Farmhouse, Parcutela
Gapan, 2023
Isagani’s Point of View
Maalon. Nahihilo ako. Parang masusuka ako. Hindi ko alam kung anong klaseng transportasyon ang mayroon sa kasalukuyan. Basta na lamang kasi akong napasunod ni Mariposa nang hindi ko namamalayan.
“Wala ka nang magagawa kun’di sundin ako, Isagani,” huling sabi niya sa akin kanina bago ako napabuga nang malalalim na buntong-hininga. Maliban sa hindi ko maintindihan kung bakit nila ako pinagtawanan kanina ay ramdam ko ring mali rin ang mga salitang binitiwan ko sa harapan nila.
“Malapit na tayo, Isagani. Kaunting pigil na lamang sa nararamdaman mong motorcycle lag.” Sinilip niya ako mula sa tabi ng drayber ng motor siya nakaupo.
Hindi naman ako puwedeng magsalita dahil tinatakpan ng aking kaliwang kamay ang aking bunganga sa pagpipigil ng aking nararamdamang pagkahilo. Ito na marahil ang pinaka-nakakahilong sasakyan na nasakyan ko sa tanang buhay ko. Kung alam lang sana ni Mariposa ang nararamdaman ko ngayon. O baka nga ako lang dahil hindi ako sanay sa ganitong uri ng sasakyang hindi ko alam kung nagmula pa ba ito sa kalawakan. Hawig din kasi nito ang kalesang kabayo ang nagpapatakbo.
“Tagasaan ba ang nabingwit mong mestiso, Mariposa? Bakit parang hindi lalaki kung umasta iyan. Bakla ba ang boyfriend mo?” dinig kong sabi ng drayber ng sasakyang de-gulong nang mga oras na iyon na tanong niya kay Mariposa.
Gustuhin ko mang patulan at sagutin ang mga sagot niya ay hindi ko magagawa. Gusto ko sanang sabihin na madaliin na lamang ang pagpapatakbo ng sasakyan dahil kanina ko pa gustong masuka. Mabuti na lamang at napagsabihan na lamang ito ni Mariposa. Kahit pa ang totoo niyan ay piling mga salita lamang ang naintindihan ko sa sinabi niya.
“Manong, una sa lahat, hindi tayo close, okay? Kaya tigilan mo ang asawa ko pag-judge sa tunay na kasarian niya. Pangalawa, heller, nasa 2023 na tayo, remember? Homophobic ka ba? May phobia ka ba sa mga bakla at hindi straight? Ganern? Saka, bilisan mo na lamang ang pagmamaneho. Kanina mo pa kami nililigaw ng landas. Imbes na sa magandang lupa mo pinapadaan ang gulong ng traysikel mo, sa mga butas-butas na daan mo pinapadaan. Tumingin ka na nga lang sa iyong harapan. Baka makita mo pa ang forever mo sa daan.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay hindi na nagsalita pa ang drayber. Napakamot pa ito sa ulo sa mga salitang binitiwan ni Mariposa. Nasusuka na naman ako pero kaya ko pa rin itong lunukin o pansamantalang ipunin muna sa aking bunganga. Kontrolado ko naman ang aking hilo pero sadyang hindi ko na talaga kaya nang mga oras na iyon. Kaya, wala akong ibang paraang ginawa kong hindi ang isuka ito sa labas habang tuloy sa pagtakbo ang minamanehong sasakyan.
“Isagani, kaya mo pa ba? Sandali na lang ito. Malapit na tayo. Bilisan mo na kasi, manong! Kita mo na nasusuka na ang asawa ko e. Bilis!” Napalingon ako sa drayber.
Pagkatapos magsuka ay tiningnan ko ang drayber na parang sinasakal na ni Mariposa para lang bilisan ang pagpapatakbo nito. Ako naman ay muling nagsuka at inilabas na naman ito habang nakaandar ito. Nakatatlong suka na ako nang muli kong marinig ang tinig ni Mariposa.
“Diretso. Liko sa kanan. Liko sa kaliwa. Diretso. Dire-diretso lang hanggang---”
Natigil ang kaniyang huling sasabihin dahil nang nasa bungad na kami ng sinasabi niyang diretso ay bigla na lamang pumreno ang drayber at sa hindi inaasahang pangyayari ay bigla akong napatalon. Sa isang maiit na kanal na daluyan ng tubig sa palayan ako bumagsak.
“Ilawan mo, manong. Dali! Ilawan mo ang asawa ko. Isagani? Isagani, nasaan ka?” parang bata ang pagtawag nito sa aking pangalan. Ako naman ay umahon na lamang sa tubigan na iyon at nasilaw sa liwanag ng sasakyang naging dahilan ng aking pagtalon.
“Mabuti naman ako, Mariposa. Nawala na rin ang pagkahilo ko at pagsusuka. Hindi ko na nanaisin pang sumakay ulit diyan,” maotoridad ang aking tinig at taas-noong naglakad patungo sa kinatatayuan niya. Ang inakala kong aabutin niya ang kamay ko para hilahin ako ay hindi pala. Umasa ako.
“Ang bayad mo, Mariposa, akin na nang makaalis na ako rito at makapag-labing-labing na kayo ng asawa mo,” hindi ko alam ang ibig sabihin ng labing-labing na salitang iyon pero kanina ko pa naririnig ang salitang asawa sa bibig nito.
“Hoy, ikaw na tsismosong drayber ka, bunganga mo ha? Zipper your mouth or else I will bite that or worst, hihilahin ko ang dila mo at kakagatin nang matanggal para hindi ka na makapagsalita,” nakakatakot ang sinabi ni Mariposa na hihilahin at kakagatin ang dila ng drayber. May dinukot ito sa kaniyang bulsang pera na kakaiba rin sa pera namin sa aking panahon at ipinambayad sa drayber.
“Ayan, bayad na ako ha? Hindi ko na binawas ang perwisyong binigay mo sa amin sa mahigit tatlong daang pisong pamasahe ko. Tsupe na dali! Larga. Larga! Fuego!” huling pagbibilin nito sa drayber na aligaga na sa pagpapaandar ng kaniyang sasakyan saka mabilis na umalis sa harapan naming dalawa.
“Madilim na ang paligid, Mariposa. Wala akong makita,” binalot ng kadiliman ang aming kinatatayuan at nang magtanong ako ay wala akong narinig mula kay Mariposa.
“Bulaga!” pananakot nito sa akin nang ilawan ang mukha ng isa na namang kagamitang hindi ko alam.
Mabuti na lamang at napaatras lamang ako kung hindi nasuntok ko na siya sa ginawa nito sa akin. Magkakaroon pa yata ako ng sakit sa puso sa babaeng ito.
“Diyan ka lang muna ha? At babalikan kita,” muli niyang sabi. Akmang tatalikod na ito na walang liwanag ay saka ako humawak sa kaniyang braso.
Akala ko ay may mangyayari na namang kakaiba kapag mahahawakan ko siya pero wala naman. Nasa madilim pa rin kaming lugar at nakailaw pa rin sa aming harapan ang liwanag ng hawak nito. Naging dahilan din iyon para lingunin niya ako at makita ko nang malapitan.
“Bakit tila may kinalaman ang babaeng ito sa aking abnormal na t***k nang puso? Ano ang nangyayari sa akin?” mga tanong na basta na lamang sumagi sa aking isipan at hindi ko mahanap ang katanungan nang mga sandaling iyon.
“Sige, humawak ka na lang muna sa aking braso at sundan ako sa paglalakad,” bilin niya at tumango na lamang ako at agad na umiwas ng tingin.
Sampung hakbang ang binilang ko sa isipan bago kami tumigil sa garahe at inilawan muna ni Mariposa ang kamay na may dinudukot pa sa loob ng dala nitong bag. Nang makita ang hinahanap na susi pala ay agad niyang nilagay iyon sa aldaba o cerrojo. Sabay kaming pumasok sa maliit na pintuang iyon at bago nagpatuloy ay may pinindot pa itong cambiar na naging dahilan para makita ko ang kagandahan ng bahay sa loob. Pagkatapos niyon ay narinig ko na lamang ang tinig ni Mariposa nasa aking likuran.
“Welcome to my humble home, Isagani. Pasok po tayo sa loob nang makapag-shower kayo at makapagpalit ng damit.”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.