Kabanata Bente: Sino Ang Babae sa Kabilang Linya?

1226 Words
Concepcion del Antigo Present day, 2023 Isagani’s Point of View “Baka naman guni-guni mo lang iyon, Isagani? Lumang-luma na ang teleponong hawak mo. Saka tingnan mo kung anong taon ito. 1899?” sagot ni Mariposa. Ikinagulat niyang makita ang taon sa likurang bahagi ng teleponong hawak niya. “Oh my goodness. What is the meaning of this?” “Totoo ang aking salaysay, Mariposa. Hinawakan ko lamang ang hawakan saka inilagay sa aking tainga at sinubukang pakinggan nang bigla na lamang akong makarinig ng isang tinig,” hindi ako mapakali kaya, sinusubukan ko pa ring ipaliwanag nang maayos kay Mariposa ang ibig kong sabihin. “At hindi ako nagsisinungaling kung iyan ang iniisip mo, Mariposa.” Nakapamaywang na ito sa harapan ko. Kitang-kita ko rin ang pag-usok ng ilong nito at pagpapakawala ng malalalim na buntong-hininga matapos ingatang ilapag ang telepono sa kung saan ito nakalagay. Ramdam ko ang gumugulo sa kaniyang isipan. Maging ako man ay hindi makapaniwala o mas tama nga bang sabihin na isa lamang iyong gawa o katha ng aking isipan? Pero hindi e. May narinig talaga ako. “Gusto mo bang subukan kong muli na ilagaya sa tainga ko ang telepono saka pakinggan kung may nagsasalita sa kabilang linya?” pilit kong sabi. Pinipilit na paniwalaan niya ako. Nakataas na rin ang kilay nito na tila baga ay maiinis na sa aking mga sinasabi. “Hindi sa hindi kita pinaniniwalaan, Isagani pero kasi... lumang-luma na o old na itong telepono. Kaya nga ito tinawag ng tindahan ng mga antigo kasi dito natin makikita ang mga bagay ng ating mga kanuno-nunuan. Sa madaling sabi ay parang maliit na museo ito dito sa Gapan. Siguro naman ay naiintindihan mo ang aking mga sinabi?” Alam ko ang gusto niyang tumbukin. Na baka nasisiraan ako ng bait at gawa-gawa ko lamang ang mga ito. O baka iniisip niyang dahil hindi ko alam kung paano ako makababalik sa aking panahon ay gumawa ako ng sarili kong kuwento gamit lamang ang aking imahinasyon. “Itinataya ko ang pangalan ng aking angkan sa taong labingwalo at siyamnapu’t siyam, Mariposa. Tunay ang aking mga tinuran. Hindi ako gumagawa ng kuwento o kung anuman ang iyong iniisip. Hindi kaya ito ang sinasabi ng matandang nagngangalang Don Lucio?” muli kong sinubukang ipasok sa kaniyang isipan ang mga nais kong ipabatid ngunit, tila naguguluhan pa rin siya. Napailing na lamang ako at napakamot sa aking ulo habang tinitingnan ang telepono sa aking harapan. “Nandoon na ako, Isagani. Pero, hellow. Nasa 2023 ka. Nasa panahon ka na hindi mo alam ang salitang traysikel, GenZ, o kahit ang salitang bully o crushes ng mga dalagitang nagkakagusto agad sa mga lalaking kagaya mong may hitsura o guwapo. Pero hindi ang iyong kaguwapuhan ang punto ko ha? Mas mabuti pang lumabas na lamang muna tayo sa antique shop na ito dahil malapit na akong masiraan ng bait sa mga nangyayari sa akin at sa mga nasasaksihan ko,” aniya at akmang maglalakad na patungo sa labasan nang magsalita ako. “Maiiwan na muna ako rito, Mariposa. Pakiusap. Iyan lang muna ang aking pakiusap sa iyo. Hintayin mo na lamang ako sa labas o maaari mo rin akong balikan rito kapag humupa na ang init ng iyong ulo,” sabi ko sa kaniya at sumenyas na lamang ito saka nagtuloy-tuloy sa paglalakad palabas. Nang mawala na siya sa aking paningin ay siya namang pagbaling ko sa teleponong nasa aking harapan. Pinagmamasdan ko ito na parang inuudyukan akong lapitan siya. Na hawakan siyang muli. Na siguruhin sa isipang totoo ang aking narinig. Bago ko hawakan ang hatinig (lumang tawag