FAYE
“S'ya nga pala, Faye, siya ang kaibigan kong kinukwento ko sa iyo noon,” sabi ni Kuya Romeo sa akin.
Ngumiti ako sa kanila at pilit winaksi sa isipan ko ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko habang pinagmamasdan ko sila.
“Guwapo, ‘di ba?” nakangiting sabi ni Kuya Romeo, kaya hindi ko napigilang tingnan ang mukha ng kanyang kaibigan.
“Ayos lang po,” maikling sagot ko.
“Anong ayos lang? Hindi ka nagaguwapuhan sa kaibigan ko.”
Napa-ngiwi tuloy ako at napakamot sa aking ilong dahil hindi ako komportable sa mga tinatanong sa akin ni Kuya Romeo.
“Kuya, hindi pa ba tayo aalis?” Pag-iiba ko sa usapan dahil ayaw kong sagutin ang tanong niya at baka ikapahamak ko pa.
“Mamaya na, sagutin mo muna ang tanong ko,” nakangiting sagot ni Kuya Romeo.
“Normal lang naman po ang itsura ng kaibigan mo, Kuya,” nahihiyang sagot ko.
Nag-iwas ako ng tingin nang makita kong sumulyap si Kuya Romeo sa kanyang kaibigan at ngumiti na para bang may iba siyang ibig sabihin.
“Stop asking her,” sabi ng lalaki kay Kuya Romeo. “Let's go, I'm busy, and I need to go back to Manila within an hour.”
Sumakay na ang kaibigan ni Kuya Romeo sa helicopter, kaya naiwan kaming dalawa na parehong nakatayo at nagkatinginan.
“Let's go, para makarating agad tayo sa Maynila,” yaya sa akin ni Kuya Romeo.
Ang lakas ng tambol ng aking dibdib nang sumakay ako sa helicopter dahil kinakabahan ako at natatakot rin na sasakay ako dito.
“Ito, ikabit mo para hindi ka mahulog,” sabi sa akin ni Kuya Romeo.
Sinubukan kong gawin ang itinuro niya sa akin, pero dahil hindi ako marunong, tinulungan niya akong ikabit ang seatbelt pati na rin ang headrest para hindi raw ako matakot.
Tahimik naman ang kaibigan ni Kuya Romeo. Sa totoo lang, para siyang artista. Gwapo naman, maputi, at matangkad. Matangos rin ang ilong at mapula ang mga labi; kaya lang, hindi ko naman kayang sabihin iyon kanina dahil baka kung anong isipin nila sa akin.
Sinabi ko na lang na ayos naman ang itsura ng kaibigan ni Kuya Romeo para huwag na niya akong kulitin. Baka kasi tuksuhin niya ako kapag sinabi kong gwapo ang kaibigan niya, katulad ng mga kaklase ko kapag naririnig nila akong nagbibigay ng opinyon ko sa isang lalaki.
“Ready?” narinig kong tanong ng kaibigan ni Kuya Romeo sa akin.
Dahil siya ang piloto, nakaupo siya sa unahan ng helicopter, habang kami naman ni Kuya Romeo ay nakaupo dito sa kanyang likuran.
“Ayos ka lang ba, Faye?” tanong ni Kuya Romeo sa akin.
“Opo, Kuya.”
Kahit kinakabahan at natatakot, sinabi ko kay Kuya Romeo na ayos lang ako. Pinaalam niya sa akin na paalis na kami, kaya pinaupo niya ako na pasandal sa upuan at sinabing pumikit ako dahil pataas raw ang helicopter, kaya baka mahilo ako.
Ilang ulit akong napalunok nang maramdaman kong gumalaw ang helicopter. Umayos ako ng upo at nanatiling nakapikit kahit naramdaman kong umangat sa lupa ang sinasakyan ko.
Pakiramdam ko ay para bang katapusan ko na nang pinalipad ng kaibigan ni Kuya Romeo ang helicopter. Nagsisi agad ako sa aking mga kasalanan at humingi ng tawad sa Diyos na patawarin niya ako para mapunta ako sa langit kung sakaling mamatay ako ngayong araw.
“Faye, kumalma ka lang,” narinig kong sabi ni Kuya Romeo sa akin.
“Kuya, pababain n'yo na po ako!” malakas na sigaw at sabi ko sa kanya. “Ayaw ko pa pong mamatay. May pangarap pa ako sa buhay!”
“Kapag bumaba ka, siguradong mamatay ka nga,” sabi ni Kuya Romeo, kaya bigla akong nagmulat ng mga mata para tumingin sa kanya.
“Nasa taas na tayo, Faye, kaya kung bababa ka, kailangan mong tumalon dito sa helicopter. At kapag ginawa mo iyan, siguradong mamatay ka nga.”
Nanlaki ang aking mga mata. Sumulyap ako sa bintana at tanging maliit at parang mga langgam lamang sa lupa ang nakikita kong puno at kabahayan.
“Huwag kang matakot, safe ka dito,” sabi ni Kuya Romeo. “Tingnan mo kami, kahit ilang ulit na kaming sumakay ng helicopter, ay buhay pa kami.”
Dahil sa narinig ko, nabawasan ang takot na nararamdaman ko. Huminga ako ng malalim at sumandal ang likod at ulo sa aking upuan.
Pakiramdam ko'y tila ba hinahalukay ang aking tiyan dahil nakakahilo palang sumakay ng helicopter, lalo na kapag aangat ito sa lupa at lalapag na.
Daig ko pa ang pinaikot ng paulit-ulit, kaya bigla akong nahilo. “Kaya mo na bang bumaba, Faye?” narinig kong tanong ni Kuya Romeo sa akin.
