FAYE
“Sayang naman kung titigil ka sa pag-aaral, Faye,” sabi ni Kuya Romeo sa akin nang sabihin ko sa kanya na hindi na ako makakapag-aral ngayong pasukan.
Tipid na ngiti lamang ang sinukli ko sa kanya dahil nahihiya ako, pero wala naman akong magagawa dahil alam kong hindi na ako kayang pag-aralin ngayon ng aking mga magulang.
“Sige po, Kuya Romeo, maiwan po muna kita dahil baka gabihin ako bago makabalik,” paalam ko sa kanya.
Hindi namin siya kamag-anak, pero naging malapit ako kay Kuya Romeo simula nang makasama namin siya ni Ate Danaya sa bahay ni Ate Precy.
Ang akala ko noon ay siya ang asawa ni Ate Danaya, pero may lalaking dumating dito sa isla at sinabing siya raw ang ama ng batang pinagbubuntis ni Ate Dana.
“Huwag ka nang maghanap ng trabaho sa bayan, Faye,” sabi ni Kuya Romeo sa akin.
“Bakit po?” tanong ko sa kanya.
“Maliit lang ang pasahod dito sa probinsya. Isa pa, maraming New People's Army ang nagkalat dito sa probinsya n'yo, Faye. Mas mabuti pang sa Maynila ka na lang magtrabaho,” sabi niya sa akin.
“Wala naman po akong kilala sa Maynila, Kuya. Isa pa, malayo po iyon at wala rin po akong alam na puwedeng tuluyan kung doon ako maghahanap ng trabaho,” paliwanag ko.
“May bahay ako sa Maynila,” mabilis na sagot ni Kuya Romeo. “Puwede kitang tulungan na makahanap ng magandang trabaho na may malaking sahod.”
“Talaga po?” natutuwang tanong ko sa kanya.
“Oo naman.” Ngumiti sa akin si Kuya Romeo at pagkatapos, sinabihan ang kanyang mga tauhan na pumunta na raw sa kampo nila at susunod na lang siya.
Natuwa ako sa sinabi ni Kuya Romeo dahil malaki ang tsansa na makahanap ako ng mas magandang trabaho sa Maynila. Malaki ang sahod doon kumpara dito sa probinsya, kaya naisip ko na malaki ang maitutulong nito sa aking pamilya.
“Sandali, tatawagan ko muna ang kaibigan ko. Mayaman iyon, siguradong mabibigyan ka niya ng trabaho.”
Tumango agad ako dahil excited na akong makapunta sa Maynila. Lahat kami dito sa probinsya iyon ang gusto dahil mas maraming oportunidad doon kumpara dito sa amin sa probinsya.
“Hey, it's me,” narinig kong sabi ni Kuya Romeo sa taong kanyang tinawagan. “May gusto sana akong tulungan at ipasok sa trabaho, ipapasok ko sana sa isa sa mga negosyong hawak mo.”
Tahimik na nakikinig ako sa mga sinasabi ni Kuya Romeo sa kanyang kausap. Napakalakas ng tîbok ng aking puso habang nakaupo ako katapat siya dahil nakaramdam ako ng kaba.
Naisip ko kasi, paano kung hindi ako matanggap? First year college lang ang narating ko at wala rin akong alam sa maaaring trabahong inaalok ni Kuya Romeo sa akin.
“Bata pa si Faye,” sabi ni Kuya Romeo sa kausap, at pagkatapos ay tumingin sa akin.
“Ilang taon ka na, Faye?” tanong niya sa akin.
“Eighteen po, kuya,” nahihiyang sagot ko.
Narinig kong sinabi ni Kuya Romeo ang edad ko sa kanyang kausap. “Bata pa siya at nag-aaral ng nursing, pero dahil hindi na raw siya makakapag-aral ngayong pasukan, kaya magtatrabaho muna.”
Nakaramdam ako ng lungkot nang marinig ko ang sinabi ni Kuya Romeo sa kanyang kaibigan, pero pilit kong sinikil ito dahil hindi makakatulong sa akin kung magsi-self-pity ako.
Paulit-ulit kong sinabi sa aking sarili na sa ngayon, hindi pa ako kayang pag-aralin ng aking mga magulang, pero bata pa naman ako at marami pang oportunidad ang darating sa akin.
Nakita kong ibinaba ni Kuya Romeo ang hawak na cellphone matapos niyang makausap ang kaibigan.
Nakangiting bumaling siya sa akin, “Faye, may nahanap na akong trabaho para sa iyo sa Maynila,” sabi ni Kuya Romeo.
Nanlaki ang aking mga mata habang nakatingin sa kanya dahil hindi ako makapaniwala na magkakaroon agad ako ng trabaho.
“Talaga po?” natutuwang tanong ko kay Kuya Romeo.
“Oo, marunong ka bang mag-alaga ng bata?” tanong niya sa akin.
“Opo, Kuya,” agad kong sagot.
“Mabuti kung gano'n,” sabi ni Kuya Romeo. “Ihahatid kita sa Maynila bukas, kaya maghanda ka na.”
Natuwa ako sa narinig ko dahil hindi ko naisip na magkakaroon agad ako ng trabaho, tapos sa Maynila pa at mas malaki ang sweldo.
Alam ko na kaya kong gawin ang trabahong papasukin ko sa Maynila dahil bata pa lang ako noon, naiwan ang bunso kong kapatid kapag nagtatrabaho ang aming mga magulang sa bukid. Isa pa, lapitin ako ng mga bata dito sa baryo, kaya nasanay akong inaalagaan ang mga anak ng kapitbahay namin dahil pumupunta sila dito sa bahay kapag walang pasok para makipaglaro sa akin.
Bago umalis si Kuya Romeo, sinabihan niya akong maghanda ng mga gamit na dadalhin ko dahil siya raw mismo ang maghahatid sa akin bukas sa bahay ng kaibigan niya sa Maynila.
Natuwa naman ako dahil malaking tulong iyon sa akin. Natatakot kasi akong sumakay ng bus at bumiyahe ng mag-isa papunta sa Maynila dahil baka maligaw ako.
First time kong pupunta doon, kaya kinakabahan talaga ako. Kaya laking pasasalamat ko na ihahatid ako bukas ni Kuya Romeo. Tapos, may trabaho na agad akong papasukan at hindi na mag-a-apply kung saan-saan.
Nang dumating si Mama mula sa pag-igib ng tubig sa balon sa likuran ng bahay ni Ate Precy, nagulat siya nang nadatnan niyang narito pa ako sa bahay at hindi pa nakakaalis.
“Oh, ang akala ko'y nakaalis ka na dahil nagbibihis ka na nang umalis ako,” sabi ni Mama sa akin.
“Hindi na po ako aalis, Mama,” nakangiti at masayang sagot ko.
“Aba'y bakit? Nagbago na ba ang isip mo?” tanong ng aking ina. “Hindi ka na ba maghahanap ng trabaho sa bayan?”
“Hindi na po, Mama.” Ngumiti ako sa aking ina at tinulungan ko siyang magbuhat ng timba na puno ng tubig.
“May nahanap na po kasi akong trabaho sa Maynila.”
“Paano?” gulat na tanong ni Mama sa akin.
Sinabi ko sa kanya na tinulungan ako ni Kuya Romeo na makahanap ng trabaho sa Maynila.
“Ang bait talaga ni Sir Romero,” sabi ni Mama. “Mabuti na rin na siya ang nagpasok sa iyo sa trabaho, para panatag kami dito dahil kilala niya ang pamilyang pagtatrabahuhan mo sa Maynila.”
Sang-ayon ako sa sinabi ng aking ina, kaya nabawasan ang pag-aalala at kabang nararamdaman ko. Alam ko kasi na hindi ako ipapasok ni Kuya Romeo sa bahay ng kaibigan niya kung alam nilang masama ang ugali ng mga magiging amo ko.
Nang sumapit ang gabi, nag-impake na ako ng mga gamit na dadalhin ko bukas sa Maynila. Nagpaalam na rin ako kay Papa na aalis ako dahil may nahanap na akong mapapasukan na trabaho.
Noong una, ayaw pumayag ni Papa dahil ayaw niya akong umalis. Bata pa raw ako at babae, tapos mag-isa akong pupunta sa lugar na hindi ako pamilyar, kaya nag-aalala siya sa akin.
“Papa, pumayag na po kayo. Para sa atin naman po ang gagawin ko,” pangungumbinsi ko sa aking ama.
“Pasensya ka na, anak. Dapat nag-aaral ka ngayon at hindi mo sana kailangang mamasukan kung hindi lang sana ako nabaril,” malungkot na sabi ng aking ama.
Ramdam ko ang bigat na kanyang nararamdaman. Kahit hindi sabihin sa amin ni Papa, ay nakikita kong nalulungkot siya ngayong wala siyang magawa para makapag-aral ako. Kaya kahit may lungkot rin akong nararamdaman, ay pinili ko pa rin ang maging positibo sa kabila ng pagsubok na dumating sa aming buhay.
Maaga pa lang ay handa na ang bag na dadalhin ko. Kaunti lang naman ang dala kong damit, kaya napagkasya ko ito sa backpack na ginamit ko sa school kapag pumapasok ako.
Pumayag na rin si Papa na umalis ako at pansamantalang magtrabaho sa Maynila dahil nangako ako sa kanya na mag-iipon ako para makapag-aral, at matutulungan ko rin ang aking kapatid.
Dahil hindi sinabi ni Kuya Romeo kung anong oras kami aalis, maaga akong gumising at naghanda. Kahit malamig ang tubig, naligo agad ako para handa na ako kung sakaling sabihin niya na aalis na kami.
Malayo kasi ang Maynila, kaya madaling araw pa lang ay umaalis na ang ilang kakilala kong nagtatrabaho doon kapag bumabalik sila dito sa probinsya para magbakasyon.
“Anak, anong oras ba ang alis ninyo ni Sir Romero?” tanong ni Mama sa akin.
“Hindi ko po alam, Mama. Hindi po kasi sinabi ni Kuya Romeo,” sagot ko.
Tumingin si Mama sa nakasabit na relo sa dingding. Alas-otso na pala ng umaga, kaya nagtatanong na siya sa akin dahil narito pa ako sa bahay.
“Aba'y mabuti pa, tawagan ko siya para alam natin kung anong oras kayo aalis upang makapaghanda ka, at tanghali na.”
Kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Kuya Romeo. Nakaupo ako sa tabi ng aking ina at tahimik na naghihintay kung anong sasabihin niya sa akin.
“Anak, alas-nueve raw ang alis ng helicopter sa Maynila,” sabi ni Mama.
“Po? Helicopter?” tanong ko kay Mama.
“Oo, para mabilis raw kayong makarating doon,” paliwanag ng aking ina.
Simula tuloy nang malaman kong sasakay ako sa helicopter, nakaramdam na ako ng takot at labis na kaba dahil first time kong sasakay sa ganong sasakyan. Tapos, sunod-sunod rin ang napanood kong aksidente sa telebisyon.
Napatayo ako nang marinig ko ang tunog ng parating na helicopter. Agad akong lumapit sa bintana, at mula sa kinatatayuan ko, kitang-kita ko nang lumapag ito sa plaza.
Bumilis rin ang tîbok ng aking puso nang makita kong bumukas ang pintuan ng helicopter at bumaba ang matangkad na lalaking nakasuot ng itim na damit at salamin, kaya kahit malayo ako sa kanya ay kitang-kita ko ang kaputian niya.
Siguradong siya na ang susundo sa amin ni Kuya Romeo para ihatid ako sa Maynila, kaya pumikit ako at huminga ng malalim para palakasin ang aking loob.
Wala nang urungan ito. Kahit nakakatakot ang mapalayo sa mga magulang at kapatid ko, ay gagawin ko ito para makatulong sa kanila at makapag-ipon rin ako dahil gusto kong ituloy ang aking pag-aaral.
Matapos magpakawala ng magkasunod na buntong-hininga, binuhat ko na ang bag na dadalhin ko at nagpaalam ako sa aking mga magulang na aalis na. Niyakap ko si Papa at sinabing huwag siyang mag-alala dahil tatawag agad ako sa kanila kapag nakarating na ako sa Maynila.
Nasa labas na rin ng bahay si Kuya Romeo at sinabing dumating na ang sundo namin.
“Sir, kayo na po ang bahala sa anak ko,” sabi ni Mama kay Kuya Romeo.
“Huwag po kayong mag-alala, Aling Irma. Mabuting tao po ang magiging amo ni Faye at siguradong hindi siya mahihirapan doon,” nakangiting sagot ni Kuya Romeo.
Matapos magpasalamat ang aking mga magulang sa sundalong kasama ko, nagpaalam na kami sa kanila.
Alam kong nakasunod ang mga mata ng mga kapitbahay namin dito sa baryo nang makita nila akong kasama si Kuya Romeo at nakabihis pa. Siguradong pag-uusapan nila ako, pero hindi na iyon mahalaga sa akin dahil ang priority ko ay ang makabuti para sa aking pamilya.
“Bro, ang akala ko ba'y tauhan mo ang susundo sa amin?” sabi ni Kuya Romeo.
Ngumisi ang lalaking kausap niya, at sa harap ko, sinuntok niya sa balikat si Kuya Romeo. Pagkatapos, bumaling ang tingin sa akin.
“Alam ko kasi na magrereklamo ka at kukulitin mo na naman ako kapag hindi ako ang pupunta dito para sunduin ka, kaya hindi ko na inutos sa mga tauhan ko,” nakangiting sagot ng lalaki na para bang naglalambing kay Kuya Romeo kahit kaharap ako.
Napakurap ako habang nakikinig sa usapan nilang dalawa dahil bigla akong may naalala.
Tama, siya nga ang lalaking laging binibida ni Kuya Romeo sa amin ni Ate Danaya noon. Siya rin ang nakita ko sa ilang larawan na nakaakbay noon sa lalaking katabi ko na para bang naglalampungan sa isang party, kaya napa-ngiwi ako sa harap nila.
Gwapo sana, kaya lang lalaki rin pala ang hanap niya. Tapos si Kuya Romeo naman, nagpanggap na asawa ni Ate Danaya dito sa isla para huwag paghinalaan na bading siya.