya rito ang lahat ng mga kailangan niya at sa bahay dahil magiging busy na siya sa mga susunod na araw. Wala na siyang oras para mamili. At dahil ayaw naman niyang mahirapan sa biyahe si Jessica kapag nag-commute ito kaya tinawagan niya si Clinton. Kahit medyo alanganin dahil isa sa pinaka-hate nito ang mag-grocery at pumila sa counter. "Hon, are you busy? Baka puwedeng samahan mo muna sa pag-go-grocery si Jessica. Magpapabili na rin kasi ako ng mga kailangan ko. Hindi ako makakauwi nang maaga ngayon, eh," paglalambing niya sa nobyo. "Kung okay lang naman..." "No problem, Hon." Mabilis na sagot ni Clinton mula sa kabilang linya. "Wala rin naman akong ginagawa ngayon." Medyo nagulat si Vivian sa mabilis na pagpayag ng nobyo. Pero imbes na magtaka ay ikinatuwa pa niya iyon. "Thanks, Hon. Sa bahay ka na rin kumain ng dinner kapag ginabi kayo. Magpapaluto ako kay Jessica ng favorite beef teriyaki mo. I already taught her how... Mauna na lang kayo kapag wala pa ako." "Don't worry, Hon. I'll wait for you. Mas gusto kong kasabay ka sa pagkain," sabi pa nito na ikinangiti lang ni Vivian. Naging busy na si Vivian sa mga sumunod na araw. Palagi na siyang wala sa bahay dahil sa kabi-kabilang trabaho. Halos araw-araw ay gabi na rin kung umuwi ang dalaga. Hindi na rin sila gaanong nakakapag-date ni Clinton. Kahit si Jessica ay hindi na niya gaanong nakakausap at nasasamahan palagi sa pamamasyal. Mabuti na lang at mukhang nasanay na ito kaya panay na ang labas. Isang araw ay inumaga ng uwi si Vivian. Nagulat pa siya nang maabutan sina Jessica at Clinton na magkasamang nagkakape sa terrace ng bahay niya habang naglalaro ng baraha. At kailan pa nahilig sa pagkakape ang fiance niya? "Vivz! Hon!" sabay na bulalas ng dalawa. "A-akala ko mamayang tanghali pa kita susunduin?" tanong sa kaniya ng nobyo. Nakasampay sa balikat nito ang hinubad na T-shirt. "O-oo nga, girl. Kaya hindi tuloy ako nakapagluto ng breakfast mo," paliwanag naman ni Jessica. Nakalapag naman sa arm rest ng sofa ang cardigan nito. Nararamdaman ni Vivian na parang may mali. Pero ang ipinagtataka niya ay nang makita niya ang relo ni Clinton na nakalapag sa ibabaw ng lamesa. Regalo niya iyon dito noong birthday nito. Agad naman iyong dinampot ng nobyo nang mapansin na nakatingin siya roon. "Naghugas kasi ako ng kamay kaya hinubad ko muna, Hon." Tumayo ito at inakbayan siya. "What do you want for breakfast? Gusto mo bang ipagluto kita?" Ang ano mang hindi magandang pakiramdam ni Vivian sa mga naabutan ay mabilis na nawala dahil sa paglalambing ng nobyo. "Thanks, Hon. Pero kumain na kasi kami sa venue." Nakangiting tinapunan niya ng tingin ang tasa na nakita niyang hawak at sinimsim nito kanina. "Hindi ko alam na nagkakape ka na pala ngayon..." "Nakalimutan ko na hindi nga pala siya nagkakape at naipagtimpla ko siya." Si Jessica ang nagpaliwanag. "Ininom ko na kaysa masayang," dugtong naman ni Clinton. "At masarap palang magtimpla ng coffee ang kaibigan mo, Hon. Puwede kang magpaturo sa kaniya." Hindi napigilan ni Vivian ang mapansimangot dahil sa narinig. Para kasing gustong sabihin ng nobyo niya na kaya hindi ito umiinom ng kape dahil hindi kasing sarap ng kape ni Jessica ang itinitimpla niya rito. "Masarap din namang magtimpla ng kape si Vivian, Clinton," pagtatanggol sa kaniya ng kaibigan. "Oo naman! At masarap pang magmahal," anang lalaki at sabay halik sa mga labi niya. Hindi alam ni Vivian kung tama ba ang nakita niya na napasimangot si Jessica o dala lang siguro ng puyat at pagod kaya kung ano-ano na ang napapansin niya. "Bakit nga pala ang aga mo, Hon?" mayamaya ay tanong niya sa kasintahan. "Dito ako natulog." "What? Did you sleep here?" Nagulat siya dahil hindi naman ito natutulog doon kapag wala siya. "Ano kasi, Hon. Nalasing ako kagabi. Akala ko nandito ka kaya dito na ako dumiretso." "Eh, bakit hindi mo ako tinawagan para nasundo sana kita? Nag-drive ka na naman ng lasing," sermon niya rito. "You're busy, right? Ang sabi mo, hindi ka puwedeng umalis sa venue," depensa naman ni Clinton. Natutop ni Vivian ang kaniyang noo. Oo nga naman. Kahit nga pala tinawagan siya ng nobyo ay hindi rin niya ito masusundo dahil magdamag siyang abala sa trabaho. "Lasing na lasing siya nang dumating, Vivz. Kaya pinagbuksan ko na lang at pinatulog dito sa sofa," dagdag paliwanag din ni Jessica. "It's okay, Jes. Ang tigas kasi ng ulo nitong isang 'to, eh. Nagda-drive kahit lasing." Kunwaring inirapan niya ang nobyo. "Buti hindi ka sinukahan uli." "Good boy ako kagabi, Hon. Promise." Nakangiting binalingan ni Clinton ang kaibigan niya. "Right, Jes?" "Yes, Vivz. Sobrang good boy. Tulog nga agad, eh." "Buti naman kung gano'n. Akala ko, sinukahan at pinagligpit ka na naman niya." Mayamaya ay nagpaalam na siya sa dalawa. "Magsa-shower lang ako sandali. Baba din ako agad for breakfast." "Ano ang gusto mong kainin?" halos sabay pa na tanong ng dalawa. "Kahit coffee na lang." Napangiti na lang si Vivian sa pag-uunahan ng dalawa sa pag-asikaso sa kaniya. Mukhang magiging masaya pa ang mga susunod na buwan niya, ah. Dahil magkasundong-magkasundo na ang dalawang taong mahalaga sa buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD