Prologo: Circa 1899
Lumang Gapan,
Calle D.L. Reyes
7 de Julio de 1899
Angelito Isagani Barrios Point of View
Kanina pa ako nakatingin sa malawak na balkonahe ng aking tahanan. Nakatanaw ang aking mga mata sa malawak naming lupaing puno ng naglalakihang puno ng Acacia sa pinakagitna ng aming sampung ektaryang palayan.
Umuulan.
Nagdadalamhati rin yata ang ulan sa nararamdaman kong sakit.
Ako ang nakatatandang kapatid sa aming lima. Nasa aking balikat nakaatang ang responsibilidad na dapat ay nasa aking ama. Wala siyang kuwenta. Hindi siya kaparat-dapat na tawaging aking padre o padre de familia. Kinasusuklaman ko siya sa pagiging sabungero niyang nilulustay ang pera sa paborito niyang libangan na magsugal nang magsugal.
Ang masaklap pa ay tinatanggap niya ang anumang regalo mula sa mga walang pusong prayle na akala mo naman ay sing-banal ng kanilang suot na sutana. Mas masahol pa sa kriminal ang kanilang pag-uugali. Na akala mo naman ay malinis ang budhi pero ang totoo... puno ng pagnanasa ang isipan sa mga indiyong katulad namin. Mapa-lalaki man o babae, pinagsasamantalahan nila.
Nasayang lang ang halos tatlong taon na ang nakararan mula ng mamatay ang bayaning si Gat. Jose Rizal, na ginawa ang lahat para lamang ikintal sa puso at isipan ng mga prayleng iyon ang kahalagahan naming mga pag-asa ng bayan. Kung nabubuhay pa ito ay hindi nito titigilan ang mga bastardong nagtatago sa kanilang mga banal na sutana sa pamamagitan ng kaniyang mga panulat.
Subalit... wala na siya. Wala na ang tinitingala kong bayani ng aking panahon. Ngayon, nasadlak naman ang aking puso sa kapighatian. Sa kirot at pag-aalinlangan. At ito ay dahil sa aking amang pinipilit akong ipakasal sa isang babaeng hindi ko mahal. Hindi ko pa man din nakikita ito nang personal sa tanang buhay ko.
Bukas na ang itinakdang araw ng aking pag-iisang dibdib at heto ako ngayon, nakaharap sa malawak na balkonahe ng aming tahanan.
Tuliro at hindi alam ang susunod na hakbang na gagawin. Mayroon na akong napupusuan pero mas pinili kong huwag na muna siyang harapin dahil masasaktan lamang ako kapag makikita ko siyang iiyak sa harapan ko. Alam na rin nito marahil ang aking kahihinatnang pagpapakasal sa ibang babae.
Dahil sa mga nararanasan ko at nararamdamang bigat sa aking dibdib na mawalay sa aking nag-iisang Corazon, isa na lang ang naiisip kong paraan. Ngunit, bago ko wakasan ang lahat ng sakit na ito, isusulat ko muna ang aking pamamaalam.
Mahal kong Corazon,
Alam kong hindi lingid sa iyong kaalaman ang aking pag-iisang dibdib sa angkan ng mga Delos Reyes na isa sa makapangyarihan sa calle na ito. Gustuhin ko mang tutulan ang pagpapakasal sa isang binibining hindi ko kailanman minahal o nakikita pa ay wala akong magagagawa. Ipinagkanulo na ako ng aking ama bilang kabayaran sa pamilya Delos Reyes.
Masakit para sa akin na mawalay sa iyo. Na hindi ka masilayan. Ngunit, irog ko, mahal kong Corazon, matuloy man ang pag-iisang dibdib, o mawala man ako sa iyo, asahan mong babalikan kita. Kung mabuhay man akong muli, hahanapin kita at pakakasalan.
Hanggang dito ko na lamang tatapusin ang liham ko sa iyo, irog ko pagkat hindi kaya ng aking puso na magpatuloy pa.
Nagmamahal,
Angelito Isagani Barrios
7 de Julio de 1899
Muli kong binasa ang liham na aking isinulat para sa aking minamahal na Corazon. Gustuhin ko mang pigilan ang mga sunod-sunod na agos ng luha mula sa aking mga mata ay hindi ko rin kayang ibalik ang mga iyon. Dahil sa mga sandaling ito, buo na ang aking desisyon na wakasan ang aking buhay kasama ng liham na itong yayakapin ko. Dahan-dahan kong tinupi ang papel na iyon at mahigpit na hinawakan.
Handa na ang aking mga paang umakyat sa limang palapag at pinakamataas na parte ng aming tahanang nakasangla rin sa mga Delos Reyes. Sana ang aking kamatayan ay magsilbing paraan para magbago ang aking ama at pahalagahan din niya ang isang tulad kong galing sa sarili niyang mga laman.
“Wala akong ibang hangad kung hindi ang mahalin din ako ng aking ama at pahalagahan kagaya ng pagmamahal na ibinibigay niya sa aking mga kapatid. Na sana ay mapagtanto niyang sa aking paglisan ay matutunan sana niyang maging tagapakinig at huwag pairalin ang pagmamahal sa salapi. Na sana ay maging dahilan ako ng kaniyang pagbabago.”
Isiniwalat ko ang mga katagang iyon sa aking isipan na puno ng kalungkutan. Yakap-yakap ko na ang nakatuping papel sa aking dibdib nang mga sandaling iyon at nagbitaw ng huling pamamaalam ang aking isipan para sa aking pinakamamahal na si Corazon.
"Perdona y di adiós, lo siento. Te quiero mucho, Corazón. (Patawad at paalam, irog ko. Mahal na mahal kita, Corazon.)"
Ipinikit ko na ang aking mga mata. Habang yakap-yakap ang nakatuping papel sa aking dibdib ay malaya ko nang pinakawalan ang aking sarili sa pagtalon sa ikalimang palapag ng aming tahanan. Subalit, sa aking pagtalon, kahit nakapikit ay tila may biglang lumitaw na liwanag, na nakasisilaw at nang pinilit kong buksan ang aking mga mata ay nilamon ako ng liwanag na iyon.
...
Gapan, Nueva Ecija
De Los Reyes Road
July 7, 2023
Mariposa Corazon Custodio Point of View
Nasa harapan na ako ng cellphone ko at handang-handa na sanang kumasa sa TKTK challenge ng sikat na Pink Venom nang magawi ang aking beautiful eyes sa kalangitan at nasilaw ako sa isang liwanag na hindi ko alam kung ano. At mulagat ang aking mata nang may isang bagay na bumagsak sa aking harapan.
“Anong ginagawa mo sa akin? Isa kang binibining walang respeto!”
Ang kaninang gulat na gulat kong mukha ay napalitan ng pagkainis dahil sa mga salitang binanggit nito. May saltik yata sa ulo o nabagok kaya iba ang tono ng kaniyang pananalita. Wala itong pakialam sa nangyari. Hindi pa niya naramdaman ang pagdikit ng aming mga labi?
“Pers kiss ko iyon. Pers kiss! Nanggigigil ako!” inis na inis kong turan sa isipan. Kaya naman ay nagsalita na rin ako para pagalitan siya.
“Excuse me, sir! Parang kasalanan ko pang dumikit ang iyong katawan sa akin at niyakap kita? Hindi ba at ikaw ang unang nagpakita ng motibo?” hindi ako patatalo. Amazona kaya ang isang tulad ko. Humanda talaga siya sa akin. Kinindatan ko pa siya nang mga oras na iyon.
"Napakalalim ng iyong mga salita, Binibini. Saang panahon ba ako ngayon? Hindi ba ito taong labingwalo at siyamnapu at siyam?" Palipat-lipat ang tingin niya sa akin. Kulang na lang ay maghiwalay ang mga mata nito sa katititig ko sa kaniya. "Bakit mo ako kinikindatan? Isang kahihiyan para sa aming kalalakihan na gawin mo iyan. Gumalaw ka nang naaayon sa iyong edad, Binibini."
"Isa ka bang alien na mula sa ibang planeta? O isa ka bang manlalakbay na nagmula sa ibang panahon, kaya nakakapagsalita ka ng ganiyan sa aking harapan, Ginoo? Ooooo 'di ba? Akala mo ikaw lang ang marunong magsalita ng malalalim na Tagalog. For your information, sir, nasa 2023 po kayo. Babae na po ang kumikindat ngayon. Sa guwapo mong iyan, malamang nahubaran ka na ng mga nakatingin sa iyo ngayon," patawang sabi ko naman sa kaniya na balak ko sanang kilalanin dahil sa mestisong kutis nito.
"Wala akong maintindihan sa iyong mga tinuran, Binibini. Ako'y kailangang bumalik na sa aking casa. Maiwan na muna kita rito," sadyang hindi nga nito naintindihan ang mga sinabi ko kaya, umiwas agad ito. Mukhang seryoso ito sa pagsasabing mula sa taong labingwalo at siyamnapu at siyam siya nanggaling. Tinalikuran na niya ako at dahil hindi ako ang tipong umaatras sa laban, sinigawan ko ito nang malakas.
"Hoy! Hindi pa tayo tapos. Panagutan mo ang paghahalik mo sa akin nang walang permiso. Magbayad ka. Magbayad ka!"
Halos atakihin sa puso ang binata nang marinig niya ang mga katagang iyon mula sa akin. Hindi ko naman akalaing sa pagsisigaw kong iyon ay siya namang pagkawalan nitong malay. And guess what, toda rescue ang person ninyo para lang hindi bumagsak ang ulo sa konkretong kinatatayuan ko.
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.