2

2786 Words
Chasing RM Delafuente  "Lunch na nila!" Halos magtatalon kami sa saya ni Shy dito sa sulok nang marinig namin ang bell nila doon sa loob. Binilisan talaga namin ang pagpunta dito. Ni hindi pa kami naglalunch.    "Magpakanormal nga kayo kahit ngayon lang! Ba't ba ako nagpahila sa dalawang ito? Inuuna pa kasi ang mga walang kwentang bagay kaysa sa pagkain. Nalilipasan na ng gutom mandadamay pa." Bumusangot ang mukha ni Jhaz habang nakahalukipkip sa sulok. Ang kj talaga nito. Hinila lang namin ito ni Shy eh. Hindi naman yan nakakahindi sa aming dalawa. Kaso pupugpugin niya kami sa mga masasakit niyang salita. Nandito kasi kami sa tapat ng malaking eskwelahan na BTSU. Ang pinapangarap kong pasukan. Kaso di talaga abot eh. Parang ikakapulubi ata lalo ng mga magulang ko pag pinag-aral ako diyan. Yung tipong literal nila akong igagapang dahil sa kahirapan.     Hindi na namin siya pinansin ni Shy. Ibinalik ni Shy sa mga mata niya ang maliit niyang telescope. Medyo malayo kasi kami eh. Bawal kaming lumapit doon baka sitahin kami nung guard. Wala naman gaanong lumalabas. Parang bawal silang palabasin eh. Ganoon ba talaga pag private? Estrikto?      "Ayan na! Bumukas na ang gate! May lalabas!" Napapalakpak ako habang tumatalon talon pa. Si Shy naman ay nagpatuloy sa pagmamatyag.      "Ayan na ang mga asawa mo Chanelle! Lumalabas na sina Jiro at RM! Sila lang dalawa!" Sa sobrang excited ko ay inagaw ko kay Shy ang telescope niya at sinilip iyon. Kitang kita ko ang mukha ng dalawa na nakauniporme at kapwa seryoso ang mga mukha. Nag-uumapaw silang dalawa sa kagwapuhan. Ang hot nila sa suot nilang uniporme!      "Ang gwapo! Pahinging hangin! Mamamatay ata ako sa dalawang ito!" Nagtitili na ako dito habang nagtatalon. Panay naman ang yugyog ng isa kong kamay ang uniporme ni Shy kung saan ko kinakapit. Doon ako humuhugot ng lakas.    "Sige na maglupasay kana diyan. Titirikan nalang kita ng kandila. Ikaw rin Shy." cold na sabi ni Jhaz sa amin.  "Ang kj mo! Suportahan mo nga si Chanelle!"    "Eh parehas kayong may sayad sa utak kaya nagkakaintindihan kayong dalawa."    Hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang magpinsan sa likuran ko na nagbabangayan na. Lalo na't itong si RM at Jiro ay umaabante na. Saan sila pupunta? Hindi kaya doon sa Restaurant nila Sylver? Siguro ay kukuha sila ng makakain dahil lunch na! Lalo na't hindi lumabas ang iba niyang mga pinsan!    "Shy! Halika na! Papunta ata sila sa Restaurant! Tara! Sundan natin!" Kinaladkad ko na si Shy pero kapwa rin kami napahinto nang hawakan ni Jhaz ang likod ng mga uniporme namin.     "Mga desperada. Ano? Susundan niyo doon sa loob ng Restaurant? Gagawa kayo ng eksena? Magtitili? May kahihiyan pa ba sa mga buto niyo?" Tumalim ang tingin niya sa aming dalawa kaya natigil kami ni Shaira. Napanguso ako at umayos ng pagkakatayo. Doon ko lang napagtanto na nawala ko na ang imahe ng dalawa. Nakakatakot rin naman kasi ang talim ng tingin ni Jhaz. Parang ano mang oras ay isasaksak niya iyon sa amin pag di kami nakinig.    "Ang kj mo Jhaz! Hindi naman kami magtitili eh!" sigaw ko.    "Oo nga. Bubulungan lang namin! Ang kj mo!" Umirap si Shy sa kanya habang nakanguso.    "Hintayin niyo dito. Babalik rin ang dalawang iyon. Baka kumuha lang ng lunch para sa mga pinsan nila. Di kayo nag-iisip." Pinitik ni Jhazmine ang mga noo namin ni Shy kaya kami itong napanguso. May punto rin naman kasi siya eh. Yan kaya ang naisip ko kanina! Pero naexcite lang kasi talaga ako kaya nawawala na ako sa katinuan ko at gusto nalang silang sundan.   Hinintay na nga lang namin ang dalawa. Kaso ang tagal eh. Tapos malapit nang magsimula ang klase namin!    "Nagugutom na ako. Naririnig ko na ang pagrereklamo ng mga bolate sa tiyan ko." Napasimangot si Shy. Nakaupo pa siya habang yakap yakap ang tiyan niya.    "Konting tiis nalang talaga Shaira. Baka pabalik na ang dalawang yun." sabi ko habang panay ang gala ko sa mga mata ko sa paligid. Nagbabakasakali akong makikita ko ulit ang imahe ng dalawa.   "May bukas pa. Kumain na nga tayo. Alam kong sanay kang magpakabaliw Chanelle. Pero wag mo naman sanang hayaang lumala. Kumain na tayo." Pinatayo niya si Shaira at hinila ang pulso nito. Napasimangot ako at nagpabalik balik ang tingin sa BTSU at sa dalawang nagsisimula nang maglakad paalis. Ang kj talaga! Baka pag umalis ako dito mamaya niyan dadaan na pala sila!     Hindi nga ako nagkamali dahil natanaw ko rin si RM at Jiro na may dalang mga paperbag na mukhang pagkain ang laman. Sa sobrang gulat ko ay napasigaw na ako at mabilis na tumakbo papunta sa kanila.     "Jiro! RM!" panay ang sigaw ko habang nagtatakbo at nagbabakasakaling hihinto sila. Na sana ay makilala ko sila. Makamayan. Maging kaibigan.      Lumingon sila sa akin kaya napangiti agad ako. Ramdan ko pa yung pawis sa noo ko na tumutulo na ata at napupunta na sa mukha ko. Konting konti nalang talaga ang espasyo na namamagitan sa aming tatlo! Malapit na Chanelle! Tumakbo ka pa!      "Jiro! RM!" Ngiting ngiti ako. Nagkasalubong ang kilay ni RM na nakangitin sa akin habang si Jiro naman ay nagulat na at nagsimula nang tumakbo.      "Ungas! Tumakbo kana! Wag kang matulala diyan!" sigaw ni Jiro.      Nanlaki narin ang mga mata ni RM. Nagsimula na siyang umatras atras kaso bigla nalang siyang nawalan ng balanse at napaupo sa sahig dahil sa pagkakataranta niya. Nagpatuloy siya sa pag-atras at nagmadaling tumayo para tumakbo narin. Sakto namang nasa harapan ko na siya at tutulungan na sana kaso nakatayo na siya at handa nang tumakbo. Inabot ko pa siya lalo pero umatras siya kaya yung ID niya lang ang nahawakan ko. Nahablot ko iyon hanggang sa pati ang uniporme niya ay nahawakan ko narin.     "RM! Ang gwapo mo! Hindi ako makapaniwalang ang gwapo mo! Mas lalo kanang gumwapo!" sinisigaw ko iyon habang siya naman itong nagpupumiglas sa kamay ko. Nanlalaki pa itong mga mata kong nakatitig sa napakagwapo niyang mukha. Ni hindi nga ata ako humihinga habang mabilis iyong sinasabi sa kanya.     "Jiro! Walanghiya ka! Tulungan mi ako!" sigaw niya.      Marahas niyang hinawakan ang kamay ko at inalis doon sa uniporme niya na kahit ang kamay kong nakahawak sa ID niya ay hinablot niya rin. Sa sobrang lakas ng kamay niya pati ang ID niya ay humiwalay sa kanya saka siya nakatakbo. Nasira ang sling nito. Yung isa niya kasing kamay ay nakahawak doon sa paperbag.      Tulala lang ako dito at pinapanood siyang tumatakbo na palayo sa akin. Papasok doon sa malaking gate ng eskwelahan nila. Laglag ang panga ko at nanlalake ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwalang hinawakan niya ang kamay ko! Ang pulso ko! Nagkaholding hands kami! Hindi ba ako nananaginip?! Totoo ba talaga ang lahat ng ito?! Nahawakan ako ng isang RM Delafuente! Isa sa mga pinagpapantasyahan kong magiging asawa ko sa hinaharap!     