Hindi pa rin makapaniwala si Olivia na magiging endorser na siya ng isang brand— isang sikat na brand! Pagtapak niya pa lang sa loob ng dalawang palapag na office ng Glowy ay dinapuan na siya ng kakaibang kaba at excitement.
"Ito na ba talaga 'to manager?"
"Ito na talaga ang pagsisimula ng career mo, Olivia. Sabi ko sa'yo magbubunga rin ang pinaghirapan mo. Ngayon pa lang naiisip ko na magiging busy ang schedule mo once na matapos ang Cupid's Carnival."
Napangiti ng malaki si Olivia. "Oo nga, eh. Malaking tulong talaga sa akin ang Cupid's Carnival. Salamat Ate Macy."
Kumurap-kurap ang naturan. "Ano ka ba? Syempre manager mo ako kaya dapat na may gawin ako para sa alaga ko. Alam kong may ibubuga ka, Olivia kaya naniniwala ako sa'yo. Oh, siya nandito na tayo. Relax ka lang dahil hindi naman mangangain ang mga taga rito."
Tumigil sila sa isang wooden door at si Macy ang nagbukas ng pinto. Kaunti pa lang ang nakikita sa loob, pero napa-wow na si Olivia sa backdrop ng shoot. Halos napapalibutan ng kulay rosas ang studio at may mga feathers na kulay puti sa lapag.
"Mabuti at narito na kayo. Hindi nga nagkamali ang boss sa pagpili sa'yo, Olivia. Ngayon pa lang na nakita kita, alam kong tama at maitatawid mo ang shoot na 'to. Ako nga pala si Eric o p'wede mo rin akong tawaging Erica. Ako ang magiging photographer mo rito."
Inaabot ni Olivia ang kan'yang kamay para kamayan ito. “Salamat. Ito naman ang manager kong si Ate Macy, kinagagalak namin kayong makilala.”
Kung kanina ay binabalot siya ng nerbyos, ngayon naman ay kalmadaong-kalmado na siya matapos makita kung gaano kagaan ang atmosphere sa loob at mga taong narito.
“Na-brief na siguro ng manager mo ang gagawin mo rito. Well, madali lang naman at wala akong nakikitang problema dahil natural na natural ang ganda mo at ang linis mong tingnan.” Totoo, nag-review kasi siya ng mga drama na kasali ito at ang linis nitong tingnan, kuhang-kuha ang gustong ipahawatig ng Glowy brand.
“Ah, opo. Sa totoo lang gumagamit talaga ako ng products ng Glowy ng halos tatlong taon na kaya sobrang saya ko nang malaman na ako ang kauna-unahang endorser nito.” Kung titingnang mabuti parang walang make up ang dalaga dahil nga ang kinis ng mukha nito. Maalaga talaga si Olivia sa sarili lalo pa’t isa s’yang artista. Kailangan alagaan ang sarili niya. Isa sa nga bagay kung bakit nakakahatak ng fans ang kagaya niya ay dahil na rin sa mukha. Hindi maitatanggi na kapag maganda ay may pribilehiyo na paboran ng isang tao.
“Talaga? Kung gano’n mas madali lang pala ang shoot na ‘to. Sige na at mag-ready ka na sa dressing room. Nakalimutan ko pa lang sabihin na nanonood sa atin ang boss ng Glowy, pero wala siya dito, okay? Siguro ay isa sa representative niya ang nandito.”
—
“Kung nandito ang representative bakit hindi nagpakilala?” tanong ni Olivia habang inaayusan siya ng makeup artist. “Kinakabahan ako, Ate Macy baka magkamali ako mamaya. Nanonood pa naman ang boss. Nakita mo na ba siya sa personal?” Ni kahit ano’ng picture sa internet walang mahanap si Olivia. Curious siya kung ang nangmamay-ari ba ng Glowy ay isang babae. Paniguradong maganda ito.
“Hindi ko rin alam na manonood sila at hindi ko pa nakikita ang boss. Representative lang din ang nakausap ko, pero ang boss ang pumili sa’yo. Sana makita natin siya at magpasalamat sa personal.”
“Ang ganda ganda niyo po, Miss Olivia. Hindi niyo kailangan lagyan pa ng kahit ano sa mukha dahil natural na natural ang kagandahan niyo,” puri ng makeup artist. Kinulot nila ang buhok ng dalaga at nilagyan ng mala cotton balls na pang dekora dito at binihisan ng slim dress na puti, hubog na hubog ang katawan nito na parang isang coca cola body.
Tiningnan ni Olivia ang kabuuan niya sa harap ng salamin. Sa katunayan n’yan ay hindi isang purong Pinoy si Olivia. Ang ama niya kasi ay isang British citizen.
“Wow! Ganda mo talaga alaga ko. Tara na at magsisimula na tayo sa shoot.
—
“Okay! Tingin sa kaliwa mo, Olivia pero huwag mong isasabay ang ulo. Mata lang ang galawin mo. Alright! one, two, three!”
Halos walang maririnig sa studio maliban na lamang kay Eric na nagha-handle nito.
“Good! Okay, sunod naman natin ang video for commercial. Pakipalitan na ang ibang backdrop!”
Lumapit naman ang hair and makeup artist kay Olivia para i-retouch ito. Napatingin siya sa second floot ng studio kung saan may bintana ngunit tinted. Alam n’yang may tao sa loob dahil nakita niya ang dalawang bulwarte ng tao na nakatingin sa baba. Siguro ito na ang sinasabi ni Eric na representatives galing sa Glowy.
Sana magustuhan nila ang ginagawa niya. Ayaw n’yang ma-disappoint ito at masabing mali ang mapili siya.
Ilang sandali pa ay tinawag na siya ni Eric para sa gagawing commercia shoot. Ngayon naman ay parang nasa ulap ang backdrop at lalakad siya sa tubig na nilagay kaya naman nakapaa siya.
Pumasok siya sa loob at naglakad nang nakatalikod sa camera.
—
“Siguradong mabibigla at maku-curious ang mga tao kung sino ang unang endorser natin. Naiisip ko pa lang ay makakakuha tayo ng sari-saring reaksyon.”
Huminga ng malalim ang lalaking nakasuot ng puting polo at sunglasses. “Inaasahan ko na ‘yan. Naihanda niyo na ba ang lahat para sa gagawing promotion? Gusto maging maayos ang lahat at maging succesful ito.”
Tumango ang naka-suit na kausap nito. “Handa na. Ngayon lang kita nakita na hands in na hands on dito, ah. Dati naman ay hinahayaan mo ang team, pero ngayon nandito ka at nagtatago pa.”
Tiningnan ng malamig ni Lance ang kaibigan. “Nagtatago? Hindi ako nagtatago. Baka kasi kapag lumabas ako ay hindi niya magawa ang dapat gawin sa shoot na ‘to.”
Kunwaring napaubo si Xian. “Mukha namang hindi mangyayari ‘yan,” pasaring nito. “Alam ko naman kung bakit ka nagtatago, eh. Ayaw mong malaman niya na ikaw ang pumili sa kan’ya dahil kapag nangyari ‘yon, iisipin n’yang pinili mo siya dahil magkakilala kayo.”
Hindi nagsalita si Lance. Bakit niya nga ba tinutulungan si Olivia? May talento si Olivia, ngunit hindi iyon nakikita ng iba dahil limitado lang ang resources nito. Gusto n’yang makita kung hanggang saan ito makakarating. Ngayon lang naman ito, eh. Ngayon niya lang tutulungan at hahayaan niya na itong gumawa ng paraan kung ano ang susunod na hakbang nito.
Hindi niya alam, pero isa lang ang sigurado niya. Ayaw n’yang mawala ang kislap ng mga mata nito sa mata. Hindi niya gustong makitang lugmok ito at nawawalan ng kulay.
“Xian,” tawag niya sa kaibigan nang hindi inaalis ang tingin sa baba.
‘She was fascinating.’ Ito ang klase ng babae na mapapatingin ang isang tao ng matagal kapag nakita ito.
“Ano ‘yon?”
“I think, we found our ambassador.”