FAYE
“I'm living, kaya ikaw muna ang bahala dito sa bahay,” sabi ni Sir Adi sa akin. “May pagkain sa refrigerator; initin mo na lang kapag nagutom ka.”
“Sir, pasensya na po, pero ang totoo ay hindi pa po ako marunong gumamit ng mga kagamitan dito sa bahay mo,” agad kong sabi dahil natatakot ako na masira ko ang kanyang mga gamit.
High-tech ang mga nakita kong kagamitan sa kusina kaninang pumunta ako doon. Hindi pa ako nakagamit ng ganoong mga bagay dahil hindi naman kaya ng mga magulang ko bumili ng mamahaling kasangkapan sa bahay.
“Come, I'll teach you, para matutunan mo.”
Tumango ako at sumunod kay Sir Adi sa kusina. Una niyang binuksan ang refrigerator at sinabi kung anong mga pagkain ang laman nito.
“You can eat anything here, except this one,” sabi niya.
Napakamot tuloy ako sa ilong. “Sir, puwede po na Tagalog mo na lang ako kausapin. Ang hirap po kasi kapag English, eh.”
“Okay,” sagot ni Sir Adi.
Itinuro niya kung paano gamitin ang lababo, pati na rin ang tinawag niyang coffee maker.
“Palagay ko'y hindi ko rin po ito magagamit dahil ayos na ako sa 3-in-1 na Nescafe, Sir,” sagot ko.
Ang dami kasing pasakalye, kape lang naman ang iinumin. May nalalaman pa siyang maitim na kape, tapos walang asukal at kaunting creamer lang daw.
Naisip ko tuloy kung anong lasa ng kapeng sinasabi ni Sir Adi.
“Nakikinig ka ba sa akin, Miss Ramos?” tanong ni Sir Adi nang hindi agad ako nakasagot.
“Opo, sir,” mabilis na sagot ko, kahit ang totoo ay nahihirapan akong unawain ang sinabi niya dahil nagrarambulan na sa isipan ko ang mga bagong impormasyon na sinasabi niya sa akin.
Kung alam ko lang, nagdala sana ako ng papel at ballpen para maisulat ko ang mga sinabi ng aking amo nang hindi ako malito at may babalikan akong notes kapag hindi ko na alam ang gagawin ko.
“Ito, ingatan mo ‘to. Kapag magluluto ka, buksan mo ang exhaust fan para hindi kumalat ang amoy ng niluluto mo sa buong kabahayan,” sabi ng amo ko sa akin.
“Nakuha ko ba ang ibig kong sabihin?” tanong niya sa akin.
“Hindi po,” nahihiyang sagot ko.
“Alin ang hindi mo naunawaan?” tanong ni Sir Adi.
Sinabi ko na hindi ko alam kung ano ang exhausted fan at hindi rin ako marunong magluto sa de-kuryenteng kalan. Nakakatakot kasi. First time kong gagamit ng mga bagay na nasa harap ko, kaya kinakabahan ako.
Ang akala ko'y madali lang ang trabahong gagawin ko, pero mahirap pala sa simula. Kailangan kong matuto dahil hindi ako puwedeng bumalik sa probinsya.
“Sir, pasensya na po, pero bago sa akin ang lahat ng ito. Wala kaming ganitong gamit sa bahay, kaya bigyan mo po ako ng ilang araw para matutunan kong gamitin ang mga ‘yan.”
Minabuti kong magsabi ng totoo kay Sir Adi para alam niya na bago sa akin ang lahat ng nakikita ko.
“Don't worry, bukas, kapag pumunta dito ang mga kasambahay ko, tuturuan ka nila para matuto ka,” sabi ni Sir Adi, kaya natuwa ako at napangiti.
“Thank you, Sir. Mabait ka naman pala,” puri ko sa kanya.
Natawa naman siya at nginisihan ako. “Bakit, hindi ba ako mukhang mabait sa paningin mo?”
Napakamot tuloy ako sa aking ilong dahil kinakabahan ako. “Masesesante po ba ako sa trabaho kapag nagsabi ako ng totoo?” nag-aalangan na tanong ko sa aking amo.
“It depends,” sagot niya.
“Ah, huwag na lang po, Sir,” sabi ko sa kanya. “Sayang ang sahod ko kapag tinanggal mo ako sa trabaho dahil hindi mo nagustuhan ang sasabihin ko.”
Gumalaw ang kilay ni Sir Adi at ngumiti sa akin. Natulala na naman tuloy ako sa kanyang harapan dahil nagtama ang aming mga mata at hindi maalis sa mukha niya ang paningin ko.
“Parang sa tingin ko, pangit ang image ko sa iyo, kaya ganyan ka magsalita,” pormal ang ekspresyon na sabi sa akin ng amo ko ngayon.
“Hindi ka pangit, Sir. Gwapo ka naman po, kaya lang–”
Itinikom ko ang aking bibig dahil baka mapahamak ako kapag sinabi ko kung anong laman ng isipan ko ngayon.
“Kaya lang?” tanong ni Sir Adi sa akin. “Go ahead, Miss Ramos. Sabihin mo na, or else, babawasan ko ang sahod mo ngayong buwan.”
Nanlaki ang aking mga mata matapos marinig kung ano ang sinabi ni Sir Adi sa akin.
“Sige po, Sir. Bawasan mo na lang ang sahod ko,” sagot ko.
Mas okay na iyon, kaysa mawalan ako ng trabaho kapag hindi niya nagustuhan ang sasabihin ko.
“Silly!”