Nagtitili ako dito sa labas. Doon ko lang rin napagtanto na hawak ko ang ID niya na mas lalo kong ikinagulat. Nagtatalon na ako sa sobrang tuwa. Nagawa ko pang tingnan ang picture niya doon at halik halikan ko. Hindi ako makapaniwalang may ID ako ni RM! Hindi talaga ako makapaniwala!     "Chanelle. Ba't di yang ID ang kainin mo? Kanina ka pa tulala diyan sa ID na yan ah. Tapos nakangiti ka pa. Yung pagkain mo hindi mo na nagagalaw." Hindi ako nagpatinag sa pagbubunganga ni Jhaz sa akin. Kakarating ko lang dito sa cafeteria namin pero hindi ako makamove-on sa ID ni RM. Itatabi ko talaga ito mamaya sa pagtulog ko! Kukumutan ko!      "Hoy Chanelle!" Pinukpok ako ng kubyertos ni Jhaz sa ulo ko na nagpapitlag sa akin.      "Aray naman Jhaz!" Napabusangot ang mukha ko habang hipo hipo ang ulo ko. Ang sakit ha! Sadista talaga ang babaeng ito! Purket maganda!     "Wag mo namang saktan si Chanelle, Jhaz! Chan! Kwento kana sa akin dali! Paano mo nakuha yang ID kay RM? Sabi niya ba na iiwan niya nalang sayo ang ID mo tapos magkikita kayo mamayang uwian sa likod ng eskwelahan? O baka naman passage iyan sa school nila para payagan kang pumasok?! Hala! Baka mamaya pagkauwian ay magkagulo sa labas ng eskwelahan natin dahil nandoon na ang magpipinsan! Aabangan ka nila para kunin lang yang ID! Tapos magkakakilala kayo! Yayayain ka niyang lumabas! At doon na kayo mapapalapit sa isa't isa!" Napatili na ako sa sobrang kilig dahil sa sinabi ni Shy na posibleng mangyari. Oo nga no?! Ganoon ang mga nangyayari sa nababasa namin ni Shy sa mga libro! Yung nakasakay sila sa isang kotse o kaya ay motorsiklo tapos ay ipapahanap ako! Tapos doon na magsisimula ang lovestory namin ni RM!      "Hoy! Kumain kayo ng matiwasay diyan! Wag kayong sumisigaw! Mga batang ito." Naitikom ko agad ang bibig ko dahil sa sigaw ng matanda doon na nagluluto dito. Hindi narin kasi marami ang estudyanteng kumakain dito dahil malapit nang magsimula ang klase. Puro pagpapakilala lang naman iyon eh. First day of school pa kasi.     "First day of school napapahiya na kayong dalawa. Kumusta naman ang kahihiyan ko? Nadadamay ako sa inyo." Naiiling na sabi ni Jhaz at sumimsim nalang nung icetea niya. Humagikhik kaming dalawa ni Shy nang magkatinginan kami.     "Sige na. Ikwento mo na dali." bulong ni Shy sa akin. Sobrang hina na ng boses niya.     "Ganito kasi yun... sa sobrang gulat ko dahil nakita ko sila kanina ay hinabol ko silang dalawa."      "Hala! Tapos?" Mas lalong inilapit ni Shy ang mukha niya. Kulang nalang ay yumuko kami dito sa mesa namin habang nakatingin sa isa't isa at seryoso ang mga mukha habang bumubulong.     "Tapos ayun... nagkaholding hands kami ni RM! Ang lambot ng kamay niya. Ang bango." Nagtitili ako ng mahina. Yung parang impit lang. Gigil na gigil pa ang mukha ko.      "Talaga?! Ang swerte mo! Eh si Jiro? Ba't wala kang ID niya?" mas lalong lumapit ang mukha niya hanggang ang lapit na ng mga mukha namin sa mesa. Bulong parin kasi kami nang bulong.      "Tumakbo eh. Nagmamadali ata silang dalawa ni RM. Kasi si Jiro tumatakbo rin nang oras na iyon. Takot ata silang malate." bulong ko rin.     "Ang sabihin mo natakot sayo kaya tumakbo." singit ni Jhaz na hindi namin pinansin ni Shy. Kj kasi talaga yan. Sanay na kami sa kanya.     "Ang swerte mo parin. Sana pala nanatili ako doon para naman nakita ko ang paghawak ni RM ng kamay mo at pagbigay niya sa ID niya sayo. Ang sweet niya." Bakas sa mukha ni Shy ang kilig. Ako nga rin kinikilig!     "Hindi niya ito ibinigay sa akin. Tumatakbo kasi siya. Ayun. Nahablot ko."      "Ibig sabihin... ibig sabihin may tsansa ngang puntahan ka niya dito para lang kunin ang ID niya!" Nanlaki ang mga mata ni Shy na kahit akin ay nanlaki narin. Ang bilis pa ng kabog ng dibdib ko.      "Dalawang baliw... tama na yang pagbubulungbulungan. Late na tayo." Napatingin kaming dalawa ni Shy sa mukha ni Jhaz na ginaya narin ang posisyon naming nakayuko at halos ihiga na ang mga ulo namin dito sa mesa. Pabulong rin iyong sinabi ni Jhaz sa amin pero ang seryoso ng mukha niya.     "Ikaw rin bumubulong ka Jhaz." bulong ni Shy sa kanya. Yung mga ulo namin ang lapit na sa isa't isa. Para kaming may importanteng pinag-uusapan dito na dapat kaming tatlo lang ang makarinig.      "Kung hindi kayo tatayo ngayon yang ID na yan ang guguntingin ko pag nalate tayong tatlo at naparusahan tayo. Pati yang buhok mong kulot kulot at yang buhok ni Chanelle na dry ay guguntingin ko hanggang makalbo ko kayo." Mabilis kaming napatayo ni Shy sa sinabi ni Jhaz. Alam naming hindi yan nagbibiro. Saksi ang dalawang mata namin ni Shy kung paano yan magalit. Nakakatakot!      "Tara na Jhazmine! Ba't ka pa ba nakaupo diyan! Malilate na tayo!" Ngiting ngiti ko siyang hinila patayo hanggang kinaladkad namin siya at nagtatakbo na kami palabas ng cafeteria.     Hindi ko na nasundan ang mga subject namin sa hapon. Puro lang naman iyon pagpapakilala. Kabisado ko narin naman ang pangalan ng dalawa kaya hindi na ako nakinig. Naging okyupado rin kasi ang utak ko sa mukha ni Jiro at ni RM. Di ko sila maalis sa utak ko. Ang gugwapo nila. Sobra.      "Bye Chanelle! Nandito na yung sundo namin ni Jhazmine eh. Mukhang hindi na ata dadating si RM para kunin yang ID niya. Parating narin yung papa mo. Umuwi kana ha." Hinalikan ako ni Shy sa pisngi ko. Si Jhazmine naman blangko lang na tumitig sa akin sa bintana. Nasa loob na kasi siya ng kotse nila. Sundo nilang dalawa.     "Okay. Bye! Oo. Uuwi narin ako pagdating ni papa!" Kumaway ako sa dalawa habang nakangiti. Si Shy lang itong may malapad na ngiti at kinakawayan rin ako habang si Jhaz ay isang tango lang ang ibinigay sa akin. Ang cold niyan eh. Parang si Shy yung kabaliktaran niya.     "Wag mong sagarin kabaliwan mo. Magtira ka. May bukas pa Chan." sabi ni Jhazmine sa akin na ikinanguso ko lang.      "Wag mo nga kasing inaaway si Chanelle! Bully ka talaga!" Pangaral ni Shy sa pinsan niya doon sa loob. Hindi na umimik si Jhazmine kaya ibinaling ulit ni Shy ang tingin niya sa akin at kinwayan ako. Kumaway rin ako hanggang unti unti nang umaalis ang kotse nila sa harapan ko.      Napabuntong ako ng hininga at luminga linga sa paligid. Nagbabakasakali akong pupunta dito si RM. Nagbabakasakali akong hahanapin niya ako at kukunin niya itong ID niya sa akin. Napatitig ako sa mukha niya doon. Hawak ko pa kasi ang ID niya. Ayokong ipasok sa bag ko. Ang cute niya dito! Lumalabas pa yung dimple niya!      