Jame Brancen Delafuente
Hindi parin ako makamove on nang araw na iyon. Pakiramdam ko ay itinapon ko lang ang isang bituin na nahulog sa langit! Ganoon ang panghihinayang ko. Pag naiisip ko iyon ay naipapadyak ko nalang ang mga paa ko. Kasi naman nasa harap ko na tapos ganon ganon lang?! Di man lang ako tiningnan! Parang yung kay RM lang rin! Dapat talaga ay may mga tambak akong plano para pag nasa harap na nila ako ay may plano ako. Kasi naman bigla bigla nalang silang sumusulpot. Si Shaira pa itong nakakakita sa kanila.
Napapitlag ako dito sa upuan ko nang may lumagapak sa ulo ko.
"Ayan. Ano? Bumalik kana ba sa pagiging normal mo?" Umismid si mama sa akin. Pinalo ako ng hawak niyang sandok! Kahit ano talaga ang mahawakan niyan hindi siya magdadalawang isip na ilagapak iyon sa ulo ko.
"Ma naman! Kaya ako nagiging bobo dahil diyan sa ginagawa mo eh!" Hinimas ko ang ulo ko habang hindi maipinta itong hitsura ko. Isang buwan na ang dumaan pagkatapos ng ingkwentro namin ni V pero hanggang ngayon ay malinaw parin sa akin ang lahat. Sobra akong nanghihinayang sa aming dalawa ni V!
"Eh para kang kinukumbolsyon diyan sa inuupuan mo! Ano Chanelle? Sabihin mo lang na nawawala kana sa sarili mong katinuan at ipapaalbularyo na kita. Matagal ko na talagang plano ang bagay na iyan. Palala ka nang palala!" Padabog na inilagay ni mama ang pitsel na may lamang tubig dito sa mesa. Kakatapos niya lang kasing magluto kaya ako itong nag-aabang na dito sa mesa para makakain na ako kaso sumasagi talaga iyon sa utak ko kaya naiinis ako at naipapadyak ko itong mga paa ko. Para akong nangingisay dito sa upuan ko.
Napanguso lang ako at sumandok nalang ng kanin. Ayokong patulan yang pinagsasabi niya baka makatikim na naman ako. Wala pa naman si papa dito. Busy sa pamamasada ng kotse niya.
"Ma? Ba't yung ulam natin paulit ulit?" tanong ko sa kanya habang sumasandok narin ng itlog. Parang isang linggo na ata akong nagtitiis ng itlog. Paiba iba lang talaga yung pagkakaluto araw araw. Fried, broiled, sunny side up at kung ano ano pa basta ay itlog. Nasasarapan rin naman ako basta hindi nawawala yung tomato sauce.
"Bakit? Paulit ulit narin ba ang kulay ng tae mo kaya ka nagrereklamo?"
Marahas kong nabitiwan ang kubyertos ko. Naiimagine ko tuloy!
"Kadiri! Ma!" Nangisay ako dito sa inuupuan ko. Ano ba itong ina ko? Walang table manners! Kahit ano ang pinagsasabi! Mas may manner pa ata si yaya eh! Tahimik lang kasi iyon kumain!
"Sige mag-inarte ka. Total nandiyan naman si yaya. Para naman makakain ng matino ang aso mo." Napangiwi ako at sinilip si yaya sa ilalim ng mesa na natutulog. Diet yan eh. Diet kasi walang makaing matino.
"Magkano ba yung dogfood?" tanong ko nang mag-angat ako ng tingin sa kanya. Nagsimula nalang akong sumubo at kinalimutan na yung sinabi niya.
"Bakit? Bibili ka? Ni pangload diyan sa cellphone mo na kinse lang naman sana ay hindi mo pa maloadan." Umismid si mama sa akin.
"Nagtatanong lang naman ako ah." Ngumuso ako at itinuon nalang ang buo kong atensyon sa kinakain ko. Naaawa lang naman ako sa aso ko. May breed pa naman yan tapos yung kinakain tira tira. Sino kaya ang may-ari sa kanya?
Walang pasok ngayon kaya tinanghali ako ng gising. Wala na dito si papa eh. Namamasada na ata.
"Bilisan mong kumain diyan. Hugasan mo yang mga pinggan. Pagkatapos ay tulungan mo ako sa paglalaba. Tupiin mo rin yung mga sinampay ko na natuyo na. Magwalis ka dito sa loob lalo na't ang kalat na. Tsaka paliguan mo yang aso mo parang nangangamoy na eh. Yung basura ilabas mo narin para makuha ng truck bukas ng umaga."
Halos maging pagong ang pagsubo ko sa dami ng utos ni mama sa akin. Hindi pa nga lang ako tapos kumain pero ang rami niya nang utos. Ang bilis pang magsalita at sunod sunod lahat ng utos niya. Ayoko na atang matapos dito sa kinakain ko. Kakain nalang ako habang buhay.
"Chanelle bilisan mo diyan! Pag nakabalik ako dito at nadatnan kang kumakain pati yang kutsarang sinusubo mo ipapalunok ko yan sayo. Napakatamad mo talaga. Wala kanang nagagawa dito sa bahay dahil ang bagal mong kumilos. Kung hindi lang talaga kita anak matagal na kitang nilatigo." Umaabot parin sa tenga ko ang pangaral niya kahit na umaakyat na siya doon sa taas. Kukunin niya siguro yung mga sinampay niya.
Sinasabi niyang tamad ako eh kaya lang naman ako tinanghaling gumising dahil tinapos ko yung utos niya sa akin na kiskisin yung kasuluksulukan ng banyo namin! Tapos pag nakita akong nakaupo para magpahinga diyan niya naman sasabihin na ang tamad ko! Di ko talaga maintindihan. Kung pwede ko lang talaga pangaralan ang mama ko na bunganga siya nang bunganga at utos nang utos ay gagawin ko talaga. Ang sakit pa naman sa tenga niyang bibig niya.
Napabuntong ako ng hininga at sinilip si yaya sa ilalim ng mesa. Hindi ko nalang inubos ang kinakain ko at inilagay doon sa lagayanan ng pagkain niya. Awtomatiko naman itong nagising at kinain iyon. Buti pa itong aso na ito, gigising lang para kumain.
"Alam mo ikaw yaya. Napakabatugan mo. Wala kanang ginawa dito sa bahay kundi matulog. Bilisan mo ang pagkain diyan, hugasan mo yung mga plato. Pagkatapos ay tulungan mo ako sa paglalaba. Tupiin mo rin yung mga sinampay ni mama na natuyo na. Magwalis ka dito sa loob lalo na't ang kalat na. Tsaka paliguan mo sarili mo kasi parang nangangamoy kana eh. Yung basura ilabas mo narin para makuha ng truck bukas ng umaga." panggagaya ko sa boses ni mama. Para naman may napapangaralan ako dito. Kay yaya ko pinapasa lahat eh. Nang hindi lang ako ang pumapasan ng bigat ng nararamdaman ko sa tuwing nagbubunganga si mama. May karamay rin ako.
"Chanelle labas na diyan sa ilalim ng lamesa! Naririnig kita! Maghugas kana diyan ng pinggan! Unahin mo yang trabaho mo mamaya na yang kaabnormalan mo!"
Napapitlag ako dito sa ilalim ng lamesa. Sa sobrang taranta ko sa boses ni mama ay tumama pa yung ulo ko sa taas. Kumusta na kaya yung utak ko sa loob? Pang-ilang beses na kasing naaalog. Hindi ba nakakaturn-off iyon sa magpipinsan? Ang importante ay mabait ako. Hindi bale nang hindi matalino. Pasok naman ako sa standards nila eh. Mabait. Diba yun naman talaga ang mga katangian na hinahanap ng mga lalake? Siguro?
Yun nga ang ginawa ko buong araw. Kinakawawa ata ako nitong ina ko. Ang sabi nila maswerte ka daw pag nag-iisa kang anak ng mga magulang mo dahil mamumuhay ka na parang prinsesa. Eh ba't ako pakiramdam ko isa akong yaya? Ako lahat sumasagot sa gawaing bahay. Wala akong katulong. Sana pala ay may kapatid ako para yun ang nauutusan ko sa tuwing uutusan ako ni mama. Parang wala narin kasing balak na magdagdag yan ng kapatid ko. Mas lalo daw kaming maghihirap pag may dumagdag na palamunin.
Pahiga na ako sa higaan ko dahil sa p*******t ng katawan ko nang tumunog itong cellphone ko. Si Shy tumatawag. Agad ko naman iyong sinagot.
["Chan! Punta ka dito sa bahay! Birthday ng katulong namin. Hihintayin ka namin ni Jhaz. Ihahatid ka rin namin pagkatapos."]
"Sige. Magbibihis lang ako. Dadalhin ko si yaya total pinaliguan ko ito kanina."
["Okay sige! See you!"] Namatay rin ang tawag. Mabilis akong nanghalungkat ng maisusuot. Nagshort nalang ako at tshirt. Malapit lang rin naman kasi ang subdivision nila Shy. Kilala narin naman ako ng guard doon kaya pinapapasok na ako.
"Aba... nakashort ka pa. Saan ka manlalalake?" puna ni mama sa suot ko. Purket nakashort lang ay manlalalake na?
"Birthday ng katulong nila Shy. Isasama ko si yaya para makakain siya doon ng marami. Babalik lang rin naman po agad ako. Ihahatid nila ako ma kaya hindi mo na kailangang mag-alala." Ngumiti ako kay Mama at kinuha si yaya na natutulog na naman sa ilalim ng mesa. Magkasalubong lang ang kilay ni mama habang sinusundan ako ng tingin.
"Umuwi ka agad. Hahanapin ka ng papa mo pag-uwi nun."
"Opo." Nakangiti akong lumabas ng bahay namin. Buhat buhat ko pa si yaya.
May kalsadang madadaanan bago makarating doon sa subdivision nila. Ano kayang feeling na mayaman ka? Yung hindi ka namomroblema na wala kang pera kundi namomroblema ka kung paano mo lulustayin ang mga pera mo sa sobrang rami. Ni minsan hindi naging problema kay Shy at Jhaz ang pera. Ako ni minsan, walang araw na hindi ko pinoproblema ang pera.
Yung magpipinsan kaya? Ano kayang naging problema nila? Sigurado akong hindi sila namomroblema sa pera at namumuhay ng marangya. Ano kayang ginagawa nila sa oras na ito? May pinopormahan ba sila? Sino kaya sa pitong iyon ang magiging asawa ko? Alam ko napakaimposible pero nangangarap parin ako. Darating rin ang araw na isa sa kanila ay mapapansin ako. Baka si V? Ang kukyut siguro ng mga anak namin. O kaya ay si JK? Si RM? Jame Brancen? Sylver? Jiro? Harel? Sino sa pito? Meron ba talaga? Kasi naman ang taas nila. Tapos ako, parang isa lang sa mga babaeng nagkakagusto sa kanila. Ang simple simple ko lang. Ni hindi kami mayaman. Hindi ko nga halos afford yung kumain man lang sa Yoonmined Restaurant. Hanggang ngayon ay pinag-iipunan ko pa.
Pinapasok rin naman ako ng gwardya pagdating ko doon. Kilala na kasi talaga ako niyan.
"Ang tagal mo nang hindi nakakapunta dito Chanelle ah?" tanong niya sa akin.
"Opo. Busy kasi sa school. Buti po at hindi niyo ako nakalimutan." sabi ko.
"Paanong hindi kita makakalimutan eh hanggang ngayon ay nandiyan parin sa mukha mo ang palatandaan ko sayo. Dumadami pa nga ata eh." Humalakhak si manong na ikinasimangot ko.
"Biro lang Chanelle. Maganda ka naman eh. Siguro pag nawala yang pimples sa mukha mo. Sige na. Pasok kana. Hinihintay kana siguro nila Maam Shaira."
Tumango ako at nagpasalamat saka rin umalis doon sa harapan niya. Panget ba talaga ako? Pag natanggal ito ibig sabihin ay maganda na ako? Ang mahal rin naman kasi pag magpapaderma ka. Lagpas isang libo ata.
"Chan!" Niyakap agad ako ng mahigpit ni Shy nang makapasok ako sa malaki nilang gate. Parang yung mga imbitado lang ay ang pamilya ng katulong nila.
"Papasukin mo agad yang si Chanelle sa kusina Shy. Baka malipasan yan ng gutom diyan at lumala yan." sabi ni Jhaz na dinudungaw kami dito. Nakapambahay lang siya pero ang ganda niya parin. Kahit na hindi naman palangiti. Ang cold niya. Ganoon ba talaga pag mayayaman? Parang normal sa kanila ang pagiging maganda. Ang pagkakaroon ng makinis na mukha. Ang magandang buhok. Hindi kagaya sa akin.
"Halika na Chan. Nagpaluto ako ng paborito mo! Pakainin rin natin si yaya!" Hila hila ako ni Shy habang papasok kami. Kilala narin kasi ako dito eh.
Malaki ang bahay nila. Dalawang palapag rin katulad ng sa amin. Pero iba naman kasi yung mansyon namin eh. Simple lang, katulad ko. Hindi gaya ng bahay nila Shaira na elegante kagaya rin nila ni Jhazmine. Yung kwarto nga ni Shaira at Jhazmine ang lalaki. Kulay light pink pa yung pader. Tapos yung ilaw nila dito sa sala ang laki. Parang chandelier. Hindi kagaya sa amin na dalawang bombilya na nga lang na maliliit nasira pa yung isa. Tapos may mga paintings sila. Ang hahaba ng kurtina dahil narin ang lalaki ng bintana. De tiles yung sahig. May carpet rin. Malaking flatscreen tv. De shower ang mga banyo na may bathtub pa. Basta. Yung masasabi mo talagang mayaman ang nakatira sa bahay na ito.
"May balita ka ba sa magpipinsan?" tanong ko sa kanya nang makapasok kami sa kusina. Ang raming pagkain! Naglalaway na nga ako sa chocolate cake eh! May spag rin. May birthday nga! Yung yaya nga lang yung may birthday tapos ganito na kaenggrande. Eh yung si yaya ang nagbirthday binilhan lang ni mama ng hotdog eh. Isang linggo niya rin yung pagkain dahil isang pack na cheese dog ang binili ni mama. Pag nagbibirthday ako sapat na yung spaghetti eh.
"Wala eh. Yung mga f*******: nila wala gaanong post. Parang hindi naman sila active sa social media." sabi niya habang nilalagyan ng maraming pagkain ang plato ko. Ibinaba ko narin si yaya para makain niya narin ang inilapag ni Shy doong pagkain.
"Baka busy sila." sabi ko.
"Siguro." sagot niya.
Nagkwentuhan lang kami ni Shy tungkol sa magpipinsan. Sa tuwing magkasama kaming dalawa silang pito lang ang pinag-uusapan namin. Si Jhazmine kasi tahimik lang yan sa sulok at nasa cellphone ang atensyon. Di niya ugaling nakikisali. Pero nakikinig naman tapos sisingit lang para putulin ang kasiyahan namin ni Shy.
Pagkatapos kong kumain doon at makipaglaro ng xbox kay Shy ay inihatid rin naman nila ako pauwi. Nasa may daan na kaming tatlo nang niyugyog ako nitong si Shy. Nagawa niya pa kasing ibaba si Yaya kaya yung aso ko natulog lang rin doon sa binabaan sa kanya ni Shy.
"Kotse ni Sylver! Chanelle oh! Kotse ni Sylver!" Nanlaki narin ang mga mata ko at sinundan ang itinuro ni Shy na kakahinto lang dahil red ang traffic light. Gulat na gulat narin ako. Sa isang iglap ay gusto kong tumakbo papunta doon at katukin yang tinted niyang pinto.
"Jhaz anong gagawin ko! Anong gagawin ko!" Natataranta na ako habang niyuyugyog si Jhaz. Ayaw ko nang magtanong kay Shy. Baka hindi na naman tumalab yang plano niya at maging katulad lang noon ang kinalabasan.
"Tumawid ka. Tapos magpasagasa ka. Malay mo magkasparks kayo dahil ihahatid ka niya sa hospital at maaawa siya sayo." Matabang niyang sabi sa akin. Hindi ko alam kung nagbibiro lang ba siya o ano. Pero ang seryoso kasi ng mukha niya.
Naglalaro ngayon sa utak ko ang sinabi ni Jhazmine. Oo nga naman Chanelle. Tapos ay bibisitahin na ako araw araw ni Sylver sa hospital. Baka nga ay hindi niya ako iwanan. Sa pamamagitan nun ay mapapalapit kami sa isa't isa. Baka nga ay madevelop siya sa akin.
Naging green na ang traffic light kaya yun nga ang ginawa ko. Bigla akong tumawid at huminto agad doon sa magiging daanan niya. Napapikit na ako dito habang rinig ko ang nakakabinging sigaw ni Jhaz at ni Shy sa akin pati ang busina ng mga kotse.
"Hoy Miss! Magpapakamatay ka ba?! Wag dito! Doon ka sa Mall tumalon! Nakakaabala ka sa daan! Traffic na nga dadagdag ka pa!" sigaw nung isang driver sa akin kaya naimulat ko agad ang mga mata ko at nakita ang kotse ni Sylver na sumapo na sa isang puno.
"Pasensya na kayo. Takas lang talaga sa Mental itong babaeng ito!" Hinigit ako ni Jhazmine paalis doon.
"Teka! Jhaz! Nabangga ang kotse ni Sylver! Nandoon siya sa loob!" Pinagtuturo ko ang kotse ni Sylver na ngayon ay nirerespondehan na ng isang ambulansya. Hindi ba siya marunong magmaneho?! Ba't siya nabangga?!
"Itikom mo yang bibig mo Chanelle! Baliw ka! Ba't bigla bigla ka nalang tumatawid! Kung hindi ka niya nailagan ay sigurado akong ikaw ang isusugod ngayon sa hospital!"
"Yun naman talaga ang sinabi mo diba Jhazmine! Sinunod lang naman ni Chanelle ang sinabi mo ah. Nako Chanelle. Wala rin namang kwenta ang pagharang mo hindi ata marunong magmaneho. Doon sa puno--Aray! Jhaz!" sabay kaming napasigaw ni Shy dahil kapwa niya na kami pinagpipitik sa noo na kahit si Shy ay hindi naipagpatuloy ang sasabihin niya sana.
"Sarkastiko iyon Chanelle! Sinong matinong babae ang magpapasagasa?! Ugh. Baliw ka talaga. Ngayon anong nangyari?! Napahamak siya dahil sayo." Nanlumo akong napatingin doon sa pinagkakaguluhan na kotse ni Sylver. Binuksan na iyon ng mga lumabas na tao sa ambulansya at tinulungan doong ilabas si Su--"Si Jame Brancen! A-Akala ko ba kay Sylver iyan?! Ba't si Jame Brancen ang nasa loob?!" gulat na gulat ang mukha ko. Hawak hawak pa ako ni Jhazmine sa pulso ng kamay ko. Ang isa rin niyang kamay ay mahigpit na nakahawak kay Shy. Para kaming mga bata at si Jhazmine ang Mama namin para hindi kami mawala sa paningin niya.
"Oo nga si Jame Brancen! Ibig sabihin ay siya yung nasa loob?!" gulat ring sigaw ni Shy. Magkatulad lang ang ekspresyon naming dalawa ngayon. Nanlalaki ang mga mata at laglag ang panga.