Napailing pa si Sir Adi dahil hindi niya ako napilit na sabihin sa kanya ang first impression ko nang makita ko siya.
Nang una kasi, akala ko'y bakla siya. Tapos, nang makasama ko na siya dito, para siyang hindi mapagkakatiwalaan kapag ngumiti sa harap ko. Pero daig pa niya ang mangangain ng buhay na tao kapag seryoso naman ang kanyang ekspresyon.
Para siyang may dalawang katauhan na kayang magbago ng anyo sa harap ko. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko sinabi kay Sir Adi kung ano ang impresyon ko ngayong kasama ko siya, dahil baka tuluyan ko itong ikapahamak.
“Follow me,” sabi ni Sir Adi matapos ang ilang sandaling katahimikan.
Walang kibo na sumama ako sa kanya. Hindi rin ako nagtanong kung saan kami pupunta. Basta humakbang lang ang mga paa ko at sumunod sa kanya, hanggang sa tumigil kami sa tapat ng isang pintuan, katapat ng silid ni Sir Adi.
“Here's your room,” sabi niya.
Binuksan niya ang pintuan, pati na rin ang ilaw, kaya tumambad sa mga mata ko ang malaki at magandang disenyo ng silid na pinagdalhan sa akin ni Sir Adi.
“Sigurado po ba kayo, Sir, na ito ang magiging silid ko?” hindi makapaniwala na tanong ko sa kanya.
“Yes, why?” tanong rin niya sa akin.
“Ang ganda po kasi, Sir. Baka magbago pa ang isip niyo, kaya naninigurado po ako,” sabi ko sa kanya.
Nang pumunta sa gitna si Sir Adi, ay pumasok na rin ako. Bumungad sa harap ko ang malapad na kama. Sa tingin ko, kahit kasama kong matulog dito sina Mama at Papa, pati na rin ang kapatid ko, ay kasya kaming lahat at maluwag pa ito.
“Ikaw na ang bahala dito sa bahay. Remember, hindi ka puwedeng lumabas dito sa penthouse ng hindi ko alam,” sabi niya sa akin.
“Masusunod po, sir,” nakangiting sagot ko.
Tumango lang si Sir Adi at hindi na nagsalita pa. Humakbang naman ako palapit sa nakita kong pintuan at binuksan ito.
Namangha ako nang makita ko ang malinis at maaliwalas na banyo. Lahat ng nakikita ko ay pang-mayaman at ibang-iba ito sa bahay na meron kami sa probinsya.
Nakalimutan ko tuloy na nasa labas si Sir Adi. Gumala ang paningin ko sa loob ng banyo at tiningnan ang kabuuan nito. Namangha ako sa aking mga nakita, lalo na ang bilog na bagay na nakadikit sa dingding at tila hawakan dahil kulay ginto ito.
“Ay!”
Malakas akong napasigaw at napatalon nang biglang bumuhos ang malakas at malamig na tubig sa ulunan ko. Nataranta ako dahil hindi ko alam kung paano ito pigilan.
“Sir! Tulong po!” malakas na sigaw ko.
Narinig ko ang malakas na tunog ng pintuan at hindi nagtagal, nakita kong lumapit sa akin si Sir Adi at hinawakan ako sa braso.
“What happened?” tanong ni Sir Adi sa akin.
“Yung tubig po, Sir. Bigla na lang bumuhos, kaya nabasa po ako,” humihingal na sagot ko.
“Dammit! Ang akala ko ay may nangyari na kung ano sa iyo dito,” salubong ang kilay na sabi ni Sir Adi sa akin.
Napangiwi tuloy ako dahil mukhang nagalit siya, tapos nabasa rin siya ng tubig nang lumapit siya doon sa gintong hawakan at pinilit ito, kaya tumigil ang malakas na buhos ng tubig.
“Next time, huwag kang hahawak ng kung ano-ano at baka kung mapano ka dito, ako pa ang sisihin ni Romero,” masungit na sabi sa akin ni Sir Adi.
Nagbaba ako ng tingin dahil nakaramdam ako ng hiya at panliliit sa sarili ko. Ang hirap pala kapag iba ang kinalakihan kong buhay, tapos bigla akong napunta dito sa Maynila at nakapasok sa bahay ng tulad niyang mayaman.
Lahat ay bago sa paningin ko, kaya kahit mahirap ay kailangan kong pag-aralan ang lahat, dahil siguradong magagalit ang amo ko kapag nakasira ako ng kasangkapan.
“Maligo ka, baka magkasakit ka,” sabi ni Sir Adi. “May mga towel d'yan sa kabinet. You can use all of them, gano'n rin ang lahat ng gamit na narito sa silid na ito.”
“Salamat, Sir,” nahihiyang sagot ko habang nakayuko at nakatingin ang mga mata sa basang sahig.
“It's nothing,” sabi ni Sir Adi. “You're working with me, and it's my responsibility to take care of those things you need.”
Hindi ko alam kung anong isasagot ko, kaya nag-angat ako ng mukha at nahihiyang ngumiti sa kanya.
Napalunok ako nang makita kong kunot ang noo ni Sir Adi habang nakatingin sa akin na para bang nauwi siya sa malalim na pag-iisip.
“Sir, ayos lang po ba kayo?” kinakabahan na tanong ko sa kanya.
“Of course!” mabilis niyang sagot, pero ang mga mata ay nakatutok sa harap ko, kaya bumaba ang aking paningin at nakita kong bakat pala ang itaas na bahagi ng aking katawan, kaya kitang-kita niya ang suot kong itim na bra.