Panay na ang sapak ko sa braso ko dahil nilalamok na ako dito sa kinatatayuan ko. Malapit nang maggabi! Wala pa si RM! At wala pa si papa! Siguro ay may pasahero pa iyon kaya natatagalang sunduin ako. Naiiyak na ako dito lalo na't mag-isa nalang akong nakatayo. Nalulungkot rin ako dahil parang imposibleng puntahan ako ni RM dito. Baka naman bukas? Oo Chanelle. Siguro ay napagod lang si RM kaya hindi niya muna mababawi ang ID niya sayo. Siguro ay bukas pa. Siguro.     "Chanelle. Sorry at ngayon lang ako. Dapat ay nagtricycle ka nalang." sabi ni papa nang makapasok na ako sa front seat. Kumakagat na yung dilim eh.      "Okay lang pa. May hinintay rin naman ako." mahina kong sabi habang nagseseatbelt.   "Anong sabi mo?"    "Ah, ang sabi ko ay okay lang naman kasi alam ko namang busy ka eh." Ngumiti ako kay papa at pasimpleng ibinulsa ang ID ni RM sa bulsa ng palda ng uniporme ko. Baka magtaka siya kung nakita niya.      "Pasensya na talaga anak. Alam mo naman, ito lang ang pinagkukunan natin ng pera para sa pag-aaral mo at sa gastusin sa bahay. Kaya ikaw mag-aral ka ng mabuti. Wag muna yang pagboboyfriend ha." Tumango ako kay papa at pasimpleng lumunok ng laway. Siguro ay hindi ko nalang ikukwento sa kanya ang nangyari kanina. Na nangibang eskwelahan ako. Na hinabol ko si RM. Ang gwapo niya talaga!     Nagsimulang magmaneho si papa. Nakatuon naman sa labas ng bintana ang atensyon ko. Hindi mawala sa utak ko ang imahe ni Jiro at RM. Sobrang gwapo na nila. Lalo na si Jiro! Suplado parin ang mukha pero ang gwapo parin! Ang puputi! Si RM hindi naman gaanong maputi pero sapat lang yung kulay niya para bumagay sa awra niya. Hindi man lang siya ngumiti kanina edi sana nakita ko yung dimple niya. Siguro malilate na silang dalawa kaya nagtatakbo na sila papasok. Siguro nga. Hindi ako makapaniwalang nasa akin ang ID ni RM! Makakatulog kaya ako--     "Chanelle? Nakikinig ka ba sa akin?" Napalingon ako sa papa ko na magkasalubong na ang kilay.   "P-Po?" Napakurap ako.   "Ano bang nasa utak mo? Unang araw palang sa klase ay mukhang stress kana. Marami na bang assignments at ganyan ka kaokyupado? Ganyan talaga pag nag-aaral Chanelle. Nakakabaliw minsan. Pero sana ay wag kang sumuko." Namungay ang mga mata ni papa nang nilingon niya ako.     "Opo papa. Di ako susuko." Napangiti ako ng malapad. Di ako susuko kakahabol kay RM! Tsaka di ko naman pababayaan ang pag-aaral ko eh. Kaya ko namang ipagsabay ang dalawa. Teka? Ano nga yung assignment namin sa Math? Siguro ay itetext ko nalang mamaya si Shy! Ay wala akong load. Mangongopya nalang siguro ako bukas. Papasok ako ng maaga! Hindi naman masamang mangopya eh. Basta ay naiintindihan mo ang kinokopya mo ay okay lang iyon.      Sana talaga ay babawiin ni RM ang ID niya sa akin. Excited tuloy ako! Tapos hihingan niya ako ng number! Siguro pag nagkaanak kami ay ikukwento ko sa mga anak namin na hinabol ko siya habang nagmamadali siya papasok sa eskwelahan nila at aksidente kong nahablot ang ID niya hanggang binawi niya ito sa akin at nagkamabutihan kaming dalawa! Nakakakilig! Ang magiging title talaga ng lovestory namin ay Chasing RM Delafuente. Tapos ako na si Chanelle B. Delafuente. Ang ganda! Bagay na bagay!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD