FAYE
“What did you just say, Adi?” tumatawang sabi ng babae. Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ko at para bang nandidiri habang nakatingin sa akin.
“Her?” Tumawa siya ng malakas. “Seriously, are you kidding me?”
“Laugh all you want, but it's true, Miranda,” walang paligoy-ligoy na sagot ni Sir Adi.
Nakapulupot pa rin ang braso niya sa bewang ko at mahigpit na hapit ang katawan ko, kaya hindi ako makakilos sa tabi niya at para akong naestatuwang nakatayo at hindi malaman ang gagawin para makalayo sa kanilang dalawa.
Tumaas ang kilay ng babaeng tinawag ni Sir Adi na Miranda. Muli niyang sinuri ng mga mata ang kabuuan ko at pagkatapos ay tumingin sa mukha ko.
“I didn't know na bumaba na pala ang standard mo, Adi,” sabi ni Miranda.
Harapan niya akong ininsulto kaya nagpupuyos ang kalooban ko, pero wala akong magawa dahil hindi ko alam kung paano mag-react sa kasalukuyang sitwasyon ko.
Unang araw ko ngayon sa trabaho, pero ang dami na agad nangyari. Hindi ko alam kung malas lang ba ako o sadyang sinusubukan ako ni Sir Adi kung hanggang saan ang itatagal ng pasensya ko.
“I'm done with you, Miranda. Get out and don't bother to come back here again,” walang pakundangan na sabi ni Sir Adi.
Wikang Ingles ang ginamit niya, pero kahit paano ay naunawaan ko naman ang ibig niyang sabihin.
Kung sa akin sinabi iyon ni Sir Adi, siguradong hiyang-hiya na ako at kumaripas ng takbo dahil ang ibig sabihin ay pinagtatabuyan na ako, pero hindi gano’n ang nakita ko sa babaeng kaharap ko.
“C'mon, Adi. I know you very well, love. Hindi ang babaeng iyan ang tipo na ibabahay mo,” sabi ni Miranda at muling sumulyap sa akin.
“She's boring. Baka nga puro higa lang ang alam niya sa kama, dahil obvious naman na wala siyang muwang sa mundong ginagalawan nating dalawa.”
Pakiramdam ko ay biglang nag-apoy ang bunbunan ko nang marinig ko ang sinabi ni Miranda. Ang bastos ng bibig ng babaeng kaharap namin. Gusto ko na sana siyang kalbuhin, pero alam kong hindi puwede dahil baka sabihin ni Sir Adi na war freak ako.
“Miss, hindi man ako kasing ganda mo, pero hindi naman ako malanding katulad mo, kaya iyan ang nagustuhan sa akin ng boyfriend ko,” inis na sagot ko.
“How dare you!” galit na bulyaw sa akin ng babae ni Sir Adi.
Pinanliitan ako ng mga mata ni Miranda. Akmang sasampalin niya ako nang marahas na tinabig ko ang nakapulupot na braso ni Sir Adi sa aking bewang at dinampot ko ang isa sa suot kong tsinelas.
“Subukan mo at tatama ito d'yan sa mukha mong puno ng pulbos!” banta ko sa girlfriend ni Sir Adi.
Wala akong pakialam kahit magalit siya sa akin. Hindi ako papayag na gamitin ako ng boss ko at laitin ng babae niya nang wala naman akong ginagawang kasalanan sa kanilang dalawa.
“Go home, Miranda, baka masira ng fiancée ko ang mukha mo,” sabi ni Sir Adi. “I already warned you, and if you don't listen to what I said right now, hindi ko na kasalanan kapag nakalbo ka niya at itapon sa labas ng bahay ko.”
Pumadyak ang babae at parang batang nagmamaktol sa harap namin. “Love naman, you know how much I love you.”
“Oh, please, Miranda, stop your drama,” sabi ni Sir Adi sa babae. “Alam ko na iiwan mo rin ako kapag nalaman mo na bumagsak na ang negosyo ko at marami akong utang ngayon sa bangko.”
“Seryoso?” mulagat na tanong sa kanya ni Miranda.
Gusto ko na sana silang iwan dito sa sala, kaya lang hindi ko naman magawa at baka pagalitan ako ng aking amo.
“Yes,” sagot ni Sir Adi at pagkatapos ay bumaling sa akin. “Hindi ba, babe?”
Babe daw? Napangiwi tuloy ako sa tabi ni Sir Adi.
Napilitan tuloy akong sumagot at magtahi ng kasinungalingan dahil kasabwat na ako ngayon ng aking amo para mapalayas niya ang malditang babaeng nasa harap namin.
“Naku, Miss Miranda, kung ako sa iyo, magdadalawang isip na akong maghabol dito sa lalaking ito,” sabi ko sa babae ni Sir Adi.
