Kabanata Kinse: Nakadungaw Sa Bintana

1155 Words
San Isidro, Gapan 12 de Julio, 1899 Corazon’s Point of View Mahigit isang linggo na ang nakalipas. Ako ay palagiang nakadungaw sa aking bintana sa loob ng aking silid. Sa isang dahilan. At iyon ay muling masilayan ang mukha ng babaeng malaki ang puwang sa aking puso. Pagkat dahil sa kaniya ay napagtanto kong may mga bagay sa aking panahon na hindi na maaaring maibabalik pa kung tinuloy ko ang pagpapatiwakal. “Nasaan na kaya siya ngayon? Guni-guni ko lamang ba iyon? O totoo ang kaniyang presensya?” malimit kong tanong sa aking isipan buhat nang guluhin niya ang aking isipan. Dahil din sa kaniya ay unti-unti ring nanumbalik ang dating ako. Ang dating masiyahin at masiglang si Corazon. Noong mga nakalipas na mga araw ay hindi ako lumalabas sa aking silid. Hinahayaan ko lamang na bukas ang pintuan ng aking silid dahil hindi ko rin naman mapipigilan ang aking ama na minu-minuto ay naririnig ko ang boses niyang inuutusan ang aking bunsong kapatid na si Trinidad na tingnan ako sa aking kuwarto. “Trinidad! Trining! Pinuntahan mo na ba ang ate Corazon mo?” dinig ko na namang tanong niya sa baba. “Ama, kani-kanina mo lang po ako inutusan na puntahan ang ate. Mabuti naman po ang kaniyang kagalayan sa taas,” sagot naman ng aking bunsong kapatid. “Ginalaw niya ba ang mga pagkaing dinadala mo roon sa kaniyang silid?” muli na namang tanong nito. Napailing na lamang ako kasi malakas talaga ang boses ng aking ama. Ako na ang nahihiya sa mga kapitbahay kong mga hayop at mga halamang nakapaligid sa aming tahanan sa labas. “Opo, ama. Kung ang susunod mo pong tanong ay kung bukas po ba ang pintuan ng silid ng ate Corazon, uunahan ko na po kayong sagutin na hindi po isinasara ni ate ang pinto dahil sa ingay po ng bunganga ninyo, ama,” pabirong sagot naman ni Trinidad. Lihim na lamang akong napahagikgik sa aking silid habang nanatili pa ring nakadungaw mula sa bintana. “Estoy enojado, Trining (Galit na ako, Trining). Ayusin mo ang iyong pananalita,” lalo pang tumaas ang boses ng aking ama dahil sa pagbibirong iyon ng aking bunsong kapatid. “Hay naku, ama. Ang mabuti pa ho ay lumabas po kayo sa veranda at tumingin sa taas. Doon makikita po ninyo ang tala este si ate Corazon na nakadungaw sa kaniyang bintana. Maiiwan ko na ho kayo rito, ama dahil kailangan ko na ring maningalang-pugad este maglalaba sa likuran ng ating bahay, sa ating poso. Adios.” Hindi ko man nakita ang ekspresyon ng mukha ni Trining pero alam kong namumula na ang mga tainga nito sa inis kay ama. Hindi na bago sa akin ang ganoong eksena ng aking kapatid dahil ito lang naman ang palabirong hindi ko alam kung kanino nagmana. Hindi ko na muli pang narinig ang salpukan ng dalawang boses sa ibaba. Bumalik ang aking isipan sa labas ng bintana. Kung makakabulong lang sana ang hangin Kung makagparamdam lang sana ang mga ulap, Kung makakapagsasalita lang sana ang mga halaman at mga bulaklak, Matagal ko na sanang natagpuan ang sagot sa isang linggo kong katanungan. Idinaan ko na lamang muna sa pagtutula ang bumabagabag sa aking isipan. Matuling lumilipas ang mga araw at sa halos isang linggong nakalipas ay masasabi kong kahit paano ay nawaglit sa aking isipan ang sakit at pangungulila sa aking mahal na si Isagani. Kung ang iyong paglisan ay magiging aking katatagan, Bakit ko hahayaang liparin ito ng nakaraan at harangin sa aking kasalukuyan? O ipagsawalang-bahala na lamang ang lahat ng masasayang alaalang naiwan, Kung makapagpapatuloy naman ako sa aking hinaharap, na nananatiling naglalakad ng matuwid sa aking harapan? Hindi natatapos sa isang lalaki ang buhay ko. Bagama’t naroon pa rin ang katiting na pag-asang darating ang panahon na muli ko siyang masilayan at marinig ang tunay na katotohanan mula sa kaniya, binubuhay naman ako ng mga katagang tumatak sa aking isipan ng babaeng hindi ko pa alam kung saan ang pinagmulan. Dalangin ko sanang muli kaming magkita pagkat marami akong katanungang nais na malaman mula sa kaniya lalo na ang suot na kwiintas nitong kawangis na aking nakasabit sa aking leeg. Sa ngayon ay pagtutuunan ko na lamang pansing ibalik pa ang dating ako at ituon ang aking isipan sa mga bagay na may katuturan. Gaya na lamang ng pag-awit o paghahalaman sa labas ng aming bahay. ... Gapan 2023 Present Day Maritoni’s Point of View “Mahabaging langit este, Isagani! Hoy! Anong ginagawa mo riyan sa palayan?” Malakas kong sigaw sa kaniya. Nakaluto na ako ng aming pananghalian pero hindi pa rin siya pumapasok sa loob. Kanina ko pa hinahanap ang kaniyang presensya para naman kahit paano ay may rason pa ako o ganahan na magluto habang may umaamoy sa aking kili-kili este sa bango ng aking nilutong adobong manok. Ang hirap kayang magkatay ng native na manok. Hindi man lamang ako tinulungan. Tapos malaman-laman ko lang nasa palayan pa rin siya at ito may ginagawa. “Paumanhin, Mariposa. Napansin ko lamang na malalaki na ang mga damo sa inyong palayan. Naisipan kong bunutin sila isa-isa. Papayagan mo naman ako, hindi ba?” sagot nito habang ako naman ay tuloy-tuloy sa paglalakad hanggang sa makalapit ako. Parang gusto kong tawagin ang lahat ng mga pangalan ng sinasamba ko dahil sa aking nakikita. Namumutok na naman ang pandesal kasi ni Isagani. Napakagat pa ako sa aking daliri nang mga oras na iyon at pilit pinipigilan ang nararamdaman. Idagdag pa ang pamumuo ng aking mga pawis sa aking noo. “Kanina pa natapos ang agahan, Isagani. Bakit nagpapakita ka ng pandesal? Walang keso de bola rito ha? Hindi pa December,” sagot ko at ibinaba pa ang aking tingin sa pawis nitong mukha na may nakatali pang damit nitong pang-itaas sa ulo. Ginawang headband lang ang shirt? Nang makita kong napakamot siya sa ulo, doon ko lamang napagtantong may mga salita pala siyang hindi naintindihan. Mabuti na lamang at hindi niya naintindihan kung ano ang ibig ko ng pandesal, kaya lunok-laway na lamang ang ginawa ko at inayos muna ang aking sarili. Itinali ko nang maayos ang akin g buhok saka hinarap ang half-naked na si Isagani. Naku naman, baka hindi ako mapagpigil. At upang kontrolin iyon ay nagpakawala ako nang ilang beses na malalalim na buntong-hininga saka ipinaliwanag sa kaniya. “Ang ibig kong sabihin, Isagani ay maaari mo namang gawin iyan o balikan kapag tapos ka nang kumain. Pumunta ka na lamang muna sa poso at maligo este maghugas ng iyong kamay dahil nakahanda na ang ating tanghalian. Okay?” Pagkatapos kong sabihin iyon ay tumalikod na ako at nagpatinterong nagmamadaling maglakad patungo sa pintuan sa harapan para makapagpahangin muna dahil sa init na aking nararamdaman. ... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD