Prologue
FAYE
“Name your price, para pumayag ka lang na pakasalan ako, Miss Ramos.”
Awang ang aking mga labi habang nakatingin ang mga mata ko sa blankong papel na nakapatong sa ibabaw ng mesa sa harap ko. Naguguluhan ako kung bakit bigla akong inaalok ng kasal ng amo ko, gayong pumasok lang naman akong yaya para alagaan ang kanyang anak. Pero kahit kailan, hindi ko inaasahan na darating ang araw na kailangan niya akong bayaran para pakasalan ko lang siya.
“S-sir Aidan, maghunos-dili po kayo. Hindi ko po ipinagbibili ang aking sarili,” nauutal na sagot ko.
“Just say yes or no, para matapos na tayo dito, Miss Ramos,” pormal ang ekspresyon na sabi sa akin ng boss ko.
Napa-ngiwi ako. Okay na sana kung papayag ako dahil puwede ko nang ipagamot si tatay, pero paano naman ako?
Bata pa ako. Eighteen pa lang ako at gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral, tapos bibilhin na niya ako?
“Sir, hindi pa po ako handang mag-asawa,” nakayukong sagot ko.
“Kulang ba ang isang milyon?” tanong niya sa akin, kaya namilog ang aking mga mata.
“Po? Isang milyon?” hindi makapaniwala na tanong ko sa aking amo.
“Yes, isang milyon, Miss Ramos,” walang paligoy-ligoy na sagot ni Sir Aidan.
Natulala ako habang nag-iisip kung tatanggapin ko ba ang alok ng boss ko na pakasalan ko siya. Malaking tulong na sana iyon sa pamilya ko, pero maraming "pero" ang tumatakbo sa isipan ko.
“Last price, two million, tapos pag-aaralin kita hanggang makatapos ka ng college,” narinig kong sabi ni Sir Aidan, kaya bigla akong napatingin sa kanya.
Seryoso siya. Wala akong nakikitang bakas na nagbibiro lamang siya at gusto akong paglaruan, kaya inaalok niya ako ngayon ng kasal. Hindi na sana ako lugi dahil guwapo naman ang boss ko.
Mayaman rin siya, kaya lang, hamak na mas matanda siya sa akin. Nakakatakot rin ang kanyang kaseryosohan. Para siyang laging mangangain ng buhay na tao kapag kaharap ko, tapos ilang ulit ko siyang nakitang nakatingin sa mukha ko na para bang may masamang binabalak sa akin.
“Paano kung kainin niya ako?” Wala sa sariling bulalas ko.
“What?” kunot ang noo na tanong ni Sir Aidan sa akin, kaya napa-ngiwi ako.
“Wala po, sir. Bakit ako po ang inaalok mo ng kasal, eh, marami naman po kayong girlfriend at may nanay naman po si Baby Janica?” tanong ko sa kanya, pero mukhang hindi ito nagustuhan ng boss ko.
“Stop asking questions, Miss Ramos,” sabi niya sa akin. “I'm going to pay you, and you are going to do a job for me, and that's all.”
“Job?” hindi nakatiis na tanong ko sa kanya. “As in trabaho, kaya inaalok mo po ako ng kasal, sir?”
“Yes,” agad niyang sagot. “Magkakaroon tayo ng kasunduan at may pinirmahan kang kontrata.”
Tumango-tango ako. Hindi na masama kung papayag ako sa inaalok niya. Okay na ako sa dalawang milyon. Magtatrabaho lang naman ako kay Sir Aidan kaya kami magpapakasal, tapos pag-aaralin pa niya ako, kaya pumayag agad ako.
Nahihiyang ngumiti ako sa kanya at sinabi kong pumapayag na ako sa trabahong inaalok niya.
“Very good, here's the contract.”
Inabot ko ang kontratang inilapag ni Sir Aidan sa harap ko at binasa ang nakasulat sa dalawang papel. Nakatapos naman ako ng high school at nakatuntong na sa college kahit first semester lang, pero hindi ko pa rin maunawaan ang binasa ko dahil English ang pagkakasulat nito.
Basta na lang ako pumirma, at pagkatapos ay inabot ko ito kay Sir Aidan. Hindi na ako nagtanong sa kanya dahil nahihiya ako. Baka isipin ng boss ko na boba ako at mahina ang pinag-aralan ko dahil sa probinsya ako nag-aaral.
Inabot rin ni Sir Aidan ang papel, at pagkatapos ay siya naman ang pumirma sa tapat ng kanyang pangalan. Matapos ito, naglabas siya ng manipis na parang booklet at nagsulat sa ibabaw nito.
Matapos itong pirmahan, pinilas ni Sir Aidan ang papel at pagkatapos, walang pagdadalawang-isip na ibinigay ito sa akin.
“Take this, Miss Ramos. Here’s the five hundred thousand, paunang bayad ko sa iyo,” sabi ni Sir Aidan sa akin. “Ibibigay ko ang isang milyon kapag kasal na tayo, at ang natitirang kalahating milyon ay makukuha mo kapag natapos ang kontrata nating dalawa.”
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko dahil kahit minsan, hindi ko inaasahan na maaari pala akong kumita ng malaking halaga kapag nagtrabaho ako bilang asawa ng boss ko.