sa telepono) ay tuming muna ako sa aking kaliwa at ganoon rin sa kanan upang matiyak na walang naroroon maliban sa akin. Nang wala namang nagagagawi sa parte kung saan ako nakatayo ay binalikan ko ang hatinig at dahan-dahang hinawakan ang hawakan. Marahan kong inilapit ito sa aking kanang tainga at naghintay na may magsalita sa kabilang linya. “¿Hola, quién eres? (Hello, sino sila?)” sabi ng nasa kabilang linya. Nagulat na naman ako at ibababa na sana ang telepono nang muli siyang magsalita. “Kung hindi ka nakakapagsalita, ipakiusap mo na lamang sa iyong kapatid na kausapin ako. Marami pa akong dapat na gagawin.” Dahil sa mga tinuran nito ay pautal-utal akong sumagot at unang pumasok sa aking isipan kung ano ang kaniyang pangalan. “Paumanhin, binibini. Nais ko lamang malaman ang iyong pangalan.” “Ang paghihingi ng walang permiso sa aking pangalan ay hindi ko pinahihintulutan, ginoo o kung sino ka man. Pagkat mahigpit na ipinagbabawal sa amin na magbigay ng detalye sa hindi namin kilala o kaano-ano,” pamilyar ang boses at tono ng kaniyang pananalita nang mga oras na iyon, kaya hindi ko pa ibinababa ang hatinig na hawak ko. “Paumanhing muli. Hindi ko sadyang gambalain ka sa anumang iyong ginagawa, binibini. (Tu voz es muy similar a la de mi novia llamada Corazón.) Ang iyong tinig ay katulad na katulad sa aking nobyang nagngangalang Corazon,” sagot ko at sabay sambit ng pangalan ng aking nobyang si Corazon. Pansamantalang katahimikan ang namayani sa kabilang linya. Tanging mahihinang paghinga lamang niya ang aking napapakinggan nang mga sandaling iyon. Marahil ay nagtataka na ito sa aking pagkakakilanlan, kaya naman upang hindi na siya istorbohin pa ay magalang akong nagpaalam sa kaniya. “Kung nakikinig ka pa binibini, patawad sa aking pang-aabala. Ibababa ko na lamang ang hatinig na ito. Hanggang sa muling pagtawag ko sa iyo. Ako nga pala si Angelito Isagani. Muli, ay maraming salamat at paalam.” Ibinaba ko na nga ang hatinig o teleponong hawak ko at laylay ang balikat na nagpakawala ng malalalim na buntong-hininga. Nang lilisanin ko na ang parteng iyon ay mukha ng namumukhaan kong si Don Lucio ang aking nakita. “Alam kong nagkaroon ka na ng koneksyon sa iyong pinanggalingan, Isagani. Ngunit, hindi mo maaaring ipilit ang anumang koneksyong mayroon ka sa panahon mo sa kasalukuyan kung saan naroon ka. Tandaan mong sa pagpupumilit mong hanapin ang kasagutan sa iyong mga katanungan, may isang magpaparaya at may isang magwawakas.” Heto na naman siya sa mga malalalim niyang salita. Magtatanong pa sana ako nang bigla ko na lamang narinig ang boses ni Mariposa. “Tapos ka na sa pagmumuni-muni sa telepono rito, Isagani?” tanong niya at nang lingunin ko ang kinaroroonan ng matandang si Don Lucio ay nawala na ito sa aking paningin. Napakabilis naman niyang maglaho. “May nakasalubong ka bang matanda, Mariposa?” tanong ko na lamang sa kaniya. “Dito sa loob? Wala naman. Pero kanina nang lumabas ako meron. Si Don Lucio,” sagot niya at napanganga na lamang ako sa aking narinig. “Kung ganoon ay nakausap ka rin niya. Maari na tayong umalis sa tindahan ng mga antigong ito,” sabi ko na lamang upang iwaksi ni Mariposa sa isipan ang aking nasabi. Hindi ko na sinabi sa kaniya na babalik pa ako rito. “Babalikan kita. Alam kong tinig mo ang aking narinig, Corazon. Babalik ako sa Concepcion del Antigo, muling tatanunging ang iyong pangalan. Kakausapin hanggang makatiyak akong hindi guni-guni o imahinasyon lamang ang aking mga narinig.” .... DISCLAIMER: Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD