Namulat ang mata ni Olivia bandang alas onse ng gabi. Ramdam niya pa rin ang bigat ng pakiramdam niya, pero hindi gaano kabigat gaya kanina. Pansin niya na nakabukas ang lampara sa gilid ng kama na nagsisilbing ilaw sa kwarto. Napatingin siya sa paligid at nakita si Lance na natutulog sa sahig.
Sinubukan n'yang umupo at hinawakan ang bimpo sa noo para hindi ito mahulog. Nagugutom siya.
"Saan ka pupunta?"
Napatingin si Lance sa dalaga na unti-unting tumayo galing sa kama. Kanina pa siya dilat mang mapansin ang pag-ingay ng kama.
"Sa kusina. May kukunin lang ako," mahinang sagot ng dalaga. Masyado ba s'yang maingay gumalaw? Nakahihiya na kay Lance ito pa naman din ang nag-asikaso sa kan'ya.
"Nagugutom ka ba?" Tumayo ang binata at pinagpagan ang suot na jogger pants. "Ako na ang kukuha. Umupo ka lang d'yan. Mamaya baka mahulog ka pa, magtaka sila may pasa ka."
"Hindi naman. Ako na lang ang kukuha parang labag pa sa loob mo."
"Nagbibiro lang ako. Ako na at humiga ka na lang d'yan." Maputla pa at nanghihina ang dalaga. Paano talaga kung hindi ito makabalanse sa hagdan at nahulog?
Hinintay ni Olivia si Lance at maya maya pa ay pumasok ito na may dalang tray ng pagkain at tubig. Isa iyong sopas na niluto ni Julie para sa kan'ya.
“Hindi naman ba ako nakaapekto sa palabas? May sinabi ba si Sir Kim?” usisa niya rito. Nag-aalala siya na baka magkaroon ng ‘di magandang epekto ang palabas dahil sa kan’ya.
“Huwag kang mag-alala. Alam ng manonood ang nangyari sa’yo kaya maiintindihan nila kung bakit wala ka. Si Matteo Kim mismo ang nagsabi n’yon,” wika ni Lance.
“Pasensya na dahil naabala pa kita.”
Humalukipkip si Lance at nagdekwatro sa upuan. “Hindi ito libre. Maniningil ako ng bayad.”
“Ano? Akala ko pa naman galing ito sa puso mong pag-aalaga. Nagkamali pala ako.”
Napangisi ang binata. “Sa mundo ngayon wala nang libre. Hindi pa naman ako maniningil ngayon kaya ‘wag kang mabahala. Magpagaling ka na para hindi na mag-alala ang mga fans mo sa’yo.”
—
Kinabukasan tumakbo ang isang staff papalapit kay Matteo Kim habang ito’y nagkakape.
“Bad news, Mr. Kim! May isang account na naglabas ng post tungkol kay Olivia. Sa kan’yang post ay mayroon daw sugar daddy ang dalaga at ngayon ay gusto nang ipaalis ng mga manonood ito. Ano’ng gagawin natin? Kailangan ba natin maghanap ng kapalit? Makakasira ito sa palabas.”
“Nasuri niyo ba kung totoo ang paratang nito?” tanong ni Matteo Kim at kinuha ang tablet na dala ng staff.
“Ang sabi ng nag-post ay may litrato raw siya na totoo ang sinasabi niya.”
In-scroll ni Matteo ang post at nakita sa comment section ang sinasabing ebidensya ng nag-akusa. Madilim at medyo hindi gaano kalinaw ang litrato, pero base sa katawan ay para ngang si Olivia iyon. Nasa labas ito ng isang hotel at magkatapat pa ang dalawa.
“I-check mo kung totoo ang source bago tayo gumawa ng action.”
“Pero ano ang sasabihin natin sa manonood? Gusto na nilang paalisin si Olivia at nakita ko sa monitor na tumataas ang votings niya sa elimination.”
Huminga ng malalim si Matteo Kim at tiningnan ang monitor kung saan gising na ang dalaga at si Lance. Para sa babaeng ‘to, pinatay niya ang aircon at binuksan lamang ang bintana para hindi ginawin si Olivia.
“Maglabas kayo ng statement na wala tayong papanigan, pero susuriin natin kung totoo ang akusasyon ng nag-post kay Olivia at kung mapatunayan na hindi, tayo mismo ang magkakaso sa kan’ya.”
“S-sige po, Mr. Kim.”
