FAYE
“Pasensya na, anak, hindi na namin kaya ng Papa mo na suportahan ang pag-aaral mo,” sabi ni Mama habang nakaupo kami sa balkonahe ng aming bahay.
Katatapos lang naming maghapunan. Nang matapos akong maghugas ng pinggan, tinawag ako ni Mama at sinabi niya na gusto raw niya akong kausapin.
Malapit na kasi ang enrollment para sa ikalawang semestre, pero hanggang ngayon, hindi pa ako nakakapag-enroll dahil walang pera ang mga magulang ko.
Malaki ang pagbabago sa buhay namin simula nang maaksidente ang aking ama sa laot. Nabaril siya kasama ang dalawa pa niyang kasamahan sa bangka matapos na hindi sinasadyang mapasok nila ang teritoryo ng isang kilalang pulitiko.
Ang balita pa namin ay mismong alagad ng batas ang nakabaril sa bangkang sinakyan ng aking ama, pero kahit humingi na kami ng tulong sa kapitan ng aming barangay at kay mayor, ay walang nangyari.
Inabutan naman nila kami ng tulong. Nakatanggap si Mama ng sampung libong piso, pero malaki ang kapalit noon dahil hindi na makalakad ang aking ama.
Simula nang mangyari iyon, humina na rin ang dati ay malakas naming tindahan dahil dito kami kumukuha ng aming gastusin araw-araw.
Kahit anong pagtitipid ko, makapasok lang ako sa school, pero dahil magastos ang pag-aaral sa bayan, unti-unti ay naubos ang kaunting ipon ng mga magulang ko.
“Pasensya ka na, anak. Gustuhin man namin ng Papa mo na makapag-aral ka ngayong pasukan, pero hindi pa natin kaya,” malungkot na sabi sa akin ng aking ina.
Ngumiti ako kay Mama at hindi ko pinakita sa kanya na nalulungkot rin ako na hindi na ako makakapag-aral ngayong semester. Labis siyang nag-aalala para sa aking ama, kaya ayaw kong bigyan pa siya ng alalahanin.
“Ayos lang po ako, Mama. Puwede naman po akong tumigil muna sa pag-aaral ngayong pasukan. Tapos, kapag magaling na si Papa at nakabawi na po tayo balang araw, saka na lang po ako mag-i-enrol,” nakangiting sabi ko sa aking ina.
Nakita kong lumamlam ang mga mata ng aking ina. Alam kong naiiyak siya, kaya niyakap ko si Mama.
“Puwede naman po akong maghanap ng trabaho sa bayan, kahit tindera lang muna, para makatulong po ako sa gastusin natin sa araw-araw, Mama.”
Narinig kong napahikbi ang aking ina. “Kung hindi lang sana nabaril ang Papa mo sa laot, hindi sana mangyayari ito. Sana tuloy-tuloy ang pag-aaral mo at hindi mo kailangan na maghanap ng trabaho, anak.”
“Naku, ayos lang po ako, Mama.” Pinasigla ko ang aking tinig at ngumiti sa aking ina. “Promise, ipagpatuloy ko po ang pag-aaral ko, para kapag nurse na ako, ako mismo ang mag-aalaga sa inyong dalawa ni Papa.”
Hinagod ng aking ina ang buhok ko at pagkatapos ay lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin.
“Basta kahit anong mangyari, ituloy mo ang pag-aaral mo, anak,” sabi sa akin ng aking ina. “Ayaw sana kitang payagan na magtrabaho sa bayan, kasi baka kung sino-sino ang makilala mo doon at manligaw sa iyo, tapos maaga kang mag-asawa. Kapag nangyari iyan, hindi mo na matutupad ang pangarap mong maging nurse.”
“Ang advance naman po ng isip mo, Mama. Maghahanap pa lang ako ng trabaho, tapos ikaw, pag-aasawa agad ang iniisip mo,” natatawa na sabi ko sa aking ina.
“Naku, nakita mo nga si Mary Ann, pumunta lang sa bayan, buntis na nang umuwi dito sa isla,” mabilis na sagot ng aking ina. “Hindi hamak naman na mas maganda ka, anak, kaysa sa kababata mong iyon. Siguradong maliligawan ka kapag doon ka na nakatira.”
Humaba tuloy ang nguso ko. “Sa bayan rin naman po ako nag-aaral. At kahit may nanliligaw po sa akin, hindi ko po sila pinapansin, Mama.”
“Dapat lang. Eighteen ka pa lang, Faye. Maaga pa kung mag-asawa ka na, katulad ng nangyari sa amin ng Papa mo noon. Tingnan mo, wala kaming natapos, kaya hindi tayo nakaahon sa kahirapan,” pangaral sa akin ni Mama.
Lagi niyang sinasabi sa akin na kahit mahirap kami, unahin ko ang pag-aaral ko. Kaya kahit may mga sumubok sa akin na manligaw sa school na pinasukan ko, hindi ako tumanggap ng manliligaw.
Kahit nga may ilang sundalo ang nanligaw sa akin dito sa baryo, hindi ko sila pinansin. Bukod sa ayaw kong makapag-asawa ng army dahil babaero sila at may babae kahit saan magpunta, nakatatak na sa isipan ko na hindi ako tatanggap ng manliligaw hanggat hindi ako makapagtapos ng pag-aaral.
May pangarap ako, at mahalaga sa akin na matupad iyon dahil doon nakasalalay, hindi lang ang kinabukasan ko, kundi pati na rin ng pamilya ko.
Gusto ko sanang humingi ng tulong kay Ate Precy, pero nahihiya ako. Nang minsang nagtanong ako kay Mama kung ano ang number niya, sinabi ng aking ina na wala siya dito sa Pilipinas at ilang buwan na raw na naninirahan sa abroad.
Mayaman kasi si Ate Precy, pati na rin ang kanyang asawa, pero wala akong komunikasyon sa kanila. Sila ang may-ari ng bahay na binabantayan ni Mama dito sa baryo, at kahit paano ay nakakatanggap siya ng pera para sa pambili ng gamot ng aking ama.
Malaking tulong sana sa amin si Ate Danaya noong nandito pa siya sa isla dahil inaabutan niya ako ng baon, at minsan ay malaking halaga ang binigay niya sa akin. Pero naubos iyon noong nasa ospital si Papa at kailangan siyang sumailalim sa operasyon para makuha ang bumaon na bala sa kanyang katawan.
Hindi ko alam kung anong number ni Ate Danaya. Naiwan rin kasi niya ang mga gamit dito sa isla dahil biglaan siyang kinuha ng kanyang asawa para isugod sa ospital dahil nawalan siya ng malay.
Hatinggabi na, pero hindi pa rin ako dalawin ng antok. Tulog na ang kapatid ko, pero hindi man lang ako nakakaramdam ng antok.
Paulit-ulit akong nag-iisip kung paano ako makakahanap ng trabaho dahil kailangan ng pamilya ko ng agarang tulong.
Sa tindahan na lang kami umaasa. Halos paubos na rin ang mga paninda namin, dahil dito kami kumukuha ng gastusin araw-araw. Pati kapatid ko ay tumutulong na rin sa gawain sa bukirin kapag walang pasok, para kahit paano ay may pera siyang magagamit sa pagpasok sa paaralan. Pero kahit nagtutulungan na kami, hindi pa rin iyon sapat, kaya nagpasya na akong maghanap ng trabaho sa bayan.
Madaling araw na nang makatulog ako, pero maaga akong nagising dahil kailangan kong pumunta sa ilog para maglaba.
Aalis kasi ako papuntang bayan at hindi naman maiwan ni Mama ang aking ama dahil hindi siya makalakad, kaya ako na ang naglalaba ng mga damit namin araw-araw.
Matapos kumain ng almusal, nagpaalam ako sa aking ina na aalis na dala ang batya at mga labahing damit.
Umalis na ang kapatid ko para pumasok sa paaralan, kaya wala akong katulong na maglaba ngayon. Kailangan kong bilisan ang kilos ko para hindi ako abutan ng tanghali dahil aalis pa ako papunta sa bayan.
“Faye, bakit ang aga mo?” tanong ni Aling Pearl nang makita ako.
Binati ko siya at nakangiting sinabi na aalis kasi ako at pupunta ng bayan, kaya maaga akong maglalaba sa ilog.
“Ay, oo nga pala. Magpapasukan na, baka mahuli ka pa, kaya pumunta ka na sa ilog,” nakangiting sabi ni Aling Pearl sa akin.
Naglalakad ako papuntang ilog nang makita ko ang bakang pag-aari ni Aling Pearl. Dito pala niya pinastol ang alaga, kaya nakasalubong ko siya kanina.
“Ay! Hoy! Huwag kang lumapit!” sigaw ko nang makita kong sumusugod sa akin ang bakang alaga ni Aling Pearl.
Nanlaki ang aking mga mata at mahigpit na hawak ko ang batya sa bewang ko, at pagkatapos ay mabilis na kumaripas ng takbo papuntang ilog.
Mabuti na lang at nakatali ang baka, kaya hindi niya ako inabutan. Nakakainis si Aling Pearl. Doon pa talaga niya pinastol ang alagang baka malapit sa daan, gayong matapang ito at naghahabol kapag may nakitang tao. Tapos, kulay pula pa pala ang t-shirt na suot ko.
“Hoy, Faye! Bakit hinihingal ka?” tanong sa akin ng kapitbahay namin. “Tumakbo ka ba papunta dito?”
Naabutan ko siyang naglalaba dito sa ilog. Nauna pala siya sa akin, kaya nakita niya na hingal na hingal ako nang ibaba ko sa ibabaw ng malaking bato ang batya na dala ko.
“Hinabol po ako ng alagang baka ni Aling Pearl,” sagot ko.
“Naku, perwisyo talaga ang bakang iyan. Dapat hindi tinatali ni Pearl malapit sa daan upang hindi makapinsala sa ibang tao,” mabilis na sabi ni Aling Duday.
Inayos ko ang tali ng magulong buhok ko at pagkatapos, binuhat ko na ang batya para simulan ang paglalaba ng mga damit na dala ko.
“Hindi ba kaklase mo si Candice noong high school, Faye?” tanong sa akin ni Aling Duday.
“Opo,” tipid na sagot ko habang kinukusot ang damit na hawak ko.
“Balita dito sa isla, nagtatrabaho raw sa bar ang babaeng iyon,” sabi ni Aling Duday.
Naglalaba siya, pero nagsimula nang magkwento sa akin tungkol sa mga nangyayari at tsismis na kumakalat dito sa baryo. Ganito naman dito sa isla, kaunting kibot lang ay nai-issue na agad at pinag-uusapan ng mga kapitbahay ko.
“Hindi pala waitress sa restaurant si Candice, gaya ng pinagkakalat ng kanyang ina. Alam mo ba, nakita raw siya ni Eddie na gumigiling daw sa bar!”
Hindi na ako nagulat sa balitang narinig ko dahil marami talagang tsismoso dito sa baryo, pero hindi ko akalain na pati si Mang Eddie ay magaling rin palang sumagap ng kwento.
“Ano naman pong ginagawa ni Mang Eddie sa bar?” tanong ko kay Aling Duday.
“Ano pa, gusto rin makakita ng bata at magandang babae sa gabi ng magaling na lalaking iyon!” bakas ng inis sa tinig na sagot ni Aling Duday sa akin.
“Ang tanda-tanda na niya, halos wala na ngang ipakain sa kanyang mga anak, nagawa pang pumasok sa bar nang magkaroon ng kaunting pera.”
Tsismosa talaga si Aling Duday. Ang dami niyang kuwento sa akin tungkol sa mga nangyayari dito sa baryo. Hindi siya tumigil hanggang sa natapos akong maglaba at maligo.
Iniwan ko na siya dahil may mahalaga pa akong gagawin kumpara sa pakikinig ng tsismis ni Aling Duday sa akin.
Dala ang batya, naglakad ako pabalik sa bahay, pero ibang daan ang dinaanan ko dahil hanggang ngayon, natatakot pa rin ako sa alagang baka ni Aling Pearl. Siguradong hahabulin ulit ako noon kapag nakita ako, kaya kahit matarik ang daan, dito ko piniling dumaan.
Nakarating naman ako sa bahay ng ligtas. Mabilis na sinampay ko ang mga damit na nilabhan ko at pagkatapos, pumasok na ako sa bahay para magbihis.
Nagsusuklay ako ng basa at mahabang buhok ko nang makarinig ako ng ingay sa labas ng bahay. Sumilip ako sa maliit na siwang sa dingding para tingnan kung sino ang mga tao sa labas, kaya nakita kong narito pala si Kuya Romeo.
Lumabas ako ng bahay at lumapit sa kanya dahil gusto kong kumustahin ang lagay ngayon ni Ate Danaya. Excited na akong malaman kung nanganak na ba siya at kung ano ang gender ng batang pinagbuntis niya.
Si Kuya Romeo kasi ang kasama ni Ate Dana noong umalis siya dito sa isla nang araw na sinundo siya ng kanyang asawa at dinala sa Maynila. Gusto kong makibalita kung kumusta na si Ate Danaya, dahil hindi ko na siya nakausap simula nang umalis sila dito sa isla.
Kahit may mga kasamang tauhan, ay lumapit ako kay Kuya Romeo para tanungin siya kung kumusta na ang anak ni Ate Danaya.
“Bakit bihis na bihis ka? May lakad ka ba, Faye?” tanong agad sa akin ni Kuya Romeo nang makita ako.
Nakaramdam ako ng pagkailang sa paligid ko, pero nagawa akong ngumiti sa kanya. “Opo, kuya. Paalis na po ako,” magalang na sagot ko.
“Saan ang punta mo?” muling tanong ni Kuya Romeo sa akin.
Dapat sana'y ako ang nagtatanong sa kanya tungkol sa kondisyon ngayon ni Ate Dana at ng batang dinadala niya noong narito pa siya sa isla, kaya lumapit ako kay Kuya Romeo, pero hindi ko nagawang magtanong dahil sunod-sunod ang mga tanong niya sa akin.