Tumango ako at kahit nanghihina ay binuhat ko ang backpack na dala ko dahil nakakahiya kung paghihintayin ko sila. Mainit na rin kasi ang sikat ng araw kahit alas-dyes pa lang ng umaga.
Ganito pala sa Maynila, hindi katulad sa amin sa probinsya na maraming puno at maluwag ang bakuran kaya hindi mainit. Tapos, hindi rin kami lumapag sa lupa, kundi sa tuktok ng isang mataas na building, kaya nakakamangha ang nakikita ko sa paligid.
Ibang-iba ito sa inaakala ko, lalo na nang pumasok kami sa elevator at tumigil ito at bumukas ang pintuan.
“Tara na, Faye,” sabi sa akin ni Kuya Romeo.
Tahimik na sumunod ako kina Kuya Romeo at sa kaibigan niya na pinaglihi yata sa sama ng loob. Pakiramdam ko'y hindi kami magkakasundo ng lalaking iyon dahil napakasuplado niya.
Hindi nga niya ako kinausap kahit nang makapasok kami sa isang napakagandang bahay. Malawak, malinis, at purong salamin ang paligid, kaya mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko ang matataas na building sa labas.
“Upo ka, Faye,” sabi ni Kuya Romeo sa akin.
Nahihiyang umupo ako sa pang-isahang sofa dahil awkward ang pakiramdam kung tatabi ako sa kanya.
Bumalik naman ang kaibigan ni Kuya Romeo. May dala itong inumin at binigay sa kaibigan, at pagkatapos ay inalok akong uminom ng Coke.
Tahimik na nakaupo ako habang gumagala ang paningin sa buong paligid ng kabahayan. Manghang-mangha ako sa ganda at linis ng buong paligid dahil malayong-malayo ito sa uri ng kabahayan sa probinsya.
“So, paano, ikaw na ang bahala kay Faye, Adi,” narinig kong sabi ni Kuya Romeo kaya napatingin ako sa kanya.
“Ano po ang ibig mong sabihin, Kuya Romeo?” kinakabahan na tanong ko sa kanya.
“Ah, si Adi na ang bahala sa iyo, Faye,” sabi ni Kuya Romeo.
“Po?” kasabay ng malakas ang kabog ng dibdib na tanong ko sa kanya. “Ang akala ko po, ihahatid mo ako sa bahay ng magiging amo ko?”
Ngumiti sa akin si Kuya Romeo. “Oo, kaya aalis na ako, kasi nandito ka na sa bahay ng kaibigan ko.”
Nanlalaki ang mga matang napatingin ako sa kaibigan ni Kuya Romeo. Hindi ko akalain na siya pala ang magiging amo ko dahil hindi ko naisip na posibleng may anak siya.
“May problema ba, miss?” malalim ang tinig na tanong sa akin ng kaibigan ni Kuya Romeo.
Inalis niya ang suot na salamin, kaya bigla akong napatitig sa kanyang mga mata.
“Anak mo po ang aalagaan ko?” gulat na tanong ko sa kanya.
“Yes,” mabilis na sagot ng kaibigan ni Kuya Romeo, kaya napalunok ako.
“Why?” tanong niya sa akin.
“Ang akala ko po kasi, bading ka, sir.”
Lahat kami ay natigilan, lalo na ako matapos mapagtanto kung ano ang salitang lumabas sa bibig ko.
Hiyang-hiya ako nang makita kong lumuwag ang ngiti sa labi ni Kuya Romeo habang ang kaibigan naman niya ay nagsalubong ang mga kilay at biglang nalukot ang mukha.
“What makes you think na bakla ako?” may diin ang tinig na tanong sa akin ng magiging amo ko.
Hindi ako nagsalita dahil siguradong ikakapahamak ko ang pagiging matabil ko at ang masama pa, baka hindi pa ako nagsisimula sa trabaho ay sesante na agad ako.
“Oo nga, Faye, bakit bakla ang tingin mo dito sa kaibigan ko?” nakangiting tanong sa akin ni Kuya Romeo.
Napalunok ako habang nagpalipat-lipat ang aking mga mata sa dalawang lalaking kaharap ko.
“Kung hindi siya bakla, baka ikaw ang bading, Kuya Romeo,” akusa ko sa kanya.
Nanlaki ang aking mga mata at umawang ang mga labi ko nang hawakan ni Kuya Romeo sa dibdib ang kanyang kaibigan at hinagod ito sa harap ko. Tapos, lumapit pa ang kanyang mukha sa leeg ng lalaking katabi niya na para bang hahalikan niya ito, kaya mabilis na napatakip ako ng aking inosenteng mga mata.
“Yuck, Kuya Romeo, ang halay mo po!”
Bulalas ko dahil hindi ko kayang tagalan ang eksenang nakikita ko.
Mariin akong pumikit. Kinagat ko rin ang aking pang-ibabang labi dahil napapahamak ako sa tuwing nagsasalita ako, kaya mabuting itikom ko ang aking bibig dahil baka tuluyan akong mawalan ng trabaho.
Kasalanan ito ni Kuya Romeo. Kung alam ko lang na kaibigan niya ang magiging amo ko, hindi sana ako sumama sa kanya dito sa Maynila.
Malakas na tawa ng mga kasama ko ang narinig ko, kaya ibinaba ko ang aking mga kamay at gulat na napatingin sa kanila.
“Ayos lang po ba kayo?” gulat na tanong ko sa mga kaharap ko. “Hindi po ba kayo galit sa akin?”
Walang sumagot sa tanong ko. Pareho silang ngumiti sa akin. Napailing pa ang kaibigan ni Kuya Romeo na para bang katawa-tawa ako sa paningin nilang dalawa at may nakakatawa sa sinabi ko, gayong totoo naman na naglalandian sila sa harap ko.