“Bakit naman?” tanong ni Miranda sa akin.
“Ang dami niyang utang. Ilang Bombay na nga ang pumupunta doon sa bahay niya para singilin siya kasi hindi siya nakabayad sa mga utang niya, kaya tumakas siya at dito nagtago,” pagsisinungaling ko.
“Anong Bombay?” tanong ni Miranda sa akin.
Mukhang wala siyang ideya kung ano ang Bombay, dahil mayaman siya at hindi kumukuha ng hulugan na plato, baso, at kaldero sa mga naglalako sa amin sa baryo.
“Yung naniningil tuwing linggo ng pautang,” agad na sagot ko.
“You mean, loan shark?” nakangiwing tanong ni Miranda sa akin.
“Yes, that's right. Loan shark,” mabilis na sagot ni Sir Adi, kaya siya naman ang tinanong ni Miranda.
“Oh my God, Adi. Kailan ka pa naghirap?”
“Hindi mo ba alam?” tanong ko kay Miranda.
Umiling ang sosyal na babae bilang sagot sa aking tanong, kaya lumapit na ako sa kanya para matapos na kami at makaalis na siya.
“Alam mo kasi, gusto niyang makipag-date sa mga magaganda at mayaman na babae para itago na naghihirap siya,” mahinang sabi ko kay Miranda. “Tapos kapag nagustuhan mo na siya, uutangan ka niya para pambayad sa mga taong inutangan niya at naniningil na sa kanya, pero pinagtataguan niya kasi wala siyang pambayad sa kanila.”
“Really?” hindi makapaniwala na tanong ni Miranda, kaya tumango agad ako at bumulong sa kanya.
“Ganyan ang mga nangyari sa mga naunang babae niya,” paninira ko kay Sir Adi para lubayan na siya ni Miranda.
“Kaya kung gusto mo talaga si Adi, puwede mo namang bayaran ang mga utang niya. Payag naman ako na dalawa tayo, para hindi na ako mahirapan na magtrabaho at humingi ng tulong sa pamilya ko sa probinsya para matulungan ko lang siya.”
“No… I mean, busy pa pala ako,” bigla ay sabi ni Miranda. “I have to go.”
“Teka, hindi ba gusto mo siya?” tanong ko kay Miranda.
“Ah, that was before. Noong hindi ko pa alam na opportunist siya at gold digger pa.”
Mataray na sumulyap si Miranda kay Sir Adi, na ngayon ay relaxed na nakaupo sa sofa at nakatingin pala sa akin.
Lumapit si Miranda kay Sir Adi at pagkatapos, mabilis na umangat ang kanyang kanang kamay at tumama sa pisngi ng boss ko ang isang malakas na sampal.
“You jerk! You just wasted my time!” malakas na sabi ni Miranda bago tumalikod at malaki ang hakbang na naglalakad papunta sa pintuan.
Naiwan akong tulala at nakatingin kay Sir Adi. Hindi pa rin ako makahuma sa nangyari, lalo na sa away nilang dalawa ni Miranda.
“What did you say to her? Bakit niya ako sinampal?” walang emosyon na tanong ni Sir Adi sa akin.
Napakamot tuloy ako sa aking ilong. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon niya sa sasabihin ko, pero minabuti kong magsabi ng totoo.
“Siniraan po kita doon sa girlfriend mo, Sir,” paliwanag ko.
Ang akala ko'y magagalit si Sir Adi kapag nalaman niya ang ginagawa ko, pero hindi ko inaasahan na matatawa siya matapos marinig kung anong sinabi ko.
“I think you're perfect to be my new nanny,” sabi niya at pagkatapos, pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko.
Kahit limitado lang ang alam ko sa English, naunawaan ko naman ang sinabi ni Sir Adi. Ibig sabihin lang nito ay natuwa siya na siniraan ko siya kay Miranda, kaya umalis na ang babaeng iyon.
“Next time, don't simply open the door without telling me, lalo na kung hindi mo kilala para hindi na maulit pa ang nangyari kanina,” sabi ni Sir Adi sa akin.
“Tatandaan ko po, Sir,” nahihiyang sagot ko.
Tama kasi si Sir Adi. Mali ang ginawa ko kanina, kaya ganoon ang nangyari. Dapat hindi ko muna pinagbuksan si Miranda para hindi nakapasok dito sa bahay ng amo ko ang babaeng iyon.
Nasanay kasi ako sa amin sa probinsya na kapag may kumatok o bisitang dumaan sa bahay ay agad naming pinagbuksan. Iba pala dito sa Maynila, kaya sa susunod, mag-iingat na talaga ako dahil baka tuluyan akong masesante sa trabaho dahil sa katangahan ko.