Kaya siguro isa sa pinakapipitagan na producer sa industriya itong boss nila dahil na din hindi ito agad-agad nagpapa-apekto sa mga sinasabi ng iba bagkus ay gagawa ito ng hakbang na naaayon sa legal na proseso. Hindi niya rin masisisi ang iba kung bakit karamihan ng artista ay gusto s’yang makatrabaho.
Pero ngayon lang iba ang pakitungo nito kay Olivia, ang baguhang artista na ngayon lang nila nakilala. Hindi kaya kamag-anak nito ang dalaga?
Umiling ang ulo ng staff. “Posible.”
—
“What is this, Macy? Kung gagawa man kayo ng alaga mo ng ganito sana sinecure niyo muna kung walang makakakita? Alam mo bang impact nito sa agency?” aniya ng CEO ng entertainment na under si Olivia.
“Boss, hindi naman iyan totoo. Isa pa hindi sugar daddy iyan ni Olivia. Kung talagang may backer eh ‘di sana hindi siya nahirapan umangat sa career niya, pero wala ‘di ba? Alam nating pareho na may gagawa at gagawa ng paraan para mapabagsak ang isang tao dahil umaangat ito,” paliwanag ni Macy na alas singko pa lang ng umaga ay nasa kompanya na.
“At ano ang totoo? Maglabas kayo ng pahayag at suportadong dokumento na hindi totoo ang nasa post. Magpa-file ang agency ng case at warning sa mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon sa media.”
Biglang pumasok ang assistant ng CEO.
“Bad news. Umatras na ang brand na gustong kunin si Olivia bilang endorser. Sa tingin ko dahil iyon sa nangyayari ngayon.”
Napanganga si Macy. “Ano?! Eh, hindi pa nga napapatunayan na totoo ‘yon!”
“Macy,” warning ng boss nila bago tumingin sa bagong dating. “Pinakiusapan mo ba sila? Maybe we can still negotiate.” Kakasimula pa lang ng career ni Olivia, pero bago pa man maabot iyon ay nahila na ito pababa.
Tumango ang assistant. “Ayaw na talaga nila, eh. Nakakuha agad sila ng kapalit. Ayaw raw nila masayang ang budget sa artistang walang solid fan base at may iskandalo.”
“Wala ka na bang ibang ma-contact na brand? Kailangan natin i-establish ang pangalan ni Olivia.” Nakikita naman ng CEO na marami ang nahahataknna fans ng dalaga.
Tumikhim ang assistant. “Actually, meron po. Tumawag ang Glowy Skin Care Brand.”
“Glowy?” uli ni Macy. Totoo ba ‘to? Malaking brand ang Glowy lalo pa’t marami ang gumagamit nito na talagang patok sa mga consumers. Marami kasing review na totoo ang epekto nito lalo na sa mga gustong mag-glow ang mukha.
“Really?”
Tumango ang assistant. Maging siya man ay nagulat nang ang brand mismo ang nag-reach out sa kanila na gustong kunin si Olivia bilang unang endorser nito. Oo, unang endorser!
“Opo. Wala silang specific na requirement at makikipag-cooperate raw sila sa show para ma-shoot nila ang commercial.”
Kumunot ang noo ng CEO. “Iyon lang ba talaga. Si Olivia ang gusto nila? Natanong mo ba kung bakit?”
“Opo. Si Olivia lang ang gusto nila dahil fresh at bago raw ang mukha nito sa madla. Nakita nia na fit siya sa vision ng brand.”
“Kung gano’n kailan sila makakausap?” tanong ni Macy na may bahid ng excitement ang boses nito. Napakasuwerte naman talaga ng alaga niya!
“Sa Sabado.”
—
“Ang saya mo yata, Manager Macy?” napatingin ang naturan sa artistang under din ng agency na pinagtrabahuhan nila.
“Ah, oo. May inaasikaso kasi ako ngayon.”
Pinasadahan ni Lauren ang mukha ng manager kung nagpepeke lang ito.
“P’wede bang malaman?” tanong niya habang nakangiti.
“Naku, hindi p’wede. Kailangan pa kasi ng approval ng kabila. Sige, mauna na ako sa’yo.”
Pagkaalis na pagkaalis nito ay nawala ang ngiti sa mukha ng artista at kinuha ang mobile phone nito at tinawagan ang manager.
“Hello? Alamin mo kung ano ang inaasikaso ni Macy, okay? Kailangan kong malaman iyon.”
Nagdadabog n’yang binalik ang phone. Pagkatapos n’yang makuha ang brand endorsement ni Olivia, dapat makuha niya rin kung ano itong sinasabi ni Macy.