"Tingnan mo ang naging resulta ng kabaliwan mo Chanelle. Pasalamat ka at mukhang hindi mo napatay ang pinagpapantasyahan mong aasawahin. Kung hindi ay magiging matandang dalaga ka talaga." Umismid si Jhazmine sa akin. Nandoon parin kay Jame Brancen ang tingin ko. Isinasakay na siya sa loob ng ambulansya. Mukhang wala namang dugo ang ulo niya. Ang gwapo niya parin! Akala ko talaga si Sylver ang nasa loob. Tinted kasi yung kotse eh.
"Ba't naman ako tatandang dalaga Jhaz? Eh may anim pa naman eh." Napanguso ako.
"Tatandang dalaga ka sa kulungan gaga." sagot niya sakin.
"Kasalanan ko ba?" Malungkot kong sabi.
"Hindi Chan! Wag kang makinig diyan kay Jhazmine! Aksidente iyon." Tinakpan agad ni Shy ang magkabila kong tenga. Hawak parin ni Jhaz ang pulso ko. Ang higpit nga eh. Ayaw niya talaga akong bitawan. Siguro takot na takot siya kanina na baka ay nasagasaan ako.
"Kung hindi siya tumawid hindi siya iilagan ni Jame Brancen." sabi pa ni Jhaz. Mahina lang ang naririnig ko pero malinaw parin iyon sa pandinig ko.
"Kung hindi mo siya sinabihang tumawid siya hindi tatawid si Chanelle!" bwelta naman ni Shy sa pinsan niya.
"Kung matino siyang babae hindi niya susundin ang sinabi ko." Nagtaas ng kilay sa akin si Jhaz.
"Ako dapat yung isinugod sa hospital eh! Ako dapat ang sinusugod ni Jame Brancen sa hospital!" Pagmamaktol ko dito. Naipadyak ko pa ang magkabila kong paa.
Sana naman ay walang bali na natamo si Jame Brancen. Kawawa naman yung kotse ni Sylver. Hindi kaya sila pagagalitan niyan? Baka kasi nabagok yung ulo ni Jame Brancen tapos nagkaamnesia siya! Kawawa naman. Ba't ba kasi siya hinayaang magmaneho eh halatang hindi naman siya gaanong marunong.
"Dapat sa Mental Hospital ka sibusugod. Hindi sa hospital." sabi naman ni Jhaz sa akin.
Napasimangot lang ako. Naibalik ko ang tingin ko sa kotse ni Sylver na nagasgas ata ang harap. Siguro ay may kukuha niyan.
"Bumisita kaya tayo sa hospital?" Nilingon ko si Jhaz na seryoso parin ang mukha at nasa kotse rin ang tingin.
"Umuwi kana Chanelle. Hahanapin kana ng papa mo. Mag-aalala iyon." Seryosong sabi ni Jhaz sa akin.
"Pero Jhaz nabangga si Jame Brancen! Kahit silipin lang nati--"O baka gusto mong isumbong kita sa papa mo na tumawid ka at kamuntik kanang masagasaan?" Tumaas ang kilay niya sa akin. Natigilan ako at napakurap sa kanya. Kahit si Shy ay napanguso narin. Alam kong seryoso siya diyan dahil nagawa niya na akong isumbong noon sa papa ko. Kaya nga akala ko seryoso rin yung sinabi niya kanina.
"Ihatid niyo na ako. Yaya. Nakatulog kana dito ah? Halika. Umuwi na tayo. Tara na." Ngiting ngiti kong binuhat si Yaya at nauna pa akong maglakad sa kanila. Napasimangot rin naman ang mukha ko. Kumusta kaya si Jame Brancen? Ang gwapo niya kanina kahit sandali ko lang nasulyapan ang mukha niyang inilabas sa kotse ng kapatid niya. Sigurado ako nag-aalala ngayon ang mga pinsan niya. Ang sarap sigurong nandoon ako bilang girlfriend niya tapos ako ang nag-aalaga sa kanya. Kailan kaya matutupad ang pangarap ko?