1

2880 Words
Maswerte "Charinelle Barit!" Halos mapatalon ako sa sobrang lakas ng boses ni Mama. Mabilis na akong nagtago sa ilalim ng lamesa. Alam ko kung ano ang ikinakagalit niya lalo na't lumabas pa talaga ng banyo na nakatapis lang ng tuwalya at may dala dalang tabo.  "Charinelle!" sigaw niya nang ubod ng lakas. Halos dumagundong iyon sa kabuuan ng bahay namin. Umabot pa nga siguro sa kabilang kanto eh.  "Chanelle nga kasi." mahina kong daing dito sa ilalim ng lamesa. Nakauniporme pa ako oh! Unang araw pa naman ng pasukan ngayon sa sekondarya! Kakaplantsa ko lang nito kanina tapos magugusot na naman.  "Ikaw bata ka labas diyan!"  "Ma! Aray! Aray!" Halos mapangiwi ako nang bigla akong nakita ni mama dito sa ilalim ng mesa at hawakan niya ang tenga ko para lang kaladkarin ako palabas.  "Ma! Ang tenga ko! Maawa ka naman! Ayokong pumasok na kulang ng isang tenga-Aray!" Hinawakan ko ang kamay niya para alisin doon ang pagkakahawak niya sa tenga ko kaso mas lalo niya iyong idinidiin doon.  "Halika dito sa banyo! Halika! Anong pumasok sa kokote mo at naisipan mong idikit yang picture ng pitong lalake na yan ha! Banyo ito! Naghuhubad ang mga naliligo dito tapos magdidikit ka ng mga lalake?! Nasan na naman ba yang kokote mo! Pinapakain kita ng matino pero ba't nilalasayan ka ng katinuan mo?!" Pinalo niya ako ng hawak niyang tabo na nagpapitlag sa akin. Hindi lang ata tenga ang mawawala sa akin ngayon. Pati utak ko ata.  "Ma naman! Ang gwapo kaya nila--"Tanggalin mo yan!" Ipapalo niya na sana ulit ang tabo sa ulo ko kaya mabilis kong pinagtatanggal doon ang mga posters na idinikit ko. "Kaya ko lang naman ito idinikit dito para inspired akong maligo dito sa banyo tuwing umaga! Alam niyo naman ako diba! Minsan ay tinatamad akong gumising ng maaga para pumasok sa eskwelahan! Inspiration ko sila ma! Excited akong pumasok dito sa banyo dahil alam kong naghihintay sila!"  "Aba! Inspired ka naman palang mag-aral eh ba't yung mga grado mo halos pasang awa lahat!" Idinuro niya sa akin yang hawak niyang tabo. Nanlilisik pa ang mga mata niya.  "Ganoon naman talaga ang grado sa public ah!"  "Dinadahilan mo pa na sa public ka pinapaaral! Nagrerebelde ka ba sa amin dahil hindi ka namin mapaaral doon sa BTSU o Unibersidad de San Bartolomew na gusto mo?! Hoy Charinelle--"Chanelle nga!" "Kahit magtrabaho kami araw araw ng papa mo at kahit iprenda pa namin yang si yaya mo ay hindi parin natin kaya yang tuition doon! Ang mahal mahal!"    Napabusangot ang mukha ko sa sinabi ni Mama. Sinasali pa talaga si yaya.  "Ba't mo sinasali si yaya sa usapan natin?"  "Dahil pati iyan ay pinapalamon ko! Nag-iisa ka ngang anak pero parang dalawa rin dahil diyan sa aso mo!"  "Ang liit lang naman ng kinakain ni yaya ah! Minsan nga ay diet siya! Tira tira nga lang yung pinapakain niyo sa kanya!"  "Yun na nga. Kung wala kang aso edi sana ay natitipid mo pa yang mga pagkain mo. Edi sana yang tira tira ay sayo napupunta."  "Ma naman! Aso lang si yaya!"  "Yun parin yun! Mahirap lang tayo!"  "Oo na mahirap lang tayo! Kaya nga ang panget ko!" Mangiyak ngiyak akong lumabas ng banyo namin. Nadatnan pa ako ni papa na nagpupunas ng luha habang yakap yakap yung mga posters ko. Nakakainis lang kasi. Pati aso ko dinadamay niya. Regalo pa naman yan ni papa sa akin noong bata pa lang ako. May breed yang si yaya! Nakita lang daw ni papa na palaboy laboy lang sa labas ng subvidision kaya inuwi niya na.  "Oh? Ano na naman ba ang pinag-awayan mo ng mama mo? Malilate kana sa klase mo. Sige na, kumain kana. Teka, yang uniporme mo... nagusot oh. Nagtago kana naman ba sa ilalim ng lamesa?" Kumunot ang noo ni papa habang nilalagyan ng pagkain ang pinggan ko. Kakain na sana dapat ako kanina eh kung hindi lang talaga sumigaw itong si mama.  "Si mama kasi! Pinatanggal niya sakin ang pictures ng pitong magiging asawa ko!" Nagawa ko pang tingnan si mama na lumalabas narin ng banyo na nakatapis parin ng tuwalya at hawak hawak yung tabo.  "Aba't ang landi mong bata ka! Pito pa talaga ang balak mong maging asawa! Gumising ka nga diyan sa pagpapantasya mo!" Handa niya na namang ipukpok sa akin yang hawak niyang tabo kaya kinuha agad ni papa. Pito kasi may choices ako! Di ko naman aasawahin lahat! Pero gusto ko nasa kanilang pito! Yun iyon!  "Tama na yan Lolita ano ka ba. Umagang umaga talaga napakabongangera mo na. Papaiyakin mo na naman yang anak mo alam mo namang ang dali niyang maiyak. Sige na Chanelle. Kumain kana. Idikit mo nalang yan sa kwarto mo. Ba't ba kasi sa banyo mo pa naisipan. Alam mo naman yang mama mo. Sensitive! Akala mo naman may masisilip sa kanya."  "Isa ka rin Ronaldo! Sige! Kampihan mo yang anak mo! Sarap niyong pag-umpugin! Makaligo na nga! Wag na wag kang manghihingi sa akin ng baon bata ka!"  Nagmartsa si mama pabalik doon sa banyo. Napahagikhik lang naman kami ni papa. Sanay na kasi kami talaga sa bunganga niya tuwing umaga. Hindi lang ako ang alarmclock siya. Kundi pati mga kapitbahay namin. Ang lakas kasi ng boses akala mo naman soundproof itong mansyon namin na kahit ata bulong mo ay tatagos doon sa kabilang bahay.  "Pa? Ba't si mama tawag sa inyo Ronaldo? Hindi ba babe? O kaya ay honey? O baby? O wife?" Nagkasalubong ang kilay ko.  "Eh tawag ko rin naman sa kanya Lolita. Di na namin kailangan ang ganyan anak. Pasalamat nga ako at hindi yung pangatlo kong pangalan ang tawag sa akin. O kaya ay yung acronym." Ngumiti si papa at pinagmasdan ang buhok kong hindi ko pa nasusuklay.  Oo nga pala. Ang buo niyang pangalan ay Ronaldo Ignacio Pakito Barit. Kung gagawing acronym edi RIP. Buti pa yung kay JK. Ang ganda pakinggan. "Hay! Ikaw bata ka. Di mo ba kilala ang salitang suklay? Kaya para kang sinasambunutan eh."  "Eh dry naman kasi talaga yang buhok ko. Pag may pera kayo papa ipahot oil mo yung buhok ko, pa." Ngumiti ako sa kanya habang sumusubo.  "Sige. Pag-iiponan yan ng papa mo."  Napabusangot agad ang mukha ko. Huli kong narinig ang mga katagang iyan noong Grade 5 ako dahil gusto kong ipaayos ang buhok ko. Pero ngayon yan parin bukambibig niya. Dalawang taon na ang lumipas. Hanggang ngayon pag-iiponan niya parin. Kaya nga nakokontento nalang ako sa buhok kong sabog.  Pinagbuksan ako ni papa sa front seat ng kotse namin. Siya ang naghahatid sa akin tuwing umaga eh. Siya narin sundo ko. Siya rin nagbibigay ng baon sa akin pag sinusumpong si mama at nahahayblood sa akin.  "Pa. Dito ko nalang kaya idikit sa kotse mo yung poster ko?" tanong ko sa kanya.  "Chanelle naman. Ilang taon ko nang ipinapaintindi sayo na hindi ito kotse. Taxi ito. Taxi." diin niya sa pangalan ng kotse niya. Eh kasi noong bata ako car ang tawag ko dito. Pero tinagalog ko na para hindi mahirap intindihin.  "Mas gusto kong tinatawag na kotse eh. Sige na pa. Ayaw mo niyan baka yung pitong asawa ko pa ang maging charm mo para marami kang maakit na pasahero." Ngumiti ako sa kanya.  "Ewan ko talaga sayong bata ka. Di ka naman sana nagdadrugs. Simula nang makita mo ang magpipinsan na yan doon sa playground noong bata ka pa ay naging ganyan kana kabaliw sa kanila. Memorize ko na nga ang pitong yan eh. Magpipinsang Delafuente! Si JK! Si Mamon!"  "Pa! RM! Hindi Mamon!" Humagalpak ako ng tawa.  "Yun parin yun magkatunog. Sino pa nga yan? Si V? Tapos yung katunog ng sigarilyo ang pangalan. Hope ba yun? At si Sylver. Tapos si Jiro. Si Minmin ba yung isa?" Mas lalo akong humagalpak ng tawa sa pinagsasabi ni papa. Kabisadong kabisado pala ha.  "Pa! Jame Brancen yun hindi Minmin! Harel yung isa." Tawang tawa ko paring paliwanag sa kanya. Bukambibig ko kasi yan parati sa bahay kaya nakikilala niya narin. Nakakabisado niya na kahit papaano. Pero pag pinapaturo ko sa kanya isa isa hindi niya mapunto dahil magkakamukha daw. Si V napagkakamalan niyang  si JK tapos si Jame Brancen naman si Sylver. Magpipinsan kasi kaya magkakamukha.  "Ah basta yun BTSU at sinasabi mong maaasawa mo ang isa sa kanilang pito. Naku Chanelle, ang taas ng pangarap mo. Halos wala nga tayong pampaderma diyan sa mukha mong tinadtad ng kung anong tigidig o pimple ba yan tapos nagdedemand ka pang mag-aral doon." Nailing si papa. Napabuntong ako ng hininga. Ipinamukha pa talaga sa akin na ang panget ko eh. Tanggap ko naman na wala kaming pera para mag-aral ako sa mamahaling eskwelahan na iyon. Na itong ganda ko ay pangpublic lang talaga. Pero nakakalungkot lang kasi, gustong gusto ko na silang makita ulit. Simula nang makita ko sila doon sa playground na pinagtatrabahuan ni mama ay hindi ko na sila nakalimutan pa. At doon ay tinanong ko talaga yung may-ari ng tinitirhan ni mama kung sino yung mga nakatira sa subdivision na yun. Yung may maraming batang lalake. Kilala pala sila doon dahil nanggaling daw ang mga batang yun sa mayamang angkan ng mga Delafuente kaya simula noon ay nagresearch na ako tungkol sa kanila. Itong picture nila pinadevelop ko pa. Nagkakaroon kasi sila ng photoshoot bawat taon eh. Pinopromote nila yung school nila. Pinopost narin doon sa isang fanpage. Sayang nga at isang linggo lang kami ni mama doon sa bahay na iyon. Bumalik rin kasi sila kaya hindi na nagtatrabaho si mama doon. Simula noon ay di ko narin sila nakita. Bawal kasing pumasok sa subdivision na iyon pag hindi ka nakatira sa loob o wala kang kakilala doon na pwede kang papasukin.  Hindi ko alam kung anong tawag dito sa pagkagusto ko sa kanila. Inlove? Basta ay nalove at first sight ako sa pitong iyon. "Bye pa! Salamat. Sunduin mo ulit ako mamaya ha." Ngumiti ako kay papa dito sa labas habang dinudungaw siya sa bintana.  "Oo na. Ingat ka. Wag puro landi sa klase mag-aral ng mabuti."  Tumango ako kay papa at ngumiti. Sa tuwing sumasakay talaga ako diyan sa kotse niya may pabaon siya saking mga pangaral. Okay lang naman daw yung mga pinsan na pinagpapantasyahan ko kasi malayo naman daw yun. Para lang daw akong nag-iidolo ng isang mga artista. Ganoon sila kataas. Ang hirap abutin.  Hawak ko pa ang magkabilang laylayan ng suot kong backpack dito sa labas habang tinatanaw yung kotse ni papa na unti unti nang nawawala. Yung uniporme ko medyo gusot na dahil sa pagpasok ko doon sa ilalim ng lamesa. Kasi naman si mama alam kong makakatikim na naman ako sa kanya. Pinagpagan ko iyon lalo na't may dumikit pang balahibo ni yaya. Tulugan niya kasi yun doon.  "Chan!" Napalingon agad ako sa babaeng nagtatatakbo na papunta dito sa kinaroroonan ko. Nang makalapit siya ng tuluyan ay dinamba niya agad ako ng yakap.  "Shy!" Tuwang tuwa akong yumakap narin.  "May balita ako sayo tungkol doon sa mga asawa mo! May update ako! Dali!" Pinaghihila na ako ni Shaira papasok sa eskwelahan. Kilala niya rin kasi ang pito dahil narin kinababaliwan ko sila. Parati kong bukambibig eh. Sa cellphone niya rin kasi ako nagfifacebook. May internet connection kasi sa bahay nila. Meron rin siyang crush sa pito eh pero sinabi ko taken na silang lahat dahil asawa ko sila.  "Talaga? Ano!"  "Si JK! Hindi siya mag-aaral sa BTSU! Maghohomeschool lang siya." sabi niya sakin habang kinukuha ang touchscreen niyang phone. Ako kasi yung may keypad pa. Kaya hindi rin ako updated. Ni pangload nga wala ako! Kaya si Shaira nalang ang nag-uupdate sa akin.  "Talaga?! Hala bakit? Nakakalungkot naman." Napasimangot ang mukha ko. Bakit kaya? Tapos yung mga pinsan niya nag-aaral naman sa eskwelahan nila.  "Ewan ko nga eh. Hayaan mo na. Mamaya mag-aabang tayo sa labas ng school nila. Kahit yung anim nalang ang makita mo. Sa susunod nalang si JK." Napatili agad ako sa sinabi ni Shaira. Halos mapatingin sa akin yung ibang mga estudyante lalo na't nagtatalon pa ako at niyuyugyog siya. Naeexcite lang kasi ako eh. Kahit makita ko lang sila okay na sa akin.  "Kakapasok ko pa lang boses mo agad ang sumasalubong sa akin Chanelle." Napalingon kaming dalawa ni Shaira sa likod namin at nakita si Jhazmine na blangko lang ang mukha. Nagawa niya pang hawiin ang sidebangs niya. Kumpara kasi sa buhok kong dry, sa kanya ay masyadong shiny. Derebond. Pero natural naman. Dahil lang talaga yan sa mamahaling shampoo nila.  "Jhaz! Eh kasi pinag-uusapan namin yung mga asawa niya! Uy punta tayo mamaya doon sa BTS University! Abangan natin sila mamayang lunch! Baka kasi lumabas sila." sabi ni Shy, excited rin. Suportado talaga ako nito eh.  "Wag niyo akong dinadamay sa kabaliwan niyong dalawa." Umirap siya sa amin kaya napanguso kaming dalawa ni Shaira. Sila ang bestfriend kong dalawa dito sa school eh. Simula nung Elementary ay magkaklase na kami. Mayaman sila Jhazmine pero mas pinili niyang sa public mag-aral dahil malapit lang daw sa subdivision nila. At ayaw niya daw doon sa private kasi maraming maaarte. Ganoon rin si Shaira, mayaman rin sila. Pero yung rason niya dahil mas gusto niyang kaklase kaming dalawa. Kumpara kay Jhazmine, madali kong nakakasundo si Shaira. Si Jhazmine kasi kj. Medyo mataray. Seryoso. Habang si Shaira naman ay baliw, kalog, may sapi at isipbata. Kaya nagkakasundo kami. Magpinsan ang dalawang yan.  Pumasok rin naman kami. Kaklase ko silang dalawa eh. Sabay kasi kaming nagpaenroll.  "Nakakainggit yung mga kaklase ngayon ng magpipinsan. Yung nakakatabi nila. Ano kayang feeling no? Baka ako nagtitili na ako. Imumudmod ko talaga yung sarili ko sa desk niya para mapansin niya ako." Humalakhak si Shy sa sinabi ko. Nandito na kami ngayon sa cafeteria eh. Kumakain. Pero libre ng dalawa. Kaya rin naiipon ko yung mga baryang baon ko dahil sa dalawang ito. Wagas kasi kung makaorder ng pagkain pero hindi naman nauubos sa sobrang rami. Ipapasok ko itong pera ko sa maliit kong baboy. Nag-iipon ako eh. Ang target ko ay makakain doon sa Yoonmined. Yung Restaurant nila Sylver. Ang mahal kasi ng pagkain! Gusto kong makapasok man lang. Baka makita ko rin sila doon.  "Oo nga Chan! Tapos malalove at first sight siya sayo! Magkakatitigan kayong dalawa ng ilang sigundo!" Nagtitili na kaming dalawa ni Shy.  "First sight lang walang love. Baka nga isang sigundo lang ang titigan iiwas agad ng tingin sayo. Mukha ni Chanelle di kayang tingnan ng dalawang sigundo. Pang-isang sigundo lang yan. Masyadong polluted." sabi ni Jhazmine na sumubo na ng fries. Kahit kailan talaga ang kj niya!  "Jhaz suportahan mo naman kami ni Shy!"  "Nakakahiya talaga kayong dalawa kasama. Ewan ko ba kung ba't ako nagtitiis sa inyo." Naiiling niyang sabi. Ang seryoso pa ng mukha.  Ibinaling ko nalang ulit ang tingin ko kay Shy. Nagkwentuhan lang kami nang nagkwentuhan.  "Kung pwede ko lang talagang ibenta itong dalawang kidney ko makapag enroll lang sa paaralan na yan." Napasimangot ako. Mayaman naman kasi talaga dapat kami. Pera nalang talaga yung wala sa amin. Buti pa itong dalawang ito. Ang parents kasi ni Jhazmine nasa Canada kaya nakatira lang siya sa bahay nila Shaira. Tapos kay Shaira naman ay businessman ang papa niya. Nagtatrabaho sa isang kompanya ganoon rin ang mama niya. Sa Enriquez ata iyon.  "Utak ipis ka kasi. Pati scholar hirap mong ipasa. Move on Chanelle."  Napasimangot ako kay Jhaz. Pinaalala pa talaga eh! Kasi nag-apply ako bilang scholar doon. Hindi ko naman inaasahan na ang hirap pala ng examination sa scholarship sa BTS University! Di ko kinaya yung mga tanong! Halos inulit ulit ko pang basahin! Idagdag pa yung mga shapes na nilologic ako! At yung oras na nakakapressure! Kaya ayun, di ako pumasa. Grabe nga ang iyak ko nang araw na yun doon sa bahay nila Shaira eh.  "Alam mo Jhaz, para kang yung babaeng kasama ni Jiro. Napakalaitera rin! Sadyang ang hihirap lang talaga nung mga tanong eh." Pumangalumbaba ako dito sa kinauupuan ko habang sumusubo ng ilang stick ng french fries sa bibig ko.  "Eh simula Elementary tayo hirap ka naman talaga ah? Pati nga yung examination natin sa English iniyakan mo dahil hindi mo napag-aralan." Nagawa pang magtaas ng kilay ni Jhazmine sa akin. Napanguso lang ako at nag-iwas ng tingin. Pinaalala pa talaga sa akin.  "Kasi bata pa ako noon!" depensa ko.  "Hanggang ngayon parin naman ah? Anong palusot mo ngayon na matanda kana? First year kana." Tumaas lalo ang kilay ni Jhaz sa akin. Nag-iwas nalang ulit ako ng tingin. Wala talaga akong laban diyan sa bibig niya. Maldita eh. May mataas na sungay.  "Wag mo ngang inaaway si Chanelle, Jhaz! Palibhasa makinis yang mukha mo kumpara sa kanya kaya ganyan kana kung ibully siya."   Mas lalo akong napabusangot. Magpinsan nga ang dalawang ito. "Aray Shy ha. Pinapamukha mo pa talaga sa akin." "Ay sorry Chan! Wag mong dibdibin yung sinabi ko. Si Jhazmine kasi eh! Ayan tuloy." Napanguso si Shaira.  "Di niya yan didibdibin. Wala siya niyan." Ngumisi si Jhaz sa akin at napatingin sa dibdib ko. Kulang nalang ay masira ang ekspresyon ng mukha ko. Idodonate ko na talaga itong bestfriend ko! Pahingi ng bestfriend na mabait! Nakakainis! Tapos itong si Shy tawang tawa narin. Pahingi na nga lang ng normal na mga kaibigan. Pero ang swerte ko rin naman sa dalawang ito eh. Maswerte ako dahil may kaibigan akong hindi ako pinaplastik at hindi ako inaayawan dahil lang kapos kami sa buhay. Mayayaman sila pero kinaibigan parin nila ako. Wala naman kasi sa estado ng buhay ang salitang kaibigan. Nasa samahan yan at pag-